Chapter 2

1224 Words
Pagkatapos ng klase ay agad akong pinadalhan ni Archer ng mensahe sa aking social media account para ayain daw akong kumain kasama ang kaniyang mga kaibigan kaya napairap na lamang ako. Bakit ba kailangan kong alagaan ang mga lalaking ito? Hindi naman nila ako Yaya. Dahil kaibigan ko rin naman si Archer at ang kaniyang mga kaibigan ay pumayag na lang ako. Wala rin naman kasi akong gagawin mamaya at siguradong mababagot lang naman ako sa aking kuwarto. Pinili ko na ring tawagan na lang si Mommy para magpaalam na makikisabay akong kakain kay Archer at iba pa naming kaibigan dahil inaya naman nila ako. Wala namang sinabi si Mommy na kung ano at basta na lang din pumayag dahil kilala rin naman niya ang mga kaibigan ko. Paano niya nakilala? Kaibigan at kasosyo kasi nila sa trabaho ang mga magulang ng mga kaibigan ko kaya naging magkakaibigan na rin kami dahil madalas kaming lahat magkita noon kapag may mga gatherings. Ang malas lang dahil puro sila lalaki. Wala man lang ibang babae maliban sa akin kaya hindi ko na lang maiwasang magtampo sa kanilang magulang. Edi sana, hindi sila strikto sa akin. Ultimo nga pagpunta ko sa Bar minsan ay kasama ko sila at iyon ang pinaka ayaw ko. Bantay sarado ako at ayaw na ayaw rin nilang umiinom ako nang marami kahit pumayag naman ang mga magulang ko. Kung umasta sila ay para ko silang mga magulang kumpara sa talagang magulang ko dahil sa sobrang pagka strikto nila. Naiinis man ay wala akong magawa dahil naiintindihan ko rin naman sila. Ako lang naman kasi ang nag-iisang babae sa aming magkakaibigan kaya ano pa ba ang bago roon? Pakiramdam ko tuloy ay ang suwerte ng mga magiging girlfriend nila dahil marunong silang magprotekta at maging maalaga. “Eisley, nagpaalam ka ba kay Tita?” bungad sa akin ni Archer nang makita niya akong bumaba sa sasakyan ko. Nakuha ko naman lahat ang kanilang atensyon nang tanungin ako ni Archer at parang hinihintay pa ang sasabihin ko dahil tumahimik silang lahat at nakatuon lang ang pansin sa akin. “Oo naman! Hindi naman nila ako papayagang lumabas kapag hindi ako nagpapaalam. Ayaw ko nang ma-grounded,” simpleng sagot ko na ikinailing naman ni Lance. “Iyan napapala mo kapag hindi ka nagpapaalam,” biro ni Lance kaya sumimangot naman ako. “Hindi ko na nga uulitin, eh!” sigaw ko nang makalapit ako sa kanila. Inabot naman ni Kuya Rowan ang aking ulo at ginulo ang aking buhok na naging dahilan kung bakit tumawa ang lahat. “Kuya! Bakit mo ba pinagti-trip-an ang buhok ko?” pasigaw kong tanong pero ngumisi lang siya sa akin at hindi na nagsalita. Si Kuya Rowan ang madalas na gumulo ng buhok ko at hindi ko alam kung ano bang klaseng kasiyahan iyon. Hirap na hirap na nga akong ayusin ang buhok ko dahil sa sobrang kapal at haba nito tapos guguluhin niya lang? Wala pa man din akong dalang suklay kaya ang ginamit ko na lang na pangsuklay ay ang aking mga daliri. Kasama ko ngayon sina Archer, Lance, Kuya Rowan, Kuya Gillean at Kuya Russel. Halos magkaka-edad lang kami nina Archer at Lance. Ang pinagkaiba lamang ay mas matanda sila ng ilang buwan sa akin. Sina Kuya Rowan, Kuya Gillean, Kuya Russel at Kuya Lev naman ay two-three years ang gap namin. So bale, ako talaga ang bunso sa amin kaya naiintindihan ko talaga na strikto sila pagdating sa akin. “Wala pa ba si David?” tanong ni Kuya Russel kay Kuya Gillean na ngayon ay nakahawak ng kaniyang headphones at balak sanang ilagay sa kaniyang tainga. “Parating na raw. May inasikaso kasi kanina sa Campus," sagot naman ni Kuya Gillean bago isalpak ang headphone sa kaniyang mga tainga. Kaibigan yata nila si David dahil hindi ko pa siya nakikilala. Sa pagkakaalam ko rin ay ka-bandmate nila ito pero hindi ko sigurado dahil First year pa lang naman ako habang sila ay Third year na. Kasalukuyan naman kaming nandito sa parking lot at hinihintay ang sinasabi nilang David. Restaurant nina Archer ang napili kasi nilang kainan dahil masarap ang luto ng kanilang mga Chef. Sobrang laking pasasalamat ko rin dahil si Tita, ang Mama ni Archer ang mismong nakadiskubre ng mga recipe na lahat ay nagustuhan ko. Iba kasi ang panlasa ni Tita at talagang manunuot iyon hanggang sa pinaka gitna ng karneng baboy. Ang pinaka paborito ko ngang kainin dito ay ang steak dahil sobrang lasa at sobrang lambot nito. Halatang hindi minadali ang pagluluto! Hindi rin nakapagtataka na kilala ang Restaurant nina Archer dahil sa mga high quality na dishes nila na talagang masusulit mo ang ibinayad mong pera. Bukod sa sulit at masarap ay alam ko ring hindi mo malilimutan ang lasang kinain at tinikman mo. Ilang saglit pa ay nakita ko na ang sasakyan ng sinasabi nilang David. Paano ko nalaman? Bumusina kasi ito bago mag-park sa likuran ko at sinundan din ito ng tingin nina Kuya Gillean at Kuya Russel. Pagbukas ng pinto ay kumunot naman ang aking noo nang makita ko kung paano lumitaw ang kaniyang kaputian dahil sa suot niyang itim na damit at gray na pants. Nakadagdag din ng appeal niya nang kuminang ang kuwintas niya nang matamaan ito ng ilaw na nagmumula sa harap ng Restaurant. “Tara na! Ang tagal mo. Lukot-lukot tuloy mukha ni Eisley,” asar ni Kuya Rowan at sinubukang abutin ang ulo ko pero agad akong nakaiwas. “Kuya naman! Huwag kasi ang buhok ko! Wala pa naman akong suklay na dala!” sigaw ko at nauna nang pumasok ng Restaurant na pagmamay-ari nina Archer. Patabog ko ring isinara ang pinto ngunit agad napalitan ang lukot-lukot kong mukha nang makita ko ang mga employee na may ngiti sa kanilang labi. “Good evening, Ma’am. Please, this way,” aniya ng isang waiter kaya agad kong sinundan nang maglakad na ito papunta sa isang room. Hindi ko na sila hinintay dahil siguradong iinisin lang na naman niya ako kagaya nang nakagawian ni Kuya Rowan. Kung hindi guguluhin ang buhok ko ay maglalagay na naman nang maraming gulay sa aking plato at ipapaubos lahat iyon sa akin. Narinig ko tuloy ang tawanan nila nang nauna na akong pumasok. Paniguradong ako na naman ang topic nila at iyon talaga ang ayaw ko. Kaso wala naman akong magagawa kung sakali dahil nga iyon naman talaga ang ugali nila. Palibhasa ako ang nag-iisang babae sa aming magkakaibigan kaya ganito na lang sila makaasta. Nang makapasok ako sa isang room, naramdaman ko kaagad ang presensya nila sa aking likuran. Ang bilis talaga nilang maglakad kahit mas binibilisan ko. Sa sobrang tangkad ba naman nila, iyong dalawa kong hakbang ay isang hakbang lang sa kanila. Ang unfair! Naiinis na nga ako dahil ako ang nag-iisang babae sa aming magkakaibigan pero ako pa ang pinakamaliit. Napapaligiran ako ng mga matatangkad at ito ang nakakainis. Malaya kaming kumain sa loob ng isang room at wala ni isang nagsalita magmula nang dumating ang pagkain namin. “Wala ba kayong gig?” tanong ko kina Kuya Rowan dahil masyado silang tahimik. Para tuloy may mga iniisip silang problema na hindi ko malaman-malaman. “Wala naman,” mahinang sagot ni Kuya Rowan. “Sunod-sunod kasi ang school activities namin this week. Kaya itinigil muna namin iyan. Magagalit din kasi sina Mommy.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD