Para kay Heneral Ralph Naga ay ito ang panahon kung saan ang pinaka nakakapagod niyang dalawang buwan sa isang taon.
Nakakapagod man para sa kanya ay kapalit naman nito ang isang gantimpala na para sa iba ay hindi mababayaran ng anumang salapi at ito ang kanyang dangal para sa mga matang nakatingin sa kanya. Pero paano naman ang gantimpala para sa sarili niya? Kung may isa mang bagay na gusto niyang maging gantimpala sa lahat ng ginagawa niya ngayon ay hindi ito karanangalan kundi ang kapangyarihan.
Ang pagkakaroon ng dangal ang isang bagay na natutunan niya sa kanyang ama sa murang edad. Ito rin ang dahilan kung bakit niya pinili ang ganitong propesiyon. Pero habang tumatagal at habang nagkakaroon siya ng muwang ay natutunan niya na ang dangal ay isang pagbabalatkayo lamang. Wala namang totoo sa salitang ito para sa kanya. Dahil ang lahat ng tao ay may personal na interes at binabago nito ang lahat ng anumang perspektibo o anumang ideya. Wala siyang pakialam sa dangal. Anong mapapala niya sa dangal? Ang gusto niya lamang ang masusunod. Ang gusto niya ay kapangyarihan.
Ang lahat ay may gusto ng kapangyarihan. Ang lahat ay nagnanais ng kontrol sa kahit anong aspeto. Ito ang isang karakter ng pagiging isang tao. Ang kapangyarihan ay kalayaan.
Nakaupo siya sa isang upuan ngayon habang umiinom siya ng tsaa. Ang kanyang mga paa ay nakapatong sa isang lamesa habang may isang kulay pilak na M83 handgun ang nakapatong rin dito. Kasama nito ang isang kulay pulang peaked cup. Nakasuklot sa upuan ang kanyang pulang overcoat. Nakakabit sa coat ang iba’t ibang medalya na gawa mismo sa ginto at sa magkabilang balikat nito ay may burdadong limang kulay gintong bituin. Nakatitig siya ngayon sa isang transaparent na salamin ng isang malaking silid. Sa loob ng silid na ito ay mayroong halos isang-daan na mga buntis na kung hindi kasalukuyang nanganganak ay naghihintay pa sa pagluwal ng kanilang mga sanggol. Maraming mga doctor atnurse ang umaalalay ngayon sa mga nagdadalang-tao. Marami ring mga militar ang umaaligid sa buong silid sakaling magkaroon man ng kaguluhan. Ang lahat sa kanila ngayon ay nagaabang sa nag-iisang pakay nila at ito ang pagsilang ng mga subhuman na tinatawag nilang Akuma at Jinzo.
Maliit lang ang pribadong silid na ito ng heneral. Sound proof ito na kahit na sa harapan niya ay maraming ina ang nanganganak ay hindi na niya naririnig ang ingay. Wala ring maaring pumasok rito maliban sa kanya at maliban na lang rin kung magbigay siya ng awtoridad. Kulay puti ang bawat pader na nakapalibot sa kanya maging ang sahig na gawa sa tiles. Walang laman ang silid na ito dahil ito ang kagustuhan niya. Ayaw niyang marumi ang mga bagay na tinitingnan niya at ayaw niya may mantsa ang mga pag-aari niya. Ito ang dahilan kung bakit paborito niya ang kulay puti.
Tumingin si Ralph sa kanyang relo sa kanyang kaliwang braso. Alas siyete at hanggang ngayon ay hindi pa rin ipinapanganak ang hinahanap nila. Inip na inip na siya dahil kanina pang madaling araw siya naghihintay sa kapanganakan ng mga subhuman. Unti-unti na siyang naiinip ay ayaw niyang naghihintay. Unti-unti nang nawawala ang pasensya niya.
Biglang may kumatok sa pintuan na agad naman niyang narinig. Tatlong katok ang narinig niya.
“Pumasok ka,” sambit ng malagong na boses ng heneral.
Maya-maya pa ay may isang babaeng nurse na lumapit sa kanya na nanggaling sa pintuan sa kaliwa. Nagdadalian itong lumapit sa heneral. Agad naman itong napansin ni Ralph at pinagmasdan niya ang dalaga.
Mahaba ang kanyang buhok, matangos ang kanyang ilong at maputi ang kanyang balat. Nasa bente anyos ang dalaga para kay Ralph. Agad niyang napansin ang naka-umbok nitong dibdib dahil sa masikip niyang puting uniporme. Ngayon lang niya napansin ang nurse na ito dahil karaniwan ay mga matatanda ang umaalalay sa mga doktor sa loob ng silid. Gusto niyang himasin ang kanyang dibdib nang mahigpit ngunit nasa kontrol pa siya ngayon. Hindi pa sa ngayon, Siguro ay sa muli nilang pagkikita.
“General Naga halos kalahati na po ng expectants ang nanganganak,” nangangambang sambit ng nurse. “Kaso wala pa rin po ang mga subhuman.”
“Bakit ang tagal?” naiiritang tanong niya sa kanya habang nakatangin siya sa mga mata ng nurse.
Napalunok ang nurse. Hindi alam ng dalaga kung anong isasagot niya dahil hindi rin niya alam kung bakit. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng takot sa heneral. Ito ang unang beses na nakausap niya ng personal ang may awtoridad sa kanilang lahat at tama nga ang sinasabi ng mga tao sa kanya. Bukod sa kanyang posisiyon ay may parte sa pagkatao ng heneral na kinakatakutan ng mga taong nakapaligid sa kanya na hindi maipalawanag ngayon ng nurse. Kung may isang klase man ng hayop ang puwedeng ikumpara sa kanya ay kasama siya sa mga mandaragit. Isang leon o isang buwaya o isang ahas.
