Naabutan kong nagtitimpla ng calamansi juice si Shirley pagtungo ko sa may kusina kinabukasan.
Naghahanda na ako para pumasok. Kakain lamang ako saglit ng agahan at magtotoothbrush na.
“Pakidala naman ‘to kay Sir Lenus.” Iniaabot nito sa akin ang saucer at cup ng calamansi juice. “Saka raw pakiakyat ng mga documents na kailangan niya i-sign.”
Nangunot ang noo ko.“Anong documents?”
Nangibit balikat ito. “Hindi ko alam. Basta ‘yun lang ang sinabi niya nang dinalhan ko siya ng agahan niya sa kwarto kanina.”
Kinuha ko na ang calamansi juice at umakyat na sa kwarto nito. Habang naglalakad ay iniisip ko pa rin kung anong dokumento ang pinadadala nito. Hindi naman kami nag-uuwi ng mga hospital files.
“Come in!” sigaw nito sa pagkatok ko.
Nakatayo ito sa may built-in full-length mirror at naglalagay ng necktie. Nginitian ako nito sa may salamin.
I smiled back. “Anong documents ang hinahanap mo?”
Humarap ito sa akin, ngiting-ngiti. “Come here.”
Lumapit ako rito at ibinaba sa drawer ang calamansi juice.
Niyakap ako nito. “Hindi mo ba talaga alam na nagdadahilan lamang ako para makita ka? Napakainosente naman ng girlfriend ko.”
Inilayo ko ito at hinampas sa dibdib. “Sabi ko na nga ba!” Lalo pang lumapad ang ngiti ko nang mapagtantong ang binili kong necktie ang isusuot nito. “Hindi pa nalalabhan ‘yan ay!”
“Wala namang makakaalam, tayo lang.” Hinapit ako nito sa bewang at siniil ng halik sa labi. “Good morning, pretty kitty!”
Nakangiti ko itong nginusuan. Kinikilig ang lola niyo!
Mas humigpit pa ang yakap nito at mas lumalim ang mga halik. Bahagya ko itong itinulak. “Ano ba? Baka may pumasok dito, makita nila tayo,” humihingal at nangingisi kong wika.
Pinisil nito ang aking ilong. “Paano nila tayo makikita? Wala namang maglalakas-loob na pasukin ang kwartong ito na wala akong pahintulot. Talaga bang ayaw mo pa ring sabihin na lang natin sa kanila para hindi na tayo nagtatago nang ganito?”
Hinaplos ko ang balikat nito. “Napag-usapan na natin ‘to kagabi ‘di ba? Hindi pa ako handa.”
Yumukod ito at ginawaran ako nang masuyong halik. “Sige. Kaw ang bahala.”
Nginitian ko ito at sinimulan nang ayusin ang kurbata nitong hindi pa nito tapos ilagay.
“Bagay sa’yo,” masaya kong komento.
“Magaling ka lang talaga pumili,” ika naman nito na may pakindat pa.
Hinila ako nito hanggang sa may kama. Bahagya ako nitong hinatak hanggang mapaupo ako nang patagilid sa kandungan nito. Ipinatong nito ang baba sa balikat ko. Pumikit pa ito.
Natatawa naman akong tinapik ang braso nito. “Malelate na ako sa klase, Lenus!”
“Saglit lang naman. Gusto lang kita yakapin. Kapag kasi lumabas na tayo rito sa kwarto, hindi naman na kita mayayakap nang ganito. Let me savor this happiness for a little while, hmm?”
Tumango na lamang ako at inilibot ang paningin ko sa buong kwarto niya.
“Lenus?”
“Hmm?” Nakapikit pa rin ito.
“Pansin ko lang. Bakit wala kang nakadisplay na family photo sa mga bahay mo? Dun sa probinsiya, kahit rito, wala akong nakita.”
Dumilat na ito ngunit nananatili pa rin ang baba sa balikat ko. “Yung doon sa province, hindi pa talaga ako nakakapaglagay doon. Hindi ko pa naaasikaso. Busy kasi sa work. Yung dito naman, kakaparenovate ko lang a few months ago. Nasa may storage area pa ang mga pictures. Balak ko kasing baguhin na ang mga frames nun.”
“Ahh...okay…” Nakangiti kong wika. Hinalikan ko ang ulo nito. “Tara na?”
Kinabig ako nito ulit at binigyan ng makaubos-hiningang halik.
“Lenus!” Mapaglaro ko itong hinampas sa balikat nang pinakawalan na nito ang labi ko.
Tatawa-tawa naman ito. “Can’t help it, pretty kitty. You were just so beautiful.” Kinagat pa nito ang labi at kinindatan ako.
“Pilyo mo! Tara na nga!” Natatawa ko itong tinulak. Tumayo na ako. Hindi nito binitiwan ang kamay ko kaya nilingon ko siya at inaya ulit. Hinatak ko pa ito patayo na hindi naman nagpatinag. “Tara na!” pagdidiin ko sa sinabi ko.
Lumunok ito. “Kasabay natin si Celeste.”
Nawala ang ngiti ko at napalitan iyon nang pangugunot ng noo. “May sasakyan siya ‘di ba?”
“Pinakuha na niya sa driver nila kanina.”
Mas lalong nangunot ang noo ko. “Bakit di pa siya sumabay umalis?”
Alanganin itong ngumiti. “May kailangan kaming asikasuhin. Can you trust me on this one? Ikukwento ko sa’yo lahat… pero ‘wag muna ngayon, hmm?”
Napabuntong-hininga na lang ako at nauna nang lumabas ng kwarto niya. Kinuha ko lamang ang gamit ko sa kusina at dumiretso na sa sasakyan.
Pagdating ko sa parking area ay agad kong natanaw na nakaupo na si Celeste sa harapan. Dinig ko ang tawanan nila ni Lenus. Hindi ko magawang mainis dahil sinserong ngiti agad ang ibinigay ni Celeste sa akin. Pagkatapos kami ipakilala sa isa’t isa ni Lenus ay tahimik na lamang akong umupo sa likuran.
Dumaan kami sa isang convenience store dahil nauuhaw daw si Celeste. Bago ibinigay ni Lenus ang plastic bottle ay binuksan na nito iyon.
“Thank you,” nakangiting wika ni Celeste.
May iniabot pa si Lenus dito na ikinalapad ng ngiti ni Celeste.
Siopao!
Napanguso ako dahil ni hindi man lang ako naalalang bilhan ni Lenus. Sa kakakwento nito sa akin kanina ay ni hindi man lang ako nakapag-almusal. Tumingin na lamang ako sa labas upang maiwasan kong tuluyang mainis. O magselos? Yeah. Nakakapagselos naman talaga.
Pagdating naman sa school ay ni hindi rin ako nilingon pagkababa ko.
Hanggang alas siyete ang klase ko ngayon. Kapag ganoon, hinihintay ko na lang ito na daanan ako.
Ngunit mag-alas otso na ay wala pa rin itong paramdam. Naisip ko na lang na baka busy lang talaga sa work kaya naisipan ko na lang na umuwi. Tinext ko na lang siya na nagcommute na ako.
Pagdating sa bahay ay dumiretso ako agad kay Brie. Nakakaupo na ito nang medyo matagal-tagal na hindi inaalalayan.
“Kumain ka na?” tanong ko kay Shirley.
“Hindi pa, bes. Ikaw ba?”
Umiling ako. “Hindi pa rin.”
Tumango ito at kumuha na lang ng pagkain sa kusina.
Habang hinihintay si Shirley ay inilipat ko sa news ang palabas. Nakikinig ako habang nakikipaglaro kay Brie.
Napalingon ako agad sa tv nang eksaktong showbiz na ang ibinabalita.
Hindi nga ako nagkamali sa narinig ko. Pangalan nga ni Lenus ang binanggit doon.
“Oh my gosh! Si Sir Lenus ba ‘yan saka ‘yung girl kahapon??” nanlalaki ang matang turan ni Shirley. Muntik pa nga nitong mabitiwan ang dalang pagkain sa pagmamadaling ilagay sa bedside table. “Bes, ano ‘yan?” ulit ni Shirley habang pinagbabalik-balik nito ang tingin sa akin at sa tv screen.
Kaya pala pamilyar ang mukha ni Celeste dahil isa pala itong celebrity doctor, a famous dermatologist.
“Ikakasal sila?!” natutulirong banggit ni Shirley habang lumalapit sa akin.
Anong aasikasuhin daw nito ngayon? Ang pagpapakasal nito kay Celeste ba ang ibig sabihin nito? Gagawin ba niya akong kabit? Ganun ba ang ibig sabihin niya na ipapaliwanag niya?!
Gulong-gulo ang isip ko sa mga nangyayari. Daig ko pa ang sumakay sa ferris wheel dahil sa hilong-hilo ako sa paikot-ikot namin ni Lenus.
Napako na ang tingin ko sa tv screen. Natauhan lamang ng mag commercial.
Nanginginig ang mga kamay ko nung kinuha ko ang cellphone ko. Tinawagan ko si Max. Doon muna kami sa kanila tutuloy ni Brie.
“Ley, p-patulong naman na mag-ayos ng gamit… p-please…”
“O-oo…”
Nang matapos kami mag-ayos ay hinawakan ni Shirley ang dalawa kong kamay at inupo ako sa kama. “Ayos ka lang?”
Pilit akong ngumiti. Huminga ako nang malalim. “Hindi ko na alam kung anong dapat kong maramdaman, bes. Sa ngayon, ayaw ko munang makita si Lenus.”
Niyakap ako ni Shirley. “Naiintindihan kita, bes.”