“Ate Daisy, gising na si Papa… pero parang galit na naman siya.”
‘Yon ang unang salitang bumungad sa umaga...boses ni David, mahina pero nanginginig, parang takot na takot na magkamali ng tono. Nasa pintuan siya ng kwarto ko, yakap ang luma niyang stuffed dinosaur na dapat matagal na niyang iniwan pero mas mahigpit pa rin niyang kinakapitan tuwing may mali sa bahay.
Bumangon ako agad. Walang reklamo, walang buntong-hininga. Hindi na uso ‘yon sa bahay namin. Mula nang mawala si Tita Elena, ang pagod ay naging default setting ng katawan ko. Ang takot, automatic. Ang pagiging handa...mandatory.
Paglabas ko ng kwarto, sumalubong agad ang amoy ng alak. Hindi pa malakas, hindi pa sukdulan. Pero sapat para kumapit sa hangin. Sapat para magising ang kaba sa sikmura ko na parang matagal nang natutulog, naghihintay lang ng tamang amoy para bumalik.
“Nandito lang kayo ni Kuya David,” bulong ko kay David habang hinahaplos ang ulo niya. “Huwag kayong lalabas ng kwarto.”
“Galit ba si Papa sa’yo?” tanong niya, diretso, inosente, masakit.
Ngumiti ako kahit ramdam kong nanginginig ang labi ko. “Hindi. Pagod lang siya.”
Pagod. Laging pagod. Laging ‘yon ang dahilan. Parang magic word na kapag sinabi mo, dapat okay na ang lahat.
Lumapit ako sa sala. Si Tiyo Ramil ay nakaupo sa lumang sofa...yung sofa na dati nilang inuupuan ni Tita Elena tuwing gabi, magkatabi, nagkukwentuhan tungkol sa araw nila. Ngayon, mag-isa na lang siya. Nakayuko. May bote sa mesa. Kalahati pa lang ang bawas, pero ramdam mong matagal na siyang umiinom...hindi lang ngayon, kundi gabi-gabi, palihim, paunti-unti.
“Tiyo…” maingat kong tawag, parang kung mali ang bigkas ko, sasabog ang buong kwarto. “Gusto niyo po bang kumain muna?”
Hindi siya sumagot agad. Umangat lang ang balikat niya, parang may pinipigilan sa dibdib. Ilang segundo pa ang lumipas bago siya tumawa...
hindi masaya, hindi galit. Basag.
“Kumain?” ulit niya, mababa ang boses. “Para saan? Para mabuhay pa ng matagal?”
Lumunok ako. “Para… para may lakas po kayo.”
Dahan-dahan siyang tumingala. Namumula ang mata. Hindi dahil sa alak lang...kundi dahil sa puyat, sa lungkot, sa pagkawala. Sa babaeng araw-araw niyang hinahanap kahit alam niyang hindi na babalik.
“Lakas para saan, Daisy?” tanong niya. “Wala na si Elena. Wala na ‘yong dahilan kung bakit ako bumabangon araw-araw.”
Parang may humila sa dibdib ko. Gusto kong sabihin na nandito pa kami. Na may Vivian, may David. Na may ako. Pero natutunan ko na...may mga sugat na kahit anong sabihin mo, hindi talaga naghihilom.
“Nandito pa po kami.” Mahina pero matatag. “Kailangan po namin kayo.”
Tumawa ulit siya, mas mapait. “Hindi ninyo ako kailangan. Kailangan ninyo ng isang buo. At sirang-sira na ako, Daisy.”
Hindi ko alam kung paano sasagot. Kaya lumapit na lang ako. Dahan-dahan. Parang sa isang hayop na nasugatan...
hindi mo pwedeng biglain, hindi mo pwedeng pilitin.
Inabot ko ang bote. “Pwede po bang itabi muna natin ‘to?”
Saglit siyang nag-alinlangan. Akala ko, papayag siya. Akala ko, mananalo ang konting liwanag sa loob niya. Pero bigla niyang hinigpitan ang hawak sa bote.
“Huwag.” Isang salita. Isang pader.
Tumayo siya bigla. “Huwag mo akong turuan kung paano mabuhay. Hindi mo alam ang pakiramdam na mawalan ng kalahati ng sarili mo.”
Parang sinuntok ako. Hindi dahil mali siya...
kundi dahil totoo.
“Alam ko po.” Pumiglas ang boses ko. “Namatay din po ang mga magulang ko.”
Napatingin siya sa’kin. Matagal. Parang ngayon lang niya ako talagang nakita.
“At hindi ba masakit?” tanong niya, mas tahimik na. “Hindi ba parang gusto mo na lang sumuko?”
Gusto kong umiyak. Gusto kong sumigaw. Gusto kong sabihin na oo...
araw-araw. Pero kung bumigay ako, sino pa ang tatayo?
“Masakit po.” Tumango ako. “Pero mas masakit pong mawalan ulit. Ayokong mangyari ‘yon kina Vivian at David.”
Tahimik ang sala. Ang tanging maririnig mo lang ay ang mahinang paghinga niya...
putol-putol, parang siya mismo ay nababasag sa bawat segundo.
Umupo ulit siya. Dahan-dahan. Parang biglang tumanda ng sampung taon.
Hindi ko na inabot ang bote. Hindi ko na rin siya pinilit. Lumapit lang ako at umupo sa sahig, sa paanan niya...
parang bata, parang anak, parang bantay.
Mula sa hallway, sumilip si Vivian. Naka-cross ang mga braso, matalim ang mata. Hindi niya sinabi, pero ramdam ko ang galit niya...
sa tatay niya, sa mundo, baka pati sa’kin.
“Ano na naman ‘yan?” bulong niya sa’kin nang mapalapit. “Umaga pa lang, lasing na siya.”
“Vivian,” mahinahon kong saway. “Huwag ngayon.”
“Bakit? Hindi ba totoo?” pumitik ang boses niya. “Simula nang mamatay si Mama, wala na siyang pakialam sa amin!”
Tumayo si Tiyo Ramil. Mabilis. Delikado.
“Tama na!” sigaw niya. “Tumahimik ka!”
Napaatras si Vivian. Nakita ko ang takot sa mata niya...
takot na pilit tinatakpan ng tapang.
“Mama would never...”
“Huwag mong banggitin ang pangalan niya!” sigaw ni Tiyo Ramil, basag ang boses. “Wala kang karapatan!”
“Siya ang mama ko!” sigaw ni Vivian pabalik, umiiyak na. “At pinapatay mo kami araw-araw sa ginagawa mo!”
Parang may pumutok sa loob ko. Tumayo ako sa pagitan nila, bukas ang mga kamay.
“Tama na!” sigaw ko rin...hindi galit, kundi desperado. “Pareho kayong nasasaktan. Hindi ito laban.”
Tahimik. Mabigat. Parang lahat kami ay napagod bigla.
Si Tiyo Ramil ang unang bumitaw. Umupo siya ulit, tinakpan ang mukha. Umiyak. Tahimik. Mabigat. Isang lalaking hindi marunong umiyak, ngayon ay wala nang lakas para pigilan.
Hinila ko si Vivian palayo. Nanginginig siya. Galit. Nasasaktan. Bata pa.
“Hindi mo siya responsibilidad,” bulong niya sa’kin habang umiiyak. “Bakit ikaw lagi ang sumasalo?”
Hindi ako sumagot agad. Dahil kung sasagot ako, baka umiyak din ako.
“Dahil kung hindi ko gagawin,” mahina kong sagot, “baka tuluyan na tayong mawalan ng tatay.”
Gabi na nang makatulog ang lahat. Si David, mahigpit ang yakap sa akin. Si Vivian, tahimik sa kwarto niya. Si Tiyo Ramil...
hindi ko alam kung tulog o gising, pero nakahiga na siya, walang bote sa tabi.
Nasa kusina ako, naghuhugas ng pinggan. Tahimik. Pagod. Nanginginig ang kamay ko hindi dahil sa lamig, kundi dahil sa bigat.
Bigla kong naisip...
hanggang kailan ko kaya ‘to?
Hanggang kailan ko kayang maging haligi, kung ako mismo ay bitak-bitak na?
Sa salamin ng bintana, nakita ko ang sarili ko...
payat, maputla, pero may matang pilit lumalaban. Hindi ako pwedeng bumigay. Hindi ngayon. Hindi kailanman.
Kinabukasan, narinig ko ang usapan ng mga kapitbahay. Bulungan. Mga tingin. “Naglalasing daw si Ramil.” “Kawawa ang mga bata.” “Buti na lang may dalagang sumasalo.”
Gusto kong sumigaw. Gusto kong ipagtanggol siya. Gusto kong ipagtanggol kaming lahat.
Pero ngumiti lang ako. Tumango. At naglakad palayo.
Sa gabi, habang pinapatulog ko si David, mahina siyang nagtanong, “Ate Daisy… mawawala rin ba si Papa?”
Napahinto ako. Hinaplos ko ang buhok niya.
“Hindi,” sagot ko kahit hindi ako sigurado. “Hindi ko hahayang mangyari..”
Pero sa loob-loob ko, may takot na unti-unting lumalaki. Dahil alam kong ang pagkalunod ay hindi laging biglaan. Minsan, dahan-dahan lang...
sa bote, sa lungkot, sa katahimikan.
At habang pinapatay ko ang ilaw, narinig ko si Tiyo Ramil sa kabilang kwarto, boses na basag, kausap ang hangin...
“Elena… hindi ko na kaya.”