Prologue
TANGING DILIM lamang ang nakikita ko habang nagmamasid sa buong paligid. Nanginginig pa rin ang buo kong kalamnan sa tuwing naaalala ko ang nangyari kanina. Nakakatakot...nakakasindak
Nasaan na ba ako?
Kasalukuyan akong nasa gubat habang hinahanap ang daan palabas. Kanina ko pa gustong umalis subalit hindi ko makita ang labasan papuntang kalsada. Kailangan kong umalis sa lugar na ito bago pa ako sumunod sa mga kasamahan ko.
Gusto ko ng makalayo sa impyernong lugar na ito!
Tuloy-tuloy pa rin ako sa paglalakad habang pinapakiramdaman ang buong paligid. Tagaktak ang pawis sa mukha ko dahil sa pagod na kakalakad. Napapaigtad ako sa tuwing nakakaapak ako ng tuyong dahon at sanga. Mas binilisan ko pa ang paglalakad dahil sa takot. Halos walang kabahayan sa paligid at ang tanging meron lamang ay mga nagtataasang puno. Hindi ko maiwasang mangamba.
Hindi maiwasang magsipatakan ang mga lumuha sa 'king mata habang inaalala kung ano ang sinapit ng kasamahan ko sa bahay na 'yon. Natulog kami ng may samaan ng loob at nagising na lamang ako ng hating gabi dahil sa ingay sa labas ng kuwarto ko. Hindi ko na sana iyon papansinin kung hindi ko lamang narinig ang matinis na sigaw ng isa sa mga kaibigan ko. Patay na sana ako kung hindi ako nagising kanina.
Sa nanginginig kong mga paa, mas binilisan ko pa ang paglalakad at hindi ko namalayang tumatakbo na pala ako. Takbo lang ako nang takbo ng nakarinig na lamang ako ng kaluskos sa 'di kalayuan sa puwesto ko.
Ano iyon?
Para akong sira na palinga-linga sa paligid na animo'y nasisiraan na ng bait. Hindi.....hindi pa ako mamamatay.
Hindi ako mamamatay!
Hindi naman ito ang inaasahan naming bakasyon. Hindi ito ang pangyayari na nais namin. Ang gusto ko lang naman ay malinawan ang utak ko. Gusto ko lang naman na mag-saya kahit papaano.
Pero hindi ang bagay na ito ang gusto ko!
Nagsisisi akong umalis pa sa bahay namin. Nagsisisi akong plinano ko ang bakasyong ito ngunit wala na akong magagawa dahil nangyari na ang lahat.
Ang magagawa ko na lamang ay iligtas ang sarili ko para hindi ako matulad sa mga kasamahan ko.
Takbo lang ako nang takbo habang alerto na pinapakiramdaman ang buong paligid. Kanina ko pa gustong sumuko dahil sa labis na pagod pero ayoko pang mamatay.
Muli akong nabuhayan ng loob ng makita ko ang isang ilaw sa 'di kalayuan
Mga tao!
May pag-asang namuo sa loob ko habang pinagmamasdan ang mga tao sa 'di kalayuan. Hindi ko maiwasang maiyak sa sobrang saya dahil sa wakas makakahingi na rin ako nang tulong. Akma akong lalapit sa gawi nila ng humarap sila sa puwesto ko. Kinilabutan ako sa itsura nila. Walang mga mata at tila naaagnas ang kanilang mga itsura. Napaatras ako sa labis na takot at ang huli ko na lamang natandaan ay tumatakbo ako palayo sa kanila.