Itinaas ni Doctor Flores ang kanyang kanang kamay bilang hudyat ng pagsisimula ng kanilang eksperimento.
“Buksan niyo na ang mga tubo sa sahig,” utos niya sa tatlong mga sayantipiko na nasa kanyang likuran ngayon.
Kahit na malayo ang puwesto na kinatatayuan ni Kiel sa kulungan ng Akuma ngayon ay nakita at narinig pa rin niya ang naging palitang mga salita ni Tris at ng heneral. Parang isang eksena ito sa isang lumang pelikula na pinapanood niya ngayon. Wala siyang pakialam sa nararamdaman ni Tris dahil sa bandang huli ay mananatili pa rin siyang isang Akuma na kailangan nilang patayin. Ang umaagaw lang na atensiyon sa kanya ngayon ay ang reaksiyon ni Ralph kay Tris. Gustong-gusto niyang nakikitang nagagalit ang heneral sa tuwing nakikita niya ang kanyang anak rito. Malamang ay nagugustuhan rin ito ng ilang mga doktor at mga technician. Ngumiti ng bahagya si Kiel na para bang isang tagumpay ito para sa kanya.
Akala mo ba ikaw lang ang may kontrol rito Ralph?
Dito na siya dahan-dahang naglakad papunta sa kinatatayuan ng heneral.
Lumipas ang ilang segundo at napansin ni Tris na gumagalaw ang tiles ng sahig sa paligid niya. Hanggang mapansin niyang may mga metal na tubo na dahan-dahang umuulpot galing rito. Hindi alam ni Tris kung para saan ang mga ito. Hanggang sa may mga kulay lilang usok na lumabas rito. Hindi ito kaparehong usok na kulay puti na nanggagaling sa kisame. Masarap sa mga mata ni Tris ang tingkad ng kulay nito at gusto niyang matuwa dahil rito.
Ngunit nang malanghap niya ang usok ay dito na siya nagkaroon ng masamang pakiramdam. Lubhang masakit sa ilong ang mga usok na iyon. Hanggang gumapang ito sa kanyang lalamunan at baga. Bumilis ang t***k ng kanyang puso hangganga manginig ang kanyang mga kalamnan. Agad siyang napaluhod sa sahig.
Dito na siya nakaramdam ng matinding kirot sa buo niyang kalamnan. Parang bang kumukulo ang kanyang dugo na nagpupumilit lumabas sa loob ng kanyang katawan. Sumigaw si Tris sa aabot ng kanyang makakaya. Ito ang ang unang pagkakataon na makaramdam siya ng ganito kasahol na pakiramdam.
Maya-maya pa ay may lumabas na dugo sa mga mata at tainga niya. Sumunod naman ang kanyang ilong na dumadaloy papunta sa sahig.
“Anong nangyayari!” naguguluhang tanong niya sa heneral.
Nakita rin niya na kasama niya ngayon ang doktor na si Kiel Flores.
“Kailangan namin ang dugo mo,” nanginginig na sambit ng doktor. “Ipagpaumanhin mo kung nasasaktan ka ngayon.”
“May malambot kang balat Tris,” paliwanag pa niya. “Pero walang anumang bagay ang puwedeng tumagos rito at sinubukan na namin ito ng maraming beses.”
“Ito na lang ang tanging paraan.”
Sumigaw muli si Tris dahil hindi humihinto ang paglabas ng kanyang dugo at ang kirot na nararamdaman niya ngayon. Kumakalat na ang kanyang dugo ngayon sa metal na sahig. Mas mabilis ang t***k ng puso niya ngayon.
Nakakaramdam siya ng masidhing galit. Poot na dumadaloy sa kanyang puso at isipan. Poot na bumubuhay sa kanyang pagkatao.
“Pagsisihan niyo itong lahat!” sigaw ni Tris.
“PAGSISIHAN NIYO ‘TO!”
Dito na nagliwanag ang kanyang mga mata. Hanggang maging pula ito kasing pula ng kanyang dugo.
Nabigla ang heneral sa kanyang nakita at sa matagal na panahon ay ngayon lang muli siya nakaramdam ng takot sa kanyang anak. Takot na mawala ang buhay at kapangyarihan na pinakakaingatan niya.
Nabigla rin ang lahat sa kanilang nasaksihan dahil imposible na mag-self combust si Tris ngayon lalo na sa mababang temperatura sa loob ng kanyang kulungan. Ngayon ay kailangan nilang ihinto si Tris sa loob ng labing limang segundo bago pa man niya sa sumabog.
Tumunog ang alarma sa buong pasilidad.
“BUKSAN ANG CRYOGENICS!” sigaw ni Kiel na hindi matatawaran sa lakas ng boses.
Walang tatlong segundo pa ay bumuhos kaagad ang mga puting usok na bumuga sa kinatatayuan ngayon ni Tris. Agad nag yelo ang dalaga at nawala ang pulang ilaw sa kanyang mga mata.
Muli ay nagyelo ang kanyang katawan nang nakadilat ang kanyang mga mata.
Nagising ang diwa ni Tris sa kanyang madilim na kulungan. Gusto niyang umiyak ngayon pero hindi niya magawa. Ang buong katawan niya ngayon ay muling nagyelo. Hindi na maaring lumabas ang kanyang mga luha sa kanyang mga mata. Lamig lang nararamdaman niya. Lamig na tila ba'y walang katapusan. Kadiliman lang ang nakikita niya. Hanggang kailan kaya muli ang pagkakataon na masilayan niya muli ang liwanag?
Nararamdam pa rin niya ang kirot sa buong katawan niya dahil sa mga kemikal na bumuhos sa kanya kanina. Ngayon ay bumalik muli ang kanyang pag-iisip sa isang katanungan. Katanungan na hindi niya kayang masagot.
Bakit itinuturing siya nang lahat na tao na parang isang halimaw?
Kahit ang kanyang ang ama ay lubos siyang kinamumuhian. Hanggang ngayon ay hindi niya alam kung bakit o paano na ang isang ama ay may kakayanan upang gustuhin ang kamatayan ng kanyang nagiisang anak. Muli niyang naisip kung ano bang kasalanan niya upang maranasan niya ang ganitong mga bagay? Bakit kalungkutan lang ang tanging nararanasan niya kung ang gusto niya lamang ay maging masaya? Ano bang kamalian ang ginawa niya sa buhay niya upang maranasan niya ang lahat ng ito maliban sa gusto niya lang mabuhay at maging malaya?
Alam niyang mayroon siyang kapangyarihan na nanalaytay sa kanyang katawan na ikinatatakot ng mga taong nagkulong sa kanya rito. Pero hindi niya desisiyon na makasakit sa kanila. Wala siyang ibang gustong saktan. Kahit kailan ay hindi niya ginustong saktan ang mga taong nagkulong sa kanya sa malamig na presong ito.Pero bakit ang kasalungat ang pinapakita sa kanya ng katotohanan?
Siguro ay panahon na upang yakapin ang kadiliman. Ang kadiliman lang naman ang naging kanyang kaibigan at maging ang kanyang tahanan. Bakit hindi na lang niya tanggapin ang ganitong katotohanan?
Siguro nga ay dapat matakot ang mga tao sa kanya.
Kung halimaw ang tingin nila sa kanya ay handa siyang ipakita ang halimaw na mayroon siya.
Siguro ay panahon na upang lumaban.
Kailangan niyang lumaban.