Naiilang siya ngayon dahil nakatitig ang heneral sa kanya na para bang pinapasok ng kanyang tingin ang kanyang kaluluwa. Sa kabilang banda ay hindi na rin niya napigilang pagmasdan ang kanyang heneral. Kung hindi siya nagkakamali ay nasa edad trenta lamang si Heneral Naga. Matapang ang kanyang mga mata na maaaring maging brutal kapag nagagalit siya. Pangahan ang kanyang mukha na may matangos na ilong. Malago ang kanyang bigote at balbas at matipuno ang kanyang pangangatawan. Nakasuot siya ng itim na pantalon at puting polo na naka-tuck in na humuhubog sa buong katawan niya. Kung pag-uusapan lamang ang kanyang pisikal na anyo ay ito ang hinahanap ng nurse sa isang lalaki. Guwapo, matipuno at may kapangyarihan na tipong masasabi niyang ligtas siya sa anumang oras kapag kasama niya ito. Ngunit alam niyang sadista at malupit ang lalaking nasa harapan niya ngayon. Marami na siyang narinig tungkol sa kalupitan na ginawa niya sa kanyang pamamalakad lalo na sa lugar na ito. Alam niya ngayon na hinding-hindi niya gugustuhin ang isang taong katulad niya. Wala siyang ibang nararamdaman ngayon kundi takot sa heneral.
“Anong pangalan mo?” tanong muli ng heneral.
Biglang nataranta ang nurse at bumilis ang t***k ng kanyang puso. Bakit niya tinatanong ang kanyang pangalan? May nagawa ba siyang mali?
“Mara Gonzales po,” mabilis na sagot ng dalaga.
“Makakaalis ka na Mara,” matipunong sagot ng heneral.
Agad naman siyang sumunod at mabilis siyang naglakad papunta sa silid kung nasaan ang mga nanganganak. Saka pa lang niya napansin na pinagpapawisan siya ng malamig sa kanyang likuran. Pakiramdam niya ngayon ay nakatitig pa rin sa kanya ngayon ang heneral. Agad niyang isinara ang pintuan.
Dito na tumayo si Ralph mula sa kanyang pagkakaupo at iniunat niya ang kanyang katawan dahil sa ngalay ng kanyang mga binti. Hindi niya alam kung aabutin pa ba ng ilang oras bago isilang ang mga subhuman. Ang tanging gusto na lang niya ngayon ay makauwi at makapag pahinga sa sarili niyang silid. Karaniwan ay ipinapanganak sila umaga pa lang pero kakaiba ngayon dahil gabi na ay hindi pa rin ipinapanganak ang kanilang pakay. Ngayon ay lalong tumitindi ang galit niya sa mga tinatawag niyang salot. Literal na salot para kay Ralph dahil walang ibang epekto ang mga subhuman kundi ang kaguluhan at kagutuman.
Papatayin ko kayo isa-isa. Hangga’t nabubuhay ako.
Halos animnapung taon na rin ang nakakalipas nang madiskubre nang sangkatauhan ang uri ng mga ganitong tao na halos nagpabago sa siklo ng mundo at maging ang gobyerno. Ang kauna-unahang bansa na nagkaroon ng mga subhuman ay ang Japan. Hanggang ‘di kalaunay nadiskubre rin na ipinapanganak rin pala sila iba’t ibang bansa sa iba’t-ibang panig ng mundo. Maraming bansa ang nawasak at maraming tao ang namatay dahil sa mga Akuma.
Walang paraan upang pigilan ang kanilang pagsilang dahil kailangan nilang isilang sa mundo. Nadiskubre nila ang katotohanan na ito makalipas ang ilang taon nang matutunan nila kung paano kontrolin ang mga Akuma at ito ay sa pamamagitan ng pagpatay sa mga Jinzo. Natutunan nila na hindi nila puwedeng pigilan ang pagsilang ng mga ito dahil kung hindi sila isisilang ay aabot ng labindalawang buwan na magiging patay ang mga halaman at ito ang magiging simula ng taggutom, kaguluhan at maging extinction ng sangkatauhan. Nangyari na ito ng isang beses sa kasaysayan ng bansa at hindi na ito mauulit muli.
Sumatutal ay may labing anim na pares ng mga subhuman ang ipinapanganak sa buong mundo at kailangan nilang ipanganak sa huling araw ng Advent Season. Sa oras na mailuwal ang mga ito ay dito palang nila maaring kitlin ang mga ito at ang lahat ay magbabalik na muli sa normal—kung may matatawag pang normal sa mundo nila ngayon ay ito ang pagsibol muli ng mga halaman.
Hanggang ngayon ay wala pa ring makapagsabi kung bakit at paano nagkakaroon ng mga katulad nila. Hindi rin nila alam kung anong dahilan. Ang mahalaga na lang ngayon ay kailangang mamatay sila sa mundong ito at kailangan nilang gawin ito taon-taon. Halos dalawang dekada na rin niyang ginagawa ang ganitong trabaho bilang isang heneral at hanggang ngayon ay wala siyang pinagsisihan sa tinahak niyang landas. Bakit naman siya magsisisi kung ang lahat naman ng ginagawa niya ngayon ay para sa bansa at para sa mga taong nasasakupan nito?
Maya-maya pa ay kumalembang na ang wangwang habang naging kulay pula na ang mga alarm lights sa paligid. Ito na ang hudyat ng na pinakahihintay nilang lahat. Ang mga sanggol na nagdudulot ng tagtuyo sa mga halaman at trahedya. Ang mga demonyo at salot sa mundo na walang ibang dulot kundi ang pagwasak at kamatayan.
Ang pagluwal ng Akuma at ng Jinzo.
Kinuha ni Ralph ang kanyang baril sa lamesa.