Chapter 30
Tatalikod na sana si Selestina at akmang iiwanan ang ginang nang bigla itong humawak sa kanyang braso. Natitigilan siyang napalingon sa ginang at pinagkunutan ito ng noo. “Bakit po?” tanong niya. Binawi niya ang kamay mula sa babae. “Ano po ba ang kailangan ninyo?” tanong niya ulit. Nakaramdam siya ng inis nang hindi na naman ito tumugon at nanatiling nakatitig sa kanyang mukha.
Bumuntonghininga siya at inis na yumuko. Huminga pa muna siya nang malalim bago nag-angat ng paningin sa ginang.
“Ano po ba ang kailangan ninyo? May dumi po ba sa mukha ko?” naiinis niyang tanong. “Kanina pa po kayo nakatitig sa mukha ko,” nakangiwi niyang komento.
“At hindi ko iyon nagustuhan,” dagdag niyang sabi.
Marahas na huminga ang ginang. “You are Celestine, right?” nagtataka pa nitong tanong.
Lalong nalukot sa inis ang noo ni Selestina. Mabilis siyang umiling. “Hindi po Celestine ang pangalan ko. Ako po si Selestina Alturas at hindi ko po kayo kilala,” diretso niyang sagot.
Napansin niya ang pagkunot ng noo ng kaharap. “W-What? H-How come—You’re my daughter,” may diin nitong sabi. “Alam kong ikaw si Celestine,” pagpipilit pa ng ginang.
Napamaang sa narinig si Selestina. Hindi niya alam ang gagawin. Wala siyang planong magpakita sa totoo niyang magulang. Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit nagugulat ito na makita siya?
“H-Hindi po ako si Celestine. Selestina po ang pangalan ko,” pilit na wika ni Selestina ngunit umiling lang ang ginang.
“No. You are Celestine. You are my daughter.” Akmang lalapit ito sa kanya kaya umatras siya. Nangingilid ang luha sa mga mata nito. “Why did you leave? Saan ka ba nagpunta? Saan ka ba nagtago? Bakit hindi ka nagpakita sa amin? Miss na miss ka na namin, anak. Please come home. Hinahanap ka na ng Daddy mo.” Walang hinto ang pag-iyak nito.
Naguluhan si Selestina. Hindi niya alam kung paano tanggapin ang mga sinasabi ng kaharap. Hindi niya maintindihan ang sinasabi nito. Iiling-iling siyang umatras.
“Hindi po ako ang anak ninyo. Pasensya na po kayo,” aniya sabay lakad palabas ng banyo. Hinabol siya nito ngunit mabilis siyang nawala sa dagat ng mga tao. Isa lang ang gumugulo sa kanyang isipan.
Nasaan ang totoong Celestine?
May naririnig siyang sabi-sabi na namatay raw ito, pero bakit iba ang sinabi ng ginang?
“Tss. What a sh*tty mess,” anas niya habang pabalik sa table nila. Naabutan niya ang kaibigan na namumungay na ang mga mata.
“Hoy! Ayos ka lang ba?” nag-aalala niyang tanong dahil lasing na ito.
Lumingon ito sa kanya at hindi na nito magawang magsalita ng maayos. “I’m fine. Ikaw ba?” Magulo ang bawat salita nito at halos hindi niya marinig dahil sa lakas ng sounds.
“Uuwi na tayo,” mariin niyang sabi. Hindi siya marunong magmaneho kaya magtatawag na lang siguro siya ng taxi o kaya ay traysikel dahil hindi naman siya mapera. “Umuwi na tayo.”
“Psh!” Hinawi ng kaibigan ang kamay niyang nakaalalay rito. “Huwag kang k*ll joy! Hindi pa tapos ang party,” anito habang nakikipagtawanan sa mga kalalakihan na hindi niya kilala.
“Oo nga naman, Miss. You can join us also,” alok pa ng isang lalaking lasing na rin at mukhang kakaiba ang tama sa utak.
“Mag-solo ka,” inis niyang sabi at binalingan ang kaibigan na mukhang hindi na alam ang ginagawa. “Jordan, umayos ka.”
“H-Huh? Ayos naman ako, ah,” anito kahit ang totoo ay hindi na niya maintindihan ang sinasabi ng kaibigan. Hilong-hilo na ang dalaga pagkatapos nitong uminom ng binigay na drinks. Ang sabi ay juice lang pero ilang segundo lang ay nahilo na itong bigla. Hindi na rin nito makilala ang mga kasama. Nagpalinga-linga ito at mukhang may hinahanap. Umiikot na ang kanyang mundo.
“Jordan, ako ‘to. Si Sel.” Tinulungan ni Selestina na tumayo ang dalaga at pinigilan siya ng mga lalaki. “Bitiwan mo nga ako,” inis niyang asik.
Pinagtawanan lang siya ng mga ito. “Tsk. Huwag kang pa-hard to get. Mabilis lang naman ‘to.”
Kinilabutan siya. Mukhang may balak na hindi maganda ang mga ito sa kaibigan niya. “Oo, alam kong mabilis lang ‘to!” singhal niya dahilan para matigilan ang lalaking pumigil sa kanya. “Mabilis lang ding lilipad ang kamao ko at tatama ito sa bunganga mo kapag hindi ka pa tumigil diyan,” matapang niyang hamon sa mga ito.
Nagtawanan na naman ang mga may sakit sa utak. Inalalayan niya ang kaibigan at nagsimulang maglakad. Kaagad silang pinalibutan kaya naman nahinto siya sa gitna. Ang akala ng mga nakakita ay nagkakatuwaan lang sila dahil marami rin ang nagsasayaw sa dancefloor kaya paniguradong mahihirapan siyang lumusot.
“Tss.” Lalo siyang nainis nang magsimulang sumayaw ang mga ito habang pinapalibutan sila. Nahihirapan siyang maghanap ng exit dahil masyadong marami at ayaw niyang dumikit sa mga ito. Nandidiri siya. Nilingon niya ang kaibigan. Nakatulog ito kaya lalo siyang nahihirapan dahil biglang bumigat ang timbang ng dalaga. Ganoon talaga kapag tulog.
Sinubukan niyang humakbang pero hinarang siya ulit ng lalaki at sumayaw ulit ito sa harap niya. “Hindi ka makakatakas sa amin,” malakas pa nitong sabi. Amoy niya ang alak sa hininga nito kaya kaagad siyang napangiwi.
“Tss. Nag-toothbrush ka ba? Kasi ang baho ng hininga mo,” nasusuka niyang sabi.
“Ano?”
“Ang baho ng hininga mo.”
“Hindi kita marinig, eh.”
Tumango siya. “Mabuti naman.” Bumuntonghininga siya. Baka kapag narinig siya nito ay lalo lang gugulo.
“Third,” anas niya nang makita ang binata na ngayon ay nakatayo na sa kanyang harapan.