Chapter 31
Nagugulat na tiningala ni Selestina ang may-ari ng dalawang pares ng sapatos na nasa kanyang harapan. Nabungaran niya ang nakatayong binata na si Third sa kanyang harapan. “Third,” anas niya. Seryoso itong nakatingin sa kanya. Hindi nito inalis ang paningin sa kanya. “Bakit ka nandito?” nagtataka niyang tanong.
Seryoso itong humakbang palapit sa kanya. Nagsipag-atrasan naman ang kaninang makukulit na mga lalaki. Nilingon niya ang mga ito ngunit mukhang mas takot ang mga ito kay Third kaysa sa kanya.
Ayaw niyang lumapit sa binata dahil unang-una, hindi sila close. Hindi rin niya alam ang background ng mga ito. “Sinusundo kita,” anito na para bang normal lang ang sinasabi nito.
Umarko pataas ang kanyang kilay. Nangunot ang kanyang noo. Napamaang siya. “H-Ha?” gulat niyang tanong. “At bakit?” tanong niya ulit. Hindi pa rin kasi siya makapaniwala sa narinig.
“Tsk. Don’t ask questions and just follow me,” anas nito sabay lapit sa kanya. Kinuha nito ang dalagang si Jordan at parang sako itong binuhat. Aligaga siyang sumunod sa binata.
“H-Hoy, ano ang ginagawa mo?” nagtataka niyang tanong. Hindi sumagot ang binata kaya kaagad niyang binalikan ang kanilang gamit at mabilis na sumunod dito. Kaagad na humawi ang mga nakikiusyuso nilang kaklase at schoolmate. Kahit ayaw niyang sumama sa binata, nakaramdan naman siya ng ginhawa dahil tinigilan siya ng mga lalaki na nangungulit sa kanya kanina.
Mas pipiliin na rin niyang ito ang samahan kaysa roon sa mga lalaking parang may sira sa sariling isipan.
Huminga siya nang malalim pagkatapos nilang makalabas ng gym. Saka pa lang niya napansin ang paninikip ng kanyang dibdib. “Tss,” aniya habang parang tanga na humihigop ng hangin. Natawa siya ng bahagya. Naalala niyang tinawag niyang mga sira yung mga lalaki kanina tapos ito siya at para ring may sira dahil sa pag-inhale at exhale niya.
Nagitla siya nang makitang nakatayo na sa kanyang harapan ang binata. Sinilip niya ang likuran nito at naroon ang sasakyan ni Third.
“Bakit ka nandito? Nasaan si Jordan?” inis niyang tanong.
Namulsa lang ito at seryoso ulit na tumingin sa kanya. “She’s inside my car. Ihahatid ko na kayo,” presinta nito sa seryoso at may awtoridad na boses. Ibang-iba ito sa binatang kanyang nakabangayan sa hagdan nitong nakaraang mga araw. Iba ang dating nito sa kanya.
“B-Bakit?”
“Ha? Hindi ba puwede?” balik na tanong nito sa kanya.
Napangiwi siya at huminga ulit ng malalim. Naninikip na naman ang kanyang dibdib. “H-Hindi naman,” nahihirapan niyang sagot. Napapikit siya at marahas na huminga. Kinukulang siya sa hangin at hindi niya alal kung bakit sumisikip ang kanyang dibdib.
“H-Hey, are you okay?” nag-aalala nitong tanong. “Nahihirapan ka bang huminga? Hey,” anito at nilapitan siya.
Kaagad siyang umatras. “Ayos lang ako,” mariin niyang sagot kahit ang totoo ay sumasakit ang kanyang dibdib.
Pakshet! May sakit ba ako sa puso? Bakit ngayon lang nagparamdam?
“Uuwi na ako,” seryosong sabi ni Sel sabay lakad papalapit sa sasakyan ng binata. Kahit ayaw niyang malaman nito kung saan siya nakatira, pipiliin na lamang niyang magpahatid sa binata dahil malalim na rin ang gabi. Tulog na rin ang kanyang drayber.
