HBHT-16

2138 Words
FABIO'S POV Habang hawak ko ang basahan at hinuhugasan ang plato, hindi ko maiwasang lingunin si Stefany. Nakaupo siya sa bangko, mukhang tahimik pero halatang hindi mapakali. Kung tutuusin, nakakainis talaga siya—maararte, walang alam sa mga gawaing bahay, at mukhang wala pang plano matuto. Pero ewan ko ba, parang may kung anong bumubulong sa isip ko na tulungan siya. Hindi ko naman siya kailangang tulungan, lalo na’t halata namang sanay siyang iasa ang lahat sa iba. Pero iba ang sitwasyon dito sa probinsiya. Kung hindi siya matututo, baka hindi siya magtagal dito. Baka sumuko na lang siya bigla at umuwi. "Fabio, bakit ang tagal mo maghugas? Baka naman ini-enjoy mo masyado 'yan," biglang sabi niya, sabay irap pa. Napailing ako. "Kung alam mo lang kung paano gawin 'to, baka ikaw ang nagtatagal diyan." "Eh kasi nga hindi ako sanay!" sagot niya agad. Napalakas pa ang boses niya, na parang ako pa ang may kasalanan. Huminga ako nang malalim. Hindi ko alam kung bakit ko gustong magpaliwanag sa kanya, pero napilitan akong magsalita. "Alam mo, Stefany, hindi naman mahirap matuto. Pero kailangan mo lang ng tiyaga. Kung gusto mo, pwede kitang turuan. Hindi ko hinihingi na magpasalamat ka, pero ayoko lang makita kang ganito." Natahimik siya. Siguro hindi niya inasahan na magiging seryoso ako. Tumayo siya at lumapit nang kaunti, pero kita ko pa rin ang alinlangan sa mukha niya. "Bakit mo naman ako tutulungan?" tanong niya, halos pabulong. Napaisip ako sa sagot. Hindi ko rin alam ang sagot kung tutuusin. Pero sa loob ko, may pakiramdam na gusto ko siyang tulungan—hindi dahil naaawa ako, kundi dahil alam kong kailangan niya ng gabay. "Hindi ko alam," sagot ko nang diretso. "Siguro dahil alam kong wala kang alam dito. Ayoko lang na mahirapan ka nang sobra." Tumingin siya sa akin, parang nagtataka pa rin. "Talaga? Walang kapalit?" Ngumiti ako nang bahagya. "Walang kapalit, Stefany. Minsan, tumutulong lang ang tao dahil gusto nilang tumulong. Hindi laging may kapalit." Napayuko siya, at sa unang pagkakataon, nakita ko siyang mukhang seryoso. Siguro, sa isip niya, hindi siya sanay na may ganito. O baka naman iniisip niyang totoo ba 'yung sinabi ko. Kahit ano pa man ang iniisip niya, isa lang ang sigurado ko—ayoko siyang pabayaan. "Kung gusto mong matuto, tuturuan kita," sabi ko habang tinitingnan si Stefany na nakaupo sa bangko, nakapamewang pa at mukhang wala talagang balak kumilos. Tumingin siya sa akin na parang hindi makapaniwala. "Tuturuan mo ako? Talaga?" tanong niya, sabay taas ng kilay. Tumango ako. "Oo, bakit? Sa tingin mo ba, gusto ko pang ulitin 'tong ganito araw-araw para sa'yo?" Medyo napataas ang boses ko, pero hindi ko na napigilan. Napasimangot siya. "Eh kasi naman, hindi ko nga alam kung paano magsimula. Kung magtuturo ka, eh di simulan mo na." Pinipigilan kong mapailing habang inilalapag ko ang hinuhugasan kong plato. Lumapit ako sa kanya, tumikhim, at saka nagsalita. "Okay, Stefany, unang leksyon: paghuhugas ng plato. Simple lang 'to, kaya huwag kang maarte." "Maarte agad?" reklamo niya, pero tumayo rin siya. Hinawakan ko ang kamay niya at inilapit sa lababo. Ramdam ko ang bahagyang pag-aatubili niya, pero hindi ko siya tinantanan. "Ganito lang. Basain mo muna 'yung plato, lagyan mo ng sabon, tapos kuskusin mo. Sige nga, subukan mo." Tumingin siya sa akin na parang natutukso akong tirahin ng matalim na tingin. Pero tumalima rin siya sa sinabi ko. Binasa niya ang plato, naglagay ng sabon, at saka sinimulang kuskusin. "Ano, ganyan ba?" tanong niya, mukhang nag-aabang ng papuri. Napakunot ang noo ko. "Parang nagpipinta ka lang, ah. Dapat may pwersa, Stefany. Kuskusin mo nang maayos para matanggal ang dumi." "Eh kasi naman ang gaspang ng sponge! Nakakairita sa kamay," reklamo niya, pero ginawa rin ang sinabi ko. Napangiti ako nang bahagya. Mukhang hindi siya sanay sa ganitong bagay, pero at least sumusubok. "Tama na 'yan. Isa pa, huwag kang masyadong maarte. Wala kang choice dito sa probinsiya." "Alam mo, Fabio, parang natutuwa ka pa na nahihirapan ako, eh," sabi niya, nakakunot ang noo habang tinapos ang paghuhugas. Ngumiti ako nang bahagya, hindi na napigilan ang sarili ko. "Hindi naman. Natutuwa lang ako na kahit papaano, marunong ka palang makinig." "Excuse me?" taas-kilay niyang sagot, pero nakita ko ang bahagyang ngiti sa sulok ng labi niya. "Stefany," sabi ko, tumikhim at sineryoso ang boses ko, "kung gusto mong matuto, may tiyaga ka dapat. Walang madali dito, pero kung tutuusin, kaya mo naman. Tuturuan kita, pero kailangan mo ring tulungan ang sarili mo." Napatingin siya sa akin, tila nag-iisip ng sagot. Pero sa kabila ng lahat, alam kong may natutunan siya. Siguro, kahit paano, may pag-asa pa talaga si Stefany na makibagay sa mundong 'to. Nang matapos maghugas si Stefany, agad siyang napaupo sa bangko at huminga nang malalim na parang hinabol ng sampung kalabaw. "Nakakapagod pala 'yan, ha," reklamo niya, sabay hagod sa noo na parang naglilinis ng pawis na wala naman. Napangiti ako, tapos napailing. "Napagod ka na agad? Isang plato pa lang 'yan, Stefany." "Tigilan mo nga ako, Fabio," sagot niya, pero halata namang pigil ang ngiti sa labi. "Hindi kasi ako sanay, okay? Pero at least natapos ko." Hindi ko napigilan ang tumawa. Ang arte niya talaga. Pero sa totoo lang, natutuwa rin akong makita siyang nagsisikap kahit papaano. "Sige, para marelax ka naman at hindi ka ma-stress nang ganyan, halika." Tumayo ako at kinuha ang sumbrero ko na nakasabit malapit sa pinto. Tumaas ang kilay niya. "Halika saan?" "Mangabayo tayo sa hacienda," sagot ko. "Baka sakaling mabawasan 'yang reklamo mo sa buhay." "Ano?" Halatang gulat siya. "Hindi ako marunong niyan! Baka mahulog lang ako, Fabio." "Kung mahulog ka, sasalo naman kita," sagot ko, bahagyang nakangiti. "O ano, tara na. Hindi ka puwedeng tumanggi." Nakita ko ang alinlangan sa mukha niya, pero tumayo rin siya. "Siguraduhin mo lang na hindi ako mapapahamak, ha." "Oo na, prinsesa," biro ko, sabay lakad palabas. --- Pagdating namin sa kuwadra, pinili ko ang isa sa mga pinakamabait na kabayo. Hinawakan ko ang renda nito at inabot kay Stefany. "Hawak ka dito." "Sigurado ka ba dito, Fabio?" tanong niya, halatang kinakabahan habang tinitingnan ang kabayo. Tumango ako. "Huwag kang matakot. Madali lang 'to. Ako na ang bahala sa'yo." Pinasampa ko siya sa kabayo, at kahit medyo nag-aalangan siya, nagawa rin niya. Tumingin siya sa akin, halatang hindi komportable. "Anong susunod?" "Relax ka lang," sabi ko habang umaakyat sa likod ng kabayo, naupo sa likuran niya. "Hawak ka lang sa renda, ako na ang magdadala." Ramdam ko ang bahagyang panginginig niya, kaya nilagay ko ang kamay ko sa ibabaw ng kamay niya para gabayan siya. "Walang dapat ikatakot. Relax lang." Habang nagsimula nang maglakad ang kabayo, nakita ko ang unti-unting pagbabago sa ekspresyon ni Stefany. Mula sa kaba, napalitan ito ng gulat at kaunting tuwa. "Wow," sabi niya nang tumingala siya at nakita ang malawak na tanawin ng hacienda. "Ang ganda pala dito." Ngumiti ako. "Sabi ko sa'yo, diba? Kailangan mo lang magtiwala." Tahimik kaming dalawa habang unti-unting bumilis ang takbo ng kabayo. Naririnig ko ang mahina niyang tawa habang nilalampasan namin ang mga puno at tanim. Sa mga sandaling 'to, alam kong kahit paano, nakalimutan niya ang mga problema niya. At sa totoo lang, nakakatuwa siyang makita na parang masaya. Pagkatapos naming mangabayo, nagdiretso kami sa ilog. Tahimik ang paligid, tanging tunog ng agos ng tubig at huni ng mga ibon ang naririnig. Bumaba ako sa kabayo at inabot ang renda kay Stefany. "Teka, bakit tayo nandito?" tanong niya, habang nakatingin sa malinaw na tubig ng ilog. "Maligo tayo," sabi ko nang walang alinlangan, sabay hubad ng pang-itaas kong damit. "Ano?!" Nanlaki ang mata niya, halatang hindi makapaniwala sa narinig. "Fabio, malamig ang tubig! At hindi ako sanay sa ganito!" Napangiti ako sa reaksyon niya. "Arte mo talaga, Stefany. Malamig lang sa una, pero masasanay ka rin. Halika na." "Hindi talaga!" tumanggi siya, sabay yakap sa sarili na parang biglang giniginaw. "Tingnan mo nga, ang lamig-lamig!" Hindi ko na siya pinilit. Tumalon na lang ako sa tubig, at isang malamig na pakiramdam ang bumalot sa katawan ko. Pero masarap—presko. Lumangoy ako ng kaunti bago sumilip muli kay Stefany, na nakatayo lang sa gilid at nagkukunyaring hindi natutukso. "Ang lamig, no?" biro ko, habang sinasadyang magbuhos ng tubig sa ulo ko. "Pero mas masarap kaysa sa magmukmok ka diyan." "Ikaw na lang," sagot niya, sabay lingon palayo. "Ayokong magkasakit." "Baka hindi ka marunong lumangoy, kaya ka takot," sabi ko, sinasadya siyang asarin. "Hindi ako takot!" balik niya agad, pero halata sa boses niya na inis. "Kung hindi ka takot, halika na rito." Hindi siya sumagot. Nanatili lang siyang nakatayo sa gilid, nakataas ang kilay at nakapamewang, na parang sinasabing hindi siya papatinag. Pero alam kong kalahati ng utak niya, gustong sumubok. "Stefany, mas maganda rito sa tubig kaysa magmukha kang prinsesang maselan sa gilid," dagdag ko, sabay tawa. "Arte mo," bulong niya, pero sapat na malakas para marinig ko. "Narinig ko 'yan," sabi ko, sabay langoy pabalik sa gilid. "Huwag kang mag-alala, tutulungan kitang hindi magkasakit. Ako na bahala sa'yo." Nag-aalinlangan man, nakita kong unti-unti siyang nagtanggal ng sapatos. Pero sa halip na pumasok agad, humakbang lang siya papalapit, nagbabadyang babasa lang ng paa. "Sige na, Stefany," udyok ko, pero bago pa siya makalapit nang husto, sinabuyan ko siya ng tubig. "Fabio!" sigaw niya, sabay atras. Tumawa lang ako. "Ang lamig, diba?" "Kung malamig, bakit mo ako sinabuyan?!" "Huwag ka nang magreklamo. Masasanay ka rin," sabi ko, habang sinasabuyan pa siya ng kaunti. "Fabio! Tumigil ka!" Ang inis sa mukha niya ay priceless, pero sa likod ng galit niyang tingin, alam kong nagpipigil siyang matawa. Habang nasa ilog ako, hindi ko maiwasang mapansin si Stefany. Nakatayo siya sa gilid, kunwaring abala sa pagtingin sa paligid, pero sa totoo lang, alam kong ako ang tinitingnan niya. Napapangiti ako sa bawat pagkakataong nahuhuli ko siyang tumititig—lalo na't halatang pilit niyang itinatago. "Stefany," tawag ko habang nakangiti. Nagulat siya, bahagyang napaatras. "Ano?" tanong niya, pilit na iniwas ang tingin. "Ang ganda ba ng tanawin?" tanong ko, sinasadya siyang asarin. "Oo naman," sagot niya, kunwaring hindi naiintindihan ang ibig kong sabihin. "Talaga? Sigurado kang tanawin ang tinitingnan mo at hindi ako?" Ngumiti ako nang mas malawak, hinihintay ang reaksyon niya. Bigla siyang namula. "Ang kapal ng mukha mo, Fabio! Sino bang nagsabing ikaw ang tinitingnan ko?" Napailing ako, natawa sa sobrang obvious niyang pagtatanggi. "Hindi mo na kailangang magpaliwanag, Stefany. Nahuli na kita." "Ano'ng nahuli? Ang yabang mo talaga," balik niya, pero halata sa boses niya na hindi niya maitatanggi ang totoo. "Alam mo, kung gusto mong tumingin, sabihin mo lang. Hindi naman ako madamot," biro ko habang itinukod ang mga kamay ko sa gilid ng ilog. "Loko-loko ka talaga!" sabi niya, sabay talikod. Pero bago siya makalayo, sumulyap ulit siya—at doon ko siya muling nahuli. "Stefany, nakita ko 'yan!" Lalo siyang namula, at sa sobrang hiya, nagmadali siyang lumayo. Tumawa ako nang malakas. Hindi ko alam kung bakit, pero aliw na aliw ako sa mga reaksyon niya. May kung anong nakakatuwa sa kanyang pagiging maarte pero inosente. "Stefany, huwag kang mahiya!" pahabol ko, pero hindi na siya lumingon. "Kung gusto mong tumingin, magpaalam ka na lang next time!" Masaya akong asarin si Stefany. Ang bawat reaksyon niya—mula sa pagkunot ng noo hanggang sa pamumula ng pisngi—ay parang instant entertainment para sa akin. Kaya nang makita kong nagmamadali siyang umalis mula sa ilog, hindi ko napigilan ang sarili kong sundan siya. "Stefany, saan ka pupunta?" tawag ko habang binilisan ang hakbang. "Wala kang pakialam!" sagot niya, hindi lumilingon. Pero halata sa boses niya ang inis at hiya. Napangiti ako. "Baka mawala ka, ha? Hindi mo pa kabisado ang lugar." "Tumigil ka nga, Fabio! Naiinis na ako sa'yo!" Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ako, ang mga kamay nakapamewang. "Wala ka bang ibang magawa?" "Hmm, wala," sagot ko, sabay ngisi. "Mas masaya kasi kapag inaasar kita." "Ang kulit mo!" Naglakad siya muli, pero mas mabilis na ngayon, parang gustong takasan ang pang-aasar ko. "Stefany," tawag ko ulit habang sinusundan siya. "Kung gusto mo, magpapaka-seryoso na ako." "Hindi ko kailangan ng pagiging seryoso mo!" sagot niya, pero hindi ko mapigilang mapansin ang bahagyang ngiti sa kanyang labi. Nang makahanap siya ng isang bato malapit sa puno, naupo siya roon, nag-krus ng mga braso, at tinitigan ako. "Fabio, anong gusto mo? Bakit mo ako sinusundan?" Umupo ako sa damuhan sa harap niya, nakangiti pa rin. "Wala. Gusto ko lang siguraduhing hindi ka mawawala." "Ang drama mo naman!" bulong niya, pero hindi na siya tumayo. Tumahimik kami sandali, pero ramdam ko ang tensyon na may halong kasiyahan. "Alam mo, Stefany," simula ko, "kahit maarte ka, nakakatuwa ka rin minsan." "Wow, salamat ha," sarkastikong sagot niya, pero hindi niya mapigilan ang bahagyang tawa. Napangiti ako. Kahit paano, mukhang natutunaw na rin ang yelo sa pagitan namin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD