Napahinto sa paglalakad si Angelo. Kumunot ang kanyang noo at nagsalubong ang makapal na pares ng kilay niya.
Nagtataka si Angelo kung bakit sa gitna ng malalim na gabi, nakakita pa siya ngayon ng isang babaeng nag-iisa sa gilid ng kalsada habang may kinakalikot sa harapan ng dala nitong kotse.
“My gosh! Kainis ka naman oh! Mabuo ka naman please!” Narinig ni Angelo na reklamo ng naiinis na babae.
Hindi pa lumapit si Angelo. Sa tulong ng liwanag ng buwan at ilang ilaw na rin sa paligid na nagbibigay liwanag, pinagmasdan niya ang babae kahit bawal niyang gawin ito. Gusto lang naman niyang makilala ito sa tingin para mapag-isipan niya kung paano niya ito kakausapin.
Maganda ang babae. Mahaba ng buhok na magulong nakapusod. Hindi ito nakaharap sa kanya kaya hindi pa rin niya makita ang itsura ng mukha nito pero masasabi naman niyang maganda ito. Makinis ang balat na kulay porselana. Maganda at sexy ang hubog ng katawan na hubog na hubog sa suot nitong t-shirt at skinny jeans. Mukha ring sa tingin niya ay mayaman ito dahil maganda at mukhang mamahalin ang kotse at sa itsura na din ng babae.
“Taga-syudad siguro siya,” bulong pa ni Angelo. Hindi pangkaraniwang taga-probinsya ang nagsusuot ng klase ng kasuotan na suot ng dalaga kaya niya nasabi ang mga salitang iyon.
Huminga nang malalim si Angelo. “Uh… Miss,” pagtawag na niya sa dalagang bagong salta sa bayan nila.
Narinig naman ng dalaga ang pagtawag ni Angelo kaya napatingin ito sa kanya. Doon niya napagmasdan ang mukha nito. Maganda kahit na may kaunting dungis ng grasa at humaharang pa ang medyo magulong bangs nito sa mukha. May pagkabilugan ang mga mata pero bumagay sa ganda ng hugis ng mukha nitong maliit at maamo. Matangos ang ilong at may kanipisan ang labing natural na mapula. Medyo namumula rin ang mga pisngi nito. Sa tingin niya rin, mukhang kasing-edad niya ang dalaga.
“Naku! Thanks naman at mukhang may tutulong na sa akin,” narinig ni Angelo na sabi ng babae na tumingala pa sa kalangitan at pinagsalikop pa ang magkabilang palad. Tila nakahinga ito ng maluwag dahil sa pagdating ni Angelo. Pagkatapos ay muling tumingin ang dalaga kay Angelo at mabilis na lumapit sa kanya.
“Salamat naman po at dumating kayo,” ani ng babae na napatingin kay Angelo mula ulo hanggang paa. “Father,” dugtong na sabi niya pa saka bahagyang yumuko. ‘Sayang,’ isip-isip pa niya.
Tipid na napangiti si Angelo. “Uhm... papunta pa lang sa pagiging Father,” wika niya na ang tinutukoy ay ang pagiging pari niya. “Tawagin mo akong Brother Angelo,” aniya pa.
Muling tiningnan ng dalaga si Angelo. Tumango-tango siya. “Okay po,” sagot niya saka ngumiti.
“Oo nga pala, ano pa bang ginagawa mo rito? Gabing-gabi na at nasa labas ka pa,” tanong at sabi pa ni Angelo.
“‘Yun na nga po Father... I mean, Brother Angelo, gabing-gabi na at gusto ko nang pumunta sa pupuntahan ko pero itong kotse ko ay nagkatopak. Ayaw po niyang umandar,” paglalahad ng dalaga sa kanyang problema. “Natatakot na nga po ako rito kasi ang dilim na at nag-iisa pa ako pero mabuti na lang po at dumating kayo... Brother Angelo,” aniya pa ng babae.
Naiilang ang dalaga na tawaging Brother Angelo si Angelo dahil sa totoo lang ay nagwagwapuhan siya rito at ito iyong tipo ng lalaki na pang-boyfriend material dahil mukhang mabait at mapagmahal pa pero nu’ng nakita niya ang suot nito, aminado siyang nanghinayang.
“Ganu’n ba?” ang nasabi na lamang ni Angelo.
“Marunong po ba kayong mag-ayos ng kotse?” tanong ng dalaga na muling tiningnan si Angelo.
Ngumiti si Angelo na ikinatulala ng dalaga. Natulala siya dahil sa ganda ng ngiti nito. Pantay-pantay pa ang mga ngipin puting-puti na kulang na lang ay gawing commercial model ng isang toothpaste commercial. Dagdagan pa na may dimples ito sa magkabilang pisngi.
Hindi namalayan ng dalaga na nakalapit na si Angelo sa kanyang kotse kaya naman nang bumalik siya sa katinuan ay nakita niyang wala na sa harapan niya si Angelo. Nakita niyang nasa harapan na ito ng kotse niya at kinakalikot na ang kung ano roon kaya kaagad siyang lumapit.
“Naku, Brother Angelo! Ingat po kayo at baka madumihan ang damit niyo, puting-puti pa naman,” wika ng dalaga.
“Ayos lang,” wika ni Angelo nang hindi tumitingin sa babae dahil patuloy lamang ito sa pag-aayos ng sira sa makina ng kotse.
Nakatingin lang rin naman ang babae kay Angelo. Lalo na sa mukha nito na medyo pinagpapawisan at talagang napatunayan niyang gwapo ito at hindi bagay maging pari.
‘Paano kaya kung gahasain ko siya para hindi na matuloy sa pagpapari?’ mahina siyang natawa sa kanyang biro. ‘Hay! Kung ano-anong naiisip mo. Ako pa talaga ang manggagahasa? Sa ganda kong ito?’ litanya niya pa. ‘Saka ayokong magkasala ng bongga kay Lord, ‘no!’ aniya pa.
“Maluwag lang pala ito,” saad ni Angelo sabay turo sa isang pyesa na nasa makina. “Uhm… Miss, may tool box ka ba diyan? Pahiram naman ako,” sabi pa niya.
“Wait meron po,” sagot ng dalaga saka dali-daling kinuha ang tool box mula sa trunk ng kotse at nang makuha ay nagmamadali din siyang bumalik at inabot niya ito kay Angelo.
Ngumiti lamang si Angelo saka niya kinuha ang tool box saka ipinagpatuloy na ang paggawa sa kotse ng dalaga. Kinuha niya ang mga kailangang tools sa paggawa rito.
Ilang minuto pa ang lumipas nang matapos na si Angelo na kumpunihin ang kotse ng dalagang dayo.
“Ayan at tapos na,” saad ni Angelo. Tumingin siya sa dalaga. “Subukan mong paandarin,” utos pa niya saka bahagyang tumabi.
Kaagad namang sumunod ang babae sa sinabi ni Angelo. Sumakay ito sa driver’s seat ng kotse at pinaandar ang makina nito. Labis ang tuwa nito nang tumunog at mapaandar na niya ang makina sasakyan.
Mabilis na bumaba ng kotse ang dalaga pagka-off niya muli ng makina. “Naku, Brother Angelo, salamat po sa tulong!” labis ang tuwa na wika ng dalaga. Malaki ang pasasalamat niya rito dahil sa wakas ay nabuo na ang kotse niya at sa wakas makakapunta na siya sa pupuntahan niya.
Ngumiti si Angelo habang tinitingnan niya ang mukha ng dalaga. “Wala ‘yon. Sa susunod lang ay huwag ka ng babiyahe pa ng gabi lalo na kung nag-iisa ka,” paalala pa niya.
“Mabuti na lang at marunong kayong gumawa ng sasakyan. Oo nga po pala, bakit kayo marunong? Saan kayo natuto? Alam niyo na,” wika ng dalaga.
Ningitian ni Angelo ang dalaga. “Hindi naman ibig sabihin na nasa loob ako ng monastery ng mahabang panahon ay wala na akong alam gawin,” wika niya. Marunong rin naman siya gumawa ng mga sasakyan at may mga alam rin naman siyang gawin na alam ring gawin ng mga taong nasa labas.
Tumango-tango ang babae. “Anyway, opo at susundin ko ang mga sinabi niyo,” sabi niya. “Ay, teka lang po, magkano po ba?” tanong ng babae na ikinakunot ng noo at ikinasalubong ng kilay ni Angelo.
“Ha?” nagtatakang tanong ni Angelo.
“Magkano po ang bayad? Ginawa niyo ang kotse ko kaya dapat lang na may kabayaran.”
Napangiti muli si Angelo. “Sapat ng kabayaran ang magsimba at magdasal ka araw-araw para magpasalamat at magabayan ka ng Diyos,” sabi niya sabay hawak sa tuktok ng ulo ng babae. “Gabayan ka ng Panginoon,” dagdag pa niya na ikinangiti ng babae.
“Salamat po sa basbas,” pasasalamat ng dalaga. “Oo nga po pala, ako po si Dennise, Dennise Madrigal,” pagpapakilala ng babae kay Angelo.
Tumango-tango si Angelo. “Nakilala mo na ko, ako si Brother Angelo, Angelo Rivas ang buong pangalan ko,” aniya.
Napangiti si Dennise.
“Sige at pumunta ka na sa kung saan ka man pupunta at baka masyado ka pang gabihin. Mukhang taga-Maynila ka pa naman,” sabi ni Angelo.
“Uh… opo. Pero actually, may pupuntahan po talaga ako kaya po ako nandito at hindi pa ako uuwi ng Manila,” saad ni Dennise na ikinatango ni Angelo. “Kayo po? May pupuntahan rin ho ba kayo? Gusto niyo sumabay na kayo sa akin?” alok niya pa.
Umiling-iling si Angelo. “Hindi na, malapit lang naman rito ang pupuntahan ko,” pagtanggi niya. “Sige na mauna ka na at kung sasabihin mo pa sa akin na bilang kabayaran sa ginawa ko ang pagpapasakay mo sa akin para pilitin ako, huwag mo nang sabihin kasi hindi rin ako sasakay,” natatawang pagtanggi niya pa.
Natawa rin si Dennise. “Sige na nga po. Sige po at mauna na ho ako,” pagpapaalam ni Dennise.
Ningitian naman ni Angelo si Dennise.
Tinulungan muna ni Angelo si Dennise na ligpitin ang mga gamit at isara ang harapang bahagi ng kotse bago tuluyang sumakay si Dennise sa kotse.
Nakasunod lamang ang tingin ni Angelo sa papalayong kotse ni Dennise. Napangiti siya bago naglakad muli papunta sa bahay nila ng kuya niya.
Napapangiti naman si Dennise habang nagmamaneho. Naglalaro sa isipan niya ang gwapong mukha ni Angelo.
“Sayang lang at magpapari na siya,” malaki ang panghihinayang na sabi ni Dennise. Napabuntong-hininga na lamang siya. Mukha kasing tinamaan siya at sa lalaking magiging pari pa.
---
Mabilis na nagtago sa isa sa mga punong kahoy na nakakalat sa paligid si Angelo. Kitang-kita niya mula sa kinatataguan niya ang pag-aaway ng kuya niya at ng long-time girlfriend nito. Rinig na rinig rin niya ang pagsisigaw ng babae at pagmamakaawa ng kuya niya sa kanya.
“Please naman, Danica! Babe! Huwag mo naman akong iwanan! Ilang taon na rin naman tayo!”
“Hindi sa tagal ng panahon nasusukat ang lahat Edward! Hindi mo ba maintindihan? Hindi na kita mahal kaya nga ako nakikipaghiwalay sayo kaya please lang, pabayaan mo na ko!”
“Pero ako… mahal na mahal kita at hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko! Ikaw ang buhay ko at kapag nawala ka ay mamamatay ako!”
“Ano ba, Edward?! Pwede ba! Huwag mo akong dramahan diyan! Kapag sinabi kong hindi na kita mahal… hindi na kita mahal at kapag sinabi kong tapos na tayo… tapos na tayo!!!” sigaw ng babaeng nagngangalang Danica. “Lumayo ka nga sa’kin!” hiyaw pa niya kay Edward.
“Please naman!!! Huwag mo kong iwan ng ganito!!!”
“Tigilan mo na ako!!!” hiyaw pa ni Danica na umalingawngaw sa gabing malalim.
Dali-dali na naglakad palayo si Danica kahit na pinipigilan pa rin siya ni Edward na umalis.
“Danica!!! Please!!! Huwag mo kong iwan!!!”
Awang-awa naman si Angelo sa kuya niya habang sinusundan niya ng tingin ang mga ito. Tunay ngang mahal na mahal niya ang kanyang girlfriend. Hindi naman niya masyadong nakilala si Danica dahil na rin sa naging girlfriend ito ng kuya niya nu’ng panahong nasa loob na siya ng monasteryo. Pero base sa mga kwento sa kanya ng kuya niya, mabait na babae si Danica, mapagmahal at maalaga kaya nga mahal na mahal ito ng kuya niya. Sa tuwing magkikita nga sila, palaging may kwento ang kuya niya tungkol sa kasintahan nito.
Sa pagkakaalam rin ni Angelo, halos magpipitong-taon na rin ang relasyon ng kuya niya at ni Danica. Hindi maikakaila na maganda si Danica, dahil gwapo rin naman ang Kuya Edward niya na hindi halata ang edad na trenta dahil mukhang bata pa rin ito. Mukhang kasing edad lamang ito ni Angelo. Mas matured nga lang ito ng kaunti. Hindi sila magkamukha pero pareho silang gwapo. Matipuno ang pangangatawan at higit sa lahat ay may mga katangian ito na bihira lamang na makita ngayon sa mga lalaki, mapagmahal, maalaga, masipag, mabait.
Nakita niyang nanlulumong napaupo sa lupa ang Kuya Edward niya. Punong-puno ng luha ang mga mata nito. Awang-awa siya kaya naman kaagad na siyang umalis sa tinataguan niya at lumapit sa kuya niya na nagulat nang makita siya.
“A-Angelo,” naiiyak na pagtawag ng Kuya Edward niya sa kanya.
“K-Kuya,” pagtawag ni Angelo dito saka lumuhod siya sa lupa at niyakap ang kaawa-awa niyang kuya. Ang kuya niyang laging pumoprotekta sa kanya simula noong mga bata pa sila. Ang kuya niyang maalaga, ang kuya niyang sobrang bait. Ang the best kuya para sa kanya. Kaya siya naging mabuting tao ay dahil na din sa gabay ng kanyang kuya.
Gumanti rin ng yakap ang kuya niya