Chapter 9

2056 Words
GUSTONG magsisi ni Althea sa lahat ng sinabi niya kay Dimmitry. Hindi siya ganoon ka-insensitive na tao. Nainis lang talaga siya kaya niya nasabi ang mga bagay na iyon sa binata. Mas lalong hindi siya mapang-mata sa estado sa buhay ng kanyang kapwa. "D-Dim…" Sinubukan niya itong tawagin para pigilan ito sa pag-alis pero nilingon lamang siya nito sandali. Bakit may pakiramdam siya na siya ang nasasaktan sa nakikitang sakit na bumalatay sa mukha ng binata? Gusto man niyang humingi ng paumanhin dito ay hindi naman niya alam kung ano ang sasabihin. Afterall, totoo naman na siya ang amo at ito ay tauhan lang nila. "Kumain ka na diyan. Maglalakad-lakad lang ako sa gawi doon. Maghahahanap na rin ako ng tao na pwedeng tumulong sa atin kung paano makakaalis dito. Kailangang makaalis tayo dito sa lalong madaling panahon. Mahirap na, baka mamatay ka pa dito sa takot dahil sa presensiya ko." Ramdam niya ang sarkasmo sa tinig ng binata. "D-Dim…" Ngunit hanggang mapaloob na sa loob ng kadawagan si Dimmitry ay hindi niya natagpuan kung ano ang nararapat niyang sabihin. Gusto sana niyang makabawi sa lahat ng nasabi niya pero pinangunahan naman siya ng hiya. LUMIPAS ang mahabang sandali. Nilalamon na siya ng takot at pangamba dahil madilim na ay hindi pa rin bumabalik si Dimmitry. Kung Anu-ano ng masasamang pangyayari ang pumapasok sa kanyang isip. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya inabot ng dilim sa gubat at mag-isa pa siya. Tanging liwanag ng buwan ang tumatanglaw sa kanyang kinaroroona. Sa gubat naman na pinasok ni Dimmitry kanina ay laganap na ang dilim, palibhasa'y maraming puno kaya walang puwang ang liwanag ng buwan. Wala ring ibang maririnig kung hindi ang pagbagsak ng tubig sa talon pababa sa ilog, at ang huni ng iba't ibang kulisap sa paligid. "Saan ka ba nagpunta, Dimmitry?" Sa ibabaw ng batuhan ay hindi na siya mapakali. Nandoong umupo siya, maya-maya ay tatayo pagkatapos ay uupong muli. Kung saan siya iniwan ni Dimmitry kanina ay hindi siya umalis. Kung iyon lang ay mas safe siya roon pakiramdam niya. Kung papasok siya sa gubat at susundan ang binata ay baka matuklaw pa siya ng ahas. At kung babalik naman ito ay para mas mabilis siyang makita. Palinga-linga siya sa paligid sa pag-asang bigla na lang susulpot si Dimmitry sa paligid at may dala na namang pagkain. Kung sabagay ay hindi naman siya nagugutom. At kung sakaling nagugutom man siya ay hindi naman niya gustong kumain. Mas gusto niyang maghintay sa pagbalik ni Dim. Ang isipin kasi na nag-iisa lang siya sa madilim na bahaging iyon ng isla ay nagdudulot ng kung anu-anong nakakatakot na guni-guni sa kanyang diwa. Bukod sa takot siya sa ibang tao, takot din siya sa dilim. Lumipas pa ang sandali pero matiyaga pa rin siyang naghintay. Ngunit hanggang sa lumalim na ang gabi ay wala pa ring Dimmitry ang dumating. Mas tumindi pa ang takot na kanyang nararamdaman nang makarinig ng mahihinang kakuskos sa kanyang likuran. Halos mawala sa pwesto ang kanyang puso sa lakas ng t***k niyon. Ang pinipigil niyang panginginig ay tuluyang kumawala dahil sa matinding takot. Pumikit siya at umusal ng dasal na sana ay si Dimmitry na iyon. Nanatili siya sa ganoong ayos ng ilang segundo. At nang sa wakas ay imulat niya ang mga mata, bigo man siyang ang binata ang makita ay nakahinga pa rin siya ng maluwag, nang isang kuneho lang ang makita niyang nakatunghay sa kanyang harapan. Mukhang tama naman si Dim na walang mababangis na hayop roon. Nag-umpisang mamigat ang kanyang mga talukap. Nang makaramdam siya ng antok ay pabaluktot na nahiga siya sa ibabaw ng malamig na batuhan. "Mama, Papa, ayoko mang isipin, pero, sana pala hindi ko na lang binago ang pananaw ko. Sana, itinali ko na lang talaga sa Isla Del Fuego ang sarili ko habang-buhay," piping bulong niya sa isip habang nagsisimula ng maglandas sa kanyang pisngi ang mga luha. Pero maya-maya ay naisip niya, wala na rin namang magagawa ang kanyang pag-iyak. Nandito na siya sa sitwasyong halos kapareho ng bangungot noong siya ay maliit pa. Hindi na niya maibabalik pa ang lahat. Nakatulugan niya ang pag-iyak. NAGISING si Althea sa ingay ng along humahapas sa batuhan. Akala niya noong una ay nananaginip lang siya pero hindi. Totoong nasa tabing dagat na siya at wala sa lugar kung saan siya unang nagkamalay, buhat nang napadpas sila dito. "Ha?" Napabalikwas siya ng bangon. Inilinga niya ang mga mata sa paligid. Totoong wala na nga siya sa harap ng talon. Ang kinaroroonan niya ngayon ay mismong harap ng dalampasigan. At hindi na siya sa malamig na batuhan nakahiga. Bagkus ay sa ilang patong na damong magalas at nabububungan ng mga dahon ng niyog. "Dim!" tawag niya nang maalalang ito lamang at walang iba ang posibleng naglipat sa kanya roon. Pero wala siyang narinig na pagtugon. Bahagya niyang inilabas ang sarili sa kinasisilungan. Noon niya natanaw mula sa kinaroroonan ang isang malaking lalaki na hubad-baro habang nakalusong sa dagat. May hawak itong tila mahabang kahoy ay isinisibat nito sa tubig. Nang angatin nito iyon ay may makaing isda na nakatusok sa dulo. Napangiti siya nang makilalang ang lalaking kanyang natatanaw ay walang iba kung hindi si Dimmitry. Aliw na pinanood niya ang ginagawa nito, habang hindi siya aware na nakatitig na pala siya sa binata. Kaylapad ng katawan ni Dim, matikas ito kung tumindig. Para itong isang Greek God na siguradong palagi sa kanyang ginagawa. Iyong tipong, hindi nagkakamali at hindi sasablay. Mula sa kinauupuan ay tanaw niyang mga muscles nitong nasa tamang pwesto. Sabagay ay alam naman niyang alaga ni Dim ang sarili sa pagwo-work-out sa gym ng resort kapag din lang wala itong trabaho. "Dim, hindi mo rin ako natiis. Nagawa mo pa akong igawa ng higaan." Wala sa loob na nahaplos niya ang makapal na damong hinigaan. Ngayon ay alam na niya kung bakit natagalan itong bumalik kagabi. Iyon ay dahil iginawa pa siya ng binata ng komportableng mahihigaan. Lalo tuloy siyang na-guilty sa lahat ng pangit na pinagsasabi niya rito. Magaspang ang higaan sa kanyang palad. At sa totoo lang ay hindi siya hihiga roon kung mayroon lamang siyang pagpipilian. Pero ang isiping ginawa iyon ni Dimmitry para sa kanya, parang gusto niya biglang kiligin. Maya-maya ay nakita niyang paahon na mula sa tubig ang binata. Bahagya pa itong nagulat nang matanawan siyang nakaupo na siya sa loob ng kubol at nakatanaw dito. Gusto sana niyang mag-iwas ng tingin. Nahihiya kasi siya sa lahat ng pinagsasabi niya kagabi sa binata. Baka mag-away na naman sila. Tuluyan itong umahon mula sa tubig. Nang makalapit itong ganap ay saglit muna siyang tinapunan ng tingin, pagkatapos ay dumiretso sa siga na nakita na niya kaninang may baga pa. "Hintayin mo na itong inihaw para makapag-almusal ka. Saging na lang ang mayroon tayo pero baka kapag inuna mo 'yon ay sumakit naman ang tiyan mo," kaswal nitong wika na hindi na sa kanya nakatingin. Simpleng salita lang ang mga iyon mula kay Dimmitry pero parang musika na sa kanyang pandinig. "S-sige." Inut-inot siyang tumayo mula sa pagkakasalampak sa mga dayami para lumapit dito. Tumayo siya ilang hakbang mula rito. Naayos na ni Dim ang baga at naipatong na nito roon ang tatlong malalaking isda na nahuli. "S-saan ka ba galing kagabi?" Kahit naiilang pa rin ay nagawa niyang itanong para lang may mapag-usapan sila. Mas naiilang kasi siya kapag tahimik silang dalawa. Napansin niyang bahagyang natigilan si Dim sa ginagawa, bagay na hindi niya alam kung bakit. Siguro ay hindi nito inaasahang maririnig ang tanong na iyon buhat sa kanya. "Nandito lang ako sa labas, gumawa ako ng higaan mo. Ginabi na ako kaya pagpasok ko sa may kasukalan ay tulog ka na. Pasensiya ka na. Hindi ka naman siguro nagutom dahil may saging pa," anito na ipinagpatuloy na ang ginagawa. "Siyanga pala, pasensiya ka na at binuhat kita papunta rito. Wala na kasi akong choice. Baka naman isipin mo na may ginawa akong hindi maganda sa 'yo, ha? Wala." "Dim, wala naman akong sinasabing—" "Huwag ka ring mag-alala, para hindi ka rin nanginginig sa tuwing mapapalapit ka sa akin ay hindi na lang kita tititigan," anito na hindi na nga siya tiningnan. Napabuntong-hininga na lamang siya at hindi na muling nagsalita. "Mabuti