Chapter VI

2725 Words
"Rain!'' hiyaw ni Selah at inilang hakbang ang pagitan nila. Hindi alintana ang paninikip ng dibdib. "Bes, ano'ng ginawa mo?" Naipon ang tubig sa mga mata niya at tuluyang kumawala matapos damhin ang walang kabuhay-buhay nitong katawan. Masyado nang mahina ang pulso ni Rain at halos hindi niya na iyon madama sa kahit saang parte ng palapulsuhan nito. Nanginginig ang kamay na ipinandukot sa cellphone niya na nasa bulsa. Pagkatapos ng ilang subok, nagawa na niyang i-dial ang number ni Reuben kahit na nagkandamali-mali na siya ng tipa.  Panay ang kukot niya sa kuko habang hinihintay na may sumagot sa kabilang linya. "Hello?" kaswal na tugon ng kapatid ni Rain. Mabilis niyang natakpan ang bibig para 'di makalikha ng impit na iyak. Awa ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon para kay Reuben. Wala man lang itong kaalam-alam sa nangyayari ngayon sa kapatid nito. Humugot na muna siya ng malalim na hininga bago niya nagawang magsalita. "Kuya, umuwi ka na, asap. Kailangan ko ang tulong mo. S-Si Rain kasi..." "Bakit? Ano'ng nangyari sa kapatid ko?" halos pasigaw na tanong ng kapatid ni Rain. Bakas ang pag-aalala sa boses nito. Pag-aalala sa nakababatang-kapatid. "Saka ka na magtanong. Umuwi ka na muna, please?" pakiusap niya rito at hindi na napigilan ang pumiyok. "Wala nang oras. Mauubusan na siya ng dugo!" sigaw niya sa huli at tuluyan nang bumigay sa nararamdaman niya. Hindi alam ni Selah kung paano sasagutin ang tanong ni Reuben. Hinayaan na lamang niya kung ano ang lumabas sa bibig niya. Nanghihina siyang umupo sa kamang hinihigaan ng matalik niyang kaibigan matapos maibaba ang tawag. At dahan-dahang inabot ang kamay nito na may malalim na sugat. Tinakpan niya iyon gamit ang dalang panyo, para maibsan ang pagdanak ng dugo. "Rain, kumapit ka lang, please. 'Wag mo naman akong iwan, oh?" pagsusumamo niya rito kahit batid niyang hindi iyon marinig ni Rain. Masyadong mabigat sa pakiramdam niya ang makita ito sa ganoong kalagayan. Hindi makausap at walang malay. Tumatagos sa puso niya ang sakit. You should have told me na may problema ka. We're best friends, right?  May lungkot sa mga matang iginala niya ang paningin sa kabuuan ng kwarto ng kaibigan. Sa kwarto kung saan siya madalas mag-sleep over kapag uumagahin ng uwi si Reuben dahil sa trabaho. Nag-flashback sa kanya ang mga masasayang pinagsamahan nila sa bawat sulok ng silid. Ang mga tawanan at kulitan, ang paggawa ng assignments habang ngumunguya ng bubble gum.  Kumawala ang mapait na ngiti nang maalala niya iyon. "It's my way of concentrating," ika ni Rain. Ito ang matalino sa kanilang dalawa at pinakamabait. Ito rin ang nanunuyo kapag may tampuhan sila. Madalas itong magtago kapag umiiyak na. Kabisado na raw nito ang pakiramdam kapag nakikita nitong malungkot ang taong mahalaga rito, kaya ayaw ni Rain na ipakita iyon sa iba. Kahit noong nangungulila pa ito sa mga magulang, pinipilit pa rin nito ang ngumiti sa harapan niya. Hindi niya akalain na magdudulot ng matinding sugat sa puso niya ang mga alaalang iyon. Muli siyang nilamon ng lungkot. Ngunit agad rin iyong napalitan ng pangungunot ng noo nang mamataan niya ang isang kapiraso ng papel na mukhang pinunit pa mula sa isang notebook at may nakasulat doon. Tumayo siya para kunin at basahin iyon. Ano 'to? A--X-EFAHTLFO-ERIRA -from your baby sister Tinuyo niya ang namamasang mata para mabasa ito nang malinaw pero wala talaga siyang maintindihan sa mga nakasulat sa papel kundi ang huling linya lang. Mabilis niya itong naisuksok sa bulsa pagkarinig niya sa ingay mula sa labas. Mga yabag na papalapit sa kwarto at nagmamadali. "Ano'ng nangyari?" bungad na tanong ng kuya ni Rain. Tumutulo pa ang pawis nito sa noo. Bumuka ang bibig ni Selah pero walang lumabas ni isang salita roon. Natigilan si Reuben nang lumipat ang paningin nito sa nakahandusay na katawan ng kapatid. "Rain?!" Muntik na itong madapa sa pagmamadali, mapaikli lang ang distansiya nila. "Baby, hold on. Nandito na si kuya," naluluhang pakiusap nito. Binuhat agad nito si Rain at halos takbuhin na nito ang labas ng bahay. Hindi alintana ang bigat ng pinapasan. Si Reuben ang pinagmaneho niya ng kotse dahil masama pa rin ang kanyang pakiramdama at wala pa sa focus. Nakatunganga lang siya sa mukha ng kaibigan niya na unti-unting nawawalan ng kulay habang nakahiga sa kandungan niya. Ayaw ring tantanan ng sulat na iyon ang isipan niya. I think there's something wrong with her penmanship. May kakaiba sa sulat-kamay nito. Masasabi niyang ganoon pa rin ang strokes pero iyong diin ng pagkakasulat ni Rain ang nag-iba. Mas mariin kompara sa nakasanayan niya. Magaan lang kasi ang sulat-kamay ni Rain, iyong estilo na hindi magmamarka sa likod. O baka naman sinulat niya 'yon matapos niyang sugatan ang sarili? Tama, mukhang gano'n nga ang nangyari. Pagkarating sa harapan ng ospital, kinuha agad ni Reuben ang kapatid nito sa backseat at nagsisigaw ng tulong habang papasok. Si Selah na ang nagpresentang mag-park ng sasakyan. Lakad-takbo ang ginawa niya papuntang ER matapos mag-park. Palapit na siya sa Emergency Room nang matanaw niya ang kuya ni Rain na napatayo at nilapitan ang kalalabas lang na doktor. May kalayuan ang distansiya niya sa mga ito kaya hindi niya masyadong marinig ang sinasabi ng doktor. Nang makita niyang umiling ang lalaking nakaputi, nagsibagsakan na ang mga balikat niya. "No! Bawiin mo ang sinabi mo! Hindi pa patay ang kapatid ko!" nanggagalaiting hiyaw ni Reuben. Dinaklot nito ang kwelyo ng doktor na agad namang napataas ng dalawang kamay. "Hindi mo pa nga sinusubukang i-revive siya, tapos sasabihin mong wala na kayong magagawa, ha? Anong klaseng doktor ka?!" sigaw pa nito sa mukha ng kaharap. Nanlilisik na ang mga mata nito at mukhang walang balak bitiwan ang doktor. Tumakbo na si Selah palapit sa dalawa bago pa makapanakit si Reuben. "Please, calm down. She's already dead when you arrived. I'm really sorry," malumanay na pahayag ng doktor at marahang hinawakan ang mga kamay na mahigpit pa ring nakakapit sa kwelyo nito. "Kuya, tama na," awat niya kay Reuben. Hinimas niya ang likod nito para kumalma. At ganoon na lang kabilis nag-unahan ang mga luha nito. "Hindi, hindi ako iiwan ni Rain. Alam niyang siya na lang ang buhay ko ngayon," napapailing nitong anas hanggang sa unti-unti na nitong binitiwan ang doktor. Bagsak ang mga balikat na naupo ito sa gilid at doon humagulgol. "Ano'ng gagawin ko? Ayokong mawala ang kapatid ko." Napasabunot ito sa buhok at walang tigil sa pag-iyak. "Hindi ko kaya." Nanunuot kay Selah ang pagdadalamhati ni Reuben sa pagkawala ng kapatid nito. Parang kapatid na rin ang turing niya kay Rain kaya naiintindihan niya si Reuben. Hindi madali ang mawalan ng mahal sa buhay at maiwang mag-isa. "I'm so sorry, pero wala na talaga akong magagawa," hinging paumanhin ng doktor. Tumingin ito kay Selah nang lumingon siya. "Pwede n'yo siyang tingnan ngayon bago pa dalhin ang katawan niya sa morgue." Marahan nitong tinapik ang balikat niya bago tuluyang umalis. Ibinalik niya ang tingin kay Reuben na wala pa ring tigil sa pagtangis. Paulit-ulit nitong tinatawag ang pangalan ni Rain at nagsusumamo na huwag itong iwan. Hindi niya tuloy maiwasan ang mahawa sa iyak nito. Iyak na nangungulila. Pinipiga ang puso niya sa tanawin sa harapan. Napakasakit. Sumisikip ang dibdib niya hindi lang dahil sa pagkawala ni Rain, kundi pati na rin sa awa niya para sa kapatid nito. Batid ni Selah kung gaano kamahal ni Reuben ang namayapang si Rainsleth. Dahil isa siya sa mga nangarap na sana... may kuya rin siya na katulad nito na handang magsakripisyo at protektahan ang pinakamamahal na kapatid. Saksi siya sa pinagdaanan ng dalawa noong namatay nang sabay ang mga magulang ng mga ito. Mula sa pagkalugmok hanggang sa unti-unting makabangon. At ngayon, panibagong pagsubok na naman ito para kay Reuben. But this time, it will only be him and no one else to hold on to. Wala na ang baby sister nito na pwedeng makapitan anumang oras. At hindi na ito babalik pa. Mabilis tinuyo ni Selah ang namamasang pisngi bago niya nilapitan ang kapatid ni Rain. "Kuya, tara na, puntahan na natin siya." Nagtaas ito ng tingin at may nagtatanong na mga mata. "What will I do, Selah? Baka mapansin ni Rain na umiyak ako," saglit itong tumigil at mariing kinagat ang likurang bahagi ng kamao nito para masupil ang nagbabadyang pagtangis. "Ayokong makita niya akong umiiyak." Suntok sa puso na naman ang kirot na ipinaparamdam nito ngayon. Dahil kung gaano nito kagustong matigil ang pagluha, taliwas naman ang gusto ng mga mata nito. Para iyong sirang gripo na ayaw tumigil sa pagtulo. Lumuhod siya sa harapan ni Reuben para magpantay sila. "Don't cry, then, hm? Kaya mo 'yan. Kailangan mo siyang harapin," pagbibigay lakas niya kahit sumasakit na rin ang lalamunan niya sa sobrang pagpipigil. "Pero baka 'di ko mapigilan, eh. It hurts here," reklamo nito na itinuro pa ang kaliwang dibdib, "So much. And I don't know what to do anymore." Muling nagkarera ang mga luha nito. My gosh! Pa'no mo nagawang saktan nang ganito ang kuya mo Rain? "At saka, hindi pa ako nakapag-sorry sa kanya," nagawa pa nitong idugtong kahit na hirap na hirap na itong magsalita. "Kung alam ko lang... kung alam ko lang na ganito ang gagawin niya, sana... sana hindi ko na siya pinalayo sa Someroux na 'yon," putol-putol nitong tinuran. Niyakap niya ito at sinubukang pakalmahin. "Shh, 'wag mong sabihin 'yan, kuya. Hindi natin alam na ganito ang mangyayari kaya 'wag mong sisihin ang sarili mo," pagpapaunawa niya rito. "No, Selah." Kumalas ito sa kanya at ilang beses umiling. "Hindi ko dapat binaliwala ang nararamdaman niya. Kasalanan ko 'to." Doon sumagi sa isip niya ang sulat. Na baka naroon ang sagot sa biglang pagpapatiwakal ni Rain. Hinugot niya ang nalukot na papel mula sa bulsa. "Here." Kinuha niya ang kamay ni Reuben at ipinatong roon ang hawak niya. "Hindi ko alam kung ano ang nakasulat diyan pero baka nariyan ang sagot niya." Nagpalipat-lipat ang tingin ni Reuben sa kanya at sa nakabukas na kamay nito. "Ano 'to?" "Nakita ko 'yan sa kwarto niya kanina bago ka dumating," paliwanag ni Selah. Agad na nagliwag ang mukha nito sa sinabi niya at mabilis nitong binuklat ang papel, pero singbilis din niyon ang pagkunot ng noo nito sa nabasa. "Ano'ng ibig sabihin nito?" "Hindi ko rin alam. Pero 'di ba mahilig si Rain sa ganyan? Baka naman may naituro siya sa 'yo?" pagbabaka sakali niya. Madalas niyang mahuli si Rain noon na nagbabasa ng kung ano-ano na hindi naman niya maintindihan. Akala niya hobby lang talaga nito iyon. Ngumiti si Reuben nang mapait habang nakatingin sa kawalan. "Yes, pinilit niyang matutunan ang iba't ibang codes o ciphers na 'yan para mabasa ang diary ng mommy namin. Iniisip niya kasi na baka naro'n ang sagot sa pagkamatay nila." Hindi ko alam na gano'n pala ang dahilan niya. Pero bakit? Hindi ba aksidente naman ang ikinamatay ng parents nila? Bakit 'di niya sinabi sa 'kin 'to? "Pero bakit niya isusulat 'yan kung hindi mo rin naman mababasa?" "Konti lang talaga ang alam ko sa ganito at mukhang hindi ito 'yon," nawawalan ng pag-asa nitong tinuran. "Ang mabuti pa puntahan na muna natin si Rain bago pa kunin ng taga-morgue ang katawan niya," suhestiyon ni Selah. Walang kalakas-lakas itong tumango. Mabilis na umalalay si Selah nang tumayo si Reuben. Nakasunod lang siya sa likuran ni Reuben pagpasok nila sa Emergency Room. Walang katao-tao sa mga oras na iyon. Kaunti lang kasi ang pasyente sa pampublikong ospital, lalo na kapag walang kalamidad. Sa private hospital madalas na nagpapa-confine ang mga tagaroon dahil halos kompleto sa gamit. Ilang hakbang na lang ang layo nila sa kamang natatabingan ng berdeng tela nang biglang nagpatay-sindi ang mga ilaw. Napako sila ni Reuben sa kanilang kinatatayuan at tumingala nang sabay sa apat na bumbilyang naroon, na mukhang nagkaisa at walang tigil sa pagkurap. Mabilis na nagsitayuan ang mga balahibo ni Selah at nayakap niya ang sarili nang makaramdam siya ng lamig. "Low voltage ba?" Kinikilabutan siyang isipin na baka bigla na lang mag-blackout at maghihintay sila roon kasama ang isang bangkay. Matapos ang halos tatlumpong segundo, tumigil na rin sa pagkidlap ang mga ilaw. Nagkatinginan sila ni Reuben, kaya kitang-kita niya ang naging reaksyon nito nang may tumunog. Pinanlakihan ng mga mata ang kaharap niya at hindi agad nakakilos. Wala sa sariling kinukot ni Selah ang kuko sa daliri. Frozen inside without your touch, Without your love, darling Only you are the life among the dead ♪♪♪ Ito ang kantang bumulabog sa katahimikan ng buong silid—isang ringtone. At batid ni Selah na hindi ito nagmula sa cellphone niya o sa gadget ni Reuben, kundi sa taong nasa likod ng berdeng kurtina. (All this time I can't believe I couldn't see. Kept in the dark but you were there in front of me.) I've been sleeping a thousand years it seems Got to open my eyes to everything... ♪♪♪ Gustong-gusto niya talaga ang part na ito noon, pero ngayon, kinikilabutan siyang marinig iyon. (Without a thought, without a voice, without a soul, Don't let me die here there must be something more.) Bring me to— "Hello?" Isang malamig na tinig ang pumutol sa kanta. Oh my gosh! Kumabog nang malakas ang puso ni Selah sa narinig. Naestatwa siya sa kinatatayuan, taliwas kay Reuben na mabilis pa sa paglunok na agad tinungo ang kinaroroonan ng boses. "Rain!" puno ng kasabikan nitong sigaw. Marahas nitong hinawi ang kurtinang pumapagitna rito at sa nakababatang kapatid. Daig pa ni Selah ang nakakita ng multo sa nasaksihan. Nakaupo na ang inakala ng doktor kanina na wala nang buhay na si Rain. Lumingon ito sa direksiyon niya at sa kuya nito. Walang pag-aalinlangan itong niyakap ni Reuben. "Who are you?" naguguluhang tanong ni Rainsleth. Napasinghap si Selah. Dahan-dahan namang napakalas si Reuben mula sa pagkakayakap nito kay Rain na hindi man lang gumanti. "Ako ang gwapo mong kuya, siyempre. Siya naman ang bestfriend mong si Araselah," masiglang sagot ni Reuben at mukhang hindi man lang nagtaka sa iniasta ng kapatid. Ngumiti nang matamis si Selah matapos siyang ituro ni Reuben. Ngunit unti-unting napalitan ang ngiting iyon ng isang mapaklang ngiti nang titigan lang siya ni Rain. "Okay ka lang?" tanong ni Reuben nang mapansin nito ang pananahimik ng kapatid. "Nauuhaw ako," tipid na sagot ni Rainsleth. "Ah, teka..." Biglang nataranta si Reuben sa paghahanap ng tubig sa loob ng kwarto. Nang wala itong makita, napagpasyahan nitong bibili na lang sa labas. "Ako na ang bibili," presenta niya rito. Pero ang totoo, umiiwas siyang maiwan sa loob na silang dalawa lang ni Rain ang naroon. Naiilang siyang makasama o makausap ang taong namatay at iniyakan pa nila kani-kanina lang. "Thank you, Selah. At saka pwede bang papuntahin mo rito ang doktor?" pakiusap ni Reuben bago pa siya tuluyang makalabas ng kwarto. Nilingon niya ito at tinanguan. "Sige." Muli pang dumako ang tingin niya kay Rain bago siya humakbang palabas. Hindi niya talaga makita rito ang Rainsleth na kilala niya. Napapraning lang yata ako. Ang mahalaga, buhay siya. Ipinagsawalang-bahala niya iyon at baka epekto lang iyon ng panandaliang pagkamatay nito.   •—————•♥•—————•    Bumukas ang mga mata ni Rain nang makarinig siya ng isang pamilyar na kanta. Mabigat ang katawan niya pero pakiramdam niya lumulutang siya. Pinilit niyang bumangon at hinanap ang pinagmulan ng tunog. Isang cellphone ang nakapa niya sa bulsa at walang pag-aalinlangan niya itong sinagot. May kung anong pwersa kasi sa loob niya na nagtutulak sa kanya na sagutin ang tawag kahit number lang ang nakikita niya sa screen. "Hello?" malamig niyang tugon. Uhaw na uhaw siya nang mga sandaling iyon at nahihilo rin. Isang hello pa nga lang, para na siyang matutuyuan ng lalamunan. Nagsalubong ang mga kilay niya sa tagal sumagot ng nasa kabilang linya. Papatayin na sana niya ang tawag nang may nagsalita. "My heart is always yours, remember that," anas ng taong tumawag. Para siyang nabuhayan ng dugo sa sinabi nito. Bumibilis ang pintig ng puso niya. "Rain!" rinig niyang sigaw ng isang lalaki kasabay ng paghawi nito sa kurtinang tumatabing sa kama niya. Napaigtad siya sa ginawa nito lalo na nang yakapin siya ng lalaki. Nagkatinginan pa sila ng kasama nitong babae, na mukhang hindi rin makapaniwala nang makita siya. "Who are you?" tanong niya sa dalawa, pero mas nangingibabaw ang tanong niya para sa sarili. And... who am I? 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD