Ysabelle Cuevas (Ysa) May mga umagang parang hindi mo alam kung dapat ka bang matuwa o matakot. Pagmulat ko pa lang ng mata, tahimik ang buong villa ni Kianna, pero ramdam ko agad na hindi ako mag-isa sa mundo—kasi may kumatok, tatlong mahinang katok na parang ayaw manggulantang. Pagbukas ko ng pinto, si Steven ang bumungad. Nakaayos, tahimik, at may hawak na tray na may mainit na tsaa at almusal na hindi ko pa kabisado ang pangalan. “Kumain ka,” sabi niya, diretso. “May schedule ka mamaya.” “Schedule?” ulit ko, antok pa ang boses. Tumango siya. “Tutoring. Thirty minutes.” Parang may tumalon sa dibdib ko—hindi takot, pero kaba. Sa probinsya, ang “tutor” ay pang-mayaman. Pang-anak ni Mayor. Pang-TV. Hindi pang-ako. “Okay,” sagot ko, kahit hindi ko sigurado kung ano ang “okay” sa buh

