Chapter 1
“Paano tayo tatawag ng tulong, Mama? Mahina ang signal!”natataranta kong sinabi kay Mama.
Hawak niya pa ang sandok habang hinihila ko siya papuntang sala para hanapin ‘yung cellphone niya. “Anong bang nangyayari sa’yo, bata ka ah?!” natataranta na rin ang boses ni Mama kaya mas lalo kong gusto na umiyak.
“Nasaan na ba ang cellphone, Mama?! Tawagan natin si Kuya Boy!”
Nakarinig ulit kami ng katok ni Mama at doon na ako tuluyang umiyak. “Mama! Kikidnapin nila ako! Wala tayong pang-ransom! Naka-ipon din ako, Ma! Nandoon sa prinoject namin noon na kawayang ipunan sa EPP!”
“Ano ba, ‘nak?! Anong nangyayari sa’yo, aba naman!”
Binitawan ko na siya at pinagpatuloy kong hanapin ang cellphone. Tiningnan ko ang likod ng TV. Pumatong na rin ako sa isang monoblock para silipin ang ibabaw ng ref, nagbabakasakali na nandoon ang cellphone pero wala pa rin talaga.
Hindi pa ako nakakababa ng upuan ay may humawak sa bewang ko para ibaba ako sa sahig. Agad akong lumayo at naupo ng makitang iyon ‘yong lalaking kikidnap sa akin. Hindi ko na sya gaano maaninag dahil bukod sa nasisilaw ako sa ilaw na nakatutok sa ulo niya, tulo pa rin ng tulo ang aking mga luha, Natanaw ko si Mama na nasa harap ng pinto at nakatanaw lang sa lalaki.
Tumayo ako at tatakbo na sana sa Mama ko ngunit bago pa ako makadalawang hakbang ay sinikop na ako ng lalaki sa bewang at binuhat. Pumalahaw ako at pinagpapadyak ko ang aking mga paa para mabitawan niya ako. Mas lalo lang humigpit ang hawak niya sa akin dahil sa ginawa ko.
Ramdam ko ang matigas niyang dibdib sa likuran ko at kahit nagpupumiglas ako ay ramdam ko ang pag-iingat sa hawak niya.
Gustuhin ko mang damhin ang hawak niya sa akin ay hindi ko magawa dahil mas lalo lang akong naiyak dahil walang ginagawa si Mama. Nakatingin lang talaga siya sa amin at parang walang balak na iligtas ako sa pangingidnap ng lalaking ito.
“Mama!” tawag ko sa kaniya.
“Anak…” parang doon lang natauhan ang aking ina ngunit imbes na iligtas ako ay bigla siyang naupo at itinakip ang kamay sa kanyang mukha. Nagulat siguro siya sa mga nangyayari. Ayan kasi! Ayaw niyang maniwala sa akin kanina!
Isisigaw ko na sana ang pangalan ni Ate Julie dahil panigurado ay maririnig niya naman iyon nang marinig ko ang iyak ni Mama.
Unti-unti akong tumigil sa pagpalo sa kamay ng lalaki na nasa bewang ko at ang pagpadyak. My Mama is crying.
Again.
“Mama…” pumiyok pa ako pero hindi ko na pinansin. Kitang kita ko ang panginginig ng balikat ni Mama. Natigilan ako ng ilang sandali bago naramdaman na nagsimula ng maglakad ang lalaki.
“Ikaw na matanda ka! Kikidnapin mo ko tapos paiiyakin mo Mama ko?! Putek ka! Putek!” pinilit ko talagang harapin siya para lang masuntok ko ang mukha niya. Pinigilan ko na magmura dahil baka magalit si Mama na nagmumura ako. Sabihin niya pa na kung iyon ba ang natutunan ko sa eskwela.
Mas lalo lang akong nagalit sa pagtawa ng matandang damuho na ‘to. “T-Teka lang!” Sinabunutan ko siya. “W-Wait, angel…” Dahil mas malakas siya sa akin, nahawakan niya ang dalawang kamay ko gamit ang isa niyang kamay. Ang isa pa ay nakaalalay pa rin sa bewang ko para hindi ako lumagapak sa sahig.
Hindi ko na namalayan ang mga sumunod pang nangyari. Matagal akong nakatulala habang muling tumatak ang itsura ng aking ina.
I’ve already seen that before. I have already seen my mother crying her eyes out. And I have witnessed it again.
It was my seventh birthday. I woke up with caresses in my cheeks and in my hair. I knew that it was my mother because of the song she was humming. She was sitting on the right side of my small bed. Instead of opening my eyes, sumiksik ako sa bewang niya at yumakap doon. We stayed that way a little bit more bago niya ako pang-gigilan at binuhat palabas ng kwarto.
“Yanong laki mo na, ‘nak, nagpapabuhat ka pa!”
“Walang pasok, Ma?” tanong ko habang inaabot ang hotdog na nakahain sa lamesa.
“Walang pasok kasi birthday mo raw!” mapanlokong sagot ni Mama.
Sumimangot ako bago ngumiwi dahil mainit pa ang hotdog na gusto kong abutin. Binigyan ako ni Mama ng tinidor pero inagaw niya rin at sya na ang nagtusok sa hotdog bago binigay sa akin.
“Punta po tayo Pacific? Jollibee, Ma?”
“Hindi na, nag-Pacific na tayo noong nakaraang taon ah? Bumili ako ng spaghetti dyan. Magpapatulong tayo kay Ate Julie mo magluto.” natatawang sabi niya. Hindi ko alam kung anong nakakatawa doon kaya hindi ko na lang siya pinansin.
Sabado iyon kaya walang pasok sa eskwelahan. Narinig ko rin kay Mama na nagpaalam siyang hindi muna papasok sa bayan kaya nandito siya ngayon. Sa normal na sabado kasi ay ako lang mag-isa dito sa bahay. Manood ng cartoons sa TV sa channel 7 or Superbook sa channel 2 sa umaga, nakikipaglaro lang sa mga kaibigan sa hapon, matutulog, at hihintayin na dumating si Mama.
Hindi ako kailanman nagkaproblema sa pagkain dahil binibigyan ako ng ulam ni Ate Julie at marunong naman akong mag-saing at maghugas ng mga pinggan. Minsan ay mag-iiwan si Mama ng sulat na initin ko na lang daw ang ulam na niluto niya bago siya pumasok at ipapaskil niya ito sa TV screen para daw madali kong makita.
Habang nagluluto sina Mama ng handa para sa birthday ko ay nakikipaglaro ako sa mga mas matanda sa akin na kaibigan. Grade 2 ako habang sila ay dalawa or tatlong taon ang tanda sa akin. Nang tawagin na kami para kumain ay nagsitakbuhan na kami papunta sa bahay pero nagtulakan sila papasok.
“Ay ang mga batang ire, nagkahiyaan pa! Pasok, pasok!”
Kinagabihan ng araw na iyon, nagliligpit na kami ni Mama ng mga pinagkainan para makapag pahinga na. May isang tanong ang matagal ng bumabagabag sa akin.
Naiinggit ako sa mga kaibigan pero alam ng batang ako na hindi ko dapat tanungin si Mama tungkol sa bagay na iyon. Kung bakit… hindi ko rin alam. Pero may kakaiba sa gabing iyon. Parang kinakausap ng isip ko ang sarili na tanungin ko na si Mama.
“Mama…” mahinang tawag ko sa kanya habang nagwawalis siya at ako’y nanonood na lang ng balita sa TV.
“Hmm? Mag-hinsaw ka na bago matulog. Pawis na pawis ka kanina, eh.”
Hindi muna ako nagsalita at nakatitig lang kay Mama. Inalis ko sa pagkakadekwatro ang paa ko at maayos na umupo. Nagtaka siguro si Mama dahil hindi ako sumagot kaya nilingon niya ako.
Maliit lang ang bahay namin. Sakto lang para sa aming dalawa. Gawa sa hollow blocks at may plywood na nakakabit sa paligid ng bahay. Pagpasok mo sa pintuan mo ay may sofa na kahoy sa kanan at sa harap nito ang dalawang kwarto at TV namin. Nasa gitna ng dalawang kwarto ang TV at kurtina lang ang nagsisilbing pinto ng mga kwarto. Sa kaliwang gawi naman ang kainan, kusina at CR.
Nang lingunin ako ni Mama, nagtaka siya sa pwesto ko. “Ano ‘yon? Para kang pinagalitan ng maestra mo dyan.” bago nagpatuloy sa paglilinis.
“Mama, may assignment kasi kami sa English. Sabi ni Ma’am Ladiana kailangan ng pictures.” namamawis ang palad ko kaya itinuwid ko iyon galing sa pagkakakuyom.
“Anong litrato? Kailan kailangan? Bakit ngayon mo lang sinabi, naidaan ko sana sa computer shop doon sa bayan kahapon.” niligpit niya na ang pinagwalisan niya at pinatay na ang TV bago tuluyang tumayo sa harap ko.
“Ano nga? Bakit ba hindi ka nagsasalita? Batang ‘to!”
“Family tree daw po kasi…”