"TANGA!" Kasabay ng malakas na sigaw na 'yon ay ang marahas na pagdapo ng kamay sa mukha ni Louisiana. Mula iyon sa amo niyang si Rave na hindi maipinta ang mukha dahil sa galit. "You ruined my expensive three-piece suit. Alam mo kung gaano kamahal 'to? Kahit isang taon kang magtrabaho rito ay hindi mo mababayaran 'to."
Galit na galit ang hitsura nito na pakiramdam niya ay may balak pang mag-amok dahil sa kaniyang ginawa.
Aminado siya sa kasalanan niya. Tatanga-tanga siya. Nalimutan niya ang paaalala ni Manang Lydia tungkol sa pamamalantsa sa mga damit ni Sir Rave lalo na 'yong mga ginagamit nito sa pag-oopisina. Naitodo niya yata ang init ng plantsa kaya nasunog iyon.
"P-Pasensya na kayo, Sir Rave. H-Hindi ko naman po sinasadya. Saka -"
"Ano'ng hindi? Punyeta!" Pabalya nitong inihagis sa kaniya ang nasabing damit. Pra siyang nilatigo sa mukha dahil sa lakas ng impak niyon. Natamaan din ang kaniyang mata kaya naman bigla siyang napaiyak. "Dalawang linggo ka pa lang dito, puro perwisyo na ang dulot mo sa pamamahay na 'to. Dapat pinakulong ko na lang ang nanay mo eh, hindi na sana kita tinanggap. Hindi ka lang ubod ng pangit. Saksakan ka pa ng tanga at bobo!"
Malay niya ba sa buhay rito sa Maynila? Hindi nga rin alam na ganito pala ang kapalarang naghihintay sa kaniya nang isama siya ng nanay niya rito. Hindi niya alam na magagawa siya nitong 'i-trade' kapalit ng pagkakabayad sa utang nitong hindi naman niya alam kung saan nito tinangay. Hindi naman siya ganoon ka-illiterate. Marunong siyang bumasa at sumulat. Pati magbilang. Nakatungtong naman siya ng highschool kaya lang sa ikalawang taon lamang. Medyo nakakainintindi siya ng kaunting Ingles bagaman hindi nakakapagsalita. Kaya lang hindi pala sapat lahat ng iyon pagdating dito sa Maynila. Dahil literal na taga-bundok siya. Wala siyang alam sa mga modernong kagamitan at pamumuhay.
"G-Gagawa po ko ng paraan para makabayad, Sir Rave. Kahit --"
Gigil na kinuyumos nito ang sariling mukha. "Huwag mo na akong paglolokohin na letse ka. Hindi mo mababayaran ito dahil wala ka namang sinusuweldo rito. Lumayas ka na lang sa harap ko at nabubuwisit lang akong lalo sa pagmumukha mo!"
Nanginginig ang mga paa at kamay ni Louisiana na nilisan na nga ang harapan ni Sir Rave. Bumaba na siya ng hagdan at nagderetso sa may garden upang magwalis at magdilig. Iyon nag toka niya. Ang maglaba at mamalantsa ng damit ni Sir Rave, maglinis ng silid nito at magwalis sa bakuran at magdilig ng mga halaman.
Habang hawak niya ang hose ay umiiyak siya. Masakit pa rin ang pagkakasampal sa kaniya ni Sir Rave. Bukod doon, napaparam na naman siya sa pag-iisip ng kaniyang naging kapalaran. Ano ba ang naging kasalanan niya at kailangan niyang magdusa at mapadpad sa lugar na 'yon? At mismong ina pa niya ang nagdala roon sa kaniya. Hindi ba siya nito mahal? Dahil ba sa hitsura niya?
Anak siya ng nanay niya, sigurado siya roon. Pareho silang may balat sa may sakong. Dito niya nakuha ang tangos ng kaniyang ilong. Maliban doon ay wala na.
Iniisip niya pa lang na isang taon siyang mananatili sa bahay na iyon ay nanlulumo na siya. Ano na ang mangyayari sa buhay niya matapos ng isang taong iyon? Babalik ba siya sa kanila? O siguro mas tama niyang isipin ay kung makakatagal ba siya ng isang taon doon? Ni hindi niya nga alam kung isang taon nga lang ang ilalagi niya roon. Isandaang libo ang utang. Hindi naman niya alam kung magkano ang katumbas ng isang buwan niya.
Napatid ang pag-iisip niya nang may marinig na bumusina sa labas ng gate.
Dali-dali siyang lumabas upang pagbuksan ito ng gate. Ito na marahil ang bisitang inaasahang dumating ni Sir Rave ngayong araw.
Palaging may bisitang dumarating sa bahay na iyon kaya sanay na siya. Madalas ay magaganda at mga sexy-ng babae iyon. Pagkatapos nilang ipaghanda ng makakain ang mga ito ay didiretso na ang mga ito sa itaas at hindi na niya alam ang mga sunod pang ginagawa ng mga ito.
Mga 'fling' daw iyon ni Sir Rave, ang sabi ni Manang Lydia. Hindi niya alam ang eksaktong kahulugan ng salitang iyon pero may isang bagay na ang pumapasok sa isip niya. Mga babaeng dinadala nito sa kama.
Kulay itim na sasakyan ang nakita niya sa labas. Kaiba sa mga nakita na niya noon nakaraan kinalululanan ng ibang bisita nito. Itim iyon at nangingintab ang kulay kapag nasisinagan ng araw. Halatang bago at kung ikokompara niya sa isang lalaki ay masasabi niya ring guwapo.
Pero babae naman panigurado ang sakay nito, sa isip-isip niya. Bago pa ito tuluyang mainip at mabulyawan siya na naman ay minadali na niya ang kilos niya. Binuksan na niya ang gate. Pinalawak iyon hanggang sa tuluyang makapasok ang sasakyan nito sa espasyo na mayroon sa garahe. Nang maisara na muli ni Louisiana ang gate ay hinintay niya ang pagbaba ng bisita sa sasakyan.
Ganoon ang nakasanayan niya. Madalas kasi may bitbit na maleta ang bisitang babae ni Sir Rave na animo isang buwang magbabakasyon doon sa dami ng bitbit eh hindi naman tumatagal ang mga iyon ng dalawang araw doon. Hindi na lang siya nag-uusisa pero sa isip-isip niya, bakit kailangan marami silang bitbit na damit.
Nang bumukas ang pinto ay agad siyang napatingin sa ibabang bahagi ng sasakyan. Nangunot ang kaniyang noo dahil hindi maputi at makinis na legs at mataas na sandalyas ang kaniyang nakita kung hindi isang leather shoes at itim na slacks ang bumaba mula sa loob. Napalunok siya at literal na napanganga nang kompirmadong lalaki nga ang nakita niyang umibis mula roon. Nakasuot ito ng business attire tulad ng klase ng suot ni Sir Rave.
"You must be new here, right?"
Literal na literal ang pagka-shock niya. Humarap sa kaniya ang lalaki nang bahagyang may ngiti sa makipot na mga labi nito at ganoon na lang ang bilis ng kabog sa dibdib niya nang tuluyang masilayan ang hitsura nito. Kung unang beses na makita niya si Sir Rave ay humanga siya rito, hindi lang doble o triple ang paghangang naramdaman niya sa lalaking ito sa kaniyang harapan. Mas lalaking-lalaki ang anyo nito kaysa sa amo niya, though magkasingtangkad at magkasingkulay, kitang-kita ang kalamangan nito kay Sir Rave.
Plus the fact that he talked nicely to her the first time he laid his eyes on her. Hindi ito napangiwi nang makita siya, at nakangiti pati ang mga mata nito. Halatang mabait ito, hindi tulad ng kaniyang amo. Buo rin ang boses nito, baritono ngunit halatang professional at iyon nga, mabait.
"Nevermind," naiiling na wika ng lalaki nang hindi niya masagot ang tanong nito. Bukod sa hindi niya naintindihan dahil English ay hindi pa siya nakaka-move on sa pagkakita rito.
May kinuha ang lalaki mula sa frontseat ng sasakyan. Isang itim na attache case. Noon lang bumalik sa huwisyo ang isip ni Louisiana na at agad na sinunggaban ang dala nito. Natigilan ang lalaki at nagtatakang tinapunan siyang muli ng tingin. At para na naman siyang na-high nang magtama ang kanilang mga mata.
"What are you doing?" tanong na naman nito na hindi niya naintindihan.
"S-Sir... A-ako na po ang magdadala nito sa loob. A-ako na po ang magbubuhat, akin na 'to."
Muling ngumiti nang matamis ang lalaki.
"No, don't bother. Ako na ang magdadala nito. Thank you."
Napilitan siyang pakawalan ang hawak dahil sa takot na baka mainis ito sa kaniya kapag pinilit niya. Isinara na ng lalaki ang sasakyan bago tuluyang naglakad papasok sa loob. Tumakbo siya upang unahan ito dahil dahil pagbubuksan niya ito ng pinto. He just nodded and smiled at her again bago niya narinig ang mahinang usal nito ng, "Thank you."
Nakapasok na sa loob ang lalaki lahat-lahat ay naiwan siyang tulala sa may hamba ng pinto. Nakita niya pati ang pagbating inukol ni Manang Lydia nang makita ang lalaki.
"Magandang araw, Sir Stanli," bati nito rito. Sa awra ng bati ng mayordoma ay masasabi niyang matagal nang nagagawa roon ang lalaki. Sir Stanli. Sir Stanli ang pangalan niya.