Alam mo ba Chen, 'yung tsokolate binigay ko sa'yo kaya tatlo.
I LIKE YOU.
Confession talaga 'yun, bigla lang talaga akong natorpe, at nasabing ibigay mo sa dalawa mong pinsan. May ibibigay din naman ako sa kanila, nanghihinayang tuloy ako sa pagkakataon na 'yun. Ang kinaiinisan ko pa sa saril, noong tinanong ako ng pinsan mo kung mag m.u. ba tayo, at nasagot ko ay magkaibigan lang tayo. Nag-aabang ka ng sagot sa'kin noon, alam ko. Sa sobrang kaba 'yun ang nasabi ko, natakot ako.
Halatang-halata ko rin na nagpalusot ka lang na hinahanap na kayo, alam kong nasaktan ka sa sinabi ko. Dahil doon sa sinabi ko lumayo ka sa'kin, sobrang sama siguro ng loob mo?
At mas lalo ko pang pinasama nung pinuntahan mo 'ko sa room ko. Nahihiya akong kausapin ka, Chen. Tinitignan mo pa ang suot ko dahil siguro hindi na 'ko naka uniporme. Natapunan kasi ang uniporme ko ng toyo ng siomai. Idinahilan ko na lang na may pupuntahan ako kahit pauwi na talaga ako. Pagkakataon na 'yun, ang sarap talaga sapakin ng sarili ko. Pagkakataon ko na 'yun para kausapin ka.
Napapansin ko rin 'yung hindi ka na pumapasok ng mga bandang alas-singko kaya sabi ko aabangan kita sa gate niyo, alas-sais nang umaga kaso walang lumalabas na Chen. Ilang araw din 'yun nagbabakasakali pero wala talaga kaya sabi ko siguro mas maaga pa sa alas-singko, sakto paglabas ko noon sa gate namin nasulyapan ko gate niyo. Tama nga hula ko, mas maaga sa alas-singko ka na pumapasok.
Nang isinasara ko na ang gate namin, nawala ka naman agad. Kaso imposible 'yun kasi makikita agad kitang naglalakad, mukhang nag-iba ka ng ruta. Hindi pa naman matatawag na shortcut 'yung daanan doon. Hinintay kita sa pinto ng room niyo tinanong ko pa mga classmate mo kung nandoon ka na, wala pa raw.
Kaya bumalik muna ako sa room namin , may binili pala akong cream-o. Hinanda ko na ang sarili ko na aamin na 'ko pero pumasok sa isip ko na iniiwasan mo na talaga ako. Siguro ayaw mo na kong makita, kaya iba na ang ruta mo. Maaga ka na rin pumapasok. Napabuntong hininga na lang ako.