Hindi siya mapakali habang hinahalungkat ang cabinet niya. Isang oras na siyang nag-iisip ng pwedeng isuot ngunit isang dress lang ang meron siya. Mukha pang nagamit na iyon ni lola Basyang dahil sa kalumaan na may mga kupas na parte na. Ayaw niyang mag pants o shorts doon. Nahihiya siya. Pormal iyon base sa invitation. Marami ring maimpluwesyang tao na imbetado. Alas otso ito magsisimula kaya alas singko pa lang ay naghapunan na siya.
Meron kaya si Celeste? Siguradong bago pa siya makahiram ng sandalyas at damit sa kaibigan ay tadtad na siya ng tanong nito. Inayos niya ang buhok at siniguradong malinis ang mga kuko. Bahala na. Magbiblazer nalang siya at pantalon at ipapares niya sa plastic doll shoes na kulay pula. Tiningnan niya ang itsura sa malaking salamin at napailing. Green na blazer, blue na pantalon at pulang sapatos. Parang kulay ng isang sikat na broadcasting network.
"Elena?"
Napalingon siya sa pinto nang marinig ang mga mahihinang katok. Boses iyon ni Celeste. Nagdalawang-isip siya kung bubuksan ang pintuan. Muli itong kumatok. Mas matagal iyon. Lumapit siya sa pinto at dahan-dahan itong binuksan.
Malaki ang ngiti ng kaibigan nang magtama ang mga mata nila. Bigla itong pumasok at natawa siya sa reaksyon nito. Magulo ang kwarto. Ang mga damit ay nagkalat sa sahig at kama. Ang mga pinggan sa lababo ay hindi pa nahuhugasan. Ang tuwalya ay nasa lamesa. Saglit siyang nakaramdam ng hiya sa kaibigan.
Napatingin ito sa kanya at umaktong nahihilo. "Bakit naman ganyan ang napili mong suotin sa date ninyo ni Mitchell Wick?" Umiling siya. "Hindi yun date kundi exhibit." Halata namang hindi ito naniwala. "Date na may konting exhibit?" Napailing na lamang siya. "Anyway, kaya ako nandito ay dahil mag-aalas otso na at hindi ka pa lumalabas. Iniisip kong baka hindi ka na pupunta dahil sa susuotin mo kaya nagdala na ako."
Ngayon lang niya napansin na may dala itong mga damit at sapatos. "Mabuti nalang at kasing sexy kita. Matangkad ka nga lang kaya malamang na above the knee na itong lahat." Wika niya habang itinataas ang dala.
Mabilis siya nitong pinagbihis. Sa limang damit ay wala itong natipuhan kaya bumalik pa ito sa silid at kumuha ng ibang damit. Inayos nito ang buhok niya. Hinayaan lang nito ang natural na kulot ng buhok niya at nilagyan ito ng accessory. Sa huli ay ang summer blue long dress ang sinuot niya. Pinares dito ang isang puting Mikaela Heel Sandal na mukhang mamahalin at mukhang hindi pa nagagamit.
Nang makita niya ang repleksyon sa salamin ay napanganga siya. Sobrang ganda niya. Halos hindi niya makilala ang sarili. Walang duda na magaling ang kaibigan pagdating sa fashion.
Agad siyang bumaba ng dormitoryo nang mag alas otso na. Kanina pa nagtetext ang binata. Baka nainip na ito sa paghihintay. Hindi niya alintana ang mga matang nakasunod sa bawat galaw niya. Totoong naiilang siya dahil hindi siya kailanman naayusan ng ganito. Noong acquaintance party ng freshmen ay simple lang ang ayos niya. May iba na pinuri siya. May iba naman na halos hindi rin siya makilala. Napapatawa nalang siya minsan.
Nang makalabas ng gate ay nakita niya agad ang kotse ng binata. Nasa loob ito at hindi man lang nag-abalang pagbuksan siya ng pinto. Lumingon lang ito ng ilang segundo sa kanya ngunit ibinalik rin nito sa harap ang paningin. Sa loob ay nakaramdam siya ng kaunting pagkadismaya.
Pumasok siya sa loob ng kotse at narinig niyang umungol ang binata. Ano naman kaya ang problema nito ngayon? Sobrang moody talaga nito. Habang nasa byahe ay tahimik lamang silang dalawa. Maya't-maya niyang naririnig ang pagtikhim nito.
[LUZ CLARA]
Maganda ang lugar na ito. Malawak ang garden sa labas at halatang mahal ang ginastos sa buong lugar. Marami ng tao pagdating nila. Nakaramdam na naman siya ng hiya. Ni hindi man lang siya kinausap ni Paul kahit sa pagdating nila. Ayaw niya namang humawak sa braso nito dahil baka iwaksi lang ng binata. Dumiretso sila sa loob at namangha siya sa dami at ganda ng mga paintings. Iba-iba ang laki at tema ng mga ito. Parang paraiso ito sa kanya. Panandalian niyang nakalimutan ang problema at aliw na aliw siya sa mga nakikita niya. Hindi na niya namalayang wala na si Paul sa tabi niya.
Humahaba na ang leeg niya dahil bukod sa magaganda ang mga ito ay marami rin ang tao at siya ang tipo na hindi nakukuntento sa malayong tingin kaya kahit nahihirapan sa suot na heel ay pinilit niya pa rin ang sarili na makita ng malapitan ang mga paintings. Hindi pa man siya inabot ng isang dekada sa pagpipinta ay kahit papano'y may alam na siya sa art. Sa dulo ng hallway ay may nakaagaw ng pansin niya. Isa itong abstract na mukhang anino. Walang tao doon at inisip niyang siya lang ang nakapansin sa piece. Unang kita pa lang niya sa painting ay nakita niya agad ang aninong pilit tinatago sa scattered colors.
"Do you like it?" Wika ng isang matanda. Nasa late 50's na siguro ito o early 60's. Nang lingunin niya ito ay may dala itong dalawang kopita. Ibinigay nito ang isa sa kanya at nagtoast sila. Habang sinisimsim ang wine ay palihim niyang hinanap ang binata ngunit walang senyales nito.
"Ah, oo. Maganda ang piece na ito. May malalim na kahulugan." Tumango ang matanda sa kanya. Mabuti nalang at may ibang tao na rin ang nakapansin sa piece na iyon.
"Ano sa tingin mo ang kahulugan nito?" Tanong ng matanda. Pinagmasdan niya muli ang larawan. "It's a sorrowful existence for someone who can't uncover the true meaning of life. Or perhaps she have found it, yet struggle to comprehend why that purpose has been bestowed upon her." Hindi niya sineryoso ang sagot dito. Hindi niya naman ito kilala. Tumango naman ito sa sagot niya.
"You know how to read the messages in an artwork; you’re good at it." Nagpasalamat siya sa puri nito. Sa di malamang kadahilanan ay magaan ang loob niya sa matanda.
Marami pa silang napag-usapan nang maramdaman niyang may humawak sa baywang niya. Matigas at mabigat ang braso na iyon. Nalanghap niya ang pamilyar na amoy. "I've been looking at you from every corner of this friggin' place." Malamig na bulong nito sa tenga niya.
"Paul!" Nagulat si Elena nang malamang magkakilala pala ang dalawa.
"Poppy." Niyakap ng binata ang tinawag nitong Poppy at gumanti naman ng yakap ang huli. "I knew you would be here." Masayang wika ng matanda. Kaano-ano ba ito ni Paul? Hindi na niya maintindihan ang pinag-uusapan ng mga ito.
"Have you seen Ada?" Umiling ang binata sa tanong ng matanda. Humigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya nang marinig ang pangalan ng dating kasintahan. Sa kanya ba ang exhibit na ito? Parang may tumusok sa puso niya. May nararamdaman pa nga ang binata sa dating kasintahan.
____________________
"So, hindi mo talaga pangarap na maging pintor?" Umiling ito. Napakamot siya ng ulo. "Ang labo naman. Bakit mo sinasayang ang panahon mo sa bagay na hindi mo pala gusto? Kung ako sa iyo, pinursue ko na ang musika."
"Pangarap kasi ng tatay ko na dati ring pintor na sumunod ako sa yapak niya. Ten years old ako nang ma diagnose siya na may lung cancer. Gusto ko lang tuparin 'yon para sa kanya. Pwede ko namang gawing hobby nalang or sideline ang pagiging musikero." Tumango siya rito.
Habang nakaupo sa isang sementong silya sa gitna ng garden ay bigla nalang itong lumapit at nakipag-usap sa kanya. Nagpaalam si Paul na may kakausapin at dahil masakit na ang paa niya ay nagpasya siyang maupo muna.
"May pinagsisihan ka ba sa naging desisyon mo?" Umiling ito. "Katagalan ay nagustuhan ko na rin ang pagpipinta. Parang kulang yung araw ko kapag di ako nakakapinta o nakakaguhit." Napangiti siya. Ganun na rin kasi ang nararamdaman niya sa kurso niya.
"Teka, ako ang nagtatanong sa'yo kanina ah. Bakit ako ang tagasagot ngayon?" Nagtawanan sila. Magaan ang loob niya sa binata na para bang matagal na silang magkakilala.
"So, ano na ang pangalan mo?" Inilahad niya ang kamay sa lalaki na ka edad lang niya. "Elena. Elena Honobre."
Tinanggap nito ang kamay niya at marahang pinisil ito. "Sebastian Quibuyen." Napatda siya. "Quibuyen? "Anak ka ni Rafael Quibuyen?" Tumango ito na parang nahihiya.
"Isa siya sa mga naging inspirasyon ko sa pagpinta. Nung high school ako, naging guest siya during ng Art Week namin. Siya ang unang pumuri sa akin at siya rin ang nag encourage sa akin na ipursue ang painting."
Dumaan ang ilang minuto na ang tatay ng lalaki ang pinag-uusapan nila. Naglakad-lakad pa sila sa garden hanggang sa makarating sa isang open field na may iilang puno. Hindi nila alam kung parte pa ba ito ng Luz Clara dahil medyo may kalayuan na ito.
Umupo sila sa damuhan, sa lilim ng mga bituin at ng buwan. Habang hinihimas ang mga balikat ay nagulat siya nang isuot ng lalaki ang coat nito sa kanya. Tanging manipis na white button up shirt nalang ang suot nito. Nakonsensya tuloy siya. Marami pa silang napag-usapan. Karamihan ay puro komedya dahil marunong itong gumaya ng boses ng ilang sikat na artista. Hindi na nila namalayan ang oras. Okay lang sigurong mapuyat dahil wala naman siyang pasok bukas dahil busy ang lahat sa school fair na magaganap sa Myerkules.
"Isang daan na violinist na nakahilera sa harap ng conductor. Sabay-sabay silang tumugtog. Huminto yung conductor, sabi niya number fifty-six, sintunado yung violin mo."
Alas dose impunto na kaya nagsimula na silang bumalik sa Luz Clara. Tanging ang ilaw lang na galing sa buwan ang nagsisilbing liwanag nila sa paglalakad. "Ahahaha. Tapos, anong ginawa nung Conductor?"
"Ayun, nagsimula ulit sila sa umpisa. Maya-maya tumigil ulit yung conductor, sabi niya number eighty-one, sintunado yung violin mo."
"Tapos, nagsimula ulit sila sa umpisa?" Tumango ito. Seryoso ang mukha. Siya lang ang tumatawa sa pag-uusap nila. "Oo, nang nasa kalagitnaan na sila, biglang huminto ang conductor. Sabi niya, number ninety-four, sintunado yung violin mo."
"Tapos?"
"Tapos nagsalita yung number ninety-three. Sabi niya sir, absent po yung ninety-four. Sabi ng conductor, pumunta ka sa bahay niya, sabihin mo sintunado yung violin niya!"
Sa sobrang tawanan nila ay napautot ang dalaga. Mahina lamang iyon ngunit dahil sa katahimikan ng paligid ay klarong-klaro iyon sa kanilang pandinig. Pareho silang napatigil sa paglalakad. Katahimikan. Maya-maya ay nagkatinginan sila at sabay na bumulanghit ng tawa.
"Was that you, or is there a ghost trying to communicate through flatulence?" Pinaghahampas niya ito sa balikat. Sobrang ingay na nila sa gitna ng madilim na parteng iyon.
"Maybe a mouse just sneeze?" Ulit nitong tanong. Sa kabila ng nangyari ay hindi nakaramdam ng hiya ang dalaga. Pakiramdam niya'y komportable siyang magpakatotoo kay Sebastian.
Sa sobrang aliw nila sa nangyari ay hindi nila namalayang may lalaking nakatayo sa ilalim ng mayabong na pine tree na madadaanan nila.
"Oh, great, you’ve got your own personal fan club now; must be nice to be so popular while I just stand here like a statue!"