Eisley Clementine’s Point of View
First day of school ko ngayon at tinatamad akong pumasok dahil alam kong sa buong week na ito ay puro introduce yourself ang gagawin.
Kung puwede nga lang na next week na pumasok pero hindi ko magawa dahil kailangan kong pumasok. Ayaw ko namang bigyan sila ng first impression na tamad ako sa pag-aaral kahit na hindi naman.
Nauumay kasi ako kapag puro na lang introduce yourself. Puwede naman kasing dumiretso na lang mismo sa lesson kaysa iyong ganoon! Nakakahiya kayang magsalita sa harap lalo na kapag wala ka pa namang kaibigan.
“Eisley, anak! Bumangon ka na dahil maaga pa ang klase mo!” sigaw ni Mommy sa labas ng kuwarto ko at ilang beses pang kinatok kaya naman wala na akong nagawa kung hindi bumangon at padabog na naglakad papunta sa aking banyo.
“Oo na, Mommy!” sigaw ko pabalik.
Pagkatapos kong maligo ay naglagay ako ng light makeup sa aking mukha para naman magkaroon ng kulay at buhay ang aking mukha. Kapag kasi wala akong makeup ay pakiramdam kong matamlay ang mukha ko.
Nagsuot lang naman ako ng polo na kulay pula at black na wide leg pants saka nagsuot ng white na rubber. Wala pa kasi kaming uniform. Baka sa makalawang buwan pa kami mag-uniform.
Mabuti nga at polo shirt na uniform lang ang mayroon ang University dahil ayaw ko iyong naka-gala. Ang pangit kayang mag-skirt! Hindi ka makakaupo nang maayos.
“Magbabaon ka ba?” tanong ni Mommy pagkababa ko sa hagdan.
Umiling naman ako sa kaniya bilang sagot at sabay na kaming pumunta sa dining area. Alam kong maagang umalis din si Daddy dahil puno na naman ang schedule niya sa opisina kaya hindi na bago sa akin na hindi siya nakikita.
Present lang si Daddy kapag gabi dahil gusto niyang sabay-sabay kaming kumain ng dinner. Close rin naman kami ni Daddy dahil hindi niya ako binabawalan sa mga bagay na gusto kong gawin katulad na lang ng pagkuha ko ng kursong hindi connected sa business namin.
Ako kasi ang tagapagmana pero hinayaan ako ni Daddy na kumuha ng ibang course dahil tuturuan din naman daw niya ako kapag handa na ako. Ngunit sa ngayon, hinahayaan niya muna akong gawin lahat ang gusto ko.
“Hindi na, Mommy. Baka mag-fast food na lang ako. Matagal-tagal na rin kasi noong last na nakatikim ako ng chicken ng Jollibee,” sagot ko na agad naman niyang ikinatango.
“Dala mo ba ang driver’s license mo?" tanong ni Mommy nang magsimula akong manguha ng sandwich pagkaupo ko sa upuan.
“Yes, Mommy. Pati iyong mga important documents sa sasakyan, laging nandoon,” sambit ko bago kumagat sa sandwich. Mabuti na lamang at ham saka itlog ang palaman ng sandwich pero mas masarap pa sana kung may tomato at lettuce para sana mas healthy.
“All right, mag-ingat ka palagi para hindi kunin ni Daddy ang sasakyan mo. Alam mong grabe iyon magalit kapag may nagawa kang mali,” paalala ni Mommy.
Totoo kasing malala magalit si Daddy. Talagang grounded ka at kukunin niya lahat ng sasakyan na mayroon ka dahil ayaw niyang maulit iyon. So far, hindi pa naman ako napapagalitan dahil sa pagmamaneho ko pero napagalitan kasi ako last time noong tumakas ako para mag-road trip.
Grounded tuloy ako nang ilang araw. In-explain ko naman na gusto ko lang sanang tignan kung gaano kaganda ang lunar eclipse pero hindi naniniwala si Daddy. Ikaw ba naman mapunta sa lugar na sobrang layo na kung saan kayo nakatira?
Simula noon ay palagi na akong nagpapaalam kahit na magpunta lang ako sa beach. Gusto ko kasing nagpapahangin at nakakapasyal kahit na mag-isa ko dahil paniguradong hindi ko na iyon magagawa pang muli dahil magiging busy na ako.
