Habang abala si Stefany sa pagliligpit ng mga gamit sa kusina, tahimik namang nag-uusap sina Fabio at Mang Berting sa isang tabi. Napansin ni Mang Berting ang seryosong tingin ni Fabio kay Stefany, kaya hindi na siya nakatiis at nagsimulang magtanong.
"Fabio, may alam ka ba talaga kung sino o saan nanggaling si Stefany?" tanong ni Mang Berting habang sinusuri ang ekspresyon ng binata.
Bahagyang napatingin si Fabio kay Stefany, na abala pa rin sa ginagawa. "Wala akong alam, Mang Berting. Pero alam ko, hindi siya ordinaryong babae. Sa kilos at pananalita niya, halatang hindi siya sanay sa hirap ng buhay. Hindi siya bagay sa ganitong lugar."
Napaisip si Mang Berting at tumango. "Oo nga, anak. Kahit ako, nagtataka. Parang may itinatago siyang kwento. Pero mukhang mabait naman ang bata."
Tumawa si Fabio ng mahina. "Mabait nga, pero ang arte minsan. Pero kahit ganun, may kakaiba sa kanya na hindi ko maipaliwanag."
"Hmm," ani Mang Berting, habang tinitignan si Stefany. "Baka kaya siya napadpad dito, may hinahanap siyang sagot o baka naman, tinatakasan niya ang problema niya."
Napailing si Fabio. "Hindi ko alam, Mang Berting. Pero sa tingin ko, may malalim na dahilan kung bakit siya narito. At gusto kong malaman iyon."
Habang nag-uusap sila, biglang lumapit si Stefany, bitbit ang isang tray ng tubig. "Ano bang pinag-uusapan niyo diyan? Ako na naman, ano?" tanong niya habang nag-aangat ng kilay.
Ngumiti si Fabio ng pilyo. "Wala, pinag-uusapan lang namin kung gaano ka kagaling magligpit ng pinggan."
"Naku, tigilan mo nga ako, Fabio!" sagot ni Stefany, pero hindi niya maitago ang ngiti sa labi. Habang papalayo siya, nagkatinginan sina Fabio at Mang Berting, tila parehong iniisip na si Stefany ay may higit pa sa nakikita nila.
Fabio’s POV
Sino nga ba si Stefany Santiago? Mula nang dumating siya sa hacienda, hindi ko na maiwasang magtanong sa sarili ko. Napansin ko agad na kakaiba siya—mula sa kilos niya, sa pananalita niya, at sa paraan ng pagtingin niya sa paligid. Hindi siya bagay dito. Sa bawat araw na magkasama kami, lalo akong naguguluhan.
Kanina, habang naghihintay ako sa labas ng bahay nila Aling Pilar, napansin ko ang tindero ng diyaryo. Binili ko ang isa, nagbabakasakaling makita ang balita tungkol sa lungsod. Pero hindi ko inaasahang mababasa ko ang pangalang Stefany Santiago.
“Pinaghahanap ng pamilya,” ang sabi ng headline. Nanlamig ang mga kamay ko habang binabasa ang artikulo. Anak pala siya ng isang prominenteng pamilya sa lungsod. Nawawala raw siya, at desperado na ang mga magulang niya na mahanap siya.
Hindi ko alam kung ano ang mas nakakagulat—ang katotohanang isa siyang Santiago o ang tanong kung bakit siya tumakas. Ano ang dahilan? Anong tinatakasan niya?
Pagbalik ko sa loob, sinubukan kong kumilos nang normal, pero ramdam kong nag-iba na ang tingin ko sa kanya. Sa tuwing tatawa siya o magrereklamo tungkol sa gawaing bahay, hindi ko maiwasang isipin kung anong klaseng buhay ang iniwan niya.
“Fabio, ayos ka lang ba?” tanong niya kanina, nang mapansin niyang tahimik ako habang nag-aayos kami ng hapunan. Ngumiti ako, pilit, at nagbiro na lang tungkol sa pagiging tamad niya.
Pero sa totoo lang, gusto ko siyang tanungin. Sino ka ba talaga, Stefany? Bakit ka narito? At bakit tila may parte sa akin na gusto kang protektahan kahit alam kong maraming bagay ang hindi mo sinasabi?
Hindi ko alam kung kailan ko siya dapat kausapin tungkol dito. Pero isang bagay ang sigurado ako: hindi ko hahayaan na masaktan siya. Kahit hindi ko pa alam ang buong kwento, may nararamdaman akong responsibilidad sa kanya.
“Stefany Santiago, anong lihim ang itinatago mo?”
Sa Siyudad
Pagkatapos magligpit ni Stefany, agad itong nag-aya kay Fabio na lumabas. "Fabio, tara naman! Gusto kong mamasyal sa siyudad. Ang tagal ko nang hindi nakakalabas sa lugar na 'to," wika ni Stefany, puno ng sigla habang nagbibihis.
Ngunit si Fabio, kahit pa ngumiti at sumang-ayon, ay hindi mapakali. Sa kanyang isipan, malinaw pa rin ang balitang nabasa niya kanina. Pinaghahanap si Stefany ng pamilya niya, at siguradong may posibilidad na may makakakilala sa kanya sa siyudad.
"Sigurado ka bang gusto mong pumunta sa siyudad? Baka mas maganda kung dito na lang tayo sa paligid," tanong ni Fabio, pilit na binabalanse ang tono ng boses para hindi mahalata ang kanyang pagkabahala.
"Hindi! Nakakasawa na rito. Halika na! Tara na, Fabio," sagot ni Stefany, sabay hila sa braso nito.
Wala nang nagawa si Fabio kundi sumunod. Sa daan, habang sakay sila ng kabayo, sinulyapan niya si Stefany. Masaya ito, parang walang iniintinding problema. Ano ba talaga ang tinatakasan mo? tanong niya sa sarili.
Pagdating nila sa siyudad, abala si Stefany sa pagtingin-tingin sa mga tindahan at tao. "Ang saya naman dito, Fabio! Parang gusto kong bumili ng kahit ano!" aniya, habang naglalakad na parang bata sa gitna ng mataong lugar.
Ngunit si Fabio, laging alerto. Sa bawat sulok ng kalsada, pinagmamasdan niya ang mga tao, nagbabakasakaling may makakilala kay Stefany. Hinila niya ito palapit sa kanya. "Stefany, huwag kang masyadong malayo. Dito ka lang sa tabi ko," sabi niya, mahigpit ang hawak sa kamay nito.
"Anong problema mo? Parang kang bodyguard, ah," biro ni Stefany, pero hindi niya alam ang tunay na dahilan ng pagiging maingat ni Fabio.
"Eh kasi baka mawala ka, mahirap ka nang hanapin," sagot nito, pilit na nililihis ang usapan.
Sa isang bahagi ng siyudad, may nakita si Stefany na nagtitinda ng mga accessories. "Fabio, tignan mo 'to! Ang cute!" aniya, sabay lapit sa stall.
Habang abala si Stefany sa pagpili, napansin ni Fabio ang dalawang lalaki sa gilid na parang nag-uusap tungkol sa diyaryo. Agad siyang tumingin sa direksyon ng mga ito, at nakita niyang hawak nila ang pahayagang may balita tungkol kay Stefany.
Hindi ito puwedeng mangyari dito, naisip ni Fabio. Agad siyang lumapit kay Stefany at sinabihan itong bilisan na ang pagpili. "Stefany, tapos ka na ba? Tara na, may pupuntahan pa tayo," sabi niya, pilit na tinatago ang tensyon sa boses.
"Bakit ba ang sungit mo bigla? Wala ka namang sinabing nagmamadali tayo," reklamo ni Stefany, pero sumunod pa rin ito.
Habang papalayo sila sa lugar, ramdam ni Fabio ang kaba. Kailangan niyang maging maingat. Kahit hindi niya lubos na nauunawaan ang sitwasyon ni Stefany, alam niyang hindi niya hahayaan na may mangyaring masama sa kanya.
"Stefany, kahit anong mangyari, iingatan kita."
Habang naglalakad sila pabalik sa lugar kung saan nakaparada ang kabayo, nagsimulang magreklamo si Stefany. "Fabio, ang layo na ng nilakad natin! Pagod na ako. Parang gusto ko nang magpahinga rito sa gilid," aniya habang nagpapabebe, sabay sandal sa pader ng tindahan.
Napangisi si Fabio, halatang inis at aliw sa kaartehan ng babae. "Pagod agad? Eh kakasimula lang natin maglakad. Parang wala ka namang ginawa kanina kundi mamili at tumingin-tingin," sagot niya, sabay iling.
"Eh kasi naman, ikaw lang kasi ang walang kapaguran. Tingnan mo 'ko, pagod na! Ayoko na, hindi na ako maglalakad," sagot ni Stefany, sabay krus ng braso at kunwaring nagtampo.
Tumigil si Fabio sa paglalakad at tumingin sa kanya. "Ayaw mo na? Eh paano ka makakauwi?" tanong niya, sabay taas ng kilay.
"Bahala ka na. Ikaw ang nagsama sa 'kin dito, dapat ikaw ang magdala sa 'kin pabalik," sagot ni Stefany, nakangiti pero halatang nagpapapansin.
Napailing si Fabio at napangiti ng bahagya. Lumapit siya kay Stefany at yumuko nang bahagya. "Okay, kung ayaw mong maglakad, may solusyon naman tayo diyan," aniya.
"Bakit? Ano'ng solusyon mo?" tanong ni Stefany, nagtataka.
Bigla siyang binuhat ni Fabio na parang isang prinsesa. "Ganito! Hindi mo na kailangang maglakad, ako na ang magdadala sa 'yo," sabi ni Fabio habang nakangiti, halatang ini-enjoy ang pagkakataon.
"Fabio! Ano ba! Baba mo 'ko!" sigaw ni Stefany, pero hindi naman siya nagpupumiglas. Sa totoo lang, natutuwa siya sa ginawa nito.
"Akala ko ba pagod ka? Sige, tahimik ka lang diyan, at huwag ka nang magreklamo," sagot ni Fabio habang binubuhat siya patungo sa kabayong naghihintay sa kanila.
Habang naglalakad si Fabio na buhat si Stefany, napansin niya ang ilang tao sa paligid na napapatingin sa kanila at napapangiti. "Tingnan mo, pati mga tao dito natutuwa sa kaartehan mo," biro ni Fabio.
"Eh kasi naman! Nakakahiya!" sagot ni Stefany, pero halatang namumula ang pisngi niya sa hiya at tuwa.
Nang makarating sila sa kabayo, maingat na ibinaba ni Fabio si Stefany at tinulungan itong sumakay. "Ayan, prinsesa. Next time, magdala ka ng sariling pang-transport para hindi ka na magreklamo," biro niya.
"Hmph! Hindi naman ako sanay sa ganito. Kaya ikaw ang may kasalanan," sagot ni Stefany, pero halatang kinikilig sa ginawa ni Fabio.
Habang pauwi na sila sakay ng kabayo, hindi mapigilan ni Fabio ang mapangiti. Ang arte talaga nito, pero nakakatuwa rin pala.
Pagdating nina Fabio at Stefany sa bahay ni Aling Pilar, agad silang sinalubong ng matanda na may malaking ngiti sa kanyang labi. Napansin nito ang natural na pagiging malapit ng dalawa habang magkasabay na bumaba sa kabayo.
"Aba, parang mag-jowa na kayo, ha!" biro ni Aling Pilar habang tinutulungan ni Fabio si Stefany na maayos na makababa.
"Ay, hindi po!" mabilis na sagot ni Stefany, halatang nahihiya. Napatingin siya kay Fabio na nakangisi lang, halatang aliw sa reaksyon niya.
"Aling Pilar, huwag po kayong magbiro nang ganyan, baka maniwala 'to," sabi ni Fabio, sabay kindat kay Stefany.
"Hmph! Wala akong pakialam kahit maniwala pa ako," sagot ni Stefany, sabay talikod at naglakad papasok ng bahay, pero halatang namumula ang pisngi niya.
"Ang lakas mang-asar ng batang 'yan," ani Stefany sa sarili habang pumapasok.
Napatawa naman si Aling Pilar habang pinapanood ang dalawa. "Fabio, mukhang malapit na yatang mahulog 'yang si Stefany sa 'yo. Aba, may kilig na sa mga mata niya," sabi niya sa binata.
"Aling Pilar, baka kayo ang may kilig diyan," sagot ni Fabio, pero hindi mapigilan ang ngiti sa labi.
"Hay nako, Fabio. Sa tingin ko, kayo ang itinadhana para sa isa't isa. Kung ako sa 'yo, huwag mo nang pakawalan 'yang si Stefany," payo ni Aling Pilar habang nakangiti.
"Hayaan n'yo po, Aling Pilar. Kapag dumating ang tamang panahon, baka tama kayo," sagot ni Fabio, sabay kindat bago pumasok sa bahay.
Sa loob ng bahay, nakaupo si Stefany sa sopa, kunwaring abala sa pag-aayos ng buhok pero pasulyap-sulyap kay Fabio. Ano bang nangyayari sa 'kin? Bakit parang kinikilig ako sa asar ng lalaking 'to? tanong niya sa sarili.
Si Fabio naman, lihim na natutuwa habang pinagmamasdan si Stefany. Ang arte mo talaga, Stefany, pero mas nakakatuwa ka dahil diyan, sabi niya sa isip.