Tunay na mga kaibigan? Isa 'yan sa mga dahilan kung bakit naririto rin ako ngayon sa pwesto ko. Gusto kong magkaroon ng mga tunay na kaibigan.
Nagkaroon naman ako ng mga tunay na kaibigan at alam ko namang tunay ang dalawang babaeng nasa harapan ko. Palagi silang nand'yan sa tabi ko sa tuwing may problema ako kahit na palagi silang nag aaway.
Sila rin ang ginagawa kong stress reliever sa tuwing makakaramdam ako ng katakot takot na anxiety. Alam kong alam nilang may problema ako, at alam rin naman nilang sila lang ang natatakbuhan ko sa tuwing nakakaramdam ako ng labis na takot at pangamba para sa sarili ko.
Alam niyo ba yung feeling na nakakaramdam ka ng labis na pag iisa? Yung tipong ikaw lang ang tanging magiging kakampi ng sarili mo at hindi ka maaaring humingi ng tulong o maski humingi ng kahit na anong abiso mula sa mga taong nakakasama mo sa buhay ay hindi mo maaaring magawa.
Iisa na nga lang yung taong nalalapitan ko sa tuwing may kailangan ako, iisa na nga lang yung taong handang makinig sa lahat ng rants ko sa buhay, iisang tao na nga lang ang hindi nagsasawang makinig sa mga problema ko pero nagawa pa rin akong iwanan.
Tama nga ako, walang permanente sa mundo. Oo, nand'yan sila sa tabi mo pero hindi sila handang makinig sa mga reklamo mo.
Nagagawa man nilang makinig sayo pero hindi mo naman alam na sa bawat pagtango nila ay siya rin namang paglabas ng mga ikinuwento mo sa kanila sa kabilang tenga.
May ilang taong mapagpanggap at may mga tao rin namang gagamitin ka lang para sa pansariling interes sa buhay. Kapag nagawa na nilang makuha ang mga bagay na pinaka iingatan mo sa sarili mo, ito na rin ang magsisilbing mitsa upang iwanan ka nila.
Alam nila na malakas ka kahit na pangiti ngiti ka na lang. Alam nila na kaya mo ang lahat dahil nagagawa mo pang makipagtawanan. Alam nilang ayos ka lang dahil nagagawa mo pang sumagot at tumango sa mga tanong nila.
Pero ang hindi nila alam..
Unti unti ka nang nawawasak sa loob. Unti unti ka nang bumabagsak sa loob. Unti unti ka nang nanghihina sa loob.
Hindi nila alam na sa isang pagkalabit mo lang sa kalibre ng pasensya mo, bubuhos lahat ng luhang matagal mo nang inipon sa loob ng ilang taon.
Yung mga hinanakit, hindi mo basta bastang mailalabas 'yan ng walang dahilan. Yung mga sakit at pait, hindi mo magagawang ipakita sa iba 'yan.. unless, may plano silang makinig sayo, may plano silang makisama sayo, may plano silang makinig sa mga hinaing mo.
Dahil hindi lahat ng tao ay may pagkakawang gawa lalo na kung wala kang ambag sa kanila. Ganito naman talaga ang buhay sa mundo.. tutulungan ka lang nila kapag may nagawa kang ikasasaya nila. Tutulungan ka kapag alam nila sa sarili nilang may ambag ka sa kanila. Tutulungan ka lang kapag alam nilang maibabalik mo yung tulong na ibinigay nila sayo.
Ganito umiikot ang mundo kahit na magsinungaling ka pa sa sarili mo. Magagawa ka lang nilang lingunin kapag may nagawa kang pabor sa kanila. Hindi ka nila tutulungan kung alam nilang wala kang ambag sa kanila. Hindi ka nila hahayang makalapit sa kanila lalo na kung wala ka pang napapatunayan sa sarili mo.
Mismong mga kamag anak mo, sila ang gumagawa ng paraan para mas lalo kang bumagsak. Sila ang gumagawa ng paraan para mas lalo kang mabigatan sa buhay. Sila ang gumagawa ng paraan para mas lalo kang mahirapan sa lahat ng bagay. Kung sino pa ang mga kadugo mo, sila pa ang magiging kontrabida ng buhay mo sa halip na tumulong na lang.
Ang depresyon ay nagsisimula sa pamilya, at 'yan ang tunay sa mundong ito.
Walang permanente sa bagay, walang permanente sa hayop at mas lalong walang permanente sa buhay ng isang tao. Mga kaibigan mo nga nagagawa ka pang iwanan eh, mga taong malapit pa kaya sa puso mo?
Kung ano anong diskusyon na ang pinag usapan ng dalawang babaeng kanina lang ay nag aaway sa harapan ko. Nanatili lamang akong tulala sa kinauupuan ko at patuloy lang na nagpapalamon sa maraming isipin sa buhay. Hindi ko alam pero bakit binuhay ako sa ganitong klase ng buhay at pamilya?
May nagawa ba akong mali sa dati kong buhay na kailangan kong pagbayarin sa ngayon?
Lord, kung ano man po ang nagawa kong mali sa inyo.. baka naman pwedeng patawarin niyo na lang ako at huwag nang ipaharap sa mga ganitong klase ng pagsubok. Lord, alam mo naman po kung hanggang saan ang hangganan ng pasensya ko, di ba? Alam niyo naman po kung hanggang saan lang ang lakas na kaya kong pakita. Alam niyo po at alam kong nararamdaman niyo rin ang hina ng loob ko para sa sarili kong mga laban.
Yung mga ganitong klase ng mabibigat na pagsubok, alam ko pong alam niyo na wala akong kakayahang lagpasan ito di ba?
Natigil ako sa pag iisip ng maraming bagay nang maramdaman namin ang mabibilis na pagtakbo ng mga kaklase naming nakatambay sa labas. Tila ba may gulat at pinaghalong ngiti ang mga itsura nila kaya naman hindi ko naiwasang magtaka.
"Anong meron?" Tanong ni Brittany sa babaeng nakaupo malapit sa gawi nito.
"May bago tayong professor." Sambit niya.
Sandali kaming nagpalitang tatlo ng mga tingin at alam kong alam nila kung ano ano ang mga bagay na tumatakbo sa isip namin ngayon.
"Bagong professor? Sa kalagitnaan ng semester?" Asik ni Brittany na katulad ko ay magpa hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala. "Anong meron?"
"Baka naman may nangyari kay Mrs. Gonzales." Tango ng babaeng tinanong ni Mikaela kanina.
Mabilis na nagsipasukan ang lahat nang makita namin ang anino ng isang bagong panauhin.
Agad na nanlaki ang mga mata ko nang sa wakas ay masilayan ko kung sino nga ba ang bagong salta sa buhay ko.
Bakit sa dinami dami ng tao, bakit siya pa.
At anong ginagawa niya rito?