Ang hirap din kasi kapag tumatanda ka na. Mas magiging seryoso ka na sa lahat ng bagay lalo na ang pagtatrabaho. Medyo nakaka-miss tuloy maging bata dahil wala kang ibang gagawin noon kung hindi matulog at kumain.
Hindi mo inaalala ang mga bagay kagaya ng pagpasok sa school, mag-aral o kaya magtrabaho. Ngayon kasi, unti-unti ko nang nararamdaman na hindi na ako bumabata. Parang kukunin ko na lahat ng obligasyon ko kahit na nasa kolehiyo pa lamang ako pero ganoon naman kasi ang buhay. Mabilis lang ang oras.
Pagkatapos ng unang subject ay vacant namin kaya naman nagpunta ako sa cafeteria para sana bumili ng pagkain pero nang makita kong sobrang daming tao ay napagpasiyahan ko na lang lumabas ng campus at maghanap ng Coffee Shop dahil mediyo nilalamig ako dahil sa air conditioner ng room namin.
Lahat kasi ng room ay may mga air conditioner. Ultimo nga comfort room ay mayroon din kaya minsan maraming tumatambay roon dahil malamig pero kasi ayaw ko ng ganoon. Mas gusto ko pang makalanghap ng preskong hangin.
Nang makahanap ako ng Coffee Shop ay agad akong nagparada sa parking lot sa harap nito bago pumasok at bumili ng coffee. Nang mapansin ko namang may cake sila ay agad akong bumili ng isa para tikman.
Mabuti nga at per slice ang ibinebenta nila dahil kapag iyong buo, baka maiuwi ko pa dahil hindi ko mauubos. Marami ring students dito na tumatambay pero feel ko ay lahat sila, mga student sa University na kung saan ay doon ako nag-aaral.
Napansin ko ring may lalaking tumingin sa akin dahil nagtama ang mga mata namin. Ngunit agad kong inilihis ang aking mga mata dahil baka isipin pa niyang tinititigan ko siya o nakikipagtitigan ako sa kaniya.
Guwapo naman iyon. Maputi rin at litaw na litaw ang kaniyang kaguwapuhan. Makapal ang pilik-mata at kilay. Matangos din ang ilong at mapula ang labi. Napansin ko ring magulo ang itim niyang buhok at may hikaw sa kaliwang tainga.
Malakas appeal niya kung tutuusin pero wala pa kasi sa isip ko ngayong mag-add to cart ng mga crush dahil ang focus ko ngayon ay pag-aaral. Pakiramdam ko rin kasi ay nape-pressure ako kahit na hindi naman iyon ang ginagawa ng pamilya ko.
Siguro ay takot lang ako sa mga susunod na mangyayari dahil ako ay isang tagapagmana ng isang Melendez.
Maraming nakatingin sa iyo lalo na kapag tagapagmana ka nang isang kilala at hinahangaang businessman sa mundo nila.
Ang hirap. Nabubuhay kasi ako sa pressure. Oo nga’t hindi pa ako pinipilit ni Daddy na kunin ang kompanya pero minsan kasi ay isinasama niya ako sa business meetings para masanay ako.
Ayaw ko kasi talaga pero wala naman akong choice. Ganito ang buhay namin. Bago pa man ako mapanganak at lumitaw sa mundo, kilala na ang mga magulang ko sa business.
Kaya nga nakilala ko ang mga kaibigan kong sima Archer dahil sa kanila. Kasi marami silang kaibigan hanggang sa naging magkakaibigan na rin kami ng mga kaibigan nina Mommy at Daddy.
Sanay na rin naman ako sa presence nila dahil lahat kami ay tagapagmana. Mahirap din pero alam ko namang kaya namin lalo pa at gagabayan naman kami ng mga magulang namin. Hindi naman nila kami pababayaan.
Ayaw naman nilang hayaan ang anak nilang mahirapan at alam na alam ko iyon lalo na si Daddy.
Minsan ay ramdam kong nag-aalala siya sa mga bagay-bagay lalo na kapag ako ang sumubok sa makipag-usap sa mga share holder pero nagagawa ko naman nang tama dahil may mga itinuro naman siya sa aking hindi ko talaga kinalimutan.