-------
***Elara’s POV***
-
“Senyorito Hayden, may problema po ba? Padaanin niyo naman ako. Nakikiusap ako sa inyo,” ani ko kay Senyorito Hayden nang bigla siyang humarang sa aking daraanan.
Halos maiiyak na ang tinig ko. Hindi ko na talaga maintindihan kung bakit patuloy pa rin niya akong ginugulo. Samantalang sariwa pa sa isip ko ang sakit ng mga sinabi niya kahapon tungkol sa akin—kung paanong hinusgahan niya ang pagkatao ko, na para bang ipinaramdam niya sa akin na isa lamang akong babaeng naghahanap ng mayamang lalaki na mag-aahon sa akin mula sa kahirapan.
Bukod sa sakit ng loob, ramdam ko rin ang kaba at takot. Paano na lamang kung may makakita sa aming dalawa sa ganitong sitwasyon? Masyado pa namang tsismosa ang mga kasamahan ko rito sa tubuhan. Kapag may nakita sila, agad nila iyong binibigyan ng kulay at ginagawan ng kwento, makakarating pa nga ang kwentong iyon kahit sa kabilang bayan. Kilalang- kilala pa naman ang mga Castellejos dito sa lugar namin, maraming nagkakainterest sa mga tsismis na tungkol sa kanila.
“Kailangan nating mag-usap ang tungkol sa nakita ko kahapon,” mariin at malamig ang kanyang tinig, habang nananatiling madilim ang kanyang anyo. Para bang may mabigat akong kasalanang nagawa kaya ganoon na lamang ang pagkagalit niya.
“Wala po talagang namagitan sa aming dalawa ni Senyorito Harry. Natapilok lang talaga ako, at wala talaga sa plano ko na pikutin siya,” sunod-sunod kong paliwanag dahil ang tanging nais ko lamang ay tumigil na siya sa pagdududa at pangungulit sa akin.
Aminado akong napakaguwapo niya; oo, crush ko siya, pero mas nanaisin ko na lumayo siya sa akin. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang tunay niyang intensyon, kaya bago pa ako tuluyang matunaw sa mga paglalambing at mapanuksong tingin niya, mas mabuting umiwas na ako. Natatakot akong baka hindi naman pala malinis ang hangarin niya sa akin.
“Iyan po ang totoo. Sana, maniwala na kayo,” mas lalo ko pa siyang kinumbinsi. Aminado ako na nanginginig na talaga pati tinig ko.
Nanatili siyang tahimik, walang anumang salitang lumalabas sa kanyang bibig. Kaya mas lalo akong kinabahan. Ang lakas ng kabog ng puso ko, at paulit-ulit kong itinatanong sa sarili—paano kung hindi siya naniniwala sa akin? Paano kung mas lalo pa niya akong husgahan?
Pero pagkatapos ng ilang segundong katahimikan, nagsalita din naman siya.
“Wala ka naman sigurong gusto kay Harry,” tanong niya, mariin.
Hindi pa rin niya inalis ang titig niya sa akin, at para akong natutunaw sa mapang-akit niyang mga mata. Tila inaakit niya ang puso ko, at iyon ang pinakanakakatakot—baka mahulog na nga ako at mahirapan nang umahon mula rito.
Kailangan kong manatiling kalmado at maging kaswal lang. Hindi niya pwedeng mahalata na may kakaiba akong naramdaman sa kanya. Lihim muna akong napalanghap ng hangin saka ako nagsalita muli.
“Gusto ko si Senyorito Harry bilang tao, bilang isang mabuting kaibigan, pero kung iba ang tinutukoy niyo—wala po talaga. Wala sa plano ko ang mamikot sa kanya. Hindi ko kayang gawin iyon,” mariin kong tugon, umaasang maniniwala na siya.
“Siguraduhin mo lang, Elara, dahil iba akong magalit. Ang akin ay akin. Tandaan mo iyan,” mariin niyang sabi, na tila ba may halong pagbabanta ang bawat salita.
Napalunok ako nang marinig iyon. May kakaibang dating sa akin ang mga sinabi niya. Ayaw ko sa pakiramdam na ito, pero bakit parang natutuwa pa ang puso ko. Bakit ba ganito ang nararamdaman ko? Hindi ko gusto ang naramdaman ko pero tila pinaliligaya naman nito ang puso ko.
