Santo, santo, san – to, D’yos makapang – ya – rihan,
Puspos ng l’walhati ang langit at lupa.
Patuloy sa magandang pagkanta ang choir na pinamumunuan ni Angelo. Nangingiti ito habang pinagmamasdan ang mga batang naturuan niyang umawit ng mga kantang pang-simbahan. Napakagaganda kasi ng boses ng mga ito at maganda rin ang blending kaya masarap sa tenga pakinggan. Natutuwa siya dahil naturuan niya ng buong husay niya ang grupo.
May misa ngayon sa loob ng malaki at antigong simbahan na matatagpuan sa isang probinsya. Maraming tao ang nasa loob ngunit sa kasamaang-palad, hindi ang Diyos o ang salita nito ang ipinunta ng iba sa mga taong naroon na karamihan ay babae, ang ipinunta ng mga ito ay walang iba kundi si Angelo na kanina pa nila pinagmamasdan at kinakikiligan.
Gwapo at malakas ang karisma ni Angelo. Sabi nga ng iba, hindi pagpapari ang bagay rito kundi ang maging isang commercial model. Kahit kasi nakasuot ito ng damit pang-seminarista ay kakikitaan pa rin ito ng angking kakisigan.
Natapos ang kanta at nagpatuloy ang misa. Nakatingin si Angelo sa altar kung saan naroon ang imahe ng Diyos at iba pa. Alam niyang maraming nakatingin sa kanya karamihan ang babae. Napapangiti na lamang siya na may kasamang pag-iling. Alam naman kasi niya ang dahilan kung bakit siya tinitingnan.
Ilang araw na lang ang nalalabi ay ordination na niya. Malapit na siyang maging isang ganap na pari at masaya siya na matutupad na ang matagal niyang gusto, ang paglingkuran ang Diyos ng habambuhay at magkalat ng salita nito sa lahat.
Hindi rin biro ang mga pinagdaanan ni Angelo bago niya marating ang lahat ng ito. Halos labing-dalawang taon rin ang ginugol niya sa pag-aaral sa simbahan. Bata pa lamang rin siya ay aktibo na siya sa mga aktibidad ng simbahan kaya hindi rin kataka-taka na gustuhin niya na maging isang pari.
Walang magulang si Angelo. Ulilang lubos na siya simula nu’ng pitong-taong gulang siya. Mabuti na lamang at nandyan ang kuya niya na siyang nag-alaga at nagpalaki sa kanya. Noong una ay hindi suportado ng nakakatandang kapatid niya ang bokasyong kanyang napili. Pinilit at pinaliwanagan lamang niya ito na pumayag sa kayang kagustuhan kaya naman kalaunan ay natanggap na rin nito at sinuportahan na rin siya. Wala rin naman itong magagawa kasi sadya ring may pagkamakulit siya.
‘Kumusta na kaya si Kuya?’ sa isip-isip na tanong ni Angelo. Biglang sumagi ito sa isipan niya. ‘Dalawin ko nga. Baka mamaya masyado nitong pinapagod ang sarili sa pagtatrabaho,’ aniya pa. Matagal na rin kasi silang hindi nakakapag-usap, mga isang buwan na rin.
Natapos ang misa. Matapos ang misa ay maraming lumapit kay Angelo. Ang iba ay para batiin siya sa nalalapit niyang pagiging isang ganap na pari at ang iba naman, karamihan ay babae ay nagpa-picture sa kanya na malugod niyang pinagbigyan.
Nangingiti na lamang si Angelo. Mabuti at napapakinabangan niya ang kanyang itsura para makapagpapunta ng maraming mga tao lalo na ang mga babae. At least, hindi man ang salita o ang pagdarasal ang pinuntahan ng mga ito sa simbahan ay maririnig pa rin nila ang salita ng Diyos at alam niya na nagdarasal rin ang mga ito. Ginagamit niya ang kanyang magandang itsura para mas mapalapit ang mga ito sa Diyos.
Minsan na ring naging sikat sa internet si Angelo dahil sa may isang taong nagpakalat ng pictures niya at may caption pa na ‘The Most Handsome Priest Alive’. Natawa nga siya nang makita ‘yon at hindi rin makapaniwala. Hindi pa naman siya ganap na pari para tawaging ganoon.
“Congratulations, Brother Angelo, malapit ka ng maging isang ganap na pari,” pagbati ng isang matandang minsang natulungan ni Angelo.
Ningitian ni Angelo ang matandang lumapit sa kanya. “Salamat po,” magalang na sabi niya saka bahagyang niyukuan ito.
“Napakabait mo kasing bata kaya hindi rin malayong isa ka sa maging instrumento ng Diyos sa pagpapalaganap ng mga salita niya,” saad ng matanda na ikinangiti ni Angelo.
Totoo naman ang sinabi ng matanda, halos na yata lahat ng tao sa lugar nila ay natulungan na ni Angelo. Mabait at sadyang maawain kasi si Angelo at hangga’t may kaya siyang gawin para makatulong ay gagawin niya.
Muling ningitian ni Angelo ang matandang lalaki na tinapik naman siya sa kanang balikat.
---
“Uhm... Father Ryan,” pagtawag ni Angelo sa pinuno ng simbahan nila na si Father Ryan na nakaupo sa upuan nito at nagsusulat. May katandaan na ang itsura nito dahil nasa late fifties na ito pero masasabing gwapo ito noong kabataan dahil bakas pa rin naman ang kagwapuhan nito ngayong matanda na ito.
Tumingin naman kay Angelo si Father Ryan na tumigil sa ginagawa niyang pagsusulat sa notebook na nakapatong sa lamesa nito. Inayos nito ang suot na salamin sa mata.
“Bakit, Brother Angelo? May kailangan ka ba?” tanong ni Father Ryan. Close rin ang dalawa dahil si Father Ryan ang itinuturing ni Angelo na guro at ama na rin sa loob ng monasteryo.
“Uhm… Kasi Father… magpapaalam lang po sana ako na lalabas po ako bukas ng umaga para puntahan po ang kuya ko. Ang tagal na rin po kasi naming hindi nakakapagkita,” magalang na pagpapaalam ni Angelo. “Mga isang buwan na rin po kaming hindi nagkikita kaya sana po ay payagan niyo ko,” aniya pa.
“Ngunit Brother Angelo, mahigpit nang ipinagbabawal lalo na sa’yo na malapit na ang ordination ang paglabas-labas sa monasteryo,” ani Father Ryan. “Dapat ay naghahanda ka na para do’n,” aniya pa.
“Pero Father, miss na miss ko na kasi si kuya saka po, gusto ko lang po na malaman ang kalagayan niya ngayon,” pangungumbinsi ni Angelo. Alam naman niyang mahigpit na ipinagbabawal nga ang paglabas pero dahil sadyang may pagkamakulit siya, gagawin niya ang lahat para mapapayag si Father Ryan.
“Brother Angelo, hindi pwede ang gusto mo.”
“Sige na po Father. Promise, last na po itong paglabas ko,” pamimilit pa ni Angelo kay Father Ryan.
“Ngunit, Brother Angelo, hindi na maaari. Magiging unfair ako sa iba mo pang kasamahan kung ikaw ay papayagan ko samantalang sila ay hindi. Alam mo naman na halos lahat kayo ay gustong lumabas para puntahan ang pamilya pero mahigpit kasi iyong pinagbabawal,” mahinahong paliwanag ni Father Ryan.
“Pero Father Ryan-”
“Hindi maaari, Brother Angelo,” huling salita ni Father Ryan saka ito umiwas nang tingin at muling nagpatuloy sa pagsusulat.
Napabuntong-hininga nang malalim si Angelo habang napapakamot sa likod ng kanyang ulo. Hindi nadaan sa kakulitan niya si Father kaya naman laglag ang balikat na lumabas na lamang siya ng opisina nito.
---
Palingon-lingon nang mabilis sa paligid si Angelo. Tinitingnan kung may tao pa sa paligid. Nang makitang wala ay kaagad siyang mabilis na naglakad. Iniiwasan niyang makalikha ng ingay ang lakad niya kaya todo tingkayad ang mga paa niya habang naglalakad.
Madilim na ang paligid dahil sa naka-off na ang mga ilaw pero hindi naging hadlang iyon para gawin ni Angelo ang balak niya. May liwanag naman na nanggaling sa buwan sa labas kaya naman sapat na ‘yon para maging tanglaw niya sa madilim na paligid. Balak niyang lumabas ngayong gabi para puntahan ang kuya niya. Sadyang makulit talaga siya at hangga’t hindi nangyayari ang gusto niya, gagawa pa rin siya ng paraan para mangyari ‘yon.
Sa wakas ay na sa gate na si Angelo matapos nang mahaba-haba niyang paglalakad. Malaki at maraming pasikot-sikot ang simbahan kaya natagalan siya bago tuluyang nakalabas. Huminto muna siya sa paglalakad at tumayo nang tuwid. Nag-sign of the cross siya at tumingala sa madilim na langit.
“Patawad po kung susuway na naman po ako ngayon. Miss na miss ko na kasi ang kuya ko. Sana gabayan niyo pa rin ako sa pagpunta ko sa kanya,” dasal ni Angelo saka muling nag-sign of the cross nang matapos siya manalangin.
Dahan-dahan at walang ingay na binuksan ni Angelo ang gate at nang mabuksan niya iyon, dali-dali siyang lumabas at muling isinara ito.
Hindi lang ito ang unang beses na ginawa ni Angelo ang tumakas, maraming beses na para lang puntahan ang kuya niya. Mabait man siya pero matigas din ang ulo niya na minsan ay nagpapasakit sa ulo ni Father Ryan. Bumabawi na lang siya ng kabaitan para hindi masyadong magalit sa kanya si Father Ryan.
“Yes!!!” masayang wika ni Angelo at mabilis na naglakad palayo. Patalon-talon pa siya dahil sa tuwa.