Chapter 2

1719 Words
"Bakit hindi ka nagsabi ngayon na pala ang dating mo?" tanong ng Mama ni Shawn, nang makapasok na siya sa mansyon. Hindi niya alam kung paano niya narating ang mansyon na hindi man lang napansin ni Shawn kanina at nang kasama nitong babae. Sabagay sino ba naman siya para mapansin ng mga ito, isa pa busy ang mga yon. "Surprise ko po sana kayo," magiliw na sagot niya, at iniabot ang mamahaling pabangong binili niya para sa byenan. "Ikaw talaga, nag-abala ka pa. Hindi mo rin ba sinabi kay Shawn na darating ka ngayon?" tanong nito, habang inaamoy-amoy ang mamahaling pabangong dala niya. "Ah, kasi po, baka busy po si Shawn," tanging sagot niya. At pasimpleng sinulyapan ang pinto, umaasang uuwi na si Shawn, at tapos na sa pakikipag-lampungan sa ibang babae. "Well, magpahinga ka na muna, maya-maya lang darating na si Shawn. Magpapahanda ako ng pagkain," magiliw na sabi ng byenan, at hinalikan siya sa pisngi. Darating? Nasa labas lang naman si Shawn may kasamang babae, bulong ng isip niya. "Welcome home Hainna," nakangiting bati ng byenan sa kanya. "Lalo kang gumanda sa Canada hija." "Salamat po Ti-" "Ehep, you can call me Mama. Asawa ka ni Shawn. You should call Ma, Mom, Mama." Asawa? Tama ba ang narinig niya? Asawa siya ni Shawn? "Sige po Ma-ma-," alanganing sabi niya. At nagpaalam na magpapahinga muna dahil napagod din siya sa biyahe, at pag-iisip sa kung ano ang naghihintay sa kanya sa mansyon ng mga Alvarez. "Manang Rosa, samahan mo muna si Hainna sa silid ni Shawn." Napatigil siya sa narinig. Sa silid ni Shawn? Bakit sa silid ni Shawn? tanong niya sa sarili. Pero hindi na lang muna siya nagtanong, dahil baka magtaka pa ang mga ito kung bakit kailangan niyang kwestyunin ang pagtuloy niya sa silid ni Shawn, na siya namang dapat dahil mag-asawa sila ni Shawn. Asawa siya ni Shawn, asawa niya si Shawn Alvarez, isa siyang Mrs. Alvarez sa pangalan. "Salamat ho," magiliw na pasalamat niya, nang makapasok na sa loob ng silid ni Shawn. Ginala niya ang mga mata sa malawak na silid. Maayos ang buong silid, pati kama mukhang hindi nahigaan man lang sa ayos. Inikot na ng mga mata niya ang buong paligid, pero wala siyang nakita ni isang larawan niya sa loob ng silid ng asawa. Wala ni isang larawan noong kasal nila ang nakasabit sa dingding, o kaya sa side table man lang, tulad ng mga napapanood niya sa TV. Ano pa nga bang aasahan niya? Hindi naman siya tinuring na asawa ni Shawn, bakit kailangan pa niyang maghanap ng mga larawan niya sa silid ng asawa? Lumapit siya sa bintana at tinaas ang blinds doon, para makita ang tabing dagat. Mula sa silid ni Shawn makikita ang malawak na karagatan at mga naglalakihang puno sa paligid noon. Wala na roon si Shawn at ang babaing kasama nito, wala na siyang makitang taong naglalakad sa tabing dagat. "Saan kaya sila nagpunta?" tanong niya, at nagulat sa biglang malakas na pagsara ng pinto. Mabilis siyang napalingon sa gulat at nakita si Shawn na nakatayo sa may pinto. Nakamata sa mga gamit niya sa sahig at kama nito. Kitang-kita niya ang galit na tila ba anumang sandali eh hihilahin siya ni Shawn at kakaladkarin palabas ng silid nito. Napalunok siya at nakaramdam ng takot kay Shawn. "You're back!" malamig na sabi nito. "What are you doing in my room?" malamig na tanong nito. At sinulyapan siya. Napapitlag siya at napaatras