Episode 1
Dumiretso na ako sa kinukuhanan ko ng kakanin at nagsimula nang maglako sa mga malalapit na establishment. Una ay sa labas ng isang unibersidad. Ngunit mukhang nahuli ako ng dating at nakabili na ang mga suki ko sa kasabayan kong nagbebenta ng ganoon ding pagkain. Hindi ko naman sila masisisi, ako ang napasarap sa pakikipaglaro kay Brielle.
Napasilip ako sa iilang estudyanteng masayang nagkukuwentuhan sa isang gilid. May mga toga itong mga hawak at mukhang ilan sa mga estudyanteng mapalad na nakatapos ng kolehiyo ngayong taon.
Sarap sana balikan ng nakaraan, kung nakatapos ako..
Pinalis ko sa aking isipan ang kung anumang negatibong tinutumbok nito. Oo, isang taon na lang sana graduate na ako, pero may mga bagay talaga tayong nagagawa dahil sa pag-ibig na nagreresulta sa paghihirap natin.
Naipilig ko pa ang aking ulo nang may dumaang magkasintahan sa harapan ko. Magkahawak-kamay habang hawak ang mga toga nila.
Napabuntong hininga na lang ako at mabilis na lumipat nang pupwestuhan, sa may drugstore. Pinapayagan naman ako ng may-ari na umupo sa may hagdan doon.
"Napaaga ka ata, iha," komento ni Lola Auring. Balut at penoy naman ang tinitinda niya.
"Lola, nalate po kasi ako ng dating diyan sa Generalista. Napaaga po ang uwian nila, tapos andoon na rin ang iba pang nagtitinda ng kakanin. Ayun, wala na po bibili sa akin."
"Ganoon ba, iha? Paano ba 'yan? Matumal din ang benta ngayon dito. Bakit kaya?" may lungkot na turan ng matanda.
Pinagmasdan ko si Lola Auring. Sa edad na sisenta'y singko ay malakas pa rin ang pangangatawan nito. Pero 'yun nga, dahil na rin siguro sa katandaan, mabilis na itong mapagod at nagiging mainipin na.
"Malapit na po kasi matapos ang school year, Lola. 'Yung ibang mga bata ay tapos na sa mga exams at pakonti-konti ay mga praktis na lang sa graduation ang ginagawa ng mga mag-aaral. Aasa na lang din tayo sa mga college students na may mga summer classes."
Magkakatabi rin kasi ang mga schools dito sa amin. Kaya kung hindi mabenta sa isang school, lumilibot lang ako sa iba.
Mabilis na lumipas ang oras. Six thirty na ng gabi ngunit wala pa sa kalahati ang naibebenta ko.
"Mauna na ako, ineng. Magbakasakali ako sa ibang lugar," ika ni Lola Auring. "Baka gusto mong sumama?" aya pa nito sa akin.
"Saan naman po ba?" interesado kong tanong. Mukhang pareho kami ni Lola nang naiisip.
"Diyan lang sa may hospital." Inginuso nito ang papunta sa isa sa pinakamalaking hospital sa bayan namin. High class iyon at hindi nagpapalapit ng mga nagtitinda.
"Naku po, Lola! Hindi tayo puwede roon! Masungit ang mga gwardiya roon e."
"Ayy, siya nga!" Ikinampay pa nito ang isang kamay. "Pero ang maganda, ineng, kakilala ko na ang bagong palit na gwardiya roon. Baka puwede natin mapakiusapan," ngiting-ngiti si Lola Auring.
"Sige nga po, Lola. Tayo na?" Inalalayan ko ang matanda na tumayo at sabay na kaming naglakad.
"Sa shortcut na tayo dumaan, ineng."
Tumango ako at sinabayan na ito. Pinagilid ko si Lola Auring kaya ako na ang mismong nasa tabi ng daan. Maputik at medyo matubig ang daan dahil kauulan lamang. Inalalayan ko ulit si Lola at baka madulas pa. Hindi ko namalayang napagitna na pala kami sa daan kaya nagulat pa ako sa pagbusina ng sasakyang nasa likuran na pala namin. Napalingon ako sa may driver na ibinaba pa ang side window ng sinasakyan nito.
"Tabiii!!!" sigaw ng driver na nakakunot pa sa amin.
Pagkatapos ay pinaharurot na naman ang kotse nito.
"Aba't! Hoyyyy! Hambog!"
Hindi ko napigilang umangil. Kitang-kita namang matubig ang daan, at panaka-naka pa ngang umuulan, hindi ba dapat magmaneho siya nang mabagal dahil madulas ang daan?
Hindi ako nagda-drive pero kahit paano naman, hindi naman na siguro kailangang pag-aralan na sa ganoong mga panahon ka dapat mas nag-iingat sa daan.
Mga walang modo lamang na driver ang kakaripas ng takbo sa ganoong mga sitwasyon na hindi nag-iisip ng kapakanan niya o ng iba na pwedeng maaksidente.
“Patring…”
"Haruuy! Jusme! O-okay lang po kayo, 'La?" tanong ko kay Lola Auring na nakaupo na sa lupa. Nawalan pala ito nang balanse at natumba. Dahil din doon, naalog nang wala sa oras ang mga paninda ni Lola.
"Okay lang ako, ineng. K-kaso–" Binuksan nito ang dalang maliit na styrobox. Nagulo ang mga iyon at sa isang banda ay mapapansin na may mga basag na ang iba.