pa, doon ka na lang sa kubol, sa malayo sa akin, hintayin mo itong iniihaw ko. Baka mamaya ay manginig ka na naman diyan, kasalanan ko pa," matabang nitong sabi. Ang totoo ay gusto na naman niyang mapikon pero pinakapigil niya ang sarili. Baka kasi makapagsalita na naman siya ng hindi maganda. Baka magalit na naman ito at iwan na naman siya sa bahaging iyon. "Bahala ka nga diyan!" inis niyang sabi saka mabilis na nagmartsa pabalik ng kubol. Nagkasya na lamang siyang panoorin ang bihasang pag-iihaw ni Dimmitry. Iyong feeling na hindi siya magugutom sa islang iyon habang kasama niya si Dim ay damang-dama niya. Para itong isang boy scout at kasalukuyang nasa camping site dahil sanay na sanay itong kumilos sa Isla. Kahit pa sabihing wala halos silang gamit na dala, nagagawa nitong normal ang araw nila dahil sa pagiging madiskarte ng binata. MASARAP ang inihaw na isdang inilapag ni Dim sa harap niya nang matapos nitong lutuin iyon. Natakam siya bigla. Sa wakas ay masasayaran na rin ng karne ang kanyang sikmura. Kumain siya sa loob ng kubol habang si Dimmitry ay sa labas sa di-kalayuan sa kanya. Habang kumakain ay patingin-tingin siya rito. Naiinis siya sa sitwasyon, and yet, parang gusto niyang matawa na hindi niya maintindihan. Parang bata kasi si Dim na nagmamaktol. Alam niyang ang malamig na pagtrato nito sa kanya ay dulot pa rin ng pagkakasampal niya rito kagabi. Pero sana nga ay tampo lang, sana ay hindi galit. Dahil kung nagalit ito sa kanya, hindi malayong gawan siya nito ng masama. "Oh, come on, Althea, hindi masamang tao si Dim. Dahil kung masamang tao siya, iniwan ka na niya ng tuluyan buhat nang umalis siya kagabi. Hindi ka na sana niya binalikan pa! O kaya naman, ginawan ka na niya ng masama kagabi pa!" Hindi pa niya napapangalahati ang kinakain ay lumabas siya ng kubol. Nilapitan niya ang binata na abala pa rin sa pagkain. Gusto lang naman niyang kumustahin kung ano na ang balita sa chopper. "Dim…" "O?" Bahagyang kumunot ang noo nito nang malingunan siya. "May kailangan ka ba?" "Wala naman. Itatanong ko lang sana kung ano na ang nangyari sa radyo ng chopper? Hanggang ngayon ba ay hindi ka pa rin maka-contact." Naupo siya sa dulong bahagi ng batuhan kung saan may ilang dipa rin ang kayo ng binata. "Iyon nga ang problema, e." Umalis ito sa batuhan at pangsamantalang inilapag sa malaking dahon ng saging ang kinakain. "May problema talaga ang radyo. Kahit kaunting signal ay walang masagap. Ni hindi nga nag-i-statics. Iyon namang makina, e, sinilip ko din pero wala naman akong makitang sira." Nagpalakad-lakad sa buhanginan ang binata pagkatapos. Nainis na naman siya bigla. Alam niyang bahagi na naman ng pagmamaktol ni Dim kaya ito tumayo nang lumapit siya. Anong gusto nitong ipamata sa kanya? Na kung takot siyang mapalapit sa ibang tao ay ayaw din nitong mapalapit sa kanya? Hindi tuloy niya na-absorb ang iba nitong sinasabi. Mas naging abala siya sa pagsimangot. "Well, kung nagagalit ka sa akin dahil sira ang radyo at ang makina ng chopper, wala akong magagawa roon." Bahagyang malakas at mataas ang boses ni Dim. Inihinto nito ang palakad-lakad pagkatapos ay nakapamaywang na hinarap siya. "Kung gusto mo, lumangoy ka paalis ng islang ito." "W-what?" Napaawang ang kanyang bibig at awtomatikong napatingin sa mukha nito. "H-hindi naman ako galit, ah" "Hindi galit? Kaya pala sambakol 'yang mukha mo." "P-per—" "Look, siguro nga, kailangan kong dumistansya sa 'yo. Ayoko ng masampal mo, ha?" Pagkawika niyon ay humakbang paalis si Dimmitry. "Dim, saan ka na naman pupunta?" Nakatayo na rin siya at akmang susunod dito. "Naghahanap ng pagkain natin. Bakit? Gusto mo bang siguraduhin na papasok talaga ako sa kagubatan at hindi lang basta magmamanman sa 'yo?" "Dim, ano ba'ng pinagsasabi mo? Hindi naman ako—" "Pakibantayan ang siga, ha? Kapag namatay 'yan at may dumaang barko mas lalo tayong mahihirapan na makaalis pa rito." Iyon lang at tuluy-tuloy ng pumasok sa kasukalan ang binata. Naiwan siyang natitigilan at walang ibang nagawa kung hindi sundan na lamang ito ng tingin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD