Pagpapakilala
Meron kaming kastilyo. Ito man ay hindi kasing laki ng isang mansyon ngunit dito ang mundo ko. Hindi ko ipagpapalit ito sa kahit anong kastilyo. Ito ay matatagpuan sa ibabaw ng isang bundok. Dito’y ayaw kong umalis pa kahit hanggang sa paglaki ko.
Dito sa kastilyo na ito ay mayroong limang naninirahan na tao. Sina Haring Gabi, Reyna Umaga, si Prinsesa Hukuman, si Prinsesa Kasawian, at si Prinsipe Laro. Iba-iba pero nagkakaisa at masaya. Ang mga tao ay maraming nasasabi sa bawat isa sa miyembro ng kastilyo. ‘Wala kami pakialam sa inyo!’, iyan ang madalas nila na sinasabi sa mga taong nagbubuga ng mga masamang salita sa kanila ngunit minsan ay hindi mapigilan na makisama lalo na sa oras na binubugahan sila ng malaking pulang watawat sa harapan nila.
Ang Haring Gabi ay laging abala sa araw at nagsasaya sa Gabi. Lagi siyang umaalis sa umaga at minsan bumabalik sa hapon na. Ang pagkalansing ng mga susi na laging nakasabit sa baywang niya ang tanda na pabalik na siya o aalis siya. Sa pagdating ng Gabi ay mahilig siyang uminom ng isang makamandag na inumin. Sa oras na nagsimula na niyang inumin iyon ay parang isa itong gayuma na bigla biglang nagbabago mga kilos ng Hari. Siya ay parang Jelly Ace na nagcha-cha-cha, malambing siya magsalita hindi katulad ng ordinaryo niyang seryosong tono, makulit at madaldal siya katulad ng isang bata, madalas na paulit-ulit ang sinasabi, nakakatawa dahil kung minsa’y parang payaso na magugulat nalang ang mga kasamahan niya sa bahay dahil bigla-bigla siyang mag-aakrobat siya, at ang kanyang mata ay parang antok na ngunit tumatayo parin siya na parang isang zombie. Sa oras na nanahimik na siya ay tanda na tulog na siya.
Si Reyna Umaga ay ang siyang namumuno sa gawaing bahay. Hindi siya katulad ng Haring Gabi. Siya ay malambing ay minsan lang magalit, sa Gabi ay hindi siya umiinom ng isang gayuma katulad ng Haring Gabi, sa araw ay abala siya sa kastilyo, at siya rin ang namumuno sa kayamanan ng kastilyo. Mahal na mahal siya ng mga prinsesa at ng prinsipe at siya ang mas madalas na kinukonsulta ng mga
ito kapag may problema. Si Reyna umaga ang siya rin na batas sa kastilyo.
Ang pang-unang prinsesa ng kastilyo ay isang matalinong babae. Siya si Prinsesa Hukuman. Parehas na berdugo at manggagamot sa kastilyo. Siya na maraming alam sa mundo sa labas. Marami akong masasabi sa kanya. Siya ay isang dalaga na mapalad sa marami maliban nalang siguro sa relasyon, wala siyang kasintahan, mapayat siya, katawan niya ay silindro na halos hindi mo nakikita ang kurba ng isang babae, pinapagtawanan siya ni Prinsesa Kasawian sa oras na nababanggit niya na gusto niya na magpataba, siya ay maraming koneksyon sa mundo sa labas, marami siyang koleksiyon ng mga sining na gawa niya, siya rin ay minsan isang Prinsipe na nakikipaglaban sa ibang prinsipe ng ibang kastilyo at umuuwi ng dala-dala ang watawat ng tagumpay. Ngunit kahit man panlalaki ang lakas niya, may mga kinakatakutan siya na maliit tulad nalang ng ipis, butiki, at salagubang.
Si Prinsesa Kasawian ang batang babae na may sumpa. Isang bata na hindi ni minsan naibalik ang kulay ng puso niya noong ito’y nanakaw, walang katalinuhan na taglay, walang koneksyon sa labas na mundo, mahilig sa mga sining na ibang iba sa mga interes ng mga kasama niya sa kastilyo, may sariling mundo na kung saan doon lang siya nagpapakasaya maliban sa kastilyo, siya rin na ayaw umalis sa kastilyo kahit man gumawa sa labas ng kastilyo, siya ang prinsesa na hindi swerte at madalas ay awa lang ang dumarating sa kanya, mahiyain at matahimik siya sa labas ng kastilyo at kabaligtaran naman kapag nasa kastilyo siya. Lalo na kapag siya ay mag-isa, lumalabas lahat ng pagkatao niya (sino bang hindi). Siya ang madalas na tawag ng lahat dahil wala naman siyang madalas na gawa habang ang iba ang abala sa mga kanya-kanyang gawain. Siya ang laging bukambibig ni Prinsipe Laro kapag may kailangan. Siya ang lagi rin na naghahanap ng ikakasaya kahit sandali lang ito. Siya ang dalaga na hindi malilito ka kung babae ba o lalaki. Ngunit sa madalas ay siya ng sundalo at katulong ng lahat. Nakakasawi lang ang katotohanan na dalaga na siya ngunit bata pa rin pag-iisip niya, maganda katawan niya ngunit wala siyang pakialam dito at pinapabayaan lang, may talino siya ngunit madali siyang ma-distract, may tapang siya ngunit mabilis siya mapaiyak, malawak ang imahinasyon niya ngunit mahiyain siya at masikreto ng mga madidilim na sining, at may talento siya ngunit di niya
ito matanggap at mahiyain pa siya. Kaya baka sa hinaharap mas lalong walang mangyari sa kanya.
Ang Prinsipe ng Laro ay ang pinakabata sa lahat sa kastilyo. Siya rin ang madalas na nakapag papagalit kay Reyna Umaga, siya at ang Haring Gabi. Mahilig siyang maglaro, hindi niya hilig ang pagbabasa, madaldal siya na walang kapaguran katulad ng Haring Gabi kapag umiinom ng gayuma niya. Siya ay laging may masasabi tungkol sa isang bagay. Siya ay mas prinsesa pa kaysa kay Prinsesa Hukuman. Bakit? Oras na upang ibunyag ang ilan sa katotohanan kay Prinsipe Laro! Si Prinsipe Laro ay takot sa maraming simpleng bagay katulad ng mga maliliit na insekto tulad ng ipis, gagamba, butiki, at salagubang. Takot siya ng mag-isa na sa oras na nasa madilim na lugar siya sumisigaw siya na parang batang babae, malaki takot niya sa mga pambatang katatakutan, at takot rin siya na naiiwan. Magaling sa pagbuo si Prinsipe Laro. Nakakasawi lang na mabilis siya mainis pag natatalo siya. May talento siya sa pagbubuo ng mga makina sa laruan at hilig niya ito. Matalino siya ngunit umiiral katamaran niya.