“Sige po, Senyorito Hayden. Tatandaan ko iyan,” pagsang-ayon ko na lamang para matapos na ang pag-uusap naming dalawa at hindi na niya ako haharangan para makadaan na ako. Ayaw ko nang may makakita pa sa amin at magsimulang gumawa ng kwento. Masyadoi yon nakakahiya sa mga Castellejos. “P-Pwede na po ba akong umalis? Kasi marami pa akong trabahong naiwan na kailangan kong tapusin.”
“Okay. Pero mangako ka na — pupunta ka mamayang gabi sa may batis. Hihintayin kita doon.”
“A- Ano po? Hindi po ako pupu—”
“Hihintayin kita doon, Elara. Kung hindi mo ako pupuntahan sa may batis, talagang pupuntahan kita sa bahay niyo.” Aniya, na agad nagpausbong ng takot sa puso ko.
Hindi. Hindi siya pwedeng pumunta sa bahay namin. Ano na lang ang iisipin ng ibang tao?
“O- Opo. Pupupunta ako, Senyorito Hayden.” Napipilita akong pumayag. Natatakot ako na baka gagawin nga niya ang banta niya. Pakiradam ko siya pa naman yong klase ng tao na hindi nagbibiro.
“Good.” Ngumiti siya, ngunit hindi pa rin nawala ang pagiging estrikto ng mukha niya — para bang siya ang uri ng tao na kailangang nasusunod ang lahat ng gusto niya.
Nakahinga ako nang bahagya nang tumabi na siya at makadaan na ako. Mabilis ang mga hakbang ko habang lumalampas sa kanya; nanginginig ang mga tuhod ko at mabilis ang t*bok ng puso — para bang may naghahabulan na mga daga sa loob ng dibdib ko.
Nakahinga ako ng maluwag nang makalampas na ako sa kanya. Malalaki ang mga hakbang ko palayo at baka habulin pa niya ako.
Pagbalik ko sa tubuhan, agad napansin ang maraming tingin na nakatuon sa akin. Hindi ko alam kung ano ang iniisip ng mga kasamahan ko, kaya hinayaan ko na lang sila. Lagi naman silang ganyan. Sigurado naman ako na walang nakakita sa aming dalawa ni senyorito Hayden.
Pagkatapos din ng ilang oras, natapos na rin ang buong araw na pagtatrabaho namin sa hacienda. Habang ang iba ay sabik nang umuwi para makapagpahinga, iba ang naramdaman ko — tila ayaw kong umuwi. Alam kong masisira lang ang mood ko sa bahay dahil nandun na naman si Daisy. Wala pa naman siyang ibang gustong gawin kundi ang awayin ako. At inggitin sa kung paano siya tratuhin ni inay na mas higit pa kaysa sa akin.
Kanina nag-abset si inay para samahan si Daisy sa enrollment. Talagang naiinggit ako dahil ni minsan… hindi nag- absent si inay sa trabaho para sa akin. Kahit ang mga mahahalagang pangyayari sa buhay ko, tulad ng graduation ko noong elementarya, wala akong kasama dahil kailangan niyang magtrabaho. Lagi niyang sinasabi na para rin daw iyon sa kinabukasan ko — kailangan daw niyang magsikap para sa akin.
Pero---- inuuna naman niyang inisip ang kinabukasan ni Daisy kaysa sa akin. Bakit lagi na lang niyang inuuna ang kapakanan ni Daisy kaysa sa akin na anak niya?
Umupo ako sa loob ng kubo dito sa tubuhan at hinayaan kong tumulo ang mga luha ko. Sunod- sunod ang pagpatak ng mga luha ko habang iniisip ko ang mga hinanakit ko kay inay. Habang lumalaki ako, aminado akong tumitindi din ang sama ng loob ko sa kanya. Minsan inisip ko na napakasama kong anak kasi nagkimkim ako ng hinanakit sa ina ko pero masisisi ba ako kung mula pa noong bata ako, hindi ko man lang naramdaman ang mainit na kalinga niya bilang ina ko. Lumaki akong naiinggit sa ibang bata. At nung nagsama na sila ni tiyo Gomer at naging anak- anakan niya si Daisy, mas lalo kong naramdaman ang malamig na trato ng aking ina. Para bang mas lalo siya lumalayo sa akin.
Namimigat ang dibdib ko. Pakiramdam ko darating ang araw na sasabog na lang ako. Iyon ang ayaw ko sanang mangyari kaya ako na ang umiwas. Ako na ang tumahimik. Dahil ako lang din ang masasaktan kung ilalabas ko ang nilalaman ng dibdib ko.
Tumayo na rin ako. Wala naman akong magagawa kundi umuwi. Mabibigat ang bawat hakbang ko—ayaw ko talagang umuwi muna sa bahay—kaya parang wala talaga ako sa tamang pag-iisip habang naglalakad. Hindi ko tuloy mapigilan ang mapapitlag sa pagkabigla nang may humintong kabayo sa gilid ko. Agad akong napatingin sa kung sino ang nakasakay dito, at si Señorito Hayden ang sumalubong sa paningin ko. Muli, naramdaman ko ang kakaibang kaba na sa kanya ko lang naramdaman; tila nagwawala na naman ang puso ko.
“Sumabay ka na sa akin,” paanyaya niya sa akin.
“Naku, salamat na lang po, Señorito Hayden. Hindi po ako pwedeng sumabay sayo.” Agad kong tanggi at sinabayan ko pa ng pag-iling. “Malapit lang naman ang amin. Kaya ko namang lakarin.”
Ngunit mukhang hindi niya nagustuhan ang pagtanggi ko, dahil napaigting ang kanyang panga, na para bang biglang sumama ang kanyang mood.
“Alam mo bang wala pang babae ang nakakatanggi sa akin. Naiiinis ako pag tinatanggihan. Lahat ng gusto ko, nasusunod at nakukuha ko.” aniya sa mariin na tinig.
Naninigas na naman ako. Hindi ko alam ang gagawin. Nakatitig lang ako sa kanya, iniisip kung tatakbo na lang ba ako. Ngunit… bago pa ako nakapagdesisyon, mabilis siyang bumaba mula sa kabayo—at hindi ko napigilan ang sarili ko nang bigla niya akong isinampa sa likod nito na para bang papel lang ang bigat ko.
Bumilis ang t*bok ng puso ko habang sumakay rin siya sa likod ng kabayo. Kay bilis ng mga pangyayari; hindi man lang ako nakabawi sa sunod-sunod na pagkabigla. Natatakot ako lalo na ng paandarin niya ang kabayo.
Kahit lumaki ako dito sa hacienda, pero wala talaga akong karanasan sa kabayo. Natatakot ako sa mga ito lalo na ngayon na nakasakay ako mismo dito.
Nakakatakot. Paano kung ihulog ako ng kabayo? Ang daming scenario na pumapasok sa isip ko habang nasa likod ako ng kabayo at tumatakbo ito. Hindi ko halos maramdaman ang paghinga ko dahil sa kaba na naramdaman ko.
“Humawak ka sa akin. Yakapin mo ako sa baywang, baka mahulog ka,” ani ni senyorito Hayden. Ginawa ko naman talaga ang sinabi niya kahit pa naiilang ako. Mas mahalaga sa akin ang sarili kong kaligtasan kaysa hiya na naramdaman ko.
“Ibaba mo na ako, Señorito. Kaya ko namang maglakad,” bulong ko, umaasang makikinig siya. Ngunit hindi siya tumigil; bagkus, mas lalo niyang pinabilis ang galaw ng kabayo. Mas humigpit ang pagkakayakap ko sa kanya.
Napansin kong ibang daan na ang tinahak namin—hindi ito papunta sa bahay. Kinakabahan ako, hindi lamang dahil sa takot sa kabayo kundi dahil sa hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin. Hindi ko kayang ipaliwanag kung bakit ganito na lang siya sa akin.
“S–Señorito Hayden, saan po tayo pupunta? Malayo na tayo,” kinakabahan kong tanong.
“Don’t worry,” sagot naman niya sa kaswal na tinig. “Wala akong gagawin na masama sa’yo. Sa katunayan, sa langit pa nga kita planong dalhin.”
Nagpanganga ako, at mas tumindi ang t*bok ng puso ko. Hindi ko maintindihan ang eksaktong ibig niyang sabihin, pero labis ang pagkabahala at paghahalo ng kakaibang kaba sa dibdib ko.
Langit? Anong langit na pinagsasabi nya?