CRYOGENICS

2118 Words
Dahan-dahang bumukas ang ikatlong chamber. Hindi kumurap si Heneral Naga. Sa gitna ng lalagyan ay mayroong mekanikal na bukasan. Mayroon itong naka kurbang zigzag sa gitna na metal na lalagyan na bumubukas patalikod. Lumabas rin ang makakapal na putting usok na galing sa loob. Maya-maya pa ay bumungad sa kanila ang laman ng metal na chamber. Isang hubad na dalaga na labing dalawang taong gulang. Sa unang tingin ay aakalaing patay na ang ang babae na ito dahil nagyeyelo ang buo niyang katawan. Nakadilat ang kanyang mga mata. May mga kadena sa kanyang mga paa at mga kamay. Bukod doon ay may isang malaking bakal na nakakabit sa kanyang leeg at sa kanyang baywang na parang isang malaking posas. Ito ang dahilan kung bakit siya nakasabit sa loob ng kanyang lalagyan. Siya ay walang iba kundi si Tris. Pakiramdam ng heneral ngayon ay nakatitig sa kanya ang dalaga kahit alam niyang nagyeyelo siya ngayon. Hindi ginusto ng heneral na magkaroon siya ng pangalan pero inutos ni Eloisa na ito ang maging pangalan ng dalagang Akuma sa araw ng kanyang kapanganakan. Hindi na ito napigilan ng heneral hanggang ang lahat ng mga tao ay nakilala na siya sa ganitong pangalan. May mahaba at kulot na buhok si Tris. Mapungay ang kanyang mga mata at matambok ang kanyang mga labi. Kayumanggi ang kulay ng kanyang balat na namana niya kay Eloisa. Maamo ang kanyang mukha kung tutuusin. Pero hindi ito sapat upang mawala ang galit na mayroon ang heneral para sa kanya. Napansin rin ng heneral na lumalaki at tumatangkad na si Tris. Kahit na nasa ilalim siya ng epekto ng cryogenics ay hindi pa rin nito napipigilan ang pagtanda ng dalagang Akuma. Ang mga sayantipiko ay may teorya tinatawag nilang Mirror Effect Phenomena na isang katangian na mga subhuman. Malaking parte ang ginampanan ni Tris para mapalalim pa ang kanilang pag-aaral tungkol sa kanila. Kung tutuusin ay kumpara sa tatlong Akuma na mayroon sila ay si Tris ang hindi bayolente sa kanila at maari nilang sabihin na siya ang pinaka mabait. Dahil rin naman ito sa kadahilanan na hindi nila ipinaalam sa kanya kung ano ba ang potensiyal na mayroon sa kanya. Hindi alam ng dalaga na isa siyang subhuman Hanggang ngayon ay itinago nila ang katotohanang ito kay Tris upang lalong magbukas ang oportunidad nila upang pag-aralan siya ng husto. Ginamit nila si Tris upang mapag-aralan ang kanilang uri. Ayon sa kanilang nasaksihan ay hindi lamang nakadepende ang mga Akuma sa life force ng kanilang Jinzo kundi sila rin ang repleksiyon ng mga ito. Kung ang Jinzo ay isang tao, ang Akuma naman ay ang anino nito. Hindi literal, pero may mga parte sa kanilang pagkatao na kung ano mang pisikal na nangyayari sa Jinzo ay ito rin ang nangyayari sa Akuma. Isang magandang halimbawa ay ang pagkakaroon ng karunungang magsalita ni Tris kahit na habang buhay siyang nakakakulong sa kanyang chamber. Noong una ay naniniwala sila na maaaring konektado rin ang memorya ng isang Akuma at Jinzo pero hindi rin nila ito napatunayan dahil walang ibang maalaala si Tris maliban sa sarili niyang memorya.    Naniniwala ang mga sayantipiko na may malalim pang kahulugan ang teoryang ito para sa mga subhuman at gusto nilang malaman ito isa-isa. Umubo si Doctor Flores bilang pagkuha niya ng atensiyon sa mga tao. Kahit na malayo ang doktor ngayon ay naririnig pa rin ito ng heneral. “Ibaba niyo ang Akuma,” utos niya. Lumipas ang limang segundo ay magkasabay bumukas ang mga bakal sa leeg at baywang ni Tris. Hanggang bumagsak siya pataob. Parang isang bato siya na lumagpak at rinig ng heneral ang pagtama niya sa metal na sahig. Ang mga kadena ay nakakabit pa rin sa kanyang mga paa at kamay. “Gawin niyong negative thirty two celsius ang room temperature,” kasunod na utos ng direktor. “Ibalik niyo ulit sa negative one hundred fifty celsius kapag nagising na ang Akuma.” Habang nasa ganitong kababa ng temperatura ang kapaligiran ng Akuma ay mahihirapan silang mag-self combust kahit pa gising sila. Dahil sa ibayong pag-aaral ay marami na rin natutunan ang mga sayantipiko kung papaano sila pipigilan. Ang bawat Akuma ay may detonation period na labing limang segundo. Sa oras na magliwanag ng kulay pula ang kanilang mga mata ay ito na ang simula ng kanilang detonation period. Maaari silang pigilan ng mga cryogenic sa mga oras na ito. Sa tinagal-tagal ng panahon ay ang cryogenics ang sumagip ng maraming buhay sa mundo. Pasalamat sila sa bansang China na unang nakatuklas ng sapat at tamang kombinasiyon ng mga kemikal upang pigilan ang mga Akuma. “Maghintay lang muna tayo ng ilang minuto heneral,” sambit ni Kiel kay Ralph. Alam ng doktor na ayaw maghintay ng kanyang heneral ngayon pero wala siyang magagawa ngayon. Sa kabilang banda ay may parte sa kanya na nasisiyahan siya kapag naiirita si Ralph. Ano namang magagawa ng heneral laban sa kanya na may posisiyon at may kapangyarihan rin katulad niya? Saka mas masaya naman makita na paminsan-minsan ay nasusunog ang isang demonyo sa sarili nilang apoy ‘di ba? Ngumiti si Kiel habang iniisip ang mga bagay na ito. Higit sa lahat ay sabik na sabik rin siya sa mga bagong susubukan niya ngayon sa Akuma. Mataas ang pag-asa niya ngayon na magtatagumpay siya sa proyektong ito. Ang kailangan niya lang gawin ngayon ay ang maghintay. Naniniwala siyang halos lahat ng bagay ay nakukuha sa paghihintay. Nakakita muli ng liwanag si Tris. Isa itong biyaya na malimit makamtan ng isang katulad niya. Nang dahil sa puting liwanag na ito ay muli siyang nakakakita ng iba’t ibang kulay. Ang mga kulay ay nagpapasaya kay Tris at wala ng iba. Liwanag. Gusto ko muling makakita ng liwanag. Sa kundisiyon niya ay hindi nawawala ang kanyang diwa sa tuwing ginagawa siyang yelo ng mga tao na nakapaligid sa kanya. Tumitigas man ang kanyang katawan at tumitigil ang pagtibok ng kanyang puso dahil sa mga kemikal na nalalanghap niya ay hindi ito sapat upang huminto ang kanyang pag-iisip at ang kanyang damdamin. Isang bangungot para sa kanya ang mabuhay sa loob ng chamber. Isang bangungot na hindi niya magawang gumising. Minsan ay nagagawa niyang makatulog sa loob nito pero kadalasan ay hindi. Para bang ang kadiliman ay sinasakal siya hanggang hindi siya makahinga. Ang kaibahan lang ay hindi siya namamatay. Nakakaramdam siya ng matinding lamig at matinding gutom pero ang mga ito ay hindi magbibigay sa kanya ng kamatayan. Hindi rin siya makagalaw sa loob dahil ginagawa nilang yelo ang kanyang katawan. May mga pagkakataong gusto niyang ikabaliw ang ganitong siytwasiyon. Gaano kasahol ang mga karanasang ito na umabot siya sa punto na ang tanging magbibigay lang sa kanya ng kalayaan ay ang kamatayan? Sa kabilang banda ay hindi niya ginustong mamatay dahil gusto niyang maging masaya ng matagal. Katulad nga mga kulay na nakikita niya sa labas ng kanyang chamber ay gusto niyang maging pang matagalan ito. Pero paano niya magagawa iyon kung pansamantala lang lahat ang kanyang paglaya? Hanggang ngayon ay hindi niya alam kung bakit ginagawa ito sa kanya ng mga tao ang ganitong bagay sa kanya. Simula na magkaroon siya na muwang ay sa ganitong paraan na lamang siya nabubuhay. Umaasa siya na mabubuksan ng mas mabilis ang kanyang kulungan nang makakita muli siya ng liwanag. Pitong taong gulang siya ng malaman niyang kakaiba siya sa mga taong nagkulong sa kanya rito. Sa gaanong kaagang edad ay nalaman niya na hindi siya katulad ng mga taong nakapaligid sa kanya. Nalaman rin niya na kung hindi takot ang mga ito sa kanya ay galit katulad ng kanyang ama. Pero kahit kailan ay wala naman siyang ninais na masama para sa kanila. Gusto lang niya maitindihan ang lahat. Gusto niya lang maging malaya. Kung may isang bagay na nagpapanumbalik sa kanyang katinuan ay ito ay ang kanyang mga panaginip sa isang binata. Hinding-hindi niya makakalimutan ang maamo niyang mukha. Maputi ang kanyang kompleksiyon ng kanyang balat at walang bahid dungis. Matangos ang kanyang ilong at mapula ang kanyang labi. May maliit siyang nunal sa kaliwang baba niya. Ang kanyang buhok ay kulay kayumanggi at medyo kulot. Hindi niya alam kung sino siya pero nakakasigurado siyang totoo ang lalaki na ito. Nararamdaman niya ang isang matinding koneksiyon sa kanya. Nararamdaman rin niya na papalapit nang papalapit ang presensiya