Buong maghapon ay computer lang ang kaharap ko ngunit dinig pa rin ang dada ni Ms. Del Valgon sa amin, lalo na sa akin.
"Ikaw! Ms. Curtis, nakakahiya ka naman. Manager ka rito pero napapabayaan mo mga head departments mo. Paano na lang kaya kung biglang dumating ang CEO?!" galit na sigaw niya sa akin.
Ngunit imbis na pagtuonan ito ng pansin ay sinuot ko na lang ang headset at nakinig ng musika.
Alam kong sumigaw siya dahil sa kahihiyan kaya nag-walk out siya.
"Amor! Kumusta ang financial ng kumpanya?" Kinalabit ako ni Zain bago nagtanong sa akin.
Tinanggal ko naman ang headset ko dahil doon pero hindi ko rin siya pinagtuunan ng tingin.
"Hindi ba't dapat si Bessy ang tinatanong mo niyan gawa ng siya ang financial assistant?" tanong ko rin pabalik.
"Ikaw naman ang manager kaya sa iyo ko na tinanong..." bulong nito.
Alam kong may something sa kanila ni Bessy dahil simula kaninang pagpasok ko ay tila ba'y tubig at langis sila na hindi mo puwede paghaluin.
"Mas maganda kung kay Bessy mo na lang iyan itanong dahil sa financial lang naman siya naka-focus, eh ako? Marami akong inaasikaso," paliwanag ko.
"Eh, ikaw na—"
"Bakit ba ayaw mo lumapit kay Bessy?" Sa pagkakataong ito ay hinarap ko na siya at siningkitan ng mga mata. Hindi naman siya makatingin ng diretso sa akin sa pagkakataong ito.
"Sige, huwag na lang—"
"Hindi puwedeng huwag na lang, Zain. Alam mo namang kailangan i-report iyon sa susunod na meeting. Kung may problema man sa inyo ni Bessy, labas na iyon sa trabaho."
Pagkatapos ko iyon sabihin ay ramdam ko na umalis na siya sa tabi ko. Alam kong susundin niya ang sinabi ko... hindi puwedeng hindi niya sundin dahil makakasama namin sa next meeting ang mga shareholders ng kumpanya.
Pagkatapos ng trabaho ay walang naghintay na Zain sa ground floor, hindi gaya ng nakasanayan ko. Ganoon din si Bessy dahil kadalasan ay sabay kaming umuuwi.
“Weird,” saad ko na lang sa aking isipan.
Nag-jeep na lang ako kahit na makakadalawang sakay dahil mas mahal kapag taxi. Pupunta ako sa Mall para mamili ng gamit ni Uno. 3:30 pm pa lang naman kaya maaga pa.
Pagdating ko ay tinginan ang mga tao sa akin dahil ako lang ang babae sa Men's Store—ang ibig kong sabihin, ako lang ang babaeng walang kasamang lalaki. Puro kasi mag jowa o 'di kaya magkapatid ang mga nakakasalubong ko.
Bumili ako ng sampung t-shirt, apat na sando, sampung shorts, ganoon na rin sa underwear.
"2,679 pesos po, Ma'am," sabi ng cashier.
Linabas ko naman ang credit card ko at binigay iyon sa kaniya.
"Thank you po, Ma'am."
"You're welcome."
Lumabas na ako ng store pagkatapos mamili. Sunod na pumunta ako ay sa Grocery Store dahil kailangan ko mag-stock ng mga pagkain sa bahay para may makain si Uno habang wala ako.
Namili ako ng mga hotdogs, eggs, pancakes, butter and bread, chocolates, candies, snacks and many more.
I wasn't concerned about the money that I'll spend because I just got paid yesterday in my bank account.
Susunod na ako sa pila nang biglang nag-ring ang cellphone ko, ngunit hindi ko ito agad nasagot dahil biglang umurong ang nasa unahan ko kaya agad ko namang nilagay ang mga binili ko sa counter.
"7,963 pesos po lahat, Ma'am," sabi niya.
"Ma'am, cash or credit po?" tanong din nito.
"Credit," sabi ko at ibinigay ang credit card ko.
"Thank you so much, Ma'am. Next!" sigaw niya.
Hindi na ako nagpatulong magpabuhat dahil may stroller naman. Doon ko pinalagay ang mga binili ko.
Ang huling bibilhin ko ay cellphone para kay Uno. Para kung may mangyari man na hindi maganda ay agad niya akong matatawagan.
Tumingin ako ng brand ng mga cellphone ngunit masyadong mahal ang mga nakita ko. Well, magaganda naman kasi talaga ang quality.
