Maliliit ang ginawang hakbang ni Elena papuntang guidance office.
Alam na niyang mangyayari ito dahil pagnanakaw ang ginawa niya. Malinaw pa sa sikat ng araw na ang bagay na hawak niya ay hindi niya pagmamay-ari. Ngunit may pinagsisihan ba siya? Paulit-ulit niya itong itinatanong sa kanyang sarili.
Noong hindi pa siya nabigyan ng oportunidad na makapag-aral sa St. Claire ay ipinangako niyang kahit saang kolehiyo man siya mapadpad ay gagawin niya ang lahat makakuha lang ng diploma at makatulong sa pamilya. Habang papalapit siya sa kulay kayumangging pintuan ay palakas ng palakas ang t***k ng kanyang puso. Wari'y ang lahat ng hangin na nasa kanyang paligid ay naglaho. Makukulong ba siya? Papano nalang ang kanyang mga magulang at ang pag-aaral ng mga kapatid? Paniguradong masasaktan niya ang mga ito.
Wala naman siyang ibang hinangad kundi ang malaman at makuha ang hustisya na nararapat para sa kaibigan at sa anak na rin ni Ma'am Beth. Pero bakit napakahirap maabot iyon? Bakit tila umaayaw ang buong uniberso sa kanya at sa halip ay pumapanig ang tadhana sa mga taong makasalanan?
Namimiss na niya ang kaibigan. Ito ang lagi niyang nasasandalan sa tuwing may problema siya. Noon ay nakakaya niyang tiisin ang lahat dahil palaging umaalalay ang kaibigan. Masama ba siyang tao upang maranasan ang mga ganitong problema? Naisip niya ang binata. Asan na kaya ito ngayon? Nakahanap na kaya ito ng paraan upang mahanap ang tiyuhin?
Nang makalapit sa pintuan ay huminga ng malalim si Elena. Kung mapapatalsik siya sa St. Claire ay okay lang sa kanya ngunit papano naman ang pamilya niya? "Bahala na." Bulong niya sa sarili. Mahina siyang kumatok ng tatlong beses bago pinihit pabukas ang pinto.
Bumungad sa kanya ang apat na tao sa loob. Ang guidance counselor, si Jane at dalawang lalaki. Kasalukuyang nag-uusap ang mga matatanda at napatigil nang dumating siya. Umayos ng upo ang ginang at minuwestra ang solong upuan sa harap ni Jane. Nakabusangot ang mukha nito. Kung wala lang sigurong ibang tao ay nagsapakan na sila.
"Magsimula na tayo." Matigas na wika ni Ma'am Belen. Kung hindi siya nagkakamali ay ina ito ni Carmelita. Naupo sa tabi niya ang matandang lalaki na sa tantya niya ay nasa mid 60's na. Ang isa naman ay parang ka-edad lang ni Sir Mike na naupo sa tabi ni Jane.
"Jane, sabihin mo sa amin ang totoong nangyari noong nakaraang gabi" Ipinakita ng dalaga ang braso niyang may benda. Napano ba ito? "Tahimik akong kumakain nun sa dorm nang bigla siyang dumating at inaway ako." Kwento ng dalaga habang umiiyak. "Nagulat ako nang bigla nalang siyang sumugod sa akin tapos sinampal ako, eh hindi ko naman siya inaano."
Habang ngumingiyaw ang dalaga ay nakataas lang ang kilay ni Elena. Wala siyang planong magsayang ng oras para sa mga ganitong bagay. Marami pa siyang kailangang ayusin ngunit nauubos lang ang oras niya sa walang kabuluhan na drama ng dalaga. Akma na sana siyang tatayo nang magsalita ang matanda sa gilid niya. "Tama nga ang sinabi mo. Walang duda na ang cellphone na hawak ng babaeng ito ay hindi kaniya, kundi sa iyo." Napapikit si Elena. Mukhang mag-iimpake na yata siya mamaya. Sayang at hindi niya na maaabutan ang school fair. Mukhang masaya pa naman iyon. "Pasensya na po sa inyong lahat lalong lalo na iyo, Jane." Yumuko siya sa harap ng dalaga habang ito naman ay nakangisi. Pero nagpatuloy ang matanda.
"Base sa CCTV ng hallway ay naunang dumating si Elena kaysa sa iyo, hija. Kaya ibig sabihin ay nagsinungaling ka sa salaysay mo." Nakita ni Elena na napawi ang ngisi ng dalaga. Sino ba ang matandang ito at bakit niya ako tinutulungan? "Pero papano naman itong pasa sa braso ni Jane? Alangan namang hindi nito pagbayaran ang ginawa kay Jane?" Tanong ni Ma'am Belen habang tinuturo siya.
"Magsasampa ako ng reklamo laban sa kanya. Matagal na akong binubully ni Elena at ngayon lang ako nagkalakas ng loob na tumayo para sa sarili ko." Muli na naman itong umiyak. "K-kasi sabi ko, t-tama na siguro lahat ng pang-aapi na ginagawa niya sa akin. Bakit mo ba ako ginaganito, Elena?" Hinahagod naman ng lalaki ang likod ng dalaga. Maya-maya pa ay nagsalita na rin ito. "Sang-ayon ako kay Jane, Sir Greg. Hindi biro ang ginagawa ng babaeng iyan. Baka sa susunod ay ibang estudyante na ang masaktan niyan."
Parang nabibingi na si Elena. Parang gusto na niyang totohanin ang sinasabi ng mga ito. Nagulat siya ng may inilapag ang matandang katabi niya sa maliit na mesa sa gitna. Folder iyon. Tumikhim ito. "Base sa mga nakalap kong impormasyon ay mula nang mapadpad si Jane dito, marami ng nagrereklamo na mga estudyante sa kanya. May kaso siya ng pagsunog ng art gallery noon, tama ba hija?" A-ano? Ito ba yung dating building na ngayon ay binakbak na? Wala silang art gallery ngayon kaya sa kwadro kanto sila nagmemeting at gumagawa ng activities ngunit usap-usapan ng seniors na ang art gallery talaga noon ay dalawang palapag na building ngunit hindi niya alam kung sino ang sumunog doon dahil parang napipi ang mga ito.
Parang namutla naman ang dalaga habang nakikinig dito. "May binully ka ring estudyante noon na nakatira sa dorm dito sa paaralan at ang estudyanteng iyon ay nagpakamatay." Marami pa talagang mga bagay ang tinatago ng paaralang ito. Na feature na ito sa mga magazine at sa ibang bansa. Ngunit sa likod ng katanyagang ito ay ang mga sikretong pilit na ibinabaon. Hindi na nagsalita ang dalaga. Tahimik lang itong nakatingin sa mesa kung saan nakapatong ang brown na folder. "Nalaman ko ring na diagnose ka noon na may Antisocial Personality Disorder sa isang mental institute."
Parehong napasinghap ang guidance counselor at ang katabing lalaki ng dalaga. "With all due respect Sir, hindi po namin inaallow ang mga ganitong accusations sa kahit sinong estudyante dito sa St. Claire. Magdahan-dahan po tayo sa mga binibitawan nating salita dahil nakakasama po ito sa bata." Napatawa ang matanda. "Tama ka diyan Ma'am Bel, ngunit hindi na menor de edad ang mga "bata" na ito kaya kung magsasampa kayo ng reklamo kay Elena ay mag kokontra demanda rin kami. Malapit na rin ang eleksyon. Ano nalang ang magiging impact nito sa tiyuhin mong tatakbong senator, hija?"
Napaubo si Ma'am Belen at napailing naman ang lalaking katabi ni Jane. Maya-maya ay padabog na umalis sa silid ang dalaga bitbit ang cellphone nito at hinabol naman ito ng lalaki. Habang ang counselor ay napahugot ng hangin at halatang napipikon.
Kinuha ng matanda ang folder at inaya siyang lumabas. Nakangiti ito sa kanya. Mula sa hallway ay nakikita nila ang pagtatalo ng dalaga at ang kasama nito sa parking lot. Nakaluhod na ito sa lupa ngunit patuloy pa rin itong pinagsasapak ng dalaga kahit dumudugo na ang ulo nito. Napalingon siya sa kasama ng tumunog ang cellphone nito habang nakatutok sa dalawang nagtatalo. "Another evidence." Nakangiting wika nito. Napamaang na lamang siya.
________________
Tahimik si Elena habang may tinitipa sa computer. May kinocompose siyang email sa kanyang instructor. Ang tanging maririnig lang sa silid ay ang pagsasawsaw ni Berto ng mop sa balde at ang tunog ng pagtitipa niya sa computer. Hindi na niya ito kinausap at ganun din naman ang lalaki.
Narinig niyang sumipol ito. Mahina lamang ngunit dahil tahimik ay klarong klaro ito sa pandinig niya. Umiinit pa rin ang ulo niya rito kaya inayos na niya ang mga gamit at tumayo na. "Hoy." Tawag ni Berto sa dalaga. Hindi niya ito pinansin at walang lingon na nagmartsa papuntang entrada. "Hoy!" Malakas na tawag nito. Hindi niya ito nilingon dahil ayaw niyang tinatawag siyang ganun gayong alam naman nito ang pangalan niya.
"Elena." Nilingon niya ito. Ano na naman ba ang kailangan ni Berto? "Ano ho iyon?" Gutom na siya at gusto na sana niyang matulog. "May sasabihin ako sa'yo." Bulong nito na parang bata. Wala siyang nagawa kundi lumapit dahil parang may tumutulak sa kanyang makinig sa lalaki. "Ano po 'yon?" Hinila nito ang upuan sa may gilid at naupo doon habang hawak ang mop at patuloy na nilalampaso ang sahig. Hinintay niyang magsimula ito.
"Nakita ko kayo ni Jane kanina na lumabas sa opisina ni Ma'am Belen. Anong ginawa niyo doon?" Napailing ang dalaga. Akala niya'y kung ano na ang sasabihin ng lalaki. "Yun lang po ba ang itatanong mo kuya Berto?" Itinukod nito ang mop sa sahig.
"Sa tingin ko ay ikaw pa lang ang kauna-unahang nakilala kong sinalpok ang sarili sa isang matigas na pader. Parang pagpapakamatay ang ginagawa mo hija." Natawa ito sa sariling sinabi habang siya naman ay walang maintindihan. "A-ano ho ang ibig mong sabihin?" Napatingin ang lalaki sa tsinelas nito. "Tigin ko ay oras na para kumambyo." Napataas ang kilay niya. "Magsasalita na po kayo laban sa kanya?" Tumango ang lalaki.
Napailing siya sa ugali nito. "Aaminin ko sa 'yo, binayaran ako ni Jane upang magsalita laban kay kuya. Pati ang estudyante na ininterview ng pulis ay binayaran rin niya. Banta niya sa'kin na kapag hindi ko ginawa iyon ay susunogin niya ang bahay ko at ipapakulong ako." Hindi naman na siya nagulat sa inamin nito.
"Dapat lang ho talagang makulong kayo dahil sa paggamit ng illegal na droga." Napakamot ang lalaki sa ulo dahil sa kanyang sinabi. "Hindi si kuya ang pumatay sa kaibigan mo, Elena. Dahil noong araw ding iyon ay nakita kong may tatlong pumasok sa Orchidia. Isang lalaki at dalawang babae." Napatuwid siya ng upo sa pagtatapat ni Berto. "Naaalala mo ba 'yong araw na ipinagbawal ang pagpunta sa Orchidia dahil inaayos ito?" Tumango siya. Inilapit niya ang silya kay Berto.
"Nung araw na iyon ay unang dumating ang lalaki at babae. Nasisilip kong may ginagawa sila doon sa loob ng Orchidia. Alam mo na siguro kung ano iyon." Ibig bang sabihin ay niloko nga ni Sir Mike si El noon? Nagpatuloy ito. "Sinigawan ko sila na bawal doon dahil may mga materyales pa na nakakalat sa sahig pero hindi nila ako pinansin. Maya-maya lang ay may dumating na babae. Galit na galit ang mukha nito. Hanggang sa narinig ko nalang na nag-away na sila pero hindi ko nakita. Inisip ko na baka normal na agawan lang 'yon ng boyprend."
Mukhang may namumuo ng larawan sa isip ni Elena. Hindi na niya namalayan ang oras. "So hindi po totoo yung sinabi niyo noon na nandun si mang Kulas?" Umiling ang lalaki. "Nandun si kuya ngunit nasa likod siya. Ako naman ay nasa harap dahil hinati namin ang gawain. Ngunit una akong umalis sa kanya dahil inutusan pa ako na mag mop sa hallway ng admin building kaya naiwan siya doon. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Pero isa lang ang alam ko, hindi si kuya ang may gawa noon. Isa sa dalawang tao na naunang pumunta doon ang pumatay sa kaibigan mo. Isipin mo nalang na nag-aaway na ang tatlo bago ako umalis." Hindi niya alam kung maniniwala ba siya kay Berto. "Bakit niyo po sinasabi sa akin ang lahat ng ito? Ang sabi niyo po kanina ay pader ang binabangga ko."
T-teka, umiiyak ba ito? "Hindi na kaya ng konsensya ko, hija. Gabi-gabi kong napapanaginipan ang mukha ng kaibigan mo. Galit na galit siya sa panaginip ko." Wika nito habang pinupunasan ang luha.
"Magkano po ba ang ibinayad ni Jane para sa pananahimik niyo?" Napatingin naman si Berto sa kanya at itinaas ang palad. "Limandaang libong piso. Bukod pa doon ay kontrolado raw ng pamilya niya ang pulisya kaya hindi niya ako ipapakulong pero nakita ko ang tapang mo, Elena." Tumango siya rito. Ipapakulong ba niya ito?
"Tingin ko ay target ka rin niya. Sinabi niya sa akin noon na hindi siya titigil hanggang hindi ka sumusunod sa kaibigan mo. Hindi ka ba nagtataka kung bakit siya lumipat sa dormitoryo at sa mismong kwarto pa na inuukupa mo?" May punto nga ito.