ng isang beses. Natatakot pa rin siya kay Shawn hanggang ngayon. Kahit tatlong taon na ang nakakalipas, hindi pa rin nagbabago ang takot na nararamdaman niya kay Shawn. Pero hindi siya dapat magpakita ng takot, kailangan ipakita niya kay Shawn na matapang siya, at hindi na siya nito kayang kaladkarin at ipatapon sa ibang bansa. "Saan ba ko dapat tumuloy?" taas-kilay na tanong niya, pinagsalikop ang mga braso sa dibdib. Wala pa ring pagbabago si Shawn, nagagawa pa rin nitong pabilisin ang t***k ng puso niya. At tulad ng dati napakalakas pa rin ng dating nito, o masasabi niyang sa paglipas ng tatlong taon tila mas lalo itong gumuwapo, lumaki ang pangangatawan nito, halatang alaga sa gym. Wala sa isip na pinaglakbay niya ang mga mata sa kabuuan ni Shawn. "How did you get here?" tanong nito, na nagpatigil sa pasimpleng pagsuri niya sa kabuuan ng asawa. "Si Kuya Harvey, nagpasundo ako." "Akala ko ba 10AM ang dating mo? Bakit ngayon ka lang?" tanong nito. At nagtanggal ng damit. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung gaano kaganda ang katawan ni Shawn. "Yeah, kaso late ko nang tinawagan si Kuya," utal na sagot niya. Dahil umaagaw kasi ng pansin ang magandang katawan ni Shawn. "Why? Nakalimutan ba niya ang flight mo?" tanong nito, at naglakad patungo sa cabinet. Napalunok siya nang makita ang malaking tattoo ni Shawn sa likod nito. Halos natatakpan na ng ink ang buong likuran nito sa laki ng tattoo nito. Napalunok siya sa kakaibang nararamdaman sa bawat galaw ng matipunong likod ni Shawn, kasabay ng tila paggalaw ng malaking ahas na nakapinta sa likuran ni Shawn. "I thought darating ka, that's why I waited a little long," amin niya, habang nakasunod ng tingin kay Shawn. "Alam mo naman na hindi ako darating hindi ba?" mabalasik na sabi nito. At humila ng puting damit, mabilis na sinuot yon at lumingon siya. Nagulat siya at napaatras, naramdaman niya ang blinds sa likuran. "May sinabi ba kong darating ako para sunduin ka?" "Well, nag-assume lang ako, nabasa mo naman ang message ko, kaya inakala ko na-" hindi niya natuloy ang sasabihin nang maramdaman ito sa tabi niya. Nag-angat siya ng mukha para magtignan ito sa mga mata. "Bakit ka pa ba bumalik? Ano pa bang babalikan mo rito sa San Miguel?" walang emosyong tanong nito, na tila bumasag sa puso niya. Maiksing tanong na halos magpadurog sa puso niya. Ayaw na ba talaga siyang makita ni Shawn? Ayaw na ba talaga siyang makasama ng asawa niya? "May babalikan ako kaya ako bumalik," lakas-loob na sagot niya. Nagkatitigan sila ni Shawn. Masasabi niyang napakagwapo pa rin talaga ni Shawn, napakagwapo talaga ng lalaking pinakasalan niya at minahal niya at patuloy na minamahal sa kabila ng pananakit nito sa kanya. "Bakit dito ka tumuloy?" tanong nito. Tila aayaw na talaga ang dibdib niya sa sakit, pero nagpakatatag siya, hindi niya inaalis ang mga mata sa magagandang mga mata ng asawa, kahit sa ganitong pagkakataon lang makasama niya ng malapitan ang asawa at matitigan ang mga mata nito, ang mga mata nitong laging galit pagdating sa kanya. "Asawa mo ko," confident na sagot niya. Ngumisi si Shawn at bumaba ang mga mata nito sa mga labi niya. "Asawa?" tuya nito, at hinawakan siya sa baba. "Nakuha mo na ang gusto mo hindi ba? You are Mrs. Alvarez now. Yon lang naman ang mahalaga hindi ba? Ang maging Mrs. Alvarez ka," sabi nito sa kanya, habang halos kahibla lang ang layo nila sa isa't-isa. Sa sobrang lapit nito halos malanghap na niya ang mabangong hininga nito. "Shawn," nanghihinang usal niya. Dahil tila nag-iiba ang pakiramdam niya sa sobrang lapit sa kanya ng asawa, isama pa ang kamay nitong humahawak sa baba niya na naghahatid din ng kakaibang pakiramdam. "Yan na naman ba ang pag-uusapan natin?" tanong niya, at inulak ito para makaiwas rito. Nagawa naman niyang itong ilayo sa kanya at lumakad siya palapit sa kama, hinila ang bag, kinuha ang isang kahon na nakabalot roon. "Pasalubong ko pala," nakangiting sabi niya, para maiba ang usapan, dahil ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa kasal nila. Ang mapait na kasal niya, sa lalaking tanging minamahal niya, na ni katiting na pagmamahal ay wala ito sa kanya. Kinuha ni Shawn ang kahon at inihagis sa kama, na hindi man tinitignan kung ano ang laman. "Hanggang kailan ka ba rito?" tanong nito. Bumuntong-hininga siya, at kinuha ang kahon mula sa kinabagsakan na kama. Muli niyang binalik sa bag, hindi niya ito pipilitin kung ayaw nito. Hindi na niya ipipilit kay Shawn ang mga bagay na ayaw nito, dahil alam niyang masakit, dahil tulad niya pinilit lang niya itong pakasalan siya. "Dinala ko na lahat ng gamit ko, kaya wala na kong babalikan sa Canada," sagot niya, at hinila ang dalawang maleta. "What do you mean?" kunot noong tanong nito. "Hindi na ko babalik ng Canada," ulit niya. "At sinong nagsabing pwede ka rito?" "Asawa mo ko Shawn at may karapatan akong manatili rito," inis na sagot niya at inihagis sa kama ang mga gamit na galing sa maleta. "Huwag mong alisin ang mga gamit mo dyan, ikukuha kita ng ticket pabalik sa Canada." "No! Hindi mo na ko pwedeng kaladkarin at ipatapon sa kung saan Shawn!" hiyaw niya sa galit. Kung hindi niya lalabanan si Shawn ngayon sigurado siyang magagawa nito ang paalisin siya ng bansa anumang oras na gustuin nito. "I'll stay here no matter what! Kahit ayaw mo mananatili ako rito sa San Miguel! Sa pamamahay mo Shawn! At gagampanan ko ang papel ko bilang asawa mo! Bilang Mrs. Alvarez!" "You don't belong here Hainna." "Why? Dahil ba sa babaing kausap mo kanina? Siya ba ang dapat na narito hindi ako?" buong tapang na tanong niya. "Alam mo kung sino ang dapat na nasa lugar mo ngayon Hainna," tagis-bagang na sagot nito, at hinila siya sa braso. Mahigpit siyang hinawakan sa braso ni Shawn. "Alam mo kung sino dapat ang nagmamay-ari ng Mrs. Alvarez na hawak mo ngayon. Alam mo kung sino dapat ang narito sa mansyon, sa loob ng silid ko! At alam mong hindi ikaw yon Hainna!" galit na galit na litanya ni Shawn. At marahas siyang tinulak nito sa kama. Napatili pa siya nang bumagsak siya sa malambot na kama. "Damn it!" mura pa ni Shawn, bago ito tuluyang lumabas ng silid. Nakasunod lang siya ng tingin kay Shawn. Unang araw pa lang niya sa mansyon ng mga Alvarez, ganito na agad ang salubong sa kanya ni Shawn. Kaya pa ba niya? Hanggang kailan niya kakayanin? Magagawa ba niyang ang matagal na niyang plano na paibigin si Shawn? Paano niya magagawa ang bagay na yon eh galit na galit sa kanya si Shawn? At magpahanggang ngayon si Patricia pa rin ang nasa puso ni Shawn. Kung hindi siya umeksena at gumawa ng gulo, si Patricia sana ang Mrs. Alvarez at hindi siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD