Chapter 5: Ang anunsyo part 2
"Ang ganda mo," makailang-ulit na puri ng aking ama. Ang braso niya ay nakaalalay sa akin habang ginagabayan niya ako papasok sa malaki at marangyang bulwagan ng Palace Royal Club. Magkasama naming binati ang mga bisita, nang hindi binabanggit na kami ay mag-ama.
Ngumiti ako bilang tugon at agad kong nakita ang aking kaibigan na nakakapit sa isang lalaking halos anim na talampakan ang taas, may kayumangging mga mata na naaalala ko kahit pa siya ay may balat na medyo tan, maayos na nakagupit ang balbas, at athletic na pangangatawan.
"Hey! Ang ganda mo!" aniya. "Mr. Doinel, sana hindi masamain kung kukunin ko sandali ang inyong anak. Ibabalik ko siya kaagad."
Binigyan siya ng seryosong tingin ng aking ama, pero hindi nawala ang ngiti sa mukha ng aking kaibigan. Mas masigla siya kaysa sa sinuman sa lugar na ito.
"Miss Dubois, mukhang hindi ka pa rin tumitigil sa pagiging makulit, pero sige na nga, ipapahiram ko siya sa'yo".
Natawa ako sa sinabi ng aking ama. Palagi niyang tinatawag na makulit ang kaibigan ko, at ganoon talaga siya—at mananatili siyang ganoon.
"Salamat sa iyong papuri, Mr. Doinel," sabi niya na may malawak na ngiti, mukhang nagustuhan rin niya na tinatawag siya ng ganoon ng aking ama, o marahil nasanay na siya rito kaya magiging kakaiba kung hindi ganoon ang itatawag nito sa kanya.
"Magpatuloy ka na, huwag kang mag-alala, nasa mabuting mga kamay si Sarah."
"May duda ako" bulong ng aking ama sa sarili, pero narinig ko siya.
"Hihintayin ka namin ng iyong ina, huwag kang magtagal. May mahalagang anunsyo akong gagawin sa ilang minuto. Mahal kita."
Hinalikan niya ako sa noo, tulad ng ginagawa niya mula noong ako’y bata pa, at umalis, pagkatapos magpaalam sa kaibigan ko at sa kasama niyang lalaki.
"Alam ko na mahigpit ang daddy mo, pero sigurado akong sa kaloob-looban ng kanyang puso, gusto niya ako", sabi niya pagkatapos bitawan ang braso ng brunet at kumapit sa braso ko.
Siyempre, gusto siya ng aking ama, ang problema lang ay hindi niya gusto kung gaano kaliberal at wild si Abby.
"Ngayon, kalimutan na natin ang usapan tungkol sa masungit na si Mr. Doinel, oras na para batiin mo ang lalaking dapat ay asawa mo na ngayon," sabi niya, at binigyan ko siya ng isang palihim na tingin habang pasimpleng kinukurot ang kanyang braso niya dahil sa kalokohang sinabi niya.
"Aray! Wala namang karahasan!"
"Abby, for God's sake, tigilan mo na ang mga kalokohan mo," sabi ng lalaki.
Ang malalim, kalmado, at mabigat na boses nito ang nag-udyok sa akin na tumingin sa kanya. Saglit, naisip ko na baka sumang-ayon siya sa mga kabaliwan ni Abby, kaya't nakaramdam ako ng ginhawa nang malaman kong hindi lang ako ang nag-iisip ng matino.
"Ang tagal nating di nagkita Sarah, tignan mo, ang laki mo na", sabi ng lalaki, ang mga kayumangging mata nito ay kumikislap habang papalapit sa akin at niyakap ako bilang bati. Pumikit ako at ngumiti sa ginhawa ng kanyang yakap. Na-miss ko siya.
"Hindi lang basta babae, kundi isang babae na perpekto para sa'yo," sabay kaming naghiwalay nang marinig ang walang kwentang komento ni Abby. Pareho kaming tumingin ng seryoso sa kanya, at siya naman ay nagkibit-balikat lang.
"Mananahimik ako ng ilang minuto, pero huwag ninyong iisipin na titigil na ako," sabi ni Abby, na halatang hindi talaga magpapatalo.
"Masaya akong makita ka ulit pagkatapos ng maraming taon, Paul. Ang laki ng pinagbago mo, ang kisig mo na. Hindi ka ganyan noong huli tayong nagkita", masiglang bati ko sa kanya, sinusubukang balewalain si Abby na patuloy na gumagawa ng hugis-puso gamit ang kanyang mga daliri.
Maloloka na ako sa kanya. Kailan kaya niya maiintindihan na hindi ko gusto ang kapatid niya sa ganoong paraan at hindi mangyayari iyon kahit kailan? Ibig kong sabihin, si Paul ay isang napaka-elegante, guwapo, matangkad, makisig, matagumpay at may determinasyon, pero iba ang mga katangian gusto ko, kahit na ang mga katangiang iyon ang nagpahirap sa akin.
"Wala nama akong hindi kayang makamit sa pamamagitan ng ehersisyo. Bumalik ka ba para manatili? Sana naman, para makapagtrabaho tayo ng magkasama", bigla niyang binago ang usapan, at hindi ko talaga maintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin na magtrabaho kami ng magkasama.
Alam ko naman na ang mga magulang niya ay kasosyo sa kumpanya ng aking ama. Pero magtrabaho ng magkasama? Hindi ko yata naiisip iyon.
"Well, oo, mananatili na ako dito, hindi ko na balak umalis, bakit mo nasabing..." Nasa kalagitnaan ako ng pagtatanong tungkol sa usaping trabaho nang dumating ang aking ama, at agad na pinutol ang anumang sasabihin ko.
"Pasensya na sa aking pang-aabala, ngunit sa palagay ko’y sapat na iyon, may kailangan akong i-anunsyo kasama si Sarah", hinawakan ng aking ama ang aking kamay at iginiya ako palayo mula sa magkapatid na Dubois at sa pakikipag-usap kay Paul.
"Ang bastos naman, Mr. Doinel", ani Abby
Tiningnan ng matalim ng aking ama si Abby, na parang inis na inis, kahit na sigurado akong nagpapasalamat siya na iniligtas ako ng aking ama. Kung hindi, baka tuluyan akong ma-engganyo kay Paul dahil sa kagagawan niya.
"Anong anunsyo ang gagawin mo? Sabihin mo ba sa media na anak mo ako?" tanong ko.
Binigyan ako ng bahagyang ngiti ng aking ama habang naglalakad kami sa gitna ng mga taong masiglang nag-uusap, hawak ang mga baso ng champagne.
"Mas higit pa riyan", sagot niya, dumaloy ang panginginig sa aking katawan. Hindi ko maiwasang makaramdam ng kaba dahil sa hindi maalis na ngiti sa mukha ng aking ama.
Okay, hindi niya sasabihin na ako ang kanyang anak, ang tagapagmana ng Doinel, pero hindi pa rin nagbabago ang katotohanan na ipakikilala niya ako sa mataas na lipunan. Hindi ko alam kung anong dahilan, pero umaasa akong hindi makakaapekto sa aming pamilya ang naiisip na plano ng aking ama.
Huminga ka, ayos lang, walang paparazzi. Mapagkakatiwalaan ko ang aking ama.
Pareho kaming umakyat entablado, naputol ang malamyos at live na pagtugtog ng piano. Nanatili ako sa likuran ng aking ama, nakatago kung saan walang makakakita sa akin, at sinimulan niya ang kanyang talumpati tungkol sa pagkakaibigan, pamilya, at kung gaano kahalaga ang lahat ng mga naroroon, hanggang umabot siya sa paksa ng kanyang kumpanya—mula nang itatag ito ng kanyang mga magulang, hanggang sa siya na ang namahala nito kasama ang kanyang asawa.
Alam ko na ang kwento ng aking ama, kaya't tumigil na akong makinig sa sinasabi niya at itinuon ang aking pansin sa nararamdaman kong pagkahilo ng mga sandaling iyon.
Baby, hindi pa kita kilala, pero sana huwag mo itong gawin kay mommy ngayon, kailangan kong mag-focus.
Nang magawa kong mabalanse ang sarili ko at maalis ang pagkahilo na halos ikatumba ko, narinig ko ang mga salitang binitiwan ng aking ama na nag-iwan sa akin sa matinding pagkabigla.
"Kaya naman, ikinagagalak kong ipakilala sa inyo ang bagong vice president ng Doinel, si Sarah Petit!"
Nanginig ang buong katawan ko at paulit-ulit kong inulit ang mga salitang iyon upang i-analisa ang mga ito.
Tama ba ang narinig ko? Ginagawa akong bise presidente ng aking ama? Isang taong halos hindi kilala ng publiko, na biglang magkakaroon ng mataas na posisyon sa isa sa pinakaprestihiyosong kumpanya ng fashion sa buong Pilipinas?
Vice president... ako?
Ang tunog ng palakpakan ang nagpabalik sa akin sa ulirat, at napilitan akong lumapit sa tabi ng aking ama upang hindi siya mapahiya.
Tumingin ako sa mga taong nakatingin sa amin—ang iba ay nagulat, ang iba ay naguguluhan, at may ilan na tila walang pakialam, at sa wakas, nakita ko ang mga nakangiting Dubois siblings kasama ang kanilang mga magulang. Ang totoong ngiti ni Paul ay nagbigay liwanag sa kung ano ang ibig niyang sabihin sa sinabi niyang ‘magkasamang magtrabaho ng matagal’.
Ang kasiyahan sa mukha ng aking ina ay sapat na para maramdaman ko na karapat-dapat ako sa posisyon na iyon.
Siyempre, maaari akong maging vice president, iyon nga ang dahilan kung bakit ako nag-aral—upang hawakan ang pamumuno sa kumpanya kapag nagdesisyon siyang magpahinga mula sa pagnenegosyo.
Tumayo ako sa tabi niya habang binibigyan niya ako ng maikling pagpapakilala at sinabi na ang ganoong kahalagang posisyon ay naghihintay sa isang taong may kakayahang katulad ko. Sa huli, umamin siyang sinadya niyang sorpresahin ako sa kanyang biglaang anunsyo.
Matapos kong pagpapakilala at magbigay ng ilang salita ng pasasalamat, bumaba kami ng entablado at nagsimulang magbigay ng mga pagbati ang mga bisita na para bang matagal na nila akong kilala. Ngumiti ako ng magaan at magalang sa lahat, hanggang sa makarating ako sa aking ina, na agad akong masiglang niyakap at sinabi kung gaano siya ka-proud sa akin.
"Mula sa pagiging ulirang maybahay ngayon naman ay bise presidente ng isang sikat na kumpanya, yan ang kaibigan ko!" Hindi nagpahuli si Abby sa pagbati, at siyempre, sa kanyang pinaka-kwelang paraan, na talaga namang siyang siya. Niyakap niya ako ng walang pag-aalinlangan.
"Congratulations, Sari." Iniligtas ako ni Paul mula sa kagaspangan ni Abby, at kinulong ako sa mainit at matibay niyang mga braso sa pangalawang pagkakataon. Gumanti ako ng yakap, hindi inaalis ang ngiti sa aking mukha, habang sinasamyo ang kanyang masculine scent.
"So, babalik ka na ba ng tuluyan? Dahil magiging maganda tayong team sa Doinel" tanong ni Paul, habang humihiwalay sa aming pagkakayakap, ngunit nanatili ang kamay niya sa aking bewang, naghihintay ng aking sagot habang nakatutok ang kanyang mga mata sa aking mukha.
Dahan-dahan kong inilagay ang aking kamay sa kanyang balikat bago sumagot.
"Wala akong pag-aalinlangan diyan, Paul. At oo, bumalik ako para manatili na, wala akong balak na iwan muli ang lugar na hindi ko dapat iniwan". Sagot ko nang may kumpiyansa, at mas determinado kaysa dati.
Ito ang aking lugar, at mananatili itong ganoon. Malayo na ako sa mga Lancaster, sapat na para hindi na ako makarinig ng kahit ano mula sa kanila kailanman.