Napabuntong-hininga na lang ako dahil nakita ko na pinipigilan lang ni Lola na maiyak.
At ayaw kong maunang umiyak kay Lola. Mabilis pa naman tumulo ang luha ko sa mga ganitong para sa akin ay unfair na buhay. Na kung sino pa ang nagsusumikap at nangangailangan ay siya pang lalong nasasaktan at nahihirapan.
Kakarampot lamang ang kinikita ni Lola Auring sa balut pero kailangan niyang kumayod dahil ayon dito may mga anak at apo itong pinapakain.
Tipid ko na lamang na nginitian si Lola. Pinagpagan ko rin ang palda nito na may mga basa na sa puwitan. "Basta maubos ko ito ngayon, Lola. Hati tayo sa kita." Kinindatan ko siya.
"Kuuuh, hindi na ineng! Pareho lang naman tayong may pangangailangan. Ang mas maganda, sabay natin maubos ito."
Nagtapikan na lamang kami ng balikat.
Ganun talaga ang mga mahihirap. Wala kaming oras para sa mga drama. Trabaho lang ng trabaho.
Kaya't nagpatuloy kami sa paglalakad.
Saglit pa ay narating na rin namin ang hospital.
"Hindi ba't iyon ang kotse na muntik nang makasagasa sa atin kanina?" Itinuro ni Lola Auring ang pulang kotse na nakaparada na sa parking area ng hospital.
Napataas ang kilay ko at saglit na kumunot ang ilong. Ayaw kong magbeast mode pero dahil nakita ko ulit ang sasakyan ay nabalik ang inis ko. Naalala ko ang mga basag na balut.
"I-iha? L-lumilindol ba?" nagtatakang tanong ni Lola.
Ganoon din sana ang itatanong ko dahil nga napansin ko rin na gumagalaw ang sasakyang nakatalikod sa amin.
Ngunit wala naman akong nararamdaman na kahit ano sa kinalulugaran namin.
Saglit kong pinagmasdan ang paligid at wala namang ibang senyales na lumilindol. Dahil kahit ang ilang taong nakikita ko ay walang pagmamadaling naglalakad sa di-kalayuan.
"T-titignan ko, L-lola," ika ko kahit na kinakabahan ako.
Hinawakan ni Lola ang bisig ko para pigilan ako. "Wag na, Patring. Halika na."
"Sige na, 'La. Tignan ko lang baka–" Napahinto ako sa paghatak sa braso ko nang tumigil ang paggalaw ng sasakyan. Naghintay ako kung gagalaw pa iyon ulit.
"Ayy! Juskopo!" bulalas ni Lola sabay takip sa bibig.
Napaawang din ang bibig ko dahil makalipas ang ilang segundo ay nakita naming bumukas ang magkabilang pinto. Sabay ding lumabas ang dalawang sakay niyon, parehong nag-aayos ng mga suot, magulo ang buhok, pawisan.
Tinanguan ng lalaki ang babae na mabilis na tinungo ang tarangkahan ng hospital. Naiwan ang lalaki na pumasok ulit sa loob ng sasakyan ngunit iniwang nakabukas ang pinto.
"Ambabastos! Mga kabataang ‘to!" parang nandidiring bulalas ni Lola Auring. "Kaya maraming nabubuntis ngayon e, wala nang pinipiling lugar kung saan magniniig!" patuloy pa ni Lola.
Kumulo ang dugo ko. Nyemas na 'yan! Kaya pala nagmamadali dahil may gagawing kababalaghan! Hindi makapagpigil ang mga animal!
Binuksan ko ang styro na lagayan ni Lola ng tinda niyang balut. Kinuha ko ang mga basag ng itlog
"Aanhin mo 'yan, iha?" naguguluhang tanong ni Lola Auring sa akin.
"Gaganti tayo, 'La," ika ko. Nagmamadali akong humakbang palapit sa sasakyan ng lalaki. Nang makalapit ay pagalit kong inihagis ang mga basag na itlog sa lalaking nakatalikod.
“What the f**k?!”
Galit na napalingon sa akin ang lalaki na hindi ko napansing nakaluhod at may kung anong inaasikaso.
Pagkatayo nito ay tumambad sa akin ang isang lalaking nakahiga sa may likurang upuan. Mukhang matamlay ito na panaka-naka ay binubuksan ang mga mata. May sinambit na mga salita ang aroganteng lalaki sa nakahigang lalaki bago tuluyang humarap sa akin.
“What is wrong with you?! And… w-what is this?” Hinawakan nito ang ngayon ay basang likuran. “Is this what I think it is?!” bulyaw nito habang papalapit nang papalapit sa akin.
Napaatras naman ako nang mapagtanto ko ang nangyayari. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa lalaking papalapit na sa akin at sa lalaking nasa loob pa rin ng sasakyan.
Napaatras ako hanggang sa mapasandal na lang sa nakaparadang sasakyan sa likuran ko. “S-sorry… A-ang a-akala ko kasi ay…”
“Sorry?! Huh?” singhal nito sabay hablot sa isang braso ko.
Sobrang lapit na sa akin ng lalaki na halos hindi na ako makahinga. Napapikit na lang ang aking mga mata dahil hindi ko kaya salubungin ang mata ng lalaki.
“P-pasensiya na…”
“Lenus? Patrice?”
Unti-unti kong naidilat ang aking mga mata sa tawag na iyon ni Max.