Hindi ba't sinabi ko na hanggang kapatid lang ang turing ko kay Harper?
Hindi ba dapat sinabi ko sa sarili ko na alamin ko dapat ang limitasyon ko? Na dapat alam ko kung saan ako lulugar sa linya ko? Kung saan ako dapat sumunod sa linya?
Pero bakit pakiramdam ko, ako mismo ang bumubuwag at bumubura sa linyang matagal ko ng inaalagaan at isinulat?
Bakit pakiramdam ko.. cheating na ba ang tawag dito? Pandaraya nga ba?
Kasi iba na ang pakiramdam ko sa sarili ko eh. Sa bawat araw na nakakasama ko siya, sa mga araw na sinusundo niya ako, sa mga araw na inihahatid niya ako.. yung mga araw na iyon, hindi ko inaasahang sa mga araw na iyon.. unti unti nang nagbabago ang nararamdaman ko.
Simula nang bumalik siya sa'kin, puro pasasalamat ang sinabi ko sa Diyos. Na salamat dahil ibinalik niya yung isa sa mga taong importante sa buhay ko. Na salamat dahil hanggang ngayon ay ipinaparamdam niya pa rin sa'kin na mahalaga ako sa kanya kahit na minsan ay hindi ko na siya naaalala at napapasalamatan. Na salamat dahil palagi siyang nariyan sa'kin at higit sa lahat ay muli niyang ibinalik sa'kin ang kaibigan ko.
Kung makapagsalita ako ay para bang namatay at muling nabuhay si Harper. Yes. Tama kayo.
Namatay na siya sa alaala ko at muli siyang binuhay ng Diyos upang ibalik ako sa dati kong ugali.
Oo, pinatay ko na siya sa buhay ko dahil sa halos sampung taon naming hindi pagkakasama at hindi pagkikita, unti unti na ring namamatay ang alaala ko sa pinagsamahan namin na maging ang mukha niya ay unti unti na ring nabubura sa isipan ko.
Nakakatawa lang na sa isang pagkikita at pagtatagpo lang ng dalawa naming mga mata, bumalik ang lahat sa dati.
Oo na. Marupok ako. Isang pagliligtas lang sa'kin nabura nang muli ang kasalanan niya sa'kin. Ganon naman talaga, di ba?
Pero sobrang thankful ko kay God. Kung hindi dahil sa surpresa niya sa'king muling pagpapakita kay Harper, naialis niya ako sa insidenteng iyon. Insidenteng kahit na sino ay matatakot na muling balikan.
I mean, yung mga haplos ng lalaking iyon ang nagsilbing leksyon sa'kin na kailangan kong pagtibayin ang pananampalataya ko sa kanya. Na kailangan ko muli siyang ibalik sa puso ko. Na kailangan ko muling maniwala sa kanya.
Minsan sa buhay natin ay binibigyan tayo ng isang pangyayari na maski sino ay hindi hihilinging ibigay sa kanila, ang mga pangyayaring ito ang magsisilbing leksyon natin upang magbalik loob sa Diyos at ito ang pinaka hinahangaan ko kay Lord.
Walang imposible kay Lord at alam ng lahat ng taong naniniwala sa kanya 'yan at naniniwala sa kapangyarihan niya.
Mabilis akong napaayos sa pagkakatayo nang may pumasok sa loob ng shop at dumiretsyo sa estanteng gaya ng una kong kita sa kanya.
Taimtim ko lang siyang pinagmasdan sa cctv hanggang sa nakita ko siyang lumiko sa freezer at kumuha ng soda. Napako ang tingin ko sa kanya nang lumiko siya patungo sa counter at halos umusok ang ilong ko sa pamumula ng mukha nang makita ko ang nakangiti nitong mga labi.
Mula sa makapal nitong kilay na normal lang yata sa mga lalaki, ang mga mahahaba nitong pilik mata na lalong nagpapatingkad sa kulay nitong luntian, ang matangos nitong ilong, at ang labi nitong manipis at medyo may pagka pinkish.
Si Harper yung tipo ng bata dati na magpa hanggang ngayon ay kinahuhumalingan ng mga babaeng nasa edad naming dalawa, kasama na yata ako sa mga babaeng tinutukoy ko.
Gaya ng deskripsyon ko sa mga dating kabanata, ganon pa rin ang deskrpsyon ko sa kanya ngayon.
Tila ba isang anghel na ibinaba ng Diyos rito sa lupa upang gabayan ako.
Prente niyang inilapag sa counter ang dalawang corn chips at isang soda na ikinataas ng kilay ko.
"'Wag mong sabihing magpapalibre ka nanaman?" Singhal ko bago pabiro at padabog na kinuha ang mga nilapag niya at itinapat sa scanner para sa resibo.
Natawa siya sa sinabi ko bago humilig sa table na nasa pagitan naming dalawa.
"'Wag kang mag alala dahil may pera ako ngayon, 'no." Tuwa niyang sambit na pabiro kong inirapan. "Mabibili ko ang oras mo ngayon kung gugustuhin ko lang, 'no." Halakhak niya pa.
Hindi ko alam pero natutuwa ako sa malaking ipinagbago niya. Mula sa features ng mukha na nagmamatured sa tuwing lilipas ang mga araw, sa ugali niyang may pagka isip bata simula pa nung unang kita ko sa kanya at pati na rin sa tawa niya.
Kung dati rati ay para bang pinupupot siya at tila ba hinihika kung bumulalas ng tawa, ngayon naman ay tila ba swabe na ang paglabas ng tawa sa bibig niya kahit na minsan ay nakakarinig pa rin ako ng mahina ngunit maingat na pag igik.
"Sorry pero doble ang bayad kung bibilihin mo." Halakhak ko bago patulak na inabot sa kanya ang paperbag na naglalaman ng mga pagkaing binili niya.
Isang kindat ang pinakawalan niya sa'kin bago ngumisi at patulak na ibinalik sa harap ko ang paperbag na inilapit ko sa kanya.
"Kahit na triplehin mo pa." Mayabang niyang sambit na nginiwian ko. "Anyways, para sayo talaga 'yang binili ko. Umpisahan mo nang damihan ang kinakain mo sa tanghalian, parati na lang kimchi rice at kani rolls ang kinakain mo. Hindi ka na kumakain ng pagkain ng tao-"
"Pagkain naman ng tao yung kimchi at kani ah?" Reklamo kong singhal na ikinaayos niya sa pagkakahilig sa table na nasa pagitan naming dalawa.
"Pagkain ba ng tao yung nilamutak na kanina na hinaluan ng maanghang na ketchup? Eh yung nirolyong repolyo na may saging sa loob, pagkain mo bang matatawag iyon?"
Aba't ang lalaking 'to, ang kapal ng mukhanh laiitin ang mga pagkaing paborito ko!
"Kimchi ang sahog sa kimchi rice at walang saging sa kani roll, peste ka!" Reklamo ko kasabay ng pagbato sa mukha niya ng roll bag na nadampot ko.
Wala naman siyang ibang nagawa kundi matawa na lihim na nagpasaya sa'kin.