Ilang beses pa akong napabuntong-hininga. Muling umayos ng upo sa bangkong yari sa kawayan. Yakap ang sarili kahit na nakapalit na ako ng tuyong damit at nasa aking ulo ang bagama't lumang tuwalya ay mabango. Nasa gilid ko ang plastic ng hinubad na damit. Malinis na ang aking mga paa na kanina ay nababalot ng samu't-saring dumi.
“Mabuti na lang ay may mga naiwang damit dito si Violet na kahit maluwag ay pwede na.” saad ng matandang babae sa akin kanina habang tinutulungan niya akong magbihis, ”Kung wala ay paniguradong magsusuot ka ng aking saya.“ may himig pagbibiro pa dito.
Iyong tipong kahit na ayokong maligo pero nang dahil sa mapilit siya dahil baka raw ako magkasakit ay wala akong naging reklamo. Hindi ko alam kung bakit sa unang pagkikita namin ng mga ito ay magaan ang loob ko sa kanila. Marahil ay nang dahil halos ka-edad lang silang mag-asawa nina Lola at Lola.
“S-Salamat po.”
“Walang anuman eneng, ipapahatid kita sa inyo mamaya pagtigil ng ulan at baka ikaw ay kanina pa hinahanap ng mga kasama.”
Bago niya ako talikuran upang pumasok sa loob ay inabutan niya muna ako ng suklay. Malugod at walang imik na tinanggap ko ito.
“Teka, kukunan kita ng mainit na maiinom.”
Kanina nang umiyak ako ay minabuti ng nakita kong batang lalake na dalhin daw ako sa bahay nila. Doon ko na lang daw hintayin na tumigil ang ulan tutal mas malapit ito sa kinaroroonan naming taniman ng saging. At hindi ko alam kung bakit nagpahila ako sa kanya, siguro ay dahil sa labis na takot ko sa unang pagkakataong nawalay kay Ate Luz. Sa tingin ko naman ay mabuti siyang tao, kahit pa ilang beses kong naisip ang palagi sa aking paalala nina Mommy na huwag akong basta na lang magtitiwala sa mga tao. Hindi lahat ng makakasalamuha ko ay mabuti. Ganundin ang bilin sa akin ni Kuya. Siguro naman kapag sinabi kong apo ako ng mga Claud ay paniguradong kilala na nila ito.
“Kailan kaya titigil ang ulan?” wala sa sariling tanong ko habang mabagal na sinusuklay ang basa kong buhok, nasa kandungan ko ang tuwalyang ipinahiram sa akin kanina.
Matapos magsuklay ay panaka-naka na ang tingin ko sa pintuang tumatagos hanggang kusina ng tahanang iyon upang sulyapan ang mag-asawa na may ginagawa doon at panay ang mahinang bulung-bulungan nila. Hindi ko ito marinig dahil sa buhos ng ulan. Natakpan ang kanilang view nang humarang sa pintuan ang bulto ng lalakeng apo nila.
“Tapos ka na ba sa tuwalya at suklay?”
Napa-angat na ang tingin ko sa mukha niya sabay tango. At dahil bagong ligo lang din siya ay bahagyang natatakpan ang mga mata niya ng bagsak na hibla ng buhok niya. Nakasuot siya ng kupas na itim na damit, na may ternong hanggang tuhod na maong short. Kagaya ng damit niya ay luma na iyon. Walang imik na humakbang siya palapit sa akin. Dinampot ang tuwalya sa kandungan ko at walang arteng ipinunas na iyon sa ulo.
Iisa lang ba ang tuwalya nilang ginagamit?
Matapos noon ay isinampay na niya iyon sa isa niyang balikat. Mataman akong tinitigan.
“Tapos ka na bang magsuklay?”
Mabilis na akong tumango.
“Eh bakit ganyan pa ang buhok mo? Buhol pa at magulo ang dulo? Hindi ka marunong?”
Napakurap-kurap na ako doon. Maaaring alaga ako ni Ate Luz pero alam ko namang magsuklay ng buhok. Hindi ko nagustuhan ang tabas ng kanyang dila. Minamaliit ako.
“M-Marunong--”
Kinuha na niya sa kamay ko ang suklay na naging dahilan upang matigilan ako dahil sa lapit niya. Naaamoy ko ang hininga niya.
“Tumalikod ka at susuklayan kita. Paano niyan matutuyo ang buhok mo? Kapal pa naman.” utos niyang hindi ko nagustuhan pero sa bandang huli ay sinunod ko naman.
Kung nasa bahay ako hindi ko naman iyon problema. Ilang minutong blower lang ay tiyak tuyo na agad ang basa kong buhok.
“Saan ka ba nakatira? Bakit napunta ka sa sagingan kung kailan pang umuulan?”
Naramdaman ko ang banayad niyang pagsuklay na sa aking buhok. Alam kong ang weird naming tingnan sa mga oras na iyon, pero hindi ko mapigilang isipin na para siyang si Kuya Timothy. Base sa paraan ng pakikipag-usap niya sa akin at sa pananalita.
“Sa Manila. Kakarating lang namin kanina ditong before lunch upang magbakasyon.”
“Ah, bakasyonista ka. Kaya pala hindi na ako magtataka kung bakit ka biglang naligaw.”
“Wala naman akong planong lumaboy kaya lang nang dahil doon sa aso kaya ako—”
“Aso? May sinundan kang aso?”
“Oo, may sugat kasi siya at tumutulo doon ang dugo. Gusto ko lang namang gamutin.”
“Hindi mo dapat iyon ginawa. Paano kung kinagat ka noong aso? Bibigyan mo pa ng problema iyong may-ari noon. At saka hindi ka naman beterinaryo para manggamot.”
Itinikom ko ang aking bibig sa tinuran niya. Pinapagalitan niya ba ako? Concern lang naman ako doon sa aso. Saka mukha rin namang mabait iyon at maamo sa tao eh. Kung si Kuya lang ang kaharap ko ngayon, paniguradong nangatwiran na ako sa kanya.
“At isa pa ay masukal ang sagingan na iyon.”
“Bigla kasing umulan kahit na mainit naman. Hindi ko alam kung saan ako sisilong para hindi ako tuluyang mabasa. Iyon lang ang nakita ko dahil sa malalaking dahon.” hindi ko na napigilang hindi mangatwiran sa kanya kahit na alam kong balagbag pa iyon.
“Nagpabasa ka na lang sana...”
Wait? Seryoso ba ang lalakeng ito? Ayaw niya akong sumilong sa sagingan nila?
“Kapag umuulan, maraming ligaw na ahas ang lumalabas sa sagingan. Pasalamat ka at wala kang naka-encounter. Makamandag at saka nakakamatay oras na makagat ka nila.”
“Ano?!” bulalas kong namimilog na ang mga matang nilingon siya, inaasahan kong ang mukha niya ay nagbibiro pero nang tingnan ko iyon ay seryoso ang hilatsa nito. Ang ibig sabihin ay hindi niya ako tinatakot. “Totoo?”
“Totoo iyon hija, kaya sa sunod na maligaw kabay huwag kang basta-basta papasok sa masukal na paligid o kahit saang taniman.” sagot ng matandang babae na may dalang tasa na sa tingin ko ay kape dahil sa amoy nito. Ang inuming never ko pang natitikman.
Napabaling na ako sa kanya nang i-abot niya sa akin ang isang tasa. Nais ko pa sanang sabihin na hindi ako umiinom ng kape, kaso baka isipin nilang napakaarte ko naman.
“Iba ang lugar na ito sa kinalakhan mo. Kung doon sasakyan ang mga nakakatakot, dito ay mga ligaw na hayop at ang una ay ang ahas.”
Mahina akong natawa sa pagkukumpara niya sa mga sasakyan at mga hayop. Siguro ay pinapatawa niya lang talaga ako ngayon.
“Salamat po.”
Walang imik na tinanggap din ng lalakeng katabi ko pa rin sa upuan ang isang tasa pa. Sinundan ng aking mga mata kung paano niya dahan-dahang ilapit ang tasa sa bibig. Wala sa sariling ginaya ko iyon, na hindi ko dapat ginawa dahil muntik ko ng mabitawan.
“Ang init!” baba ko doon sa aking gilid.
“Naku, dahan-dahan hija at mainit talaga.” anang matandang lalake na kakalabas lang, may dala itong pinggan ng nilagang saging.
“S-Sorry po...”
Mabilis na tumayo ang katabi kong lalake at kumuha ng basahan. Ipinunas niya iyon sa tapon ng kape nang dahil sa kagagawan ko. Hindi ko tuloy mapigilang mahiya sa kanila.
“Kanino ka nga bang anak o apo ng tagarito, hija? Mukhang ngayon lang kita nakita dito.” usisa pa ng matandang babae na naupo na sa aming harapan, may tasa rin siya ng kape.
“Sa mga Claud po.” nakangiti kong sagot, “Isa po ako sa anak nina Tony at Shirley.”
“Ah? Apo ka ng mga Claud?!” napalakas na tanong nito sabay tingin sa asawa at sa apo niyang nakatingin na ng mataman sa akin.
“Opo, kami lamang po ni Ate Luz dahil sina Mommy po at Daddy saka Kuya ay nasa Italy. Dito po ako ng buong bakasyon mananatili.”
“Naku, ihatid mo na siya ngayon din sa kanila Ravin at baka labis na nag-aalala na ang mga Lolo at Lola niya sa kanya!” bulalas nitong hindi ko alam ang ibig na sabihin. “Bilis na! Magpayong na lang kayo. Hindi na rin naman gaanong malakas ang ulan. Baka mamaya ay tumawag na ang mga iyon ng Baranggay at magpa-search and rescue operation. Malamang ay aakalain nila na nawawala o na-kidnap na ang kanilang apo.”
Magkahalong pagkagulat at amazement ang nakita ko sa mukha ng lalakeng aking katabi. Halata sa mga mata na hindi makapaniwala.
“Pero Lola, umuulan pa at hindi pa niya—”
“Huwag ka ng umangal, Ravin! Gusto mo bang matanggalan tayo ng hanapbuhay?” salungat ng kanyang Lolo sa katwiran niya sana, naguluhan na ako doon. Wala namang masama na naroon ako pero ganun na lang ang takot na nasa kanilang mukha. “Mabuti sana kung alam ng pamilya niya na narito siya. Saka tiyak kanina pa iyan hinahanap! Lumakad na. Ihatid mo na siya at pagabi na.”