Chapter IV

2651 Words
Mabagal ang naging pagnguya ni Rainsleth dahil sa kaiisip sa lahat ng mga nangyari nang araw na iyon. Bumabagabag sa kanya ang panaginip na hindi niya pa rin maunawaan kung alin ang totoo at hindi. Dumagdag pa ang duguan niyang mga kamay at kutsilyo. Maging ang usap-usapan na may pinatay. Isa iyon sa naging dahilan kung bakit hindi siya nakauwi. Pauwi na siya bandang alas onse nang may maraanan siyang mga estudyante na nagbubulong-bulungan tungkol sa isang bangkay na natagpuan malapit sa abandonadong gusali. Kumabog ang dibdib niya nang marinig iyon kaya agad siyang nag-usisa. Hindi na niya naabutan ang katawan ng biktima. Pero nakuha niya ang pangalan nito. Nagkataon naman na nasa park na uli siya nang bumuhos ang ulan kaya sumilong na muna siya sa malaking puno. Tapos ngayon, gusto naman siya maging girlfriend ni Koen? Seryoso ba siya? Kahit paano niya isipin, imposible pa rin na may gusto sa kanya si Koen. Isipin niya pa lang, napapailing na siya. Napahilot siya sa sentido bago sumubo ulit. "Rainsleth!" Sumulpot sa kusina ang kuya niya suot ang hindi maipinta nitong mukha. Nakasunod sa likuran nito sina Araselah, Jhenvick at Henley Jace. "K-Kuya..." Nagsimula na namang bumundol ang kaba sa dibdib ni Rain sa akalang galit pa rin ito sa naging sagutan nila at sa hindi niya pag-uwi agad. "Magpapaligaw ka ba sa Someroux na 'yon?" mariin nitong tanong habang nakaturo sa labas. Magpapaligaw? Sandaling natameme si Rain. Oo nga't gusto niya si Koen, pero aasa ba siya? "Pambihira!" Malakas ang naging singhap ng kuya niya at napahilamos ng mukha nang hindi siya nakapagsalita. Ilang beses pa itong humugot ng malalim na hininga bago kumalma.   "Iwasan mo siya," mayamaya'y utos nito. Napatayo si Rain para tumutol pero umatras ang dila niya nang unahan siya ni Reuben. "Mapanganib siya, Rainsleth. Hindi mo siya kilala. Ganyan ka na ba kauto-uto para makipaglapit ka agad sa kanya, ha?" gigil na sabi nito at dinuro siya sa noo. Kumirot ang dibdib at lumaki ang butas ng ilong ni Rain sa ginawa ng kapatid. Mauunawaan niya pa ang pagiging protective nito pero hindi ang pamamahiya nito sa harapan ng mga kaibigan niya. Tinampal niya ang kamay nito paalis at matapang itong hinarap. "Bakit kuya? Kilala mo rin ba siya para husgahan mo siya nang ganyan, ha?" Tumaas-baba ang dibdib niya sa pagpipigil. Wala pa talaga sa isip niya ang magpaligaw dahil mas priority niya ang pag-aaral. Pero sa ginagawa ng kapatid niya, gusto niya tuloy magrebelde. "May girlfriend siya, 'di ba?" balik-tanong ni Reuben sa kanya. Hindi siya nakaimik. Wala siyang maisagot dahil kalahati ng utak niya ang nagsasabing posible iyon. Kalat na kalat sa buong unibersidad nila ang balitang may girlfriend na si Koen, pero wala pang nakapagpapatunay kung gaano iyon katotoo. Lumapit pa nang husto si Reuben sa kanya at may ibinulong. "Kilala ko si Koen at ang buong pagkatao niya. Kaya iwasan mo siya hangga't maaari dahil masasaktan ka lang," may diin ang bawat bigkas nito. Pasiring nitong inalis ang tingin sa kanya at tumalikod na. Naiwan si Rain na nakatulala sa baba habang nagpaulit-ulit sa isip niya ang lahat ng sinabi ni Reuben. "Bes, okay ka lang?" nag-aalalang tanong ni Selah. Hindi na niya napansin kung kailan ito lumapit at hinagod ang likod niya. Isang tango at pilit na ngiti lang ang naisagot ni Rain kay Selah. Masyadong mabigat ang pakiramdam niya para umakto na wala lang sa kanya ang nangyari. "Ayokong makialam, pero may point ang kuya mo," ani Jace. Nag-angat siya ng tingin sa lalaki. He seemed sincere ngunit alam niyang tutol din ito sa gagawing panliligaw ni Koen. Hindi siya tanga para hindi maisip iyon. Nirerespeto niya ang panliligaw ni Jace, pero sana respetuhin din nito kung sino ang gusto niya. "Tsk, ang sabihin mo takot ka lang maging karibal si Someroux," pang-aasar ni Jhenvick na may nanunuyang ngiti. Parehas lang din pala kami ng iniisip. Tiningnan ito ni Jace nang pailalim. "Can't you just shut your trash-filled mouth? You aren't helping," sabi nito na ngumiwi pa kay Jhenvick. "So are you," ganting bulong naman ng huli. Natahimik lang ang dalawa nang makitang masama na ang tingin niya sa mga ito. Ba't ba kasi nandito pa kayo? Maiingay na nga, hindi pa nakakatulong. Nabaling lang muli ang atensiyon niya kay Selah nang magsalita ito. "'Wag mo na munang isipin 'yon, Rain. Samahan mo na lang ako mamaya sa burol ng kapatid ni Zam. Okay lang ba?" Namilog ang mata niya sa narinig at sandaling nag-isip. Hindi niya kilala ang namatay at mas lalong hindi pa sila nagkakakrus ng landas ni Zammarah. Isa lang talaga ang rason kung bakit pipiliin niya ang sumama. Gusto kong makita ang mukha niya. Nagsimulang mamasa ang noo niya sa salitang burol. Hindi siya sigurado kung ang biktima nga ang nagpakita sa panaginip niya kagabi. Malalaman niya lang ang sagot kung sasama siya. "I'll go with you," sabat ni Jhenvick na sa kanya nakatingin. Tinaasan niya ito ng kilay pero hindi ito natinag. Nag-iwas na lamang siya ng tingin. Malas lang at tumapat naman iyon sa isa. Ayaw rin talaga paawat ni Jace at sumingit din sa usapan. "Me too." Napatingin si Selah sa dalawa. "Sige. Isama n'yo na rin si Kuya Reuben. Magkita-kita na lang tayo ro'n." Sabay na tumango ang mga ito kay Selah.   "Grabe, ang daming tao," nakangiwing reklamo ni Rain. Naiilang siya na makisalamuha sa mga taong estranghero sa kanya lalo na't matataas ang estado ng mga ito sa buhay. Ngiti lang ang tugon ni Selah na nakayakap sa braso niya. Hindi tuloy siya makakilos nang maayos. Palinga-linga ito kung saan nakapwesto ang ate nito na si Ainsley. Nahirapan silang makita ito lalo na't may kalakihan ang loob ng bahay ng mga Villania. Umabot pa ang mga naglalakihang bulaklak sa may pintuan ng kwartong inilaan ng pamilya ni Xena para sa lamay nito. Humahalimuyak ang pinaghalong bango ng mga bulaklak at mga kandila. Mga kadilang nagpapadilaw sa paligid. Ipinagbawal ng pamilyang Villania ang sugal sa lamay ng kanilang anak. Kaya kahit puno ang silid, nakikipaglaban pa rin ang katahimikan sa iilang tao na nagbubulong-bulungan. Nakasunod lang si Rain nang bumitiw sa kanya si Selah at naunang lumapit kay Ainsley na nakaupo sa harapan. Katabi nito si Zammarah. "Condolence," malungkot na saad ni Selah na yumakap pa kay Zam. Gumanti rin ng yakap ang huli at napatingin sa gawi niya. Nasa likuran siya ni Selah kaya 'di niya maiwasan ang mapalunok at mailang nang magtagpo ang tingin nila. "Salamat sa pakikiramay," ani Zam at ngumiti nang tipid. Pilit na ngiti ang naiganti niya rito. Naunang umupo si Selah sa may likurang upuan nina Ainsley at Zammarah.  Kaunti lang ang tao sa unahan dahil para lang daw iyon sa pamilya at malalapit na kaibigan ng namatay. Napako si Rain sa kanyang kinatatayuan. Nagtatalo ang isip niya kung uupo na o sisilip muna sa labi ni Xena. "Bes?" mahinang tawag ni Selah pero hindi niya ito pinansin. Nagsimulang gumalaw ang mga paa niya palapit sa kabaong. Dahan-dahan. Hanggang sa maaninag niya na mula sa nilalakaran ang gilid na bahagi ng loob nito. Dinadamba na ang dibdib niya pero hindi siya tumigil. Nasisilip niya na ang mukha ni Xena. Isang hakbang pa at rumehistro na sa kanya ang malinis na mukha nito. Wala ni isa mang bakas ng dugo roon, pero nandoon pa rin ang mga pasa. Nayakap niya ang sarili nang makaramdam siya ng panlalamig. Unti-unti na namang lumilikha ng takot ang utak niya. Gumagawa ng kung ano-anong eksena na kung saan dumilat si Xena at matalim ang tingin. Ipinilig niya ang ulo at dali-daling tumalikod. Isang imahe sa gilid ng mga mata ang umagaw sa kanyang atensiyon upang magbalik-sulyap sa labi ni Xena. Ang kaliwang dibdib nito na may pulang mantsa. Ang puso ba? 'Yon ba ang kinuha ko? Gusto niyang umiyak pero hindi niya magawa. Lalong hindi sa harapan ng ibang tao. Alam niya sa sarili na hindi siya ang pumatay. Iyon nga lang, para niya na rin itong pinatay sa ikalawang pagkakataon kung totoo man na siya ang kumuha sa puso nito. "Look who's here," boses iyon ni Ainsley. Nilingon niya ang kapatid ni Selah at agad sinundan ang tingin nito. "Oh, my gosh! Koen?" mahinang tili ni Zam. Naglalakad sa gitna ang lalaking umagaw sa atensiyon ng halos lahat. Para itong modelo sa suot na itim na polo shirt at skinny jeans. Hawak sa kaliwang kamay ang isang bouquet ng tulips. "Stop calling me Koen, will you?" saway nito kay Zam nang makalapit na ito nang tuluyan. "Gosh, ang harsh mo talaga! Namatayan na nga ako, ganyan ka pa?" maarteng saad ni Zam. Humalukipkip ito habang nakanguso. Kagat-labi na napabaling si Rain sa ibang direksyon nang taasan lang ng isang kilay ni Koen ang babae. "Oh? 'Coz the way I see it, you seemed happy than mourning." Bumaba ang tingin nito sa suot ni Zam. Maroon cocktail dress na pinaresan ng heels sa kaparehong kulay. "Koen!" mahina nitong saway. "Baka may makarinig sa 'yo, ano ba! I'm grieving, okay? Bakit naman ako magiging masaya kung nasa loob ng kabaong na 'yan ang kapatid ko?" Simpula na ng kamatis ang mukha ni Zam. "Hm, dahil solo mo na ang mana?" prangkang tanong ni Koen na para bang isang simpleng bagay lang ang ibinibintang nito. "How could you! Hindi ako gano'n, okay?" Nagpang-abot na ang kilay ni Zam pero wala sa hitsura nito ang naiinis. May gusto siya kay Koen. Iyon ang nakikita ni Rain. Babae rin siya kaya ramdam niya ito. Takot itong magalit si Koen kaya, kahit nakakasakit na ang lalaki, pinapalampas lang iyon ni Zam. Inilibot ni Rain ang paningin sa mga tao sa loob. May iilang nagnanakaw ng sulyap sa gawi nila, may nagbubulungan, at mayroon namang walang pakialam sa paligid. Nakita niya si Selah na sumesenyas sa kanya. Iwinawagayway nito ang cellphone sa kanang kamay. Mukhang may tumatawag. Tumango siya bilang tugon at nagmamadali na itong tumayo at naglakad palabas. "Uhm, para sa 'kin ba 'yan?" rinig niyang tanong ni Zam. Umaliwalas ang mukha nito nang mapansin ang hawak ni Koen. "Why do you even ask? Ikaw ba ang nasa loob ng kabaong na 'yan? Pss." Nakangiwi itong nag-iwas ng tingin kay Zam at napabaling sa kinatatayuan niya. May kung anong malilikot sa tiyan niya ang nabuhay nang ngumiti si Koen nang matamis. Unti-unting humupa ang takot na kanina niya pa nararamdaman. "Who is she? Kilala mo?" naguguluhang tanong ni Zam nang sundan nito kung saan nakatitig si Koen. "She's my girl," sagot ni Koen nang hindi lumilingon kay Zam. "The one I'm courting," dagdag pa nito. Saka lang nito pinagalaw ang mata para tingnan saglit ang kausap. "Your what?" Tumaas ang kilay ni Zam. "Never mind." Aktong maglalakad na si Koen nang kumapit sa braso nito ang babae. "P-Pero... Pa'no ako?" Pahina nang pahina ang boses nito. "What about you?" Napayuko si Zam. "I mean, nandito naman ako." "Bakit? Gusto ba kita?" prangkang tanong nito sa ikalawang pagkakataon. Namula at nanubig ang mga mata ni Zam. Nagpalinga-linga ito sa paligid at pasiring na ibinalik kay Koen ang tingin."I... I hate you!" halos pabulong na sabi nito bago naglakad palayo. Nag-aalalang sumunod dito ang kapatid ni Selah. "Same here," pahabol pa ni Koen. Bahagyang tumaas ang gilid ng labi nito habang hinahatid ng tingin ang papalayong babae. Nabura lang iyon nang bumalik ang tingin nito sa harapan. Sa isang iglap, bumalik ang dating aura nito. Iyong tipo na wala kang mababasang emosyon. Hindi ito ngumingiti at hindi namamansin. At magdadalawang-isip kang lumapit dahil may aura ito na nakakakilabot. Nagsimula itong humakbang palapit sa kinatatayuan ni Rain. Tumatagos ang paningin nito sa kanyang likuran. Nahigit niya ang hininga nang isang hakbang na lang ang layo nila sa isa't isa. Nakasunod lang kay Koen ang tingin niya hanggang sa lampasan siya nito. Lumapit ito sa kabaong at doon ipinatong ang dalang bulaklak. Hindi niya alam kung siya lang ba ang nakapansin o may iba pa, na hindi ito makatingin sa taong nakahimlay sa loob. Nasa harapan nga ito ng kabaong ngunit ilag naman ang paningin nito. Ilang segundo lang ang itinagal ni Koen at agad din itong naglakad palayo. Kusang dinala si Rain ng kanyang mga paa pasunod sa lalaki. Papalabas na ito nang may humarang sa daraanan nito. Tumigil siya sa paghakbang ilang metro ang layo kay Koen at tumabi sa gilid. Kitang-kita niya mula sa kinatatayuan kung sino-sino ang nasa harapan nito. Ang tatlo sa tinaguriang SRCBP—sina Casimir, Gemlyle at Ison Jaxx. "Ano'ng ginawa mo kay Frix?" deritsahang tanong ni Casimir Estrella. "Wala. Bakit? Gusto mo bang may gawin ako sa kanya?" Nagbabanta ang tinig ni Koen. "Iiyak ba siya kung wala?" Mabilis kumapit ang mga kamay ni Casimir sa kuwelyo ni Koen, pero hindi man lang natinag ang huli. Kahit nasa likod lang si Rain, umaabot sa kanya ang tensiyong namamagitan sa dalawa. Marami na rin ang nakapansin sa ginagawa ng mga ito ngunit walang sinuman ang nagtangkang umawat. "Pss, nakalimutan mo yatang namatayan siya? Natural iiyak 'yon." Tinampal ni Koen nang malakas pataas ang kamay na nakahawak sa kuwelyo nito. Napabitiw si Casimir at lalong nanggigil. "Sa tingin mo maniniwala ako sa 'yo? Nakita ko kung paano mo siya trinato kanina." Nahuhulaan na ni Rain ang tinatakbo ng usapan ng dalawa. May gusto si Casimir kay Zam base na rin sa obserbasyon niya. Iyon nga lang, na kay Koen ang atensyon ng huli. Sana naman pumili sila ng lugar. "Nakita mo? Pero 'di mo nakitang wala akong ginawa?" malamyang sagot ni Koen. Humikab pa ito nang malakas habang nakatakip ang isang kamay sa bibig. "What did you say to her then?" tanong ulit ni Casimir. "Sinabi ko lang na wala akong gusto sa kanya. Nothing special. Kaya dapat lang na matuwa ka," mabilis na sagot ni Koen. Nanunuya pa ang ngiting iginawad nito sa kaharap. Umamba ng suntok si Casimir kaya pumagitna na siya. "Excuse me." Sabay na napatingin sa kanya ang apat na lalaking nasa harapan. "Respetuhin niyo naman po sana ang lamay ni Miss Villania." Hindi alam ni Rain kung saan niya nahugot ang lakas ng loob para sawayin ang mga ito. Pero pagkatapos niyon, nagsilabasan na ang pawis niya. Naniningkit ang mga ni Casimir nang lapitan siya nito. "At sino ka naman? Gusto mo bang masaktan?" Napalunok si Rain at naestatwa sa kinatatayuan niya. Hindi agad siya nakakilos nang itaas ni Casimir ang kamay nito. "Keep your dirty hands off her." Hinila siya ni Koen bago pa dumapo ang kamay ng lalaking kaharap. "Let's go, Cas. Tama na iyan," awat ni Gemlyle habang si Ison Jaxx naman ay kanina pa tahimik at masama ang tingin kay Casimir. Ano ba'ng problema nila? Masyado silang takaw-gulo. Hinila ni Gemlyle si Casimir paalis, at paatras naman itong sumunod. Masama pa rin ang tingin nito sa kanya, lalo na kay Koen. "'Wag ka nang makialam sa susunod kung ayaw mong madamay ka sa gulo." Nilingon niya si Koen dahil sa sinabi nito. Noon lang niya napansing nasa harapan na niya ito at wala na namang kaemo-emosyon ang mukha. "S-Sorry." Napayuko siya para itago rito ang pagkapahiya. Nawala sa isip niya kung gaano kadelikado ang sumabat sa usapan, o kausapin man lang ang sino man sa tinaguriang SRCBP. Lalo na't hindi siya kilala ng mga ito. Wala naman kasi sa lugar ang pagsasagutan nila. "Don't," pigil nito sa pagso-sorry niya. "Wala ka namang kasalanan." Nagbaba siya ng tingin sa kamay niyang ikinulong ni Koen sa palad nito. "Ihahatid na kita." Nakangiti na ito at marahan siyang hinila palabas ng bahay. Nasa bakuran na sila nang may humarang na naman. Ang kapatid niya at si Jace. Nakagat niya ang ibabang labi nang makita ang pagkadisgusto sa mukha ng dalawa, lalo na nang magbaba ang mga ito ng tingin sa magkakonektang kamay nila ni Koen. Mabilis na inagaw ni Jace ang kamay niya na hawak-hawak ni Koen at hinila siya payakap dito. "Pakihatid ang isang 'yan sa bahay namin Jace," maawtoridad na utos ng kuya ni Rain. Wala na siyang nagawa nang akayin siya nito paalis. Binalikan niya ng sulyap ang kinatatayuan ng kapatid niya at ni Koen. At kitang-kita niya na nasa kanya pa rin ang tingin ni Koen kahit na kinakausap ito ng kuya niya. Walang kabuhay-buhay ang ngiting ibinigay niya rito bago siya nagpasyang hindi na lilingon pa. "I'll be watching you from now on." Napatitig siya kay Jace nang magsalita ito. Hindi na niya makita rito ang lalaki na laging nakangiti sa kanya. Noon lang siya nakaramdam ng kaba habang kasama ito. Seryoso ba siya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD