Chapter 19.

2544 Words
Hastrup Finn’s point of view: Halos mag aanim na buwan na rin magmula nang mailibing si daddy. Ang bawat araw na lumipas ay hindi naging madali para sa amin. May mga pagkakataon na natatagpuan ko na lamang ang sarili kong nasa harapan ng puntod ni dad. Pag-uwi naman sa bahay ay madalas kong marinig si mom habang umiiyak sa kwarto nila ni daddy. Napuno ng pagluha ang bawat araw at gabi ng aming pagluluksa, hinayaan namin ni mom ang aming mga sarili na pagdaan ang proseso ng pagtanggap. Tanghali na nang magising ako dahil sa malakas na katok mula sa labas ng kwarto ko. Bahagya pang nangunot ang noo ko dahil walang kumakatok sa akin sa gano’ng paraan bukod kay Xos ngunit matagal na magmula nang makabalik sila sa America si Singh. “Hustrup may bisita kayo!” malakas na sabi ni Kuya Ryan sa labas matapos niyang kumatok. Napabalikwas ako ng bangon dahil sa sinabi niya at lumapit sa pinto upang pagbuksan siya at makausap kahit pa wala akong inaasahang bisita ngayon. “Kuya Ry ang ingay mo,” nakasandal sa pintuang sabi ko sa kaniya. “’Eh pinapagising ka ng mommy mo kanina pa. Hindi ka makuha sa simpleng katukan lang eh ‘di dun tayo sa mas pinalevel up,” pagrarason nito habang kumakamot sa batok. Napangiwi pa naman muna ako sa isinagot niya bago tamad na maglakad papunta sa sala. “Sigurado ka bang ganiyan kang haharap sa bisita niyo?” makahulugang tanong ni Kuya Ryan. Napahinto naman ako sa paglalakad at tinignan ang sarili ko, Boxer shorts nga lang pala ang suot ko at wala ring pantaas. “Sino po ba ang bisita kuya?” balik na tanong ko sa kaniya. Si Third lang naman ang madalas na bumibisita sa akin dito sa bahay bukod kina Sing at Xos kaya isa lang din sa kanila ang inaasahan kong bisitang tinutukoy niya rason kung bakit hindi na ako nag abalang ayusin pa ang sarili ko. “Sina Nurse Ashely at yung kaibigan niya,” nanlaki ang mga mata ko sa isinagot ni kuya Ryan sa tanong ko. Napalunok pa ako bago walang salitaang bumalik sa kwarto ko. Hindi ko alam ngunit tila bumara sa lalamunan ko ang huling hanging nilanghap ko bago sabihin ni kuya Ryan kung sino ang mga bisita. Gusto ko ring pagalitan ang sarili ko kung bakit hindi ko naisip na sila ang tinutukoy ni kuya Ry gayong madalas namang dalawin ni Ash si mom. Marahil dahil nagkakataon ding wala ako dito sa tuwing narito siya kaya hindi ko manlang iyon kinonsidera. “Nakita kaya nila ako?” bulong na tanong ko pa sa sarili bago isinabunot ang sariling mga kamay sa aking buhok dahil sa kahihiyan. Mabilis kong tinapos ang pagligo at pag-aayos ng sarili bago lumabas. Nagsuot lamang ako ng puting T-shirt at itim na shorts dahil wala naman akong planong lumabas ngayong araw. Nagulat pa ko nang maratnan si kuya Ryan sa labas ng pintuan ko. “Kuya hindi po ako tatakbo bakit nag antay ka pa?” pabirong tanong ko sa kaniya matapos isara ang pinto at maglakad muli papuntang sala. “Eh pinapatawag ka uli ni Madam kaya dapat kasama na kita pagbalik sa kaniya,” pagtugon niya. “Ang bango mo naman ngayon, may lakad ka?” maya-maya ay tanong nito sa akin. “masyado ka kasing mabango para lang sa pagkain ng tanghalian,” pambubuyo pa nito bago bilisan ang paglalakad kaya naman hindi na ako nakapag rason pa sa sinabi niya. Napapikit na lamang ako dahil sa ginawa niya at nagtuloy sa paglalakad. Sa sala na sana ang diretso ko nang magsalita si mommy mula sa dining area. “Hastrup!” pagtawag nito. “can you help us here?” tanong nito bago ako makalapit sa kaniya. Naratnan ko siyang inaayos ang mga gagamitin sa hapag ngunit wala pang mga pagkain. Tinignan ko muna ang oras sa aking relo at nakitang alasonse na. “Help them in the kitchen,” utos ni mommy. “Okay mom, Good morning.” pagpayag at pagbati ko sa kaniya bago humalik sa kaniyang pisngi. Tinapik naman nito ang balikat ko bago ako bahagyang igaya papunta sa kusina. Sa daan papunta ng kusina ay nakasalubong ko si manang Fe, taka pa akong napasunod ng tingin sa kaniya nang ngumisi ito sa akin bago ako lampasan. Kunot-noong napailing ako bago ibalik ang tingin sa daan. “Good morning!" bati ko sa mga taong naroon. Dahan-dahan naman silang lumingon sa akin. Kasalukuyang nagsasalin ng hindi ko makilalang ulam si Ashley habang ang kaibigan naman nitong si Hope ay kasalukuyang naghihiwa ng hinog na Manga. Nakatalikod sila sa direksyon ng pintuang pinasukan ko kaya naman hindi nila napansin ang pagdating ko. “Good morning Architect!” masiglang bati sa akin ni Hope bago lumapit at nakipag fistbump. “Good morning din daw sabi ng kaibigan ko.” anito nang hindi bumati si Ashley pabalik sa akin. Napatingin ako kay Ashley at kita ang pagtataka sa mga mata nito. Marahil ay itinatanong niya ngayon kung bakit ganito na lamang kami mag-usap ng kaibigan niya. Ngumiti naman muna ako sa kaniya bago balikan sa aking isipan ang nangyari sa huling gabi ng lamay ni daddy. FLASHBACK_ Kakaiba ang kabang naramdaman ko nang mawalan ng malay si Ashley sa mga braso ko lalo na ng maramdaman ko ang mabagal niyang paghinga. Mabilis ko itong binuhat at patakbong dinala pabalik sa Chapel. Isasakay ko na sana ito sa aking sasakyan upang dalhin sa Hospital ngunit naharang ako ng babaeng madalas niyang kasama. “Is that Ashley? My goodness what happened?!” aligagang tanong ng kaibigan niya. Walang ibang tao ngayon dito sa labas, siguro ay hinahanap din niya si Ash kaya siya narito. “I don’t know,” sagot ko. “bigla na lang siyang nawalan ng malay." pagsasabi ko ng totoo. “Obviously nawalan siya ng malay, unconscious siya eh." wika nito habang may kung anong chinicheck ang kaibigan. Hindi ko tuloy matukoy kung nagbibiro ba siya o sadyang sarkastiko ang naging sagot niya. “Saan mo siya nakita?” tanong niya. Idinitalye ko sa kaniya ang lahat ng nangyari magmula ng makita ko si Ash sa loob ng mapunong bahaging iyon nitong lugar. “You mean Ahas?” kinakapos ang hiningang tanong niya. Napatango naman ako bilang sagot sa kaniya. “Yoongi Hospital, hurry!” sigaw niya kaya naman mabilis kong tinungo ang kotse karga pa rin si Ash upang maihiga siya ro’n at kinuha ang susi ng sasakyan ko sa loob ng Chapel. Kita ko ang gulat sa mga tao nang makita ako ngunit hindi ko na sila pinansin pa at mabilis nang lumabas. Mabilis naming narating ang hospital dahil na rin malapit ang aming pinanggalingan. Sinalubong kami ng isang lalaking Nurse at ang kaibigan ni Ash ang nakipag usap sa kaniya. “Sever panic attacked." sagot ng kaibigan niya nang tanungin ng Nurse kung ano ang nagyari sa pasyente. Hindi na nasundan pa ang usapan nila bagkus ay itinuro ng lalaking Nurse ang isang bakanteng Hospital bed. Inihiga ko ro’n si Ashley at mabilis naman siyang dinaluhan ng iba pang mga nurses. Hindi ko maintindihan subalit hindi ko na narinig pang magsalita ang kaibigan ni Ashley ngunit tila alam na alam na ng mga Nurses na lumapit ang gagawin kay Ash. “Sa labas na tayo mag antay." anyaya nito sa akin bago magpatiunang maglakad. Minsan ko pang nilingon ang walang malay pa ring si Ashley bago siya sundan. Naratnan ko siyang nakaupo sa tapat ng Nurse station habang umiinom ng tubig. Tahimik akong tumabi sa kaniya. “Salamat sa hindi pag-iwan sa kaibigan ko,” nakangiting aniya subalit diretso lamang ang tingin. “I’m Hope,” pakilala niya sabay abot ng bottled water sa akin. “Hastrup,” simpleng sagot ko at tinanggap ang ibinigay niya. “Bumalik ka na ro’n ako ng bahala kay Ashley. Babalitaan na lang kita from time to time,” sabi niya, napalingon naman ako sa kaniya. “Okay lang maiin-” hindi ko na naituloy pa ang pagtanggi ko dahil pinutol na iyon ni Hope. “Sige na, kanina ka pa nila hinahanap,” ngumiti ito matapos iyong sabihin. Napabuntong-hininga naman ako. Wala na akong nagawa pa kaya naman ibinigay ko na lamang ang Cellphone number ko upang mabalitaan niya ako sa kondisyon ni Ashley. Sisilipin ko pa sana si Ash ngunit pinigilan ako ni Hope at sinabing ayaw nito na nakikita siya sa gano’ng sitwasyon kaya hindi siya pumapayag bisitahin ng kahit sino. “Sabihin mo na lang na nagkaroon ng emergency sa bahay namin at isinama ko si Ash kapag may nag tanong para ‘di na sila mag-alala,” pahabol nitong sabi nang magpasya akong umalis na. “Okay,” maikling sagot ko sa kaniya at ngumiti naman ito matapos magpasalamat. Dahil sa insidenteng iyon ay naging malapit kami ni Hope. Lagi niya akong binabalitaan sa kondisyon ni Ahley ngunit hindi niya kailanman nabanggit sa akin ang rason sa likod ng mga pangyayangyari sa gabing ‘yon. END OF FLASHBACK__ “How can I help?” tanong ko nang hindi pa rin nag sasalita si Ash. “Oh dalhin mo nalang ito duon at lumayas ka na dito sa kusina. Nakakalimutan ni Ash huminga kapag nasa paligid ka,” mahaba at diretsong anito sabay abot sa kin ng platong puno ng hinog na Manga. Nilingon ko si Ashley at nanlalaki na ang mga mata nito dahil sa sinabi ng kaibigan. Napangiti ako ng sobra dahil sa reaksyon niya bagay na nadala ko hanggang sa makalabas ng kusina. Doon ay naratnan ko si mom habang kausap si kuya Ry. Naibaling sa akin ang atensyon nila nang mailapag ko sa lamesa ang dala. “Tama na ang ngiti, baka mahalata tayo niyan." pagbibiro ni kuya Ryan. Agad ko namang ibinalik sa seryoso ang mukha ko dahil sa sinabi niya. “Tama na ang pagbibiro kuya dahil baka ipasesante kita,” balik na biro ko sa kaniya at gulat naman siyang napalingon kay mommy. “Magsitigil na nga kayo at kakain na,” pagsusuway sa amin ni mom. Nagtapikan muna kami ng braso ni kuya Ryan bago ito magpaalam umalis dahil sasabayan daw niya ang kaniyang pamilya sa pananghalian. Makalipas ang ilang sandali ay lumabas na sina Ash at Hope sa kusina dala ang ilang mga ulam kaya naman naupo na kami ni mom. Magkatabi kami ni mommy habang magkatabi naman sina Ashley as Hope. Pinangunahan ni Ash ang panalangin sa hapag, halos hindi ko magawang ipikit ang mga mata ko habang ginagawa niya iyon dahil may kung ano sa akin ang nais lang siyang titigan. “What’s this?” huli na para pigilan ko ang aking sariling magtanong kung ano ang pagkaing nakahain ngayon sa aming hapag. “Seryoso ka ba sa tanong mo?” hindi makapniwalang tanong ni Hope bago malakas na tumawa. Mas lalo akong nahiya nang magsimula na ring matawa si mom at si Ash habang nakatingin sa akin. “I guess?” kibit-balikat na sagot ko. “That’s what we call Pinakbet, it’s an Ilocano dish,” si Ash. Nilingon ko naman siya at alanganing ngumiti matapos tumango. “Masarap yan, di mo ikamamatay,” natatawang ani Hope. Siniringan ko naman siya bago muling pinag masdan ang ulam. “Huwag mong sabihing pati mga sahog na gulay niyan hindi mo alam?!” mas mataas ang boses na tanong muli ni Hope. Gusto ko nang subuan siya ngayon ng buong Manga! “Siyempre alam ko!” sagot ko sa kaniya. “This is talong,” turo ko sa unang gulay na inilagay ko sa pinggan ko. “Okra,” “Sitaw,” “Kalabasa,” “Kamatis,” pag iisa-isa ko sa mga sahog nito. Ngunit napahinto ako isang hindi makilalang klase ng gulay. Maliit ito at berdeng-derde ang kulubot nitong balat. “And?” nag-aabang na tanong ni Hope ng hindi ko mapangalanan ang huling gulay na tinusok ko ng tinidor. Inilibot ko ang paningin sa mga kasama sa lamesa at nakitang maging sila ay nag-aantay ng magiging sagot ko. “That’s an Ampalaya,” si Ash na ang sunagot. Gulat na napalingon si Hope sa kaniya. “Ang chaka mo kabonding Mc Ashley Ruz Conserman,” ani Hope. Natawa naman ang kaibigan. “Eh mukhang magugutom ako kung aantayin pa nating masagot niya eh,” rason nito. “halatang hindi niya alam,” mahina ngunit rinig naming sabi niya. “That’s absurd!” pangongotra ko sa sinabi ni Ash. Nanlalaki naman ang mata nilang napatingin sa akin. “Ampalaya is mahaba,” pagrarason ko. “this is far from what I’ve seen before,” dugtong ko. “Son, that’s an Ampalaya,” si mom. “another variety of Ampalaya,” patuloy niya. Wala na akong nagawa dahil si mommy na ang nagpatunay na Amplaya nga ang gulay na ito kaya naman isinubo ko na lamang ito. Ngunit hindi ko pa man ito nangunguya ng matagal ay gusto ko na itong ilabas sa aking bibig. Sobrang pait! “How was it?” muling tanong ni Hope sa akin. Hindi ko alam ngunit pakiramdam ko ay sinasadya nitong asarin ako gamit ang mga tanong niya. Uminom muna ako ng tubig bago siya sagutin. “Great,” maikling sagot ko. “Liar.” diretsong anito bago magsimulang kumain. Sinamaan ko naman siya ng tingin subalit hindi na siya nagsalita pa. Ipinagpatuloy namin ang pagkain at nakatanggap naman ng papuri si Ash mula kay mom dahil sa masarap niyang luto. Maging ako na baguhan sa pagkaing iyon ay masasabing masarap ito. “Ashely, Hope,” maya-maya ay tawag ni mom. Kahit pa hindi ko narinig ang pangalan ko ay napahinto rin ako sa pagkain upang marinig ang sasabihin niya. Mc Ashley point of view: “Maari ko ba kayong kunin bilang mga Personal Nurses ko?” mabagal ngunit diretsong tanong ni ma’am Analyn sa amin. Hindi ako nakasagot at tanging paglunok lamang ang nagawa ko dahil sa tanong niyang iyon. “Nakita ko kung gaano niyo alagaan nuon ang asawa ko, gusto kong kayo rin ang mag-alaga sa akin ngayong nagkaka edad na rin ‘ko,” nakangiting anito. Napakurap-kurap naman ako dahil sa inaalok niya. “Mom I can take care of you,” singit ni Hastrup sa usapan. Naibaling naman sa kaniya ang atensyon ng lahat. “I know son,” sagot ni ma’am Analyn sa kaniya. “but Nurses would be a great help right?” pangungumbinsi nito. “Maari ba iyon mga Hija?” muling tanong nito sa amin. Lumapit ako sa kaniya at nakangiting hinawakan ang kamay niya. “Isa pong karangalan,” pagpayag ko bago siya yakapin. Niyakap naman ako nito pabalik. “Paano ba yan? Mapapadalas pagkikita natin,” si Hope kay Hastrup. Nangunot naman ang noo ko, hindi ko inasang ganito na pala kalapit ang dalawang ‘to. “Mas madalas naman akong wala rito kaya Malabo rin,” si Hastrup. Inirapan naman siya ni Hope dahil sa isinagot niya. Kanina ko pa napapansin ang asaran ng dalawa ngunit mas pinili kong huwag na lamang mangialam. Napuno ng kasiyahan ang puso ko dahil sa alok ni ma’am Analyn kaya naman hanggang sa bahay ay dala ko ang kagalakan. Tunay nga na ang bawat katapusan ay pagkakataon upang may bagong masimulan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD