Simula

1427 Words
------ ***Elara’s POV*** - “Sabi ko na nga ba, may gusto sa akin si Senyorito Hayden. Ang ganda ko naman kasi.” Kinikilig na sabi ni Daisy, hanggang tenga ang ngiti niya. Sa aming dalawa naman kasi nakatingin sina Senyorito Harry at Senyorito Hayden. Magpinsan ang dalawang senyorito. Si Senyorito Harry ay taga-San Martin talaga at ang pamilya nila ang nagma-manage ng Haciendang Castellejos, na minana ng ama niya. Habang si Senyorito Hayden naman ay taga-Manila. Ilang araw pa lang siyang dumating dito sa hacienda para magbakasyon, at mula nung dumating siya, halos pinagkakaguluhan na siya ng mga kababaihan dito sa amin. Sino ba naman kasi ang hindi maaakit sa isang tulad niya—parang lalaking hinugot mula sa romance novel na nabasa ko. At sa pagkakaalam ko, mas mayaman pa ang pamilya niya kaysa sa pamilya ni Senyorito Harry, at mas may dating din siya kaysa sa pinsan niya. Guwapo na si Senyorito Harry, pero si Senyorito Hayden—halos perpekto na talaga. Kaya naman marami ang nangangarap na mapansin niya, at isa na rito si Daisy. Hindi kami magkaibigan ni Daisy, hindi rin kami close kasi lagi niya akong inaaway at lagi rin siyang nakikipagkompetensya sa akin. Stepsister ko siya—anak siya ng live-in partner ni Nanay. Limang taon na ang nakalipas mula nang maging live-in partner ni Nanay ang ama niyang si Gomer. Siguro kaya hindi kami magkasundo ay dahil simula pagkabata pa lang, tila kaaway na ang tingin niya sa akin. Magkababata kami, pero hindi kami naging malapit. Ilang buwan lang matapos mamatay ang ina niya, nakipag-live in na ang tatay niya kay Nanay. Pareho kaming 14 years old noon, at ngayon 19 na kami. Ako naman…. lumaki akong walang ama. Ni minsan ay hindi ko siya nakita o nakilala. Bago pa man nakipag-live in si Nanay kay Gomer, marami na siyang naging boyfriend pero walang nagtagal. Si Tiyo Gomer lang ang umabot sa limang taon. Nasa pilapil kami ni Daisy dahil pareho kaming tumutulong sa palayan. School vacation ngayon kaya tumutulong kami para magkapera. Nakatingin ako kay Daisy na hanggang ngayon ay halatang kinikilig pa rin. “B-Bakit mo naman nasabi na sa’yo siya nakatingin?” tanong ko habang nakakunot-noo. Sandali akong tumigil sa pagbubungkal ng lupa, habang siya naman kanina pa hindi tumutulong. Para bang nandito lang siya para magpa-cute sa crush niyang anak ng lider ng mga magsasaka. Pero ngayon, may bago na naman siyang pinagkakaabalahan—si Senyorito Hayden. Mula nang dumating ito, wala na siyang ibang bukambibig kundi pangalan nito, at buong akala niya may gusto rin sa kanya ang senyorito dahil lagi raw nakatingin sa kanya. “Dito siya nakatingin, eh! Kanina pa.” Napataas pa ang kilay niya, halatang naiinis sa tanong ko. “Kung hindi sa akin, kanino naman? Sa’yo? Nagpapatawa ka yata.” Tumawa pa siya na parang nang-iinsulto. “Sino naman maa-attract sa tulad mong maitim? Ang pangit mo kaya!” Hindi naman talaga ako maitim. Morena ako, pero sobra lang akong nangingitim dahil sa pagtatrabaho ko sa palayan. Si Daisy naman ay mestiza, maputi, kaya maraming nagagandahan sa kanya kahit pa parang nasagasaan ng tren ang ilong niya at parang kinain ng ipis ang labi niya sa sobrang kapal. Ako naman, matangos ang ilong, pero sadyang maitim ako. Hindi na ako nagkomento pa sa sinabi ni Daisy at ipinagpatuloy ko na lang ang ginagawa ko. Kung pagsasabihan ko pa siya na huwag mag-assume, baka mag-away na naman kami. Ako pa naman ang laging mali sa paningin nina Inay at ng tatay niya kapag may alitan kami. Kaya hindi ko na siya pinansin at hinayaan ko siya sa ilusyon niya. Pero habang nagbubungkal ako ng lupa, hindi ko mapigilang maalala ang nangyari kanina. Nagkasalubong kami ni Senyorito Hayden, kinausap niya ako at sinabihan niya akong maganda. Grabe ang kilig ko—pakiramdam ko, nahulog ang puso ko sa sobrang saya. Pero hindi tulad ni Daisy, hindi ako nag-iilusyon. Baka gano’n lang talaga siya magsalita kahit hindi siya marunong ngumiti. Masaya na ako dahil, sa wakas, may nagsabing maganda ako—at si Senyorito Hayden pa. Totoo man iyon o biro lang, hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi niya. “Hoy, Elara… hoy, Elara…” si Daisy, sabay kalabit sa akin. Kaya wala akong nagawa kundi huminto sa ginagawa ko at harapin na naman siya. “Ano bang kailangan mo, Daisy?” Naiirita ako sa kanya, pero pinilit ko pa ring itago ang pagkainis ko. “Tingnan mo, papunta sila dito. Pupuntahan nila ako dito.” aniya, pabulong lang, sabay nguso pa. Pasimple akong tumingin sa direksiyon na tinitingnan niya at nakita ko nga sina Senyorito Harry at Senyorito Hayden na naglalakad papunta kung saan kami naroroon. “Paano mo naman nasabi na papunta sila dito? Paano kung dadaan lang?” “Alam mo, inggitera ka lang.” Taas-kilay niyang sabi. “Palibhasa walang nagkakagusto sa’yo kaya ka ganyan. Anyway, pag tuluyan na silang nakalapit, pasimple mo akong itulak kay Senyorito Hayden—pero huwag kang magpahalata, ha!” “Ano? Anong sabi mo?” Kunot-noo ako. Hindi ako sigurado kung tama ang narinig ko. “Sabi ko, pag nakalapit na sila dito, pasimple mo akong itulak—pero huwag kang magpahalata. Itulak mo ako papunta kay Senyorito Hayden para saluhin niya ako.” “Ano? Bakit ko naman gagawin ‘yan?” “Dahil sinabi ko sayo. Huwag ka ngang tanga.” Naiirita niyang sagot. Siya na nga ang humihingi ng pabor, siya pa ang galit. “Sigurado kasi ako na may gusto sa akin si Senyorito Hayden, hindi lang niya alam kung paano mag-first move. Ang ganda ko naman kasi.” Tila nangangarap niyang wika, sabay mariing tingin sa akin. “Gawin mo ang sinabi ko at huwag kang magkakamali. Lagot ka kay Itay at kay Inay pag nagkamali ka.” Kailangan kong gawin ang sinabi niya kasi pag hindi ko siya susundin, tiyak na isusumbong niya na naman ako at palalabasin niya na inaaway ko siya. “Elara…” nakangiting bati ni Senyorito Harry nang tuluyan na silang nakalapit ni Senyorito Hayden. Lagi talaga akong binabati ni Senyorito Harry; mabait siya sa akin. Hindi ako makatingin nang diretso kay Senyorito Hayden, pero pakiramdam ko mas lalong uminit ang paligid. Para bang sa akin siya nakatitig. Ano ba itong iniisip ko? Para tuloy akong naging ilusyonada katulad ni Daisy. Napatingin ako kay Daisy. Ang mga mata niya ay parang nagsusumigaw na gawin ko na ang ipinag-utos niya. Kainis talaga itong si Daisy, idinamay pa ako sa kalandian niya. Hindi ko alam kung paano ko siya maitutulak na mukhang hindi sinasadya. Kaya nagkunwari na lang ako na parang matutumba, at hindi sinasadyang napahawak ako sa kanya. Sa ganitong paraan, natulak ko siya. Agad naman siyang umarte na para bang nadulas papunta kay Senyorito Hayden. Pero imbes na saluhin siya ng senyorito, umiwas ito. Dumiretso tuloy si Daisy sa putikan at muntikan pang mauna ang mukha niya kung hindi lang siya nakatukod sa kamay. Ako naman, hindi ko inaasahan ang sumunod na nangyari. Mabilis akong hinawakan ni Senyorito Hayden, at pakiramdam ko para akong nakuryente bigla nang maglapat ang balat naming dalawa. Nakahawak siya sa baywang ko, habang nakakapit naman ako sa balikat niya. Nagkatinginan kaming dalawa. “Mag-ingat ka. Sayang naman ang ganda mo kung magalusan ka lang,” aniya, dahilan para mapalunok ako nang wala sa oras. Hindi ako makakilos. Naninigas ako. Kaya nanatili ako sa ganoong posisyon habang nakipagtitigan sa kanya. Kakaiba ang titig niya. Parang sinusunog ako—ramdam kong nag-init ako, hindi dahil sa araw kundi sa bigat ng tingin niya. Mas lalo akong pinagpawisan. Nasa ganito akong ayos at pakiramdam nang biglang… “Walang hiya ka, Elara! Bakit mo ako itinulak? Sinadya mo akong itulak dahil naiinggit ka sa akin! Gusto mong ikaw lang ang mapansin! Ang sama mong kapatid!” halos umiiyak na sigaw ni Daisy. Mabilis akong bumitaw kay Senyorito Hayden, kahit nahihiya man ako, kailangan kong magpapanggap na parang wala lang ang nangyari sa aming dalawa. Napatingin ako kay Daisy na ngayon ay nasa putikan—madungis, puno ng putik hindi lang ang damit kundi pati na rin ang balat. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maaawa. Baka kasi isumbong na naman niya ako. Ginawa ko lang naman ang sinabi niya. Hindi ako natawa, pero sina Senyorito Harry at Senyorito Hayden, pati na rin ang mga kasama namin, ay nagtawanan sa hitsura ni Daisy. Lagot ako nito kina inay at sa itay niya. Sigurado akong babaliktarin na naman niya ang totoo. Ako na naman ang mali at ako na naman ang masama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD