Tatlong araw na ring nasa sa harap ng dalampasigan si Odessa dela Rosa. Tatlong araw na naghihintay ng tulong para makaalis na sa maliit na isla na kung saan siya nakatayo ngayon. Isla na walang nilalang na nabubuhay kundi ang mga maninipis na damuhan sa gitna nito at ang nag-iisang puno ng pandanus ang nakatayo malapit sa dalampasigan.
Pagkatapos ng labanan sa Mansion ni Claudius sa Villa Hermanuevo ay napagtanto niya na sa kabila ng pagnanais niyang magapi ang mga anak ng buwan, maituturing pa rin siyang bigo sa pagtakas sana sa kanyang kapatid na si Laurea na ngayon ay nasa kamay na ni Anilaokan. Pero saan nga ba siya nagkamali? Naging mapusok ba siya sa paglusob sa kalaban at hindi na niya ginamit ang kanyang isip? Ngayon nag-iisa siya at talunan. Wala sa tabi niya si Randy ang kanyang kasintahan. Ang mga kaibigan niyang sina Demetria na isang Sangre, si Sagaway na isang matapat na kapre at si Alimog na isang Malakat na nagligtas sa kanya dati sa kapahamakan. Pero ang pagkamatay ng kanyang matalik na kaibigang si Calisha ang labis niyang dinamdam. Si Calisha na nagbuwis ng kanyang buhay para mailigtas lamang sila sa kamay ni Claudius at Impong Sendang. Tila nabale-wala lamang ang pag-alay ng buhay ni Calisha dahil nauwi sa wala ang lahat. Isang malaking sampal sa kanya kung bakit naririto siya sa isla ngayon. Isang talunan at nararapat lamang ang kanyang naging kapalaran sa patay na isla.
Nakapa niya sa kanyang bulsa ang dalawang maliit na bote. Ang isa ay naglalaman ng pulang likido na nagmula sa halamang Myrho at ang isa naman ay ang mga hibla ng kanyang alaala na hindi pa naibabalik sa kanyang isipan para malaman na ang kanyang nakaraan. Hindi niya maintindihan bakit tila may pumipigil sa kanya na isauli na ang mga alaala sa kanyang isipan. Maaring hindi pa siguro siya handa para alamin ang kanyang nakaraan.
Ang pagkakaalam niya ay kalahati ng dugo niya ay diwata pero ang mga katangian at kapangyarihan ng isang diwata ay hindi pa niya natututunan. Wala sa kakayahan ng isang diwata ang pagkakaroon ng kakayahang kontrolin ang Eskrihala na tanging mga makapangyarihang nilalang at mortal lamang ang may kakayahan. Pero ang kalahating bahagi ng Eskrihala ay wala na sa kanya. Natangay ito ni Claudius Rickman ang Sangre na dahilan ng lahat ng kaguluhan sa Sanlibutan. Si Claudius rin ang dahilan kung bakit nawala ang ang mga kakayahan niya bilang nilalang na may dugong diwata. Sinimsim niya halos ang kanyang dugo
Kung natutunan lang sana niya ang kapangyarihan ng pagiging diwata marahil ay matagal na siyang nakagawa ng Pilunlualan o lagusan pabalik sa kanyang mga kaibigan. Wala na sana siya ngayon sa islang ito na ilang araw na ring namamalagi at di alam kung paano makakaalis pa at makakabalik sa mga kaibigan sa Sansinukop. Malapit na ang paglubog ng araw at isang araw na naman ang lilipas na walang magawa para makaalis sa isla. Ni hindi nga niya alam kung saang sulok siya ng daigdig naroroon. Maaaring hindi rin alam ng kanyang mga kasamahan kung nasaan din siya ngayon. Makakaalis pa ba siya rito? O ito na ang magsisilbi niyang bilangguan habang siya ay nabubuhay? Tatlong araw na wala siyang nakikita kundi bughaw na dagat na tila walang katapusan sa kanyang paningin saan dako man siya tumingin.
Nahiga si Odessa sa malamig na buhangin at saka bumuntung hininga. Oo't hindi nga naman siya mamamatay sa gutom at naroroon ang pulang likido para hindi siya mauhaw sa dugo ng tao. Hindi mauubos ang pulang likido sa kanyang lalagyan basta huwag lamang itong kusang itatapon. Pero ang katahimikan ng lugar at pagkabagot ang siyang kikitil sa kanyang katinuan. Parusang daig pa ang kamatayan para sa kanya. Kung natutunan din sana niya ang pagpapalit ng anyo katulad ng ginagawa ni Demetria, ay kaya niyang lumipad o lumangoy para makaalis sa isla. May dugong Sangre ang nananalaytay kay Odessa kaya magagawa niya ang pagpapalit ng anyo kung natutunan lamang niya.
Biglang napabangon si Odessa mula sa buhangin na kanyang kinahihigan. Pinakiramdaman niya ang buong paligid ng isla at nararamdaman niya ang paggalaw ng buong paligid. Napansin niya ang pagiging balisa ng mga alon sa dagat.
"Lumilindol..." ang pabulong na wika ni Odessa habang pinakikiramdaman ang pagyanig sa paligid.
Mula sa kanyang harapan ay may kung anong nilalang ang lumipad mula sa tubig at lumapag sa dalampasigan. Napaurong sa pagkabigla si Odessa nang makita ang hubad na katawan ng isang matangkad na lalake. Napansin niya ang kakaibang katawan ng nilalang na tila nababalutan ng tubig ang buong katawan nito.
"S-sino ka?" tanong ni Odessa sa nilalang na nakatayo sa kanyang harapan.
"Hindi ba dapat ako ang magtatanong sa'yo niyan?” Ang tugon ng lalaki sa tanong ni Odessa na nakikipag-usap gamit ang isip. “Sino ka at ano ang ginagawa mo sa pag-aari ko?"
"Ako si Odessa. Hindi ko rin alam bakit ako napunta rito sa isla na 'to. Ang huling pagkakaalam ko ay inililigtas ko ang aking kapatid na si Laurea kay Anilaokan. Sinundan ko sila sa lagusang ginamit ni Anilaokan sa pagtakas. Pagpasok ko sa lagusan ay nakita ko na lamang ang sarili ko dito sa isla." Ang paliwanag ni Odessa sa kakaibang nilalang ng tubig sa kanyang harapan.
Napansin ni Odessa na kahit tinatamaan ng papalubog na sikat ng araw ang lalake ay lumulusot sa katawan nito ang tila kulay gintong mga sinag.
"Ikaw si Odessa? Totoo nga ang sinasabi ng mga engkanto tungkol sa'yo. Si Laurea, ang dakilang si Mariang Sinukuan na ngayon ay nasa kamay ni Anilaokan. Pero imposible." Ang malakas na wika ng Lalake.
"Huh? A-ano ang sinasabi ng mga engkanto tungkol sa akin? Alin ang imposible? Sino ka ba?" Ang mga sunod-sunod na tanong ng naguguluhang si Odessa.
"Imposibleng si Anilaokan ang bumihag kay Mariang Sinukuan,Odessa. Matagal ng pumanaw sa mundo ang itim na diwata. Ang sino mang nilalang ang napatay gamit ang Eskrihala ay hindi na kailan man mabubuhay pa." Ang paliwanag ng lalake sa kanya.
"Pero nakita mismo ng dalawang mata ko kung paano itinakas ni Anilaokan ang aking kapatid. Kasama niya si Impong Sendang."
"Impong Sendang? Ang matandang bruha, ang kinatatakutan kahit na ng mga diyos at diyosa? Kung gayon..." Ang biglang natigilan at napaisip na wika ng lalake.
Napansin ni Odessa na nag-iba ang hitsura ng mukha ng lalake. Kanina pa tumutulo at hindi natutuyo ang tubig sa katawan nito. "Kung gayon ano?" ang usisa ni Odessa.
"Kailangang malaman ng buong Sanlibutan ang tungkol sa sinabi mo Odessa. Hindi ko inaasahan na muling mangyayari ang pagkabuhay ni Anilaokan. Binuhay siya ng itim na mahika. Nagtagumpay ang mga anak ng buwan sa pagkabuhay ni Anilaokan, ang ibig sabihin nito ay nahuli nila ang aking kapatid."
"Ang inyong kapatid? Sino ang iyong kapatid at ano ang pangalan mo?” ang muling tanong ni Odessa na napa-isip sa binanggit ng lalake.
Mukha ng pagkainsulto ang naging hitsura ng lalake kay Odessa. Payapa ang panahon ng mga sandaling iyon kaya payapa rin ang takbo ng isipan ng lalaking nababalutan pa rin ng tubig sa buong katawan. Kaya wala siyang dahilan para magpakita ng ano mang pagkagalit sa ibinalita sa kanya ni Odessa. Pinili pa rin ng lalake na kalmahin ang sarili at sagutin ang tanong ni Odessa.
"Ang aking kapatid ay si Bathala. Ako si Danum ang diyos ng tubig at ng karagatan ang nagmamay-ari sa nilalang na kinatatayuan mo." Ang pagpapakilala ng lalake sa kanya.
Pagkarinig ni Odessa sa pangalan ng lalaki ay kaagad na nagbigay pugay ito bilang paggalang sa diyos ng tubig.
"Mahal na panginoong Danum, ipagpaumanhin po ninyo. Hindi ko po alam." Ang pagpugay ni Odessa sa kapatid ni Bathala.
"Odessa, hindi mo kailangang magbigay pugay sa akin. Tulad mo ay nilikha lamang din ako ng nag-iisang Diyos na lumikha sa iyo at sa lahat ng bagay sa buong Sanlibutan. Hindi rin kami nalalayo sa mga mortal na tao. Nilikha kami ng Diyos na nagtataglay ng kapangyarihan para maging gabay at tagapangalaga sa mga bagay na naatas sa amin at hindi para sambahin. Pero marami sa amin ang nabulag dahil sa tinatamasang karangalan at kapangyarihang kaloob ng poong May-kapal, kaya itinuring ng iba ang kanilang mga sarili bilang mga diyos na dapat sambahin at paglingkuran ng mga mortal na tao. Isa lamang akong katulad mo Odessa hindi nararapat sa akin ang pagbibigay pugay na ginagawa sa amin ng mga mortal na tao na hindi naman dapat nila ginagawa. Obligasyon namin ang gumabay at pangalagaan ang mga tulad nila hindi para sambahin at gawing diyos." paliwanag ni Danum sa pamamagitan ng pakikipag-usap nito gamit ang isip kay Odessa.
Namangha si Odessa sa ipinakitang kababaan ng loob mula sa kapatid ni Bathala. Tumayo si Odessa sa pagkakaluhod at pakiramdam niya ay lalong lumaki ang respeto nito kay Danum. Maari ngang tama si Danum, marami nga sa mga nilikha ng Diyos ang may taglay na kapangyarihan pero sinasamantala iyon para makapanglamang at abusuhin ito sa tulad din nilang nilikha ng Diyos na May-kapal.
"Pero simula pa lang ay iyan na ang ginagawa ng mga tao dito sa Sanlibutan. Mula sa mga sinaunang sibilisasyong itinatag ng mga tao sa Sumeria, sa Tigris at Euhrates, mga sinaunang kabihasnan sa Ehipto at Tsina. Lahat ay may kani-kaniyang diyos na sinasamba lalo na sa sibilisasyon sa Gresya at sa Roma. Masisisi mo ba ang mga karaniwang mortal na kayo ang tinatakbuhan para hingan ng tulong lalo na't wala na talaga silang matatakbuhan kundi ang kumapit sa inyong awa kahit imposible?" saad ni Odessa.
"Tandaan mo walang imposible dito sa mundo ito kaibigang Odessa ng Sansinukop. Ang imposible ay kapag nagsimula nang mawalan ng pangarap at pag-asa ang isang nilalang dahil katumbas na rin iyan ng kamatayan. Kapag ang isang nilalang ay nagsimula nang mawalan ng pangarap sa kanyang araw-araw na pamumuhay, para na rin niyang isinuko ang kanyang buhay." Tumingin sa kanya si Danum at ngumiti. "Ikaw Odessa bakit ka ba naririto? Hindi ba dapat ay kasama mo ngayon ang iyong mga kaibigan lalo na ang iyong katipan na si Randy?" Ang dagdag pa ng lalake pero sa pagkakataong iyon ay gamit na nito ang tunay na boses.
"Huh? Hindi ko alam kung paano ako makakaalis dito. Tatlong araw na akong naghihintay para makahingi ng tulong at makabalik na sa aking mga kaibigan sa Sansinukop. Kailangan ko ng ipagpatuloy ang pagliligtas sa aking kapatid na si ate Laurea." Ang tugon ni Odessa.
"Hindi mo alam o umiwas ka lamang sa nakaatang na responsibilidad sa iyong mga balikat dahil sa katotohanang duwag ka?" ang matigas na wika ni Danum kay Odessa na ngayon ay nanlilisik ang mga mata.
"Ha? A-anong ibig mong sabihin?" Ang naguguluhang tanong ni Odessa.
"Nananalaytay sa 'yong dugo ang lahi ng isa sa pinakamakapangyarihang diwata sa sanlibutan pero hindi mo magamit ang iyong kapangyarihan. Nasa dugo mo ang pagiging Sangre pero hindi mo rin kayang magpalit ng anyo kaya umasa ka sa kapangyarihan ng Eskrihala! Dahil ang totoo ay duwag ka at ang kapangyarihan ng Eskrihala ang ginamit mong lakas para lumaban sa mga anak ng buwan!" ang ngayo’y dumadagundong na boses ng diyos ng tubig na nangungutya kay Odessa.
"Hindi totoo yan!" ang napasigaw na wika ni Odessa kay Danum.
"Hindi totoo? Kailan ka ba lumaban ng patas sa mga walang laban na mga anak ng buwan? Kailan ka ba lumaban na hindi mo gamit ang Eskrihala?" Ang pang-iinsultong tugon ni Danum sa kanya.
Pakiramdam ni Odessa ay para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa kanyang kinatatayuan. Hindi niya alam kung paano niya sasagutin ang mga tanong ng diyos ng tubig sa mga paratang nito sa kanya. Kung tutuusin ay may katotohanan din naman ang sinasabi nito sa kanya.
"Ngayong wala na sa'yo ang Eskrihala, may tapang ka pa rin ba na labanan ako?!"ang malakas na tanong ni Danum sa kanya.
Biglang nakaramdam ng matinding takot si Odessa na hindi pa niya naramdaman sa buong buhay niya. Kitang-kita niya na unti-unting nagbabago ang hitsura ni Danum habang hawak-hawak nito ang kalahating bahagi ng Eskrihala. Nanlaki ang mga mata ng babaeng Sangre nang mapagtanto na ang lalaki sa kanyang harapan ngayon ay ang lalakeng nagpasimula ng lahat ng kaguluhan sa buhay niya.
"C-Claudius?" Ang tanging nasambit ni Odessa at sa di inaasahan ay ang mabilis na paghampas sa kanya ng ng lalaki gamit ang latigong Eskrihala.