"I’m not being possessive or anything, but it just seems like you forget important things all the time, so I have to keep reminding you."
Pinatay nito ang tawag. Umirap siya sa huling sinabi ng binata. Siya pa talaga ang binabaan nito. Kasalukuyan silang nasa storage room ng Kwadro Kanto kasama ang ilang members ng club.
"Boyfriend mo ba iyon, Elena?" Umiling siya. Kahit may nararamdaman siya sa binata ay ayaw niya namang maging desparada. Hindi ganun nag tinuro ng nanay niya.
"Kaibigan lang." Tinusok nito ang tagiliran niya. "Nanliligaw?" Muli siyang umiling. Mukhang wala sa bokabularyo ng lalaking iyon ang manligaw. Isang kumpas lang ng kamay ni Paul ay mukhang susunod ang kahit sinong babae sa kahit anong iuutos niya.
"Meron bang magkaibigan na naghahalikan?" Natawa ito. Siya naman ay namula. Iyon ang topic ng ilang tao sa dormitryo ngayon. Inakala pa ng iba na foreigner ang lalaki dahil sa features nito.
Hindi na niya pinansin ang pahabol na panunukso ng kasama. Nagpunta na lamang siya sa mga silya at isa-isa itong inilabas upang maiayos. Malaki ang Kwadro Kanto. Double ang laki nito sa auditorium nila sa high school. Bukas na ang simula ng fair at puspusan na ang paghahanda ng club.
Pawis na pawis siya nang matapos sa mga monoblock chairs. Inilinga niya ang paningin sa buong silid. Ang iba ay nagwawalis pa, ang iba ay iniayos ang mga canvas, meron ding mga nag-uusap. Nang mapadako ang paningin niya sa isang sulok ay uminit ang ulo niya. Ayun na naman ang magkasintahang naghahalikan.
Naghanap siya nang pwedeng ibato ngunit tanging monoblock lang ang malapit sa kanya kaya nilapitan na lamang niya ang magkatipan at binatukan ang mga ito. "Hindi ba talaga kayo makakapaghintay na makauwi?"
Nagpout ang dalawa. "Pres, mag-aalas siyete na. Pauwiin mo na kami." Nilingon niya ang iba na sumang-ayon. Alam na niyang talo na siya pag ganun. Itinaas niya ang dalawang kamay na parang sumusuko. "O, sige, sige. Magsiuwi na kayo."
Parang mga langgam ito na nagsipulasan at naghabulan sa paglabas ng silid. Napailing na lamang siya at nagpasyang tapusin ang iba pang gawain. Kampante siyang hindi pa magsasara ang buong building dahil madalas na alas nuwebe pa rumoronda ang mga guards.
Ayaw niyang natataranta sa mismong araw ng event. Nakasanayan na niyang ayusin ang mga kakailanganin habang may oras pa kahit na mapuyat pa siya. Iniisip niya ang mga gagawin kinabukasan. Alas otso ang umpisa ng kompetisyon at matatapos ito ng alas dose ngunit iniisip niyang baka alas diyes na ito magsisimula dahil iyon ang nakasanayan na ugali.
Habang malalim na nag-iisip ay nagulat siya nang may tumamang bottled water sa ulo niya.
"Sapul!" Narinig niya ang malutong na tawa ng isang babae. Nagulat siya nang lingunin niya ito.
"Jane. A-anong ginagawa m-mo rito?" Tumaas ang kilay ng dalaga. Bago pa ito sumagot ay inunahan na niya ito.
"Hindi ko pag-aari ang Kwadro Kanto." Muli itong natawa sa sagot niya. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng dalaga. Ilang araw lang niya itong hindi nakita ngunit marami na itong pinagbago. Medyo tumaba ito at walang make-up na siyang ikinagulat niya. Nakajacket ito at rubber shoes. Buhaghag ang mga buhok at backpack ang suot. Ginagaya ba nito ang pormahan niya?
"Chill. I just came for a visit. Because I might not be able to do it tommorow." Naguluhan siya sa sinabi nito. Pumasok ito sa silid at iginala ang paningin.
"Ano ba ang ibig mong sabihin?" Hindi siya nilingon nito. Lumapit ang dalaga sa isang canvas at hinimas iyon. "Mukhang tuloy na nga ang kompetisyon bukas." Sinimangutan niya ito.
"Oo, tuloy na nga. Bakit hindi ka man lang nagpakita at tumulong dito? Hinahanap ka ng lahat."
Nilingon siya ng dalaga at mapakla itong napangiti. "I decided not to come here and just disappear for good, but I realized I needed to see the school one last time." Naninibago siya sa ugali ng dalaga at sa tono ng pananalita nito. Magaspang ito sa kilos at pananalita. Doon kilala ang dalaga maliban sa yaman nito na alam ng lahat.
"Aalis ka?" Tumango ito. Napatda siya sa nalaman. Malapit na itong makapagtapos. Bakit ngayon pa ito aalis ng St. Claire?
"Huwag kang mag-alala. Ipagdarasal ko pa rin na sana maging palpak ang kompetisyon bukas." Inirapan niya ito. Mukhang magkakaroon pa sila ng huling away ng dalaga. Umupo ito sa isang silya kaya naupo na rin siya. Ang totoo ay marami siyang gustong itanong rito ngunit base sa ugali ng dalaga ay mukhang mahihirapan pa rin siya.
"Bakit ka aalis?" Pauna niyang tanong rito. Ipinagdarasal na sana wala pang guwardiya na pumunta sa silid.
"Buntis ako. Utos ng aking lolo na tumigil na muna sa pag-aaral." Hindi na siya gaanong nagulat sa pahayag nito. Halata sa itsura ng dalaga na may pagbabago na rito. Tumango lamang siya sa naging sagot nito.
Katahimikan. Malapit na siyang makarinig ng mga kuliglig nang marinig niyang umiyak ang dalaga. Natigilan siya sa inakto nito.
"Elena, p-patawarin mo ako sa lahat ng ginawa ko sa'yo. Patawarin mo ako, Elena. Patawarin mo ako." Mahinang wika nito habang ang mga palad ay nasa mukha.
"Nagawa ko lang iyon dahil naiinis ako sa'yo. Pakiramdam ko inagaw mo ang kaibigan ko kaya nagalit rin ako sa inyong dalawa. Mula ng maging kaibigan ka niya, hindi na niya ako madalas na nakakasama. High school pa nang maging magkaibigan kami pero sa isang iglap ay nagbago 'yon dahil dumating ka."
"Jane, alam mong hindi ko inagaw si El sa'yo. Madalas lang kaming magsama dahil roomate kami." Hindi niya alam na ganoon ang nararamdaman ng dalaga.
"Bata pa lang ako nang mapansin kong may mali sa ugali ko. Nung nag eighteen ako ay agad akong pinasuri sa ilang psychologists at nalaman na may Antisocial Personality Disorder ako. Si Louisa lang ang tanging nakakaintindi sa akin mula pa noon. Kahit ang mga tinuturing kong kaibigan ngayon ay palihim akong pinagtatawanan."
"Jane, bakit hindi mo sinabi sa akin?"
"Nahihiya akong magsabi. Kay Louisa ko lang nasabi ang katotohanan dahil ang mga kamag-anak ko ay tinatawag akong baliw." Naguguluhan siya. Totoo ba ang sinasabi nito?
"Patawarin mo rin ako sa lahat ng nasabi at nagawa ko sa'yo. Nadala lang din ako ng galit, Jane. Patawarin mo ako." Tumango ito at pinahid ang mukha gamit ang mga kamay at inayos ang sarili.
"Alam mo ba kung bakit kami nagkakasundo ni Louisa?" Umiling siya.
"Dahil pareho kami mag-isip. Malala lang siyang mag-isip minsan. Kahit yung kaibigan namin na kapangalan mo ay alam kung hanggang saan ang sukdulan ng ugali ni Leigh." Nanigas ang katawan niya. Handa na ba siyang malaman kung ano ang nakaraan ng kaibigan?
"Jane, pakiusap. Ikwento mo sa'kin ang lahat ng alam mo sa pagkamatay ni El at sa nangyari kay Elena." Mukhang ito lang ang makakasagot sa lahat ng tanong niya dahil base sa mga ihinahayag nito sa kanya ngayon ay mukhang totoo na ang sasabihin nito.
"Ano ba ang uunahin ko?" Natawa ito.
"Kahit saan sa dalawa. Gusto ko lang malaman ang totoong nangyari." Umayos ito ng upo at huminga ng malalim.
"Kaibigan ko si Elena. Una ko siyang naging kaibigan dito sa St. Claire. Pinakilala ko siya kay Leigh tapos naging magkaibigan rin sila. Palagi kaming magkasama at magkasundo sa lahat ng bagay. Sa aming tatlo ay si Elena ang palaging may boyfriend at sa isang buwan ay nakakadalawa ata siya ng palit. Freshman kami noon nang may magustuhan siyang membro ng isang fraternity. Kilala ang grupo na iyon na laging sangkot sa iba't-ibang gulo. Ilang beses na namin siyang kinausap na itigil ang relasyon niya sa lalaking iyon pero hindi siya nakinig. Kaya ayun, nangyari na ang nangyari." Lumungkot ang mga mata nito.
"Bakit hindi na aresto ang mga may sala sa nangyari sa kanya?" Nakita niyang muling tumulo ang mga luha nito. "P-Pinsan ko ang may gawa noon, Elena. Ayaw ni daddy na mabahiran ang pangalan namin kaya ginawa niya ang lahat upang hindi malaman ng mga tao ang nangyari. Ilang beses akong pumunta sa police station para isumbong ang kapatid ko at mga barkada niya pero nabaliwala rin lahat ng iyon." Ngayon ay naiintindihan na niya. Anak ba ni Benjamin Silas ang pinsan nito?
"Pero alam mo kung ano ang mas masakit sa lahat? Si Leigh pala ang nag-utos na ig*ngb*ng r*pe si Elena dahil nagseselos siya sa kaibigan ko. Nalaman ko lang ito nung namatay si Leigh sa mismong bibig ng pinsan ko. Ipinakita pa niya ang mga pruweba na may usapan sila." Ngayon ay parang literal na lumindol ay nayanig ang mundo ni Elena. Tinitigan niya ang dalaga. Mabibigat ang sinasabi nito. Nagsasabi kaya ito ng totoo? Pumikit siya at pinakiramdaman ang sarili niya. Nanginginig siya ng husto.
Inosente ang kaibigan niya. Alam niya iyon. Alam na alam niya. Gusto niyang malaman kung ano ang totoo sa sinasabi ng dalaga ngunit kakayanin niya ba ang iba pang maririnig sa bibig nito?
"Ikaw ba ang pumatay kay Louisa?" Agad itong umiling. "Hindi ako ang pumatay kay Louisa. Totoong galit ako sa inyong dalawa pero hindi ko kayang pumatay ng tao, Elena." Maniniwala ba siya rito?
"Kahit ilang beses na tayong nag-away noon, ni minsan hindi kita sinaktan ng higit pa sa sabunot at sampal." Umiling siya. Pananakit pa rin iyon para sa kanya. At naniniwala siyang ang isang behaviour, kahit maliit ay pupwede pa ring lumaki at magdulot ng mas malaking pinsala sa iba.
"Ilang beses mo na akong binalaan. Hindi direkta ngunit alam ko ang laman ng mga pagbabanta mo." Kung totoo ngang may problema ito psychologically, hindi imposibleng makagawa ito ng hindi kaaya-ayang bagay.
"Nung araw na mamatay siya, nagtalo kami pero hindi ko siya sinaktan maski konti."
"Anong pinagtalunan niyo?" Yumuko ito at tinitigan ang mga kamay na nakapatong sa mga hita.
"Nasa Orchidia kami ni Mike noon at m-may ginagawa. Alam mo na siguro kung a-ano yun, diba?" Tumango siya kahit hindi ito nakatingin sa kanya.
"Habang ginagawa namin 'yun, biglang dumating si Leigh. Galit na galit siya. Alam ko naman kung bakit."
"Bakit?"
"Obsess siya kay Mike. Manipulative rin siya at... at hilig niyang saktan ang sarili. Hindi mo ba tinanong kung bakit palagi siyang may suot na wristband noon?"
Napailing siya. "Hindi ko siya nakitaan ng ganoong ugali. Mabait siya at mahinahon na tao. Ni minsan ay hindi niya ako sinaktan. Hindi kagaya mo."
Mapakla itong ngumiti. "Si Leigh at Elena ang magkasama noon sa room 202. Kahit si Elena ay may napapansin sa kanya. Kaya ako lumipat sa kwartong iyon ngayon dahil gusto kong malaman ang katotohanan."
"Jane, hindi ako basta-bastang nauuto. Kung inaakala mong magbabago ang isip ko ngayong gabi dahil sa mga sinabi mo ay nagkakamali ka."
"Alam kong sasabihin mo 'yan sa'kin. At naiintindihan ko kung mahirap para sa'yo na paniwalaan ang sinasabi ko. Pero may mga natuklasan ako. Mahilig si Leigh sa photography diba?"
Saglit na inalala niya ang kaibigan. Tumango siya. "Sa aming tatlo, siya ang mahilig kumuha ng larawan. Bago mamatay si Elena ay may mga litrato akong nakita sa mga gamit ni Leigh. Mga punit na larawan na may bahid ng dugo. Inipon ko ang mga ito at tinago."
Napahugot siya ng hininga. Gusto na niyang umalis at iwan ang dalaga sa silid. "Noong mag-away kami sa Orchidia, lumabas mismo sa bibig niya na ikinatuwa niya ang pagkamatay ni Elena. Pagkatapos ng eskandalo nila ni Mike ay umayaw na ang boyfriend ko na makipagbalikan sa kanya. Iniwan namin siya na nagwawala doon. Pagkatapos, yun na. Nalaman nalang namin na wala na siya."
"May bahid ng dugo ang uniporme mo noon. Nakita mismo ng dalawang mata ko." Matalim na tanong niya sa dalaga.
"Pintura 'yon. At hapon ko na nakuha iyon. Diba nga nagvolunteer ang mga club members sa isang workshop noong araw ding iyon?"
"Bakit mo binayaran si kuya Berto upang ituro si Mang Kulas? Bakit mo binayaran ang estudyante noon?"
"Gusto ko lang. Galit ako kay Louisa kaya ayaw kong malutas ang kaso niya. Gusto kong umikot-ikot lang ito habang-buhay. Pinakiusapan ko rin ang lolo ko na bayaran ang pulisya. At yung kay Paul? Bayad niya iyon sa pag gulpi sa nobyo ko."
Tumaas ang kilay niya. Talagang pinaglaruan lang sila nito. "Palayain mo si Mang Kulas." Nanggagalaiti siya rito. Tumango ito.
"I will. Hinahanap na rin siya ng asawa niyang walang kaalam-alam sa nangyari sa kanya. May mga katanungan ka pa ba?" Malditang tanong nito. Parang kanina lang ay umiiyak ito.
"Wala na. Ngunit-"
"Ngunit ano?"
"May gusto lang akong hingin na pabor." Tumango ito at ngumiti.