Pinili ko na lang ang mas mura at binilhan ko na rin siya ng sim card.
Paglabas ko ng Mall ay nagpatulong ako sa guard na tumawag ng taxi. Hindi naman inabot ng limang minutos at nakapag-para na siya ng taxi.
"Address po, Ma'am?" tanong ng taxi driver.
Pagkasabi ko ng address ko ay tinignan ko na ang orasan. 4:27 pm. Maaga pa pala. Alam kong masusurpresa si Uno kapag nakita ang mga pinamili ko para sa kaniya.
Uno.
Pagbaba ko ay agad ko namang binigay ang bayad sa driver, agad din naman itong umalis.
Nagtaka ako kung bakit may isang hindi pamilyar na tsinelas ang nasa tapat ng pinto ng apartment ko. Bukas din ang pinto kaya marahas ko itong naitulak na sana ay hindi ko na lang pala ginawa...
Nabitawan ko ang mga pinamili ko at tila bumalik lahat ng pagod na naramdaman ko kanina sa katawan ko. Nagsimula na ring magpatakan ang mga luha ko.
“Akala ko ikaw ang susurpresahin ko... pero bakit ako ang nasurpresa sa nakikita ko?” Hagulgol ko habang sinasabi iyon sa aking isipan.
Si Flair ang anak ng chismosa kong kapitbahay ay nasa ibabaw ni Uno habang si Uno ay nakatingin lang sa kaniya. Ang kamay niya ay nasa dibdib ni Uno habang ang kamay naman ni Uno ay nasa baywang niya. Tila ba malapit na silang maghalikan kung hindi lang ako dumating.
Para bang hindi rin nila ako napansin kasi nagtititigan lang sila kahit na alam kong narinig nila ang pagdabog ko ng pinto.
Isa-isa kong pinulot ang mga pinamili ko at nagtungo sa kusina. Hindi ko rin pinupunasan ang mga luha ko dahil kahit anong pahid ko rito ay patuloy pa rin ito sa pagbagsak.
Pagkatapos ko ilagay ang mga pinamili ko ay nakita ko na wala na si Flair at sarado na rin ang pinto. Si Uno naman ay nakatingin lang sa akin.
Agad naman akong nagtungo sa kwarto at malakas na sinarado ang pinto.
Ayaw kong sabihin na “nagsayang lang ako ng pera sa iyo” dahil naging masaya rin naman ako habang namimili ng mga gamit mo, Uno. Pero hindi ko lang talaga inasahan ang nakita ko. Bakit, Uno? Bakit...?!
Umiyak lang ako nang umiyak sa kama. Hindi na rin ako kumain ng gabihan. Alam ko namang hindi siya magugutom dahil may mga snacks naman doon.
"Heina... kain na tayo," mahinang saad niya habang nakatok sa pinto ko. Ramdam ko rin ang mabibigat niyang paghinga habang nagsasalita.
Hindi ako tumugon sa sinabi niya. Kinuha ko ang cellphone ko at binuksan ang private account ko sa Share Your Life o SYL app at nag-post.
“Bakit kailangan sa iyo pa, Uno? Bakit ikaw pa? Alam kong masasaktan din naman ako sa huli pero sana huwag ngayon... huwag ngayon, please? Hindi pa ako handa na masaktan ng sobra dahil sa iyo, Uno.”
Pinatay ko cellphone ko pagkatapos ko iyon mai-post.
"Heina..." tawag niya muli sa akin. Ganoon pa rin, ramdam ko pa rin ang mabibigat niyang paghinga.
"Can you leave me alone, Uno? Can you?" sabi ko at sinusubukan na hindi pumiyok dahil sa pagkakaiyak pero nabigo ako.
Natatawa na lang ako sa sarili ko. Bakit ba ganoon ako magsalita? Kung makapagsalita ako ay animo'y na may kami talaga kahit na wala naman. Ang ibig sabihin lang noon ay wala akong karapatan na magselos.
“Right, Amor! Hindi ka dapat nagseselos kasi hindi mo naman siya mahal, 'di ba?” sabi ko sa aking isipan.
"Tell me how to leave you, Heina. And I will," saad nito at sunod ko ng narinig ang tuloy-tuloy na hikbi niya.
Umiiyak din siya...
"Let me explain..." he murmured.
"Ano bang kailangan mong i-explain, eh nakita ko na lahat?" tanong ko sa kaniya at nagpatuloy sa pag-iyak.
Akala ko ay wala nang ibubuhos pa ang mga mata ko ngunit mas malala pa ito ngayon lalo na't dinig ko na rin ang mga hikbi niya.
“Sorry, Heina. Sorry..."