Gusgusin ang kanyang inosenteng mukha. At sa edad na siyam na taon ay masasalamin na sa kanyang ang hirap na dinanas sa buhay. Malalalim ang kanyang mga mata pero maganda ang hubog ng kanyang mukha. Madalas ay napagkakamalan siyang babae kaysa sa lalake dahil sa napakaamo niyang hitsura. Matiyaga siyang naghihintay sa isang waiting shed para hintayin ang mga kasamang bata na naghahanap ng makakain. Simula ng mamatay ang kanilang ina ay natuto na siyang mangalakal ng mga pagkain sa mga abandonadong gusali para lang may maipakain sa dalawa pa niyang maliliit na kapatid at sa bulag na lola. Sa kanyang murang edad ay siya na ang nagsilbing ama't ina sa maliliit na kapatid dahil mula ng sumalakay ang mga anak ng buwan ay hindi pa rin umuuwi ang kanilang ama. Ang tanging kasa-kasama lang niya sa bahay na tinutuluyan nila ay ang kanilang bulag na Lola Luring. Siya si Joven Blake Zapanta, Blake ang tawag sa kanya ng mga kaibigan at kaklase niya.
Dati ay bibilugin ang kanyang katawan at hindi niya kailangang sumamang mangalakal sa mga kaibigan niya para sa pagkain. Kasama ang mga kapatid ay lagi silang nakaabang sa harapan ng kanilang bahay at hinihintay ang ama na laging may pasalubong na pagkain sa kanila. Ngayon ay halos nangalahati na ang katawan dahil na rin ng pagganap niya sa responsibilidad na naatang sa kanya. Sobrang mahal ni Blake ang dalawang nakakabatang kapatid lalo na ang kanilag Lola. Madalas ay kahit wala ng natirang pagkain para sa kanya basta huwag lamang magutom ang mga kapatid at lola. Batid niya na hindi siya tunay na anak ng kanyang mga magulang dahil hindi iyon itinago sa kanya. Pero minahal siya ng mga ito ng higit pa sa tunay na anak kaya sinusuklian lamang niya ang pagmamahal na iyon sa dalawa niyang kapatid na lalake na sina Macky at Eli.
Alam ni Blake ang panganib na sinusuong nila ng kanyang mga kasama sa paghahanap ng kanilang makakain. Kabiluganpa man din ng buwan ngayng gabi lalo na't nagkalat sa paghahanap din ng makakain ang mga aswang at wakwak sa paligid. Pero tila kamatayan din ang hatid sa kanila sa tuwing nakikita nilang kumakalam ang sikmura ng mga pinakamamahal nila sa buhay. Halos nasanay na rin ang kanilang grupo na tila pakikipagpatintero sa mga anak ng dilim sa tuwing maghahanap sila ng makakain, araw man o gabi. Madalas mas nakakatakot pa nga ang mga tulad nilang tao dahil mas masahol pa ang mga ito sa mga aswang at iba pang halimaw kapag aagawin sa kanila ang nahanap nilang pagkain.
Pero, may kakaiba kay Blake na kinatatakutan ng mga anak ng dilim at ng mga tao. Kaya Madalas ay iniiwasan na siya ng mga nilalang ng kadiliman kapag nakita siyang naghahanap ng makakain, mag-isa man o kasama ang kanyang mga kaibigan. Pero ano nga ba ang kinatatakutan kay Blake?
Sa kanyang paghihintay ay napansin ni Blake na wala pa ang mga kasamang mga bata para manguha ng pagkain sa mga hindi pa nila nagagalugad na gusali sa bayan. Kabilugan ng buwan kaya ito rin siguro ang dahilan kung bakit hindi dumarating ang kanyang mga kasama. Hindi kasi lumalabas kapag gabi ng kabilugan ng buwan ang mga kasamahan niya dahil mababagsik ang maraming naglipanang mga nilalang ng dilim sa paligid. Sa pagkakataong iyon ay nagdesisyon siya na siya na lamang ang lalakad mag-isa at para kaagad na rin siyang makauwi dahil nag-aalala rin siya sa mga kapatid at lola niya sa bahay na kanilang pansamantalang tinutuluyan.
Lumabas siya ng waiting shed at nagsimulang tunguhin ni Blake ang bayan. Maliwanag pa rin ang paligid dahil sa liwanag na nagmumula sa buwan. Walang gaanong bituin nang gabing iyon at tanging mga panggabing ibon lamang ang maririnig sa katahimikan ng gabi. Napatingala siya sa kalangitan nang mapansin ang dalawang tila higanteng paniki ang magkasamang lumilipad ilang metro lamang ang taas sa mga puno. Tinignan lamang siya ng isa sa mga ito at saka tuluyan ng lumayo sa lugar na kanyang kinaroroonan. Kapansin-pansin ang liwanag sa kanang palad ni Blake na nagmumula sa balat o birthmark na kulay pula. Kusa itong nagliliwanag kapag may papalapit na panganib sa paligid. Korteng titik S ito na may maliit na pabaluktot ang bahaging buntot nito sa ibaba. Sa loob ng pabaluktot sa itaas na bahagi ay isang kulay bughaw na tila nagsisilbing mata na lumiliwanag kapag may panganib sa paligid.
Ika-walo pa lamang ng gabi nang mga sandaling iyon at ang dating sigla ng bayan sa mga nagkikislapang mga ilaw ay nabalutan ng walang buhay na tanawin. Ang mga gusaling naroroon kung hindi nasunog ay basag-basag na ang salamin at matagal ng pinasukan ng mga tulad niyang nangangalap ng makakain. Mula sa kanyang kinatatayuan ay kitang-kita ni Blake ang dalawang aswang na nag-aaway at pinag-aagawan ang sariwang katawan ng isang kabayo na marahil sa sobrang gutom ay ang kawawang hayop na ang kanilang nilantakan. Natigilan at napatingin sa kanya ang dalawang aswang habang ang mga mata ng mga ito ay tila nakakita ng isang napakasarap na pagkain sa kanilang harapan. Naglalaway na iwinasiwas ng isa sa mga ito ang napakahabang sangang dila na tila tinitikman ang lasa ng batang si Blake na dinadala ang amoy nito sa hangin papunta sa kanya.
Kinabahan si Blake sa gustong gawin ng dalawang aswang sa kanya. Ipinakita nito kaagad ang kanyang marka sa kamay na kusang nagliwanag ng kulay pula. Nagkatinginan ang dalawang aswang at tila nagkaintindihan na gawing hapunan ang bata sa kanilang harapan. Marahil dayo sa lugar ang dalawang aswang kaya hindi nila nakikilala ang batang si Blake.
Wala ng inaksayang oras pa si Blake kundi ang tumakbo at umiwas na rin sa dalawang aswang, ngunit desidido ang mga ito na kainin siya dala na rin sa sobrang gutom. Mabilis na hinabol ng dalawa ang siyam na taong gulang na si Blake. Pagdating sa dulo ng kalsada ay tila wala ng matakbuhan pa si Blake. Humarap siya sa dalawang aswang at saka siya nagpakita ng nakakalokong ngiti. Tumigil din ang dalawang aswang at nagkagirihan pa kung sino ang unang titikim sa pagkaing nasa kanilang harapan. Pero natigilan sila nang ang mismong bata pa ang mabilis na tumakbo papalapit sa kanila. Tuwang-tuwa ang dalawang aswang sa kanilang nakikita. May katagalan na rin silang hindi nakakatikim ng sariwang lamang-loob ng tao, swerte nila at isang bata pa ang kanilang pagsasaluhan. Takam na takam pareho ang dalawang aswang habang papalapit sa sa kanila ang batang si Blake. Nang ilang metro na lamang ang lay ng bata ay nag-unahan pang tumakbo ang dalawang aswang para makauna silang makatikim sa kanya. Biglang tumalon si Blake pero laking gulat nila nang bigla na lamang nawala sa ere ang bata. Tumigil sa pagtakbo ang dalawang aswang at pilit na hinahanap ng kanilang mga mata ang batang bigla na lamang naglaho pagtalon nito.
"Nasaan na siya?!" pasigaw na tanong ng aswang sa kapwa aswang na nagtataka rin kung saan na napunta ang batang kanila sanang kakainin.
Hindi pa man nakakasagot ang kasama ay biglang lumitaw si Blake sa ere at isang malakas na tadyak ang ibinigay nito sa ulo ng aswang. Tumilapon ang aswang sa kanyang kinatatayuan at namilipit ito sa sakit. Halos hindi naman makapaniwala ang isa pang aswang sa nakitang ginawa ni Blake sa kasama. Eksaktong papakilos pa lamang ito para hulihin si Blake ay biglang naglaho ang bata at sa isang iglap ay lumitaw ito sa kanyang likuran. Isang malakas na sipa sa likuran ng ulo ng aswang ang pinakawalan ng bata at halos lumagutok ang bungo nito.
Humahalakhak na pinagmamasdan ni Blake ang dalawang aswang na kapwa nasaktan sa lakas ng pagsipa ng nito sa kanila.
"O ano?! Gusto niyo pa? Tara gawin ninyo akong hapunan at para gawin kong punching bag ang mga pagmumukha ninyo!" ang tuwang-tuwang sabi ni Blake sa dalawa.
Halos hirap sa pagbangon ang dalawang aswang dahil na rin sa sobrang pagkahilo sa lakas ng pagsipa ng bata sa kanilang mga ulo.
"Sa susunod na pagtangkahan pa ninyo akong kainin ay hindi lang yan ang ipapatikim ko sa inyo!" dagdag pa ni Blake at mabilis na naglaho sa kanyang kinatatayuan.
Sa isang iglap ay nasa loob na ito ng isang napakarangyang hotel na dati'y dito tumitira ang mga foreign delegates ng iba’t-ibang bansa kapag bumibisita ang mga ito sa Pilipinas.
Dito nababagay na tumira ang mga kapatid ko at si Lola Luring. Ang sabi ni Blake sa isip niya pagkakita sa nakakalula sa gandang lobby ng hotel.
Alam ni Blake na maraming pagkain sa lugar na ito. Dito kasi niya nakikita ang mga mayayamang tao na tumutuloy habang nagbabakasyon sa bansa. Dito rin niya nakikitang naglalagi ang mga kandidata sa isang beauty contest na nagmula pa sa iba't-ibang bansa. Isa ito sa pinakamagandang lugar na gustong-gusto niyang puntahan kapag isinasama siya ng kanyang ama kapag magpapatulong ito sa kanya sa kanyang trabaho. Iyon ay noong hindi pa lumusob ang mga nilalang ng kadiliman sa kanilang lugar.
Gamit ang liwanag na nagmumula sa kanyang kamay ay hindi naging problema kay Blake na libutin ang lugar kahit na may kadiliman ito. Nakita niya ang isang cafeteria sa gawing kanan sa lobby ng hotel. Gusto sana niyang pumasok dito pero isang mas malaking restaurant ang nakita niya sa tabi nito. Sa tingin niya ay wala pang pumasok na ibang tao sa lugar na ito. Malinis ang lugar at wala pang mga nabasag na salamin sa paligid.
Muli ay nagteleport si Blake at sa isang iglap ay nasa loob na siya ng restaurant. Maayos ang loob ng lugar, maliban na lamang sa mga ibang mga upuang nakakalat sa paligid at iilang nangatumbang mga mesa. May mga iilan ding mga basag na plato at baso sa sahig at mga kasangkapang may lamang mga nabulok na pagkain. Walang mga katawan ng tao na naroroon marahil ay nakalabas ang mga ito sa gusali nang araw na lumusob ang mga nilalang ng kadiliman sa lugar. Pagbalik niya sa kanilang bahay ay dadalhin niya rito sina Macky at Eli kasama rin ang Lola Luring nila para maranasan masasarap na pagkain at ang kagandahan ng lugar.
Pumukaw ng pansin kay Blake ang isang refrigerator na may lamang mga softdrinks, purified water at iba pang mga inumin. Kaagad ay lumapit siya rito at binuksan ito. Malamig ang refrigerator at ang mga laman nito. Posibleng may gumagana pang kuryente sa loob ng gusali dahil dinig na dinig pa niya hindi lamang ang makina ng refrigerator, pati na rin ang ibang gamit na de-kuryente sa loob. Kaagad ay kumuha si Blake ng isang canned soft drink at hindi na nagdalawang isip na buksan ito. Pagkakita sa umuusok sa lamig ng softdrinks ay buong gahaman niyang ininom ang laman nito. Halos wala ng laman ang lata ng alisin niya sa kanyang bibig at saka dumighay ng malakas. Pinahiran niya ang kanyang bibig gamit ang likod ng kanyang kanang kamay at saka naglakad papunta sa pinaka pantry ng restaurant. Ang mga nakadisplay na dati'y nakakatakam na cake sa loob ng pantry, ngayon ay nangitim na at binalutan na ng amag. Sa gawing kaliwa ng cashier ay isang freezer na maririnig pa rito ang gumaganang makina. Mabilis na tinungo ni Blake ang freezer at kaagad na binuksan ito. Sa loob ay mahigit sa sampung galon ng ice cream ang naroroon sa loob na may iba't-ibang flavors ang nagpalaway kay Blake.
Wow! Ice cream!
Pinili niya ang Coffee Crumble flavor na ice cream at kaagad na binuksan ito. Pumunta siya sa kusina at naghanap ng kutsara. Sa isang cabinet doon niya nakita ang mga kutsara at tinidor na dali-daling kumuha at sinimulang kainin ang paborito niyang ice cream. Baka sang saya sa mukha ng bata habang sarap na sarap sa pagkain nito hanggang sa magsawa at inilagay muna ito sa tabi. Pagkatapos ay nilibot niya ang kabuuan ng restaurant hanggang makita niya ang supply area. Nakabukas pa rin ang ilaw sa lugar na ito na labis niyang pinagtatakhan. Sa lahat kasi ng gusaling kanyang napuntahan na ay bukod tangi ang gusaling ito ang may kuryente pa.
Nang makalapit sa supply area ay hinawakan niya ang handle ng pintuan nito at sinubukan itong buksan, pero nakakandado ito. Muli ay sinubukan niyang buksan ang pinto, inalog ang handle at kinabog ang metal na pintuan. Talagang nakakandato ito at hindi ito nabubuksan. Kailangan niya ng susi. Hahanapin niya ang susi sa loob ng kusina at maaaring dito lang ito nakatago. Iginala ni Blake ang kanyang mga mata sa paligid. Madilim ang lugar kaya kailangan din niyang mahanap ang switch ng ilaw. Sinubukan niyang magconcentrate para makakita sa dilim at madaling makita ang switch ng ilaw. Nakakaramdam kasi siya ng panghihina kapag labis ang gamit niya sa ilaw na nanggagaling sa kanyang kamay.
Biglang lumaki ang mga iris ng mata ni Blake at tulad ng kanyang inaasahan ay nagliwanag ang buong paligid sa kanya. Kailan lang niya nadiskobre ang kakayahan niyang ito. Noong siya ay muntikan ng mabiktima ng isang tiyanak.
Sa isang pader ay nakita ni Blake ang switchbox. Mataas ang switchbox kaya kinailangan pa niyang kumuha ng upuan upang gamiting tuntungan para maabot niya ito. Pagkabukas sa switchbox ay inisa-isa niyang pinihid ang mga switch sa loob nito at minasdan kung aling ilaw ang bumukas. Sa pang-apat na switch ay bumukas ang ilaw kung saan naroroon ang stockroom at ang supply area na magkatabi lang pala sa loob ng kusina. Ibinalik niya sa normal ang kanyang mga mata at bumalik malapit sa supply room. Doon ay nakita niyang nakasabit lang roon ang susi ng supply at stockroom.
Agad-agad ay kinuha ni Blake ang mga susi at sinimulang buksan ang supply room. Pagbukas niya ay bumungad sa kanya ang napakaraming pagkain. Mga sako-sakong bigas, gatas, at iba't-ibang klase ng de latang pagkain. Mga keso, mga karne ng manok, baboy at baka na nagyeyelo pa sa mga freezer sa loob. Halos hindi maisara ni Blake ang kanyang bibig sa nakitang dami ng pagkain na maaaring matagal-tagal na rin nilang kakaining magkakapatid kung sa lugar na ito sila titira.
Pero bakit nga ba hindi? Isa itong napakalaking hotel at marami silang mga kuwarto rito na puwede nilang tulugan.
Hindi na nagdalawang-isip pa si Blake na kunin at dalhin dito ang kanyang dalawang kapatid at kanilang Lola luring. Sa wakas ay hindi na niya kailangang magbuwis pa ng buhay araw-araw para sa pagkain ng kanyang mga kapatid. Dito na sila titira at kapag nakita niya ang mga kaibigan niya ay isasama rin niya rito ang mga ito.
Kailangan nang dalhin dito ni Blake ang kanyang pamilya at ditto na sila maninirahan. Sa isang iglap ay bigla na lamang siyang naglaho sa kinatatayuan at wala mang tatlong segundo ay lumitaw si Blake kasama ang natutulog na si Lola Luring. Muli ay ginamit ni Blake ang kanyang kapangyarihang teleportation. At wala man isang segundo ay nasa tabi na niya ang natutulog ding sina Macky at Eli. Pagkahawak niya sa kamay ng mga kapatid ay bigla na lamang silang naglaho at sa isang iglap ay nasa loob na sila ng hotel na kung saan niya iniwan ang kanilang Lola Luring.nPero wala roon ang matanda. Laking pagtataka ni Blake bakit wala roon si Lola Luring gayong ilang segundo lang siya nawala at tandang-tanda niya na kung saan niya iniwan ang kanilang lola.
"Lola?!" ang medyo malakas na tawag ni Blake sa kanyang Lola. Pero imposibleng basta na lamang mawawala ang kanyang Lola Luring na kakaiwan lamang niya ng ilang Segundo pa lamang ang nakakalipas.
Iginala ni Blake ang kanyang mata para hanapin ang kanilang Lola at nakaramdam siya ng labis nap ag-aalala sa kanilang Lola Luring. Bulag ang matanda kaya imposibleng makalayo ito ng mag-isa at ganoon kabilis. Pero may napansing kakaibang amoy si Blake sa loob ng restaurant na hindi niya napansin kanina. Amoy na tulad sa kambing na umaalingasaw sa paligid. Maya-maya ay may narinig siyang mga pag-ungol at mga daing na tila ba nasa kailaliman ng lupa. Biglang naramdaman ni Blake ang pag-init ng kanyang kanang kamay at paglabas ng kulay pulang liwanag mula rito. Alam na niya ang ibig sabihin nito. Nasa panganib sila at dinala niya ang kaniyang mga kapatid at Lola mismo kung saan naroroon ang panganib.
Walang ano-ano'y may narinig siyang mga kaluskos sa loob ng stockroom. Doon din nagmumula ang mga pag-ungol kaya kaagad niyang kinuha ang hawak niyang susi at dahan-dahang ipinasok ang susi sa lock ng pintuan. Pagkabukas sa pintuan ay halos gumapang ang takot sa kanya pagkakita sa napakalaking nilalang na nakadangan sa dibdib ng matanda. Kitang-kita niya ang Batibat na unti-unting hinihigop ang buhay ng kanyang Lola Luring.
"Lola!!!" ang malakas nasigaw ni Blake pagkakita sa nag-aagaw-buhay niyang Lola. Pero lalo siyang kinalibutan ng may marinig siyang mga kaluskos papalapit mula sa kanyang likuran.
Mula sa likuran ay kitang-kita rin ni Blake ang unti-unting paglapit ng dalawang Batibat sa kanyang dalawang kapatid na mahimbing pa ring natutulog.
"H-hinde! " ang kanyang sigaw na umalingawngaw sa loob ng food pantry.
Kitang-kita ni Blake ang libu-libong mga Batibat na gumagapang pababa mula sa mga pader ng hotel papunta sa kanila. Doon lamang napagtanto ni Blake na ang hotel palang iyon ay pinamumugaran ng mga nilalang na Batibat o kilala sa tawag na Bangungot.