"C-Claudius?!" ang tanging nasambit ni Odessa nang makita ang lalake sa kanyang harapan.
Mabilis na humampas kay Odessa ang latigong Eskrihala pero kaagad din nakailag at nakatalon ang babaeng Sangre bago pa man ito tamaan ng makapangyarihang sandata.
"Ngayon ay ipakita mo sa akin na matapang ka nga Odessa. Makakaya mo kaya akong talunin na wala ang Eskrihala sa 'yong kamay?!" ang mataman na hamon sa kanya ng lalaki.
Hindi makapaniwala si Odessa na ang kanina pa pala niyang kasama ay si Claudius. Pero imposible dahil nasunog ng Eskrihala si Claudius nang sinubukan niyang agawin ang ito nang maglaban sila sa hardin ng kanyang mansion sa Bulacan. Walang kakayahang maghilom ang katawan ni Claudius sa mga sugat na likha ng Eskrihala. Pero paanong nangyari na ang Claudius na nasa harapan niya ngayon ay walang bakas ng ano mang sunog na nilikha ng sandata sa kanya?
At ang lalong nakapagtataka rito ay paanong sa madaling panahon ay naging bihasa na ito sa paggamit ng Eskrihala?
Patuloy pa rin sa pag-ilag si Odessa sa bagsik ng dati niyang sandata na ngayon ay nasa kamay na ng mortal niyang kaaway. Ngayon ay sa kanya naman ito ginagamit para siya ay patayin.
Maliliksi at mabilis ang mga kilos ni Odessa. Bawat hampas ni Claudius sa Eskrihala ay ang pagdagundong ng paligid tulad sa kulog at kidlat. Lumalagutok ang mga boltahe ng kuryente kapag napapadaan sa kanyang harapan ang latigong Eskrihala.
"Nasaan ngayon ang sinasabi nilang napakagaling na tagapagligpit ng mga Sangre? Hindi ba tama ako Odessa na ang Eskrihala lamang ang nagbibigay sa'yo ng lakas at tapang?" ang panlalait na sabi ni Claudius sa kanya na may bahid ng ngiti sa magkabilang dulo ng kanyang mga labi. Kabado si Odessa dahil hindi niya inaasahan na darating ang araw na sa kanya gagamitin ang Eskrihala ng mismong kalaban niya.
"Alam kong ano man ang binabalak mo Claudius ay hindi ka magwawagi! Mapapatay mo man ako ay siguradong mayroon pa rin tatayo at lalaban sa iyong kabuktutan! Hinding-hindi ko hahayaan na maghari ang tulad mo sa sanlibutan!" pasigaw na tugon ni Odessa.
"Kung gayon ay hindi rin ako magsasawang paulit-ulit na patayin ang sino mang haharang sa aking mga balakin. Ngayon pang nasa akin na ang Eskrihala." sigaw ni Claudius sabay hampas sa latigong Eskrihala kung saan naroroon si Odessa.
Halos singbilis ng kidlat ang mga kilos ni Odessa, pero hindi niya makuhang lumapit man lang kay Claudius dahil sa Eskrihala. Biglang lumakas ang ihip ng hangin at nangalit ang nakapalibot na karagatan. Ramdam ni Odessa na tila nanginginig ang lupa sa isla. Pakiramdam niya ay buhay ang isla kung saan siya naroroon. Sa bawat hampas ng Eskrihala na tumatama sa puting dalampasigan ay tila nasasaktan ito at nagkakaroon ng mga pagyanig.
Kailangan makaisip ng paraan kaagad si Odessa para matalo niya si Claudius. Pero kapansin-pansin ang kakaibang Claudius na umaatake sa kanya ngayon. Hindi agresibo si Claudius sa pakikipaglaban, mahinahon lamang ito habang gamit ang kanyang kapangyarihan. Maaaring epekto ito ng enerhiyang nanggagaling sa Eskrihala.
Sa unang pagkakataon ay mabilis na nakalapit si Odessa kay Claudius at akmang sisipain niya ang Sangre nang biglang ginamit ni Claudius ang telekinesis power nito. Tumilapon sa dulo ng dalampasigan si Odessa pero nakuha nitong makatayo pagbagsak niya sa lupa. Tumalon si Claudius at pinakawalan ang kapangyarihan para kontrolin ang pagkilos ni Odessa at gamitin ang Eskrihala laban sa kanya. Katulad ng inaasahan ay naramdaman na lamang ni Odessa ang malakas na puwersang biglang kumontrol sa kanyang katawan. Kahit na anong gawin niyang pagpupumiglas ay wala siyang magawa para kumawala dito.
"Napakadali mong talunin Odessa. Napakahina mo pala." Biglang tumawa nang malakas si Claudius. "Isa kang malaking kahihiyan sa lahi ng mga diwata, lalo na sa mga mortal na umaasa sa'yo at lalo kang walang lugar sa mga Sangre!"
Pakiramdam ni Odessa ay isa-isang pinupunit ang mga laman sa kanyang katawan. Gumagapang sa katawan niya ang init lalo na nang tumama sa kanya ang Eskrihala na nagpasigaw sa kanya dahil sa sobrang sakit. Nagsusumiksik ang daloy ng kuryente sa katawan ni Odessa at nagsimula nang umusok ang suot nitong damit dahil sa sobrang init.
"Ngayon damhin mo ang sakit na pinatikim mo sa mga anak ng buwan gamit ang Eskrihala. Ang sandatang ito ang papatay sa'yo!" ang tuwang-tuwang wika ni Claudius habang nakikitang nahihirapan si Odessa.
"Aaaahhhh!" ang malakas na sigaw ni Odessa na namimilipit sa sobrang sakit na nararamdaman.
"Nasaan na ang tapang mo ngayon? Nasaan na ang Odessa na kinatakutan ng mga Sangre?! Bakit hindi ka lumaban? Ipakita mo ang galing mo Odessa! Ipakita mo ang tapang mo, lumaban ka! Lumaban ka! " ang pag-uudyok sa kanya ni Claudius.
Paulit-ulit na hinampas ni Claudius ang Eskrihala kay Odessa. Sa sobrang sakit ay halos mawalan na siya nang malay. Kitang-kita ni Claudius na lupaypay na ang ulo ni Odessa at pinakawalan niya ito mula sa kanyang kapangyarihan. Bumagsak sa lupa si Odessa na halos wala ng lakas. Umuusok ito habang nakahiga sa malamig na buhangin. Pakiramdam niya ay ito na marahil ang kanyang magiging katapusan kung hindi siya makakagawa ng paraan kung paano talunin ang lalaking Sangre.
Kanina pa hinihintay ni Odessa na lumubog ang araw. Bakit tila yata napakabagal lumubog ng araw ng mga sandaling iyon? Kung mamamatay siya ay nais niyang makita ang paglubog ng ginintuang araw at doon ay masaya na siyang mamamatay. Wala nang natitirang lakas sa kanyang katawan si Odessa. Tama nga si Claudius, wala siyang kuwenta kapag wala ang Eskrihala sa kanya. Hindi niya naisip na darating ang araw na mangyayari ito sa kanya. Kung naisip lamang niya na mangyayari ang ganito, sana ay napaghandaan niya ang araw na ito.
Nagsuka ng dugo si Odessa. Kailanman ay hindi pa nangyari ito sa kanya. Dumidilim na ang kanyang paningin at tila idinuduyan siya habang bumibigat ang mga talukap ng kanyang mga mata. Hindi na niya kaya. Gusto na niyang sumuko at magpahinga. Unti-unti ay pumipikit na ang kanyang mga mata at nararamdaman na niyang sinasakluban na siya ng karimlan.
Gumising ka Odessa! Huwag kang susuko!
Isang pamilyar na boses ang nagpabukas sa kanyang mga mata. Pilit niyang inaalala kung sino ang nagmamay-ari sa boses na iyon pero bigo siyang matukoy kung sino ang nagmamay-ari nito.
Huwag kang susuko! Hanapin mo ang munting liwanag sa kawalan! Hanapin Mo!
Muli ay narinig ni Odessa ang pamilyar na boses.
"S-sino, ka?" ang halos namaos na tanong niya sa narinig na boses.
"Tumayo ka Odessa, harapin mo ako! Nasaan na ang kinatatakutan ng mga anak ng buwan at ngayon ay hindi man lang matulungan ang kanyang sarili?!" ang nangungutyang pasigaw na sabi ni Claudius sa kanya habang akmang ihahampas na naman ang Eskrihala sa mahina na niyang katawan.
Isang namamaos pang sigaw ang lumabas sa bibig ng nanghihina na si Odessa. Konti na lang at bibitaw na siya. Hindi na niya kakayanin pa ang mga susunod na pagtama sa kanya ng Eskrihala. At iyon na nga ang sumunod na nangyari. Pinakawalan ni Claudius ang isa pang malakas na hampas ng Eskrihala kay Odessa. Sa pagkakataong ito ay tuluyan nang nilukuban ng kadiliman ang babaeng Sangre. Pakiramdam niya ay hinihigop siya ng napakalalim na bangin. Patuloy ang kanyang pagbagsak pero wala siyang maramdaman kung saan at kailan tatama ang katawan sa lupa. Sinubukan niyang magpumiglas ngunit tila nasa ilalim pa rin siya ng kapangyarihan ni Claudius. Iginala niya ang kanyang mga mata pero wala na siyang makita kundi purong kadiliman.
Naisip ni Odessa na baka patay na siya at ang kaluluwa na lamang niya ang naglalakbay patungo sa mundo ng mga patay, ang Laboc. Minabuti niyang huwag ng magpumiglas pa at isuko na lamang ang lahat. Marahil ito na nga ang kanyang katapusan at hindi na niya magagawang iligtas pa ang kanyang Ate Laurea sa kamay ni Anilaokan.
"Patawad ate Laurea. Patawad at wala akong nagawa para iligtas ka..." sabi ng isip niya.
Ikinalma ni Odessa ang kanyang isipan at mga alalaanin. Buong puso na niyang tinatanggap ang kamatayan. Hinayaan na lamang ang patuloy na pagbulusok niya sa kawalan na tila walang katapusan.
Buksan mo ang iyong mga mata Odessa, at sundan mo ang liwanag...
Sabi ng boses na bigla na lamang niyang naririnig.
"Sino ka? Bakit mo 'ko kilala? " ang tanong niya gamit ang kanyang isip.
Tumingala ka't tumingin sa liwanag.
Muling sabi ng boses na hindi pa rin niya masabi kung lalake o babae ang pinanggagalingan nito. Pero pamilyar sa kanya ang boses na iyon.
Tumingala si Odessa pero wala siyang nakitang liwanag. Ikinurap-kurap niya ang kanyang mga mata ng masilayan ang ga-ulong karayom na liwanag na nagsimulang lumaki sa kanyang paningin.
Palayain mo ang iyong isipan Odessa at hayaan mong ilipad ka ng iyong kamalayan... Muli ay ipikit mo ang iyong mga mata at hayaan mong makita ang liwanag hindi sa pamamagitan ng iyong mga mata kundi sa 'yong puso.
Ang muling sabi ng boses kay Odessa, at iyon nga ang ginawa ni Odessa. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at sa kanyang pagkamangha ay naroroon pa rin ang ilaw na unti-unting lumalaki. Pakiramdam niya ay hindi na siya bumubulusok pababa sa daigdig ng mga patay kundi kusang inililipad siya ng kanyang kamalayan patungo sa liwanag. Nararamdaman niya ang kakaibang lakas na unti-unting bumabalot sa kanyang buong katawan. Pakiramdam na noon pa lamang niya naranasan at lakas na hindi pa niya nasusubukang pakawalan.
Kitang-kita ni Odessa ang pagpasok ng liwanag sa kanyang mga mata at bibig na tila makapal na usok na pilit na sumusuksok sa bawat parte ng kanyang katawan. Biglang nag-iba ang kulay ng kanyang mga mata tulad ng kulay sa kailaliman ng pinakamalalim na karagatan. Naging malinaw at matalas ang kanyang pandinig pati na rin ang pakiramdam sa kanyang balat. Mas higit pa ito kaysa nang una niyang maranasan ang mga pagbabago noong naging isa siyang bampirang Sangre. Naramdamandin niya ang pagkauhaw sa paglipad ng kanyang diwa at isipan na tulad sa isang batang ibong nais na maabot ang kalangitan. Biglang lumabas sa katawan ni Odessa nakakasilaw na liwanag. Liwanag na biglang sumabulat at nagpaalis sa kadiliman ng paligid.Sa isang iglap ay isang mala-alamat na ibon ang lumabas sa kanyang katawan. Isang ibong nalikha mula sa apoy at kasing bagsik at liksi ng lintik kung maiilarawan ngayon si Odessa. Itinaas ng babaeng Sangre ang dalawa niyang kamay at sa isang iglap ay siya at ang ibon ay nagsanib, siya at ang ibong Bagauisan ay naging isa.
Biglang sumabog ang napakapulang liwanag na kasabay ang napakalakas na puwersa na nagpatilapon kay Claudius ng mahigit sa dalawampung metro sa dagat. Dumagundong ang buong paligid kasabay ng puwersa ng hanging nagtaboy sa tubig sa dalampasigan. Isang nakakasilaw na liwanag ang bumalot kay Odessa na halos hindi na maaninag ni Claudius.
Mabilis na umahon si Claudius sa tubig sa dagat at napanganga ito sa pagkamangha sa kanyang nakitang nangyayari kay Odessa. Hindi nga siya nagkamali na si Odessa ang makapangyarihang nilalang sa Sinukluban. Dinig na dinig din niya ang tila mga maliliit na pagsabog na dulot ng pinagsamang kuryente at apoy na bumabalot kay Odessa habang lumulutang ito sa himpapawid. Kitang-kita rin niya ibong bumabalot sa katauhan ni Odessa. Ito ang ibong Bagauisan, ang mala-alamat na ibon ni Bathala at Amang Suba sa Kalangitan. Hawig ito sa ibong Phoenix o Firebird mula sa mitolohiya ng mga Griyego. Ang Bagauisan ay nilikha sa pinagsamang apoy, kidlat at niyebe. Tanging mga angkan lamang ng mga makapangyarihang diwata at diyos ang puwedeng kumontrol nito.
Pero bakit kay Odessa? Ito ngayon ang tanong na naglalaro sa isipan ni Claudius na manghang-mangha pa rin sa nangyayari kay Odessa.
Nag-aalimpuyo ang tila mga ipu-ipong apoy na pumapalibot sa kanila ni Odessa. Mga ipu-ipong apoy na kinakapitan ng mga sanga-sangang boltahe ng kuryente na bawat madaanan nito ay nababalutan ng napakakapal na yelo. Takot ang namamayani ngayon ang sa di na makakilos sa pagkabigla na si Claudius na mula sa kanyang kamay ay nabitawan bigla ang Eskrihala.
"Mahabaging Bathala... " ang tanging nasambit ni Claudius habang nakatitig sa nangangalit na si Odessa.
Damang-dama niya ang magkahalong init at lamig na dumadampi sa kanyang pisngi. Pakiramdam niClaudius ay tila nasobrahan na ang ginawa niyang paraan para matulungan si Odessa na mailabas nito ang natutulog na kapangyarihan. Biglang nagpalit ng anyo ang kanina'y si Claudius. Ngayon ang diyos na si Danum na ang nasa harapan ni Odessa. Nagtagumpay ba siya sa pagpapalabas sa tunay na kapangyarihan ni Odessa bilang anak ng isa sa pinakamakapangyarihang diwata at dugo ng Sangre sa buong daigdig? O pinakawalan lamang niya ang pagiging makapangyarihang halimaw sa katauhan ni Odessa?
"Odessa, s-sandali! Huminahon ka, ako ito, si Danum ang kapatid ni Bathala. H-hindi talaga ako si Claudius. Tinulungan lang kita na mailabas mo ang iyong kapangyarihan." Ang ngayo'y nakikiusap na si Danum kay Odessa. Balot sa mukha niya ang takot sa babaeng Sangre.
Pero, hindi siya naririnig ni Odessa. Sumingaw mula sa katawan ni Odessa ang napakainit na hangin na halos sumunog kay Danum. Kailangan na ang kumilos at paghandaan ni Danum ang susunod na gagawin ni Odessa sa kanya. Bago pa man maibuga ni Odessa ang nangagalit na apoy at kuryente ay kaagad na ibinalik ni Danum ang kanyang katawan sa karagatan. Tumama ang nangangalit na apoy sa dalampasigan at biglang umigpaw ng mahigit sa sampung metro ang isla na isa palang higanteng pawikan na mahigit sa isang daang metro ang haba. Kumaripas sa paglangoy ang higanteng pawikan dahil na rin sa natamong pagkapaso mula sa kapangyarihan ni Odessa.
Biglang nanghina si Odessa at nahulog ang katawan nito sa dagat. Kumukulo ang tubig sa kinabagsakan niya at mabibilis na pumulupot sa kanya ang mga payat na boltahe ng kuryente. Ilang metro mula sa kanya ay nakamasid si Danum sa kanyang kinabagsakan. May ngiti ito sa kanyang maninipis na labi na tila may binabalak na gawin.