Chapter 01
INOSENTENG tinatanaw ni Louisiana ang mga nadaraanan ng bus na kinasasakyan nilang mag-ina.
Puno ng galak ang kaniyang puso dahil unang beses niyang makalalabas ng nayon nila. Kung hindi kasi nakakulong sa bahay, ay palagi siyang tao sa bukid. Nakikitanim, minsan nakikiani para may maiuwi sa kanilang bahay. Siya kasi ang panganay sa kanilang apat na magkakapatid. At wala na ang kanilang padre de pamilya kaya tumutulong siyang maghanap-buhay sa nanay niya.
Pupunta raw silang Maynila.
Kung saan marami raw matatanaw na naglalakihang gusali at may malalawak na kalsada. Mayroon din daw doong tren. Isang mahabang sasakyan na puwedeng magsakay ng daan-daang tao. Mayroon ding paliparan. Kung saan makakakita ng mga sasakyang pinalilipad sa ere. Excited na siyang marating ang lugar na 'yon.
"Nay, ano po ba talagang sadya natin doon? At bakit kailangang magdala ng gamit?" tanong niya sa nanay niya.
"Ang kulit mo naman, Louisiana. 'Di ba ang sabi ko'y mamasyal tayo? Sa sobrang laki ng Maynila ay kulang ang isang linggo para malibot natin ang kabuuan niyon," tugon ng nanay niya.
"E-Eh, bakit po ako lang ang isinama niyo't hindi pati sina Ana, Benjie at Ara?" nagtatakang tanong niya.
Inis na minatahan siya ng ina. "Malamang mga bata pa iyong mga kapatid mo. Hindi puwede sa Maynila ang mga bata dahil masyadong matao roon. Mababantayan ko ba silang lahat? Paano kung malingat tayo at may mawala? At isa pa... sayang sa pamasahe. Sa 'yo pa nga lang, namumulubi na ako."
Pinili na lang ni Louisiana ang manahimik dahil halatang mainit ang ulo ng kaniyang ina. Baka nakukulitan na dahil kanina pa siya nagtatanong.
Inabot sila ng halos sampung oras na biyahe sa bus dahil nagmula pa sila sa Cagayan.
Kapag daw nakaramdam na siya ng sobrang tinding init at mas dumami na ang sasakyan at na-traffic sila, isa lang daw ang ibig sabihin niyon. Nasa Maynila na sila.
"Huwag mong ilabas ang ulo mo sa bintana!" saway pa nito sa kaniya. Halos maputol na kasi ang litid niya kakatingala sa mga building na mas matataas pa sa puno ng niyog sa lugar nila. First time niya rin kasing makakita niyon. Sa ordinary bus lang din kasi sila nakasakay kaya bukas na bukas ang mga bintana.
Unang baba nila sa isang terminal ay inaya muna siyang magpananghalian ng nanay niya. Kumain sila sa isang karinderyang malapit sa isang overpass. Nang matapos ay sumakay sila sa sinasabi nitong tren. Para siyang tagabundok na panay ang lingon sa paligid. Pati sa mga taong kasakay nila. Ngunit hindi na siya nagtataka kung bakit pinagtitinginan siya ng mga ito pagkuwa'y mapapangiwi. Dahil sa kanilang lugar ay ganoon din naman madalas ang inaabot niya sa mga taong nakapaligid sa kaniya. Hindi kasi siya biniyayaan ng ganda.
Kulot at mala-alambre ang kaniyang itim na itim na buhok. Dilat at bilog na bilog naman ang kaniyang mga matang may sa kuwago at parang maga sa kapal ang kaniyang maitim na labi. Dagdag pa na kapag nagsasalita o ngumingiti siya ay naglalabasan ang kaniyang sungki-sungking mga ngipin.
Kung mayroon mang tama sa kaniyang mukha, iyon ay ang matangos niyang ilong. Kaya lang, mapapansin ba iyon kung napapalibutan ng mali? Medyo matangkad din siya sa height na 5'6" at may balingkinitang katawan. Kaya lang, muli, may makaka-appreciate ba niyon kung unang tingin pa lang sa mukha niya ay nakakangiwi na?
Kaya naman sa edad niyang bente ay wala pa siyang karanasan pagdating sa pag-ibig. Ni hindi niya nga alam kung may papatol ba sa kaniya dahil sa kaniyang pisikal na itsura.
"Bilis na, sumakay ka na!" inis na turan ng nanay niya nang tumigil sa tapat nila ang isang taksi.
Huling sakay na raw nila iyon at mararating na nila ang kanilang pakay. Dahil wala namang alam sa ganito si Louisiana ay sunud-sunuran lang siya. Pasilip-silip lang sa bintana hanggang sa mamilog ang kaniyang mga mata nang pumasok sila sa isang subdivision at first time niyang makakita ng magagandang bahay. Para na naman siyang giraffe na humahaba ang leeg. Pero mas natulala siya nang tumigil na ang taxi sa harap ng isang malaking bahay na yari sa itim na salamin ang mga dingding.
"N-Nay? D-Dito po tayo mamamasyal?" inosente't blanko ang isip na tanong niya.
"Andami mong tanong bumaba ka na lang, bilis!" Halos ipagtulakan siya nito kahit bubuksan niya pa lang ang pinto ng sasakyan.
Hindi agad umalis ang taxi dahil parang kinausap pa ito ng nanay niya. Pagkuwa'y hinila nito ang isang kamay niya at nag-doorbell ang nanay niya sa gate. Si Louisiana naman ay panay ang libot ng mata sa paligid dahil hindi makapaniwala sa kaniyang mga nakikita. Mayamaya, isang unipormadong katulong ang lumapit at nagbukas sa kanila.
"O, Aling Petra? Nagbalik ka!" bulalas ng katulong nang makilala ang nanay niya.
"Oo, nandiyan ba si Sir Rave?"
Tumango ang katulong. "Oho, nasa loob. Tatawagin ko lang."
Hinila siyang muli ng nanay niya at pumasok sila sa loob. Nakita niya ang magandang pagkakaayos ng mga tanim na bulaklak sa garden at muli na naman siyang napahanga. Iginaya siya nito sa isang lamesa sa gilid at doon sila naupo. Inilapag niya ang bitbit na bag sa ibabaw ng mesa.
"Dito ba kayo dati nagtatrabaho, nay?" tanong niyang muli. Alam niya kasing dating katulong ang nanay niya at halos isang taon na rin ang nakalipas mula nang magpahinga ito at umuwi sa probinsya nila.
Hindi siya sinagot ng nanay niya dahil abala ang mga mata nito sa pag-abang ng pagbabalik ng katulong. Na mayamaya ay lumabas din at sumenyas na pumasok sila sa loob. Mahigpit na namang hinawakan si Louisiana ng kaniyang ina at hinila siya papasok.
Tumambad sa kaniya ang napakagandang living area na ni sa hinagap ay hindi niya akalaing makakakita siya. Hindi niya alam ang eksaktong salita na dapat ilarawan doon kaya hanggang libot na lamang siya ng mga mata. Iginaya siya ng nanay niya paupo sa isang malawak na sofa. Ngunit hindi pa nakakasayad ang pang-upo niya ay may pumigil na sa kanila.
"No! Bagong bili lang 'yan! Huwag kayong uupo diyan!" sigaw ng isang baritonong boses. Kapwa sila napalingon ng kaniyang ina sa pinagmulan niyon. Isang matangkad na lalaki ang nakita ni Louisiana na pababa pa lang ng hagdan. Naka-itim na pants ito at puting polo. Nagtutuyo pa ng basang buhok.
Sandaling napaawang ang bibig ni Louisiana. Noon lang siya nakakita ng isang mala-Adonis na anyo ng isang lalaki. Mestiso, matangkad, guwapo kaya lang arogante ang dating.
"S-Sir Rave, k-kumusta na ho?" tarantang wika ng nanay niya.
Pabatong inabot ng lalaki ang ginamit na tuwalya sa isang katulong. "Okay naman!" nang-uuyam nitong tugon. Nameywang pa ito. "Aba't maigi naman at kayo na ang kusang bumalik dito. Akala ko hihintayin n'yo pa talagang ipa-hunting ko kayo sa probinsya at sapilitang pabalikin dito."
"P-Pasensya na kayo, Sir Rave. T-Talaga naman hong babalik ako rito kaya lang, nagkasakit ako. N-Nagpahinga lang ho ako at-"
"Ng isang taon?" Ngumisi ang lalaking halatang hindi kumbinsido sa palusot ng nanay niya. "O baka natakot kayo sa pinadala kong mensahe. Hindi n'yo ako maloloko, Aling Petra. Kung ayaw n'yong bayaran ang perang inutang n'yo, pumayag na lang kayong makulong. That way, mas matutuwa pa ako."
"P-Pero, Sir Rave... alam n'yo namang gipit na gipit ako. Kamamatay lang ng asawa ko at wala na akong katuwang sa buhay. Huwag n'yo namang gagawin sa akin 'yan at maliliit pa ang mga anak ko. Nangangako naman ho akong sisimulan ko nang pagbayaran ang utang kong isandaang libong piso sa inyo."
Muling ngumisi ang lalaki. "Dapat lang."
"Iiwan ko ho ang anak ko para manilbihan sa inyo. Kayo na hong bahalang mag-estima kung hanggang kailan siya maninilbihan nang walang bayad hanggang sa mabayaran na ang utang ko."
Sandaling hindi nakahuma si Louisiana. Tama ba ang narinig niya? S-Siya ang papalit sa nanay niya upang mabayaran ang inutang nitong halaga na hindi naman niya napakinabangan?
Nakangiwi nang tapunan siya ng tingin ni Sir Rave. Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. Halatang hindi komportable sa presensya niya.
"Anak mo pala 'to? Akala ko pulubing nadampot mo lang sa kalsada," parang nandidiring kutya pa nito sa kaniya. Bumuntong-hininga ito. "Ito ang pagtatrabahuhin mo sa akin? Baka naman imbes na makabawas ng utang, makadagdag pa. May alam ba 'to? Baka malikot ang kamay nito? Sinasabi ko sa 'yo, hindi ako mangingiming ipakulong 'to 'pag may ginawa itong masama."
Tumungo na lamang si Louisiana upang itago ang sariling kahihiyan. Kung makapagsalita naman ang lalaking ito! Kung anong ganda ng pisikal na anyo ay siyang pangit ng ugali. Bigla tuloy ay nawala ang paghanga niya rito.
"Naku! Hindi, Sir! Napalaking maayos 'yan. Hindi malikot ang kamay niyan. Masipag, oo. Hindi ko na kasi kayang magtrabaho pa sa malayo. Walang mag-aalaga sa mga anak ko. Kaya siya na ang iiwan ko rito bilang panganay ko."
"Pero, nay!" Saka lang niya nakuhang magprotesta. Mahigpit siyang kumapit sa braso nito.
"Huwag ka nang umangil dahil nandito na tayo, wala ka nang magagawa pa!" asik nito sa kaniya. "Ang sabi mo gusto mong makatulong sa akin, 'di ba? Puwes, ito na 'yon! Dito ka muna hangga't maabsuwelto ang utang natin."
Tuluyan na nga siyang napaiyak. "Pero, 'nay, hindi ko naman alam na ganito. Wala akong alam sa lugar na 'to. Wala rin akong kakilala. Sino'ng malalapitan ko rito?"
Sa buong 20 years na nabubuhay siya, ngayon pa lamang siya malalayo sa pamilya. Malaki ang takot niyang makisalamuha sa mga taong hindi naman niya kilala. Iyon ay dahil nga sa hitsura niya.
"Bente anyos ka na, Diyos ko! Ano? Palagi ka na lang ba sa poder ko? Akala mo malaki na ang naitulong mo sa 'kin dahil sa mga ginagawa mo sa probinsya? Puwes, para sabihin ko sa 'yo, wala pa 'yon sa kalingkingan ng hirap na dinanas ko para sa pagpapalaki sa 'yo. Kung gusto mo talagang tumanaw sa akin ng utang na loob, gawin mo 'to." Pilit na kinalas ng kaniyang ina ang mga kamay niyang pilit pa ring kumakapit dito.
"P-Pero 'nay--"
"Hay! Too much drama! Kung buo na ang desisyon n'yo Aling Petra, you may go. May bisita pa akong darating, nagkakalat kayong masyado. Ako nang bahala rito sa anak mo. Ipapatapon ko na lang pabalik sa bahay n'yo kapag hindi ko nagustuhan ang serbisyo."
"Sige ho, Sir Rave. Kayo na hong bahala. Aalis na ako." Binagtas na nga ng kaniyang ina ang palabas ng pinto.
"N-Nay! Nay, huwag naman ganiyan!" Ngunit humabol pa rin si Louisiana. Tumutulo na ang luha sa mga pisngi niya.
"Ay nako! Ako'y huwag mong artehan. Mangangatulong ka rito, hindi ka magpuputa. Wala namang magkaka-interes sa 'yo dahil diyan sa pagmumukha mo."
Mabilis itong nakarating sa gate. Kahit nalaglag na ang bag niya at naglabasan pa ang mga laman niyon ay hinayaan niya lang. Mahalaga, mahabol niya ang ina.
"Nay!" sigaw niya dahil nakalabas na ito.
Ngunit hindi na siya nito nilingon pa. Agad itong sumakay ng taxi na sinakyan nila kanina.
"Nay!" Lalabas pa lang sana siya ng gate nang may kamay na humablot sa damit niya.
"Pumasok ka na raw sa loob, Ineng, sabi ni Sir Rave. Huwag mo na raw hintaying lalong uminit ang ulo niya," sabi ng matandang katulong na siyang pumigil sa kaniya.
"P-Pero po-"
"Huwag ka nang makulit. Hindi mo kilala ang amo natin. Sumunod ka na lang mas mapapabuti ka pa. Ayusin mo na ang mga gamit mo sa kuwarto."
Kahit masama pa rin ang loob at hindi lubos makapaniwala sa nangyari ay wala ngang nagawa si Louisiana kundi ang sundin ang sinabi ng matandang katulong. Humihikbi pa nang pumasok siya sa loob ng magandang bahay. Nasa sahig na ang kaniyang mga gamit at naabutan niya pang may kausap sa cellphone nito ang amo.
"Manang, pakituruan nang maayos ang babaeng 'yan, ha? Ayoko ng papalpak-palpak. Baka imbes na makatulong makaperwisyo pa 'yan sa akin."
"Opo, Sir Rave. Neng, halika na rito. Ituturo ko sa 'yo muna ang magiging kuwarto mo."
Hindi na nga lang siya umangil at sumunod na lang sa mga sinasabi nito.
At mula nga ng araw na 'yon, sinimulan na niyang tanggapin na tuluyan na nga siyang inabandona at iniwan ng nanay niya.