niya kung nasaan man si Tris ngayon. Unti-unti nang nawawala ang mga kemikal sa kanyang katawan at dahan-dahan ay nararamdaman niya na muli ang kanyang kalamnan. Maya-maya pa ay nagawa na na niyang maigalaw ang kanyang mga binti hanggang sa makatayo siya. Napansin na rin niya ang mga kadena sa kanyang mga paa at kamay. Dito na rin niya muling naramdaman ang malalamig na usok na nanggagaling sa kisame. Tumingin siya sa kanyang likuran at nakita niya ang dalawa pang chamber  na katabi nang sa kanya. Kahit kailan ay hindi pa niya nakita kung ano o sino ang laman ng mga lalagyan na ito. Pero malakas ang suspetya niya na katulad niya rin ng kundisiyon kung sino man ang mga nasaa loob nito. “Kamusta ka na?” tinig na nangaggaling sa kanyang unahan. Ang unang taong nakita niya sa kanyang harapan ay si Ralph Naga. Napagigitnaan sila ngayon ng isang makapal na salamin. Napansin niya kaagad ang kulay pula niyang damit na matingkad para sa kanya. Paborito niya ang kulay pula. Balang araw ay gusto rin niyang magsuot ng ganoong kasuotan dahil hindi pa niya nararanasan na magkaroon ng sariling damit. Walang emosiyon ang mukha ng heneral para sa kanya. Gusto niyang maging masaya sa muling pagkikita nila ng kanyang ama pero hindi niya magawa dahil alam niyang may masamang dahilan ito para sa kanya. Gusto niya ring mahalin ang heneral ngunit habang tumatakbo ang oras ay nauubos na ang kanyang pag-asa para sa kanyang ama dahil kahit kailanman ay hindi siya minahal nito. “Papa?” naiiyak na sambit ni Tris. Hindi nagustuhan ng heneral ang pagtawag sa kanya ng Akuma. Parang isang sampal ito sa kanya lalong lalo na para sa mga taong nakarinig na mga taong nakapalibot sa kanila ngayon. Pakiramdam niya ay pinagtatawanan siya ng mga ito sa kanilang mga isipan. “Bakit hindi ka pa mamatay?” agad namang tanong ng heneral. “Wala akong anak na isang kagaya mo.” Nang una niyang marinig ito sa heneral ay hindi matatawaran kung gaano ito kasakit para kay Tris  na masahol pa sa isang sugat. Pero ngayon ay unti-unti na niyang natutunan kung paano kontrolin ang kanyang emosiyon. Walang ibang nagturo kay Tris na si Ralph ang kanyang ama. Kusa niya itong nalaman dahil sa dinami-raming mga taong nakapaligid sa kanya ay nakaramdam siya ng pisikal na koneksiyon sa heneral. Nararamdaman niya ang parehong dugo na nananalaytay sa heneral at sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakikilala ang kanyang ina at naiisip niya kung ganito rin ba ang turing nito sa kanya. “Hindi iyan totoo,” sabat naman ni Tris. “Ako ang iyong dugo at laman. Ikaw ang aking ama.” “Hindi ka isang tao tandaan mo ‘yan,” galit na paliwanag ng heneral. “Paano mo nasabi?” sabat naman ni Tris. “May dalawa akong kamay at dalawa akong paa katulad niyo.” “Nagugutom ako katulad niyo. Nasasaktan ako katulad niyo,” naiiyak na dagdag niya. “Hindi pa ba sapat na maging isa akong tao?” “Pakiusap, pakawalan niyo na ako rito,” umiiyak na pagmamakaawa ni Tris. “Hindi ako masamang tao.” “Kamatayan lang ang magpapalaya sa’yo,” pangako naman ng heneral. Ito ang isang bagay na hinding-hindi maintindihan ni Tris. Bakit ganoon na lang kasidhi ang pagnanais nilang mamatay siya? Ano ba ang nagawa niyang kasalanan sa mga tao upang maging karapat-dapat sa kanya ang kamatayan? Nakararamdam siya ngayon ng galit at hindi niya ito makontrol ngayon. “Pero bakit hindi niyo ako magawang patayin?” agad namang tanong ng dalaga. “Dahil hindi niyo magawa ‘diba?” “Iyon ba ang pagkakaiba niyo sa akin?” Tanong muli ni Tris ng may galit sa kanyang boses. “Imortal ako at kayo ay hindi?” “‘Yan ang akala mo. Darating ang panahon ay mabubura ka rin sa mundong ito,” pangako muli ng heneral. Naglakad papalapit si Tris kay Ralph.“Pakawalan niyo na ako, pakiusap. Hindi ako katulad ng iniisip niyo.” Huminto sa paglalakad ang dalaga dahil sa mga kadena matapos niyang makagawa ng ilang hakbang. Ngumiti ang heneral sa kanya ngunit may galit sa kanyang mga mata. Hindi siya sumagot kay Tris imbis ay tumingin siya sa kanyang likuran. “Simulan niyo na ang Extraction test!” sigaw ng heneral.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD