KABANATA 29
Ipinihit na niya ang door knob saka pumasok sa loob ng kuwarto. Dahan-dahan pa rin upang hindi niya magising si Chardee na himbing pa rin ang pagkakatulog at nasa ganoong posisyon pa rin ito. Inilapag niya sa kaniyang maliit na mesa ang platitong dala niya na may lamang choco balls. Saka binalingan niya ng tingin si Chardee. Ano ba'ng gagawin niya ngayon? Bulong ni Sten sa kaniyang isip. Makabalik pa kaya siya nito sa pagtulog? Ano ba kasing nasa isip ng kababata niya at dito ito natulog? Sumasakit na ang ulo niya sa kaiisip. Pero hindi bale, busog naman siya kaya ayos lang. Magsusulat na lamang siya, pangpalipas oras. Mag-ala-una pa kasi ng madaling-araw kaya medyo madilim pa ang labas. Muli’y sinulyapan ang kaibigan at pinakiramdaman ito. May bahagi ng pagkatao niya na nakaramdam siya ng saya. Kaya kinuha niya ang kaniyang notes at pen na inilagay niya sa drawer ng kaniyang maliit na mesa saka sinimulan ang pagsusulat. Wala man siyang lakas ng loob para sabihin ang mga ito, sa pagsusulat man lang ay maginhawaan siya para masabi niya ang sana’y gusto niyang sabihin.
Aking Talaarawan,
Ang daming mga nangyari sa akin sa araw na ito. Simula no’ng bata pa ako ay may mga pangyayari sa buhay ko na hindi ko inaasahang darating. Wala pa man akong isip noon at gusto ko lang ang maglaro subalit nararamdaman ko ngayon kung ano ang gusto ko. Bata pa ako no’n at magpahanggang ngayon ay wala akong inisip kun’di ang aking DEAR HEART o DH(sa ikli). Nang magkaisip ako ay wala akong hinangad kun’di ang pagkatao ni DH. Gustong-gusto ko siya. Gusto ko paglaki ko ay siya ang makatuluyan ko at wala nang iba pa man.
Pinutol na ni Sten sa ganoong pangungusap ang kaniyang isinulat. Nang nasa kaniyang pagsusulat siya kanina ay muntik pa siya natigilan nang maisip na ano ba ang tamang itawag niya na hindi niya mabanggit ang totoong pangalan nito. Napakahirap naman kasi kung sa totoong pangalan pa niya isulat. Masyadong halatain na ‘ata kaya mas minabuti na lang niya na gano’n ang isulat niya dahil nakatago lang maging ang kaniyang saloobin. Muli’y ibinaling niya ang kaniyang tingin sa natutulog na si Chardee saka ngumiti. Pagkatapos ay isinilid na niya pabalik sa loob ng kaniyang drawer box sa kaniyang maliit na mesa ang kaniyang notes at pen. Saka ibinalik ang tuon sa choco balls na nasa maliit na platito at sinimulang nilantakan kasabay ng pagguhit niya muli sa kaniyang scrapbook. Mahigit tatlong oras si Sten sa kaniyang ginagawa kaya naman nakaramdam siya ng antok kung kaya ipinilig na lamang niya ang kaniyang ulo sa mesa para maibsan man lang ang naramdamang hilo sa pagkaantok.
Malamang nagising ito kagabi kaya nagawa pang gumuhit? Anang isip ni Chardee saka mabilis na pinangko si Sten, binuhat niya ito at inilapag sa kama. Napangisi pa siya nang mapansing hindi naman pala ito gano’n kabigat. Dahan-dahan niyang inihiga si Sten sa kama nito saka kinumutan. Muli niyang iniluhod ang isang tuhod niya habang ang isa ay paupo naman na parang idinantay pa ang kaliwang kamay niya bilang suporta sa kaniyang paluhod na pag-upo. Pinakatitigan niya ang mukha ni Sten saka dinampian ng kaniyang kanang kamay ang pisngi nito. Napangisi pa siya habang ginagawa iyon pagkatapos walang sabing hinalikan niya ito sa tungki ng ilong nito. Saka tumayo na siya at bago pa umalis ay nasulyapan pa niya ang kinain nito kagabi dahil may isang pirasong natira. Muli ay napailing siya at kinuha iyon at dinala na palabas ng kuwarto. Sakto naman na nagkasabay sila sa paglabas ng kuwarto ng Mama ni Sten.
“Magandang umaga Chardee,” ang bati ni Mariare kay Chardee.
“Good morning too, Tita,” ganting bati naman dito ni Chardee. “Pasensiya na po at dito pa ‘ata ako nakatulog. Ang sarap nga po ng tulog ko eh, hindi ko namalayan na nakatulog pala ako,” dagdag pa niya na ipinaliwanag talaga sa ina ni Sten. Ngumiti naman si Mariare at hinawakan sa balikat si Chardee.
“Ayos lang, alam kong pagod na pagod ka kaya gano’n ka na lang kung makatulog. Ang lakas pa ng hilik mo,” turan ni Mariare kay Chardee kung kaya natawa nang malakas si Chardee.
“What? Kung gano’n Tita, nakakahiya po pala talaga,” tawang sabi pa niya kay Mariare.
“Tara, sabay na tayo sa kusina at nang makapag-almusal na tayo,” pormal nang salita ni Mariare kay Chardee. Tumango naman si Chardee at sumunod na rin sa ina ni Sten sa kusina.
May pinag-usapan pa sila kung kaya’t ganoon na lang ang kanilang tawa. Kuwela rin pala ang batang ito. Ang nasa isip ni Mariare. Alam mong mayaman pero hindi naman pala mahirap pakitunguhan. Saglit lang ang itinagal ni Chardee kung kaya may ibinilin na lang siyang ipabibigay kay Sten kapag magising ito. Uuwi na rin siya sa mansyon dahil eksakto namang sinundo na siya ng kaniyang Kuya Jaymi. Ibinilin pala siya nito ng kaniyang Mommy Pinky kaya hindi na nakapagtataka pa. At habang nasa kotse sila at bumabiyahe pa sa daan ay mabagal lang ang takbo ng kanilang sasakyan.
“Bakit naman hindi niyo ‘ko ginising ni Mommy? Iniwanan niyo pa ako,” striktong tanong niya kay butler Jaymi.
“Sabi kasi ni Tita, hayaan ka na lang daw...sabagay napakasarap ng tulog mo kaya napakahirap mo na gisingin,” ang tanging sagot na lang ni butler Jaymi sa kaniyang alaga.
Umismid lang si Chardee at isinandal sa headboard ng upuan ng kotse ang kaniyang ulo at ipinikit ang mata. Ngumiti naman si butler Jaymi nang sinundan niya ang naging reaksyon ni Chardee.
“Kunwari ka pa eh, gusto mo rin naman ‘yon,” pagbibiro ni butler Jaymi kay Chardee.
“Shut-up,” ang sagot ni Chardee sa kaniyang Kuya Jaymi habang nanatili pa ring nakapikit.
Kumawala lang ng mahinang tawa si butler Jaymi.
“Hinanap ka ng Daddy mo kagabi kasi naghapunan siya sa mansyon kasabay ng Mommy mo,” pagsumbong nito sa alaga. Napamulat naman ng mga mata si Chardee at itinuon ang tingin kay butler Jaymi. Tila naghihintay pa ito sa idudugtong nitong sasabihin. Sinulyapan naman siya ni butler Jaymi mula sa salamin.
“Sinabi ng Mommy mo na napagod ka kaya maaga kang natulog at nagpabilin na hindi ka gigisingin,” dagdag pa na sabi ni butler Jaymi.
Kumawala naman ng malalim na hininga si Chardee.
“And then...what now?” asik niyang tanong dito na tila mababakasan ng pag-alala.
“Huwag kang mag-alala, madaling-araw pa lang umalis na si Tito Romy dahil may maaga siyang kliyente sa Batanggas. Sa susunod na linggo pa uwi no’n,” ang agap na tugon sa kaniya ni butler Jaymi. Muli ay bumuntong-hininga si Chardee at hindi na umimik pa.
Maagang nagbukas ng tindahan si Einna. Sa dating gawi pa rin kasama ng mga helper nila na katulong nila sa shop. Hindi pa man sumisikat ang araw ay nakabukas na ang Coffee Shop at Bakery Shop nila para sa mga maagang costumers din nila sa kanilang shop lalo na ang mga nakasanayan nang magtungo roon dahil doon na mag-agahan at magkape. Ang kalapit na mga Establishment Building nito ay sa kanilang shop na nakasanayan pumunta kaya hindi na maikakailang ganoon na lang kalakas ang kanilang naturang tindahan. Bukod sa masasarap ito ay iba ang panimpla ng isiniserve nilang kape. Kaya naman gustong-gusto ito ng kanilang mga costumer.
“Ate Mar, p'wede po bang mgtanong?” Ang tanong ni Mia-ang nakatatanda sa helper na kinuha nila.
“Bakit? Ano iyon?” pabalik namang tanong ni Einna kay Mia.
“Iyong binatilyong pumunta sa kina Sten kahapon, ka anu-ano ba ‘yon ni Sten saka iyong magandang babae na kasing-edad lang ‘ata ni Ate Mar, mukhang yayamanin,” curious na tanong nito kay Einna.
“Ah, iyon ba. Hindi ka rin tsismosa ‘no?” prangkang turan ni Einna rito na may halong biro sa kaniyang boses.
“Ate Einna naman...” ang naging reaksyon naman ni Mia.
“Kababata ni Sten iyon galing Korea. Matagal nagkahiwalay ang mga iyon kaya ngayon lang uli sila nagkita.” Sabi nito habang nagpupunas ng counter.
“Kaya pala nagtataka ako na bigla na lang sumulpot dito sa tindahan kasama ni Sten ay iyon pala...matalik silang magkaibigan,” anas ni Mia.
“Oo.” Sagot pa rin nito habang inaayos ang mga plastic cup sa estante.
“Napakaguwapo niya Ate ‘no? Napakasuwerti ni Sten sa kaniya,” hinang bulong pa nito malapit sa mukha ni Einna. Nagulat man si Einna pero tinugon niya ito.
“Ah, oo. Sinabi mo pa. Mas suwerti si Sten kung sila ang magkatuluyan pero hindi eh, napakabata pa nila. Wala pa sa isip ng mga bata ‘yan,” ang turan ni Einna kay Mia. “Kaya ‘wag ka magsasalita kapag nandito iyan sila kasi hindi mo kilala ang pamilyang iyan. Napakayaman niyan at sikat dito sa ‘ting bansa bilang mga negosyante kaya dahan-dahan ka riyan sa pananalita mo. Alam mo na, mahirap kalaban ang malalaking tao,” mahabang pahayag ni Einna kay Mia na interesado sa pamilyang Lasner.
“Kaya pala...opo, ‘wag kayong mag-alala. Tatahimik po ako,” pagkasabing iyon ni Einna ay saka sinabayan ng pag-zipper niya kunyari sa kaniyang bunganga at tumango-tango. Napailing na lang si Einna sa kaniyang ulo. Pansinin talaga ang pamilyang Lasner, aniya sa kaniyang isip.
LASNER MANSION . (Lasner Residence)
Nang makauwi na si Chardee sa kanilang mansyon ay agad siyang nagtungo sa kaniyang silid at doon humilata ng napakalaya sa paghiga sa kaniyang malaking kama. Iyon pa rin ang dati niyang higaan noong bata pa siya. Napatingala siya sa kisame ng kaniyang kuwarto na tanging nakikita ng sentro ng kaniyang mga mata ay ang chandelier na ilaw na hindi gaano kalaki kundi sapat lang para sa ilaw sa kaniyang malaking kuwarto. Napapikit pa siya na tila gustong maghinahon ng kaniyang utak ngayon. Gusto niyang mapanatag na tila ninanamnam ang katahimikan ng buong silid. Nakiramdam siya saglit kung sumasakit pa ba ang kaniyang katawan. May naramdaman pa siya ngunit hindi na iyon gaano kasakit. Paano nakakatulog si Sten sa kaniyang higaan? Tanong ni Chardee sa kaniyang isipan. Hindi naman sa nag-iinarte siya ngunit para sa kaniya ay hindi nababagay kay Sten ang higaan na ‘yon. Nakakatuwa man isipin pero paano nakakatulog si Sten doon nang mahimbing? Natagalan niya ang kamang iyon ng ilang taon. Maliit pa sila at iyon pa rin ang hinihigaan ni Sten. Ang daming tanong sa isipan ni Chardee pero hindi niya magawang banggitin man lang iyon lahat kay Sten at sa mga gusto pa niyang sabihin dito. Kilala ang pamilya nila at kung maaari man lang ay ayaw niyang isipin ni Sten at ng pamilya nito na mapagpataas siya. Mas gusto niya ang pamumuhay nila sa totoo lang pero hindi niya pinangarap na magpabilang na lang sa uri ng pamilya nila. Mataas ang pangarap ng Daddy niya sa kaniya kaya ayaw niya itong biguin. Hanggat maari na hindi pa siya nakakalayo kay Sten ay gagawin niya lahat makalaan ng panahon dito dahil iyon na lamang ang sa ngayon ang magagawa niya.
Sana ay hindi ito masaktan sa gagawin niya.
May responsibilidad din siya sa kanilang angkan.
Muli ay ipinikit niya ang mga mata at itinulog na lang ang mga isipin niyang iyon.