Binuksan niya ang backseat ngunit nandoon nakahiga at walay malay si Jordan. Wala siyang nagawa nang pagbuksan siya ni Third sa mismong tabi ng driver’s side. Padabog siyang dumaan sa harap nito bago sumakay. Maayos naman nitong isinara ang pinto ng sasakyan. Umikot pa muna ang binata bago sumakay sa drivers seat at pinaandar ang kotse. Nanood si Selestina sa bawat kilos ng binata mula sa peripheral vision niya.
Hinubad nito ang suot ng coat kaya ang simpleng itim na polo na lang ang kita niya. Nakabukas ang tatlong butones nito, nakatupi ang bawat manggas ng polo hanggang sa siko nito. Kitang-kita niya ang mga ugat at mga masels. Mukhang sanay itong magbuhat ng mabibigat na dumbbell sa gym.
Tss. Gym freak.
“What are you looking at?”
Inis siyang nag-iwas ng tingin kahit na hindi naman talaga siya nakatingin ng diretso sa binata. Mukhang napansin nito ang mga pasulyap-sulyap niya.
“What are you looking at?” pag-uulit nito sa sariling tanong.
Napabuntonghininga si Selestina. “Wala,” padarao niyang sagot na sinabayan pa nang pag-ikot ng kanyang mga mata.
“Really, I saw you looking at my—”
“Hindi ako tumitingin!” she snapped. “Assuming ka naman masyado. Tss. Magmaneho ka na, Bakla,” pasaring niya pa.
Nagtaka na lamang siya dahil hindi na kumibo ang binata at patuloy lamang ito sa pagmamaneho. Pamilyar na ang lugar na dinadaanan nila at dahil sa inis niya sa binata ay hindi niya ito pinansin. Inihinto ng binata ang sasakyan sa pamilyar na gated na bahay. Kaagad na bumaba si Selestina. Kinuha niya ang kanyang mga gamit at mabilis na binuksan ang gate bago binalikan ang kaibigan.
“Oh,” gulat niyang sambit nang bigla na lang ulit itong buhatin ng binata na parang sako. “Ayusin mo nga siya. Para naman siyang sako ng harina sa ginagawa mo,” nakanguso niyang reklamo.
Hindi natinag ang binata at patuloy lang ito sa paglakad papasok. Lumingon pa muna ito sa kanya at iminuwestra na pagbuksan ito ng pinto. Kaagad naman siyang sumunod. Nauna siyang pumasok ng bahay at hinawakan niya ang pinto upang makapasok ang binata. Naglakad ito papunta sa malapit na sofa at doon inilapag si Jordan na parang lantang gulay.
“Her drinks are spiked.”
Gulat niyang nilingon ang binata. “H-Ha?”
“Tsk! She was—tsk! Nothing. Gigising din siya. Hindi na kita tutulungang iakyat siya dahil alam kong magagalit ka.”
“Well, salamat sa concern mo pero kaya ko siya,” mayabang niyang sabi.
Umarko ang kilay ng binata. May nag-aambang ngiti sa sulok ng labi nito. “Really? Bakit ibang-iba sa nakita ko kanina?”
Napairap si Selestina. “Iba ‘yon, okay?”
Naglakad alapit sa pinto ang binata. Hinawakan nito ang pinto at lumingon sa kanya. “Thanks for your time. Until next time,” anito. Binigyan pa siya ng binata nang nakakaasar na ngiti.
“Hindi na mauulit,” nanlalaki ang mga matang aniya bago tuluyang lumabas ang binata. Mabilis niyang nilapitan ang kasasara lamang na pinto at ini-lock ito. Ganoon na lang kalakas ang kumawalang hangin mula sa kanyang baga. “Thank God at nakauwi kami nang maayos.”
Nilingon niya ang kaibigan na tulog na tulog at doon lamang rumihestro sa kanyang isipan ang buong nangyari. Bigla siyang inatake ng takot. Gumapang ang kaba sa kanyang buong sistema. Nanginig bigla ang kanyang mga kamay at mahigpit na hinawakan ang seradura ng pinto. Titig na titig siya sa pinto sarado habang naghahabulan ang mga tanong sa kanyang isipan.
“Paano niya nalaman kung saan kami nakatira?”