Hanggang ngayon naalala ko pa rin 'yun mga nangyari noon. Napapaisip din kung sakali kayang hindi kita nilayuan, may pagkakataon pa kaya? Napatawa ako sa tanong ko, tatlong taon na, masiyado ng matagal para mag-isip ng ganito.
Hawak-hawak ko pa rin ang sticky notes na kinuha ko sa school supplies area ng hypermart. Napakunot ang noo dahil parang may nakalimutan ako. May tumapik sa balikat ko, kapatid ko pala. Hinihingal ito, at hinahanap sa'kin ang nakababata naming kapatid na babae. Lumaki ang mata ko, oo nga pala kasama namin ito, ito 'yung nakalimutan ko.
Kanina niya pa raw ito hinahanap, sabi ko sa kaniya magtanong kami sa guard. Dagdag pa niya hahanapin niya sa second floor baka raw nakabitaw nung nandoon sila. Pumunta na ang kapatid ko sa second floor, at ako naman ang magtatanong sa guard. Bigla namang nag-announce ang customer service, binanggit nito ang pangalan ko, at pangalan ng nakababata kong kapatid na babae na naroon daw sa may customer service area.
Pinuntahan ko ito, at kinausap yung nagduduty sa customer service. Kinumpirma pa 'ko kung ako ba raw si Phen Hakusho, hiningan pa 'ko nito ng id. Matapos makumpira, ituro nila nasaan ito. Nasa labas daw 'to, hindi na 'ko nagtanong pa kung bakit nasa labas ito, dali-dali ko itong pinuntahan.
Hinahanap ko kung na saan siya banda, nakita ko ito sa may upuan. Hindi 'to nag-iisa may kasama itong babae. Tinungo ko 'to, nakayuko 'yung babae kaya hindi ko makita ang mukha. Nang malapit na, magsasalita na dapat ako pero nilingon ako nito. Napaurong ako nang makita ako mukha nito, kita rin sa mukha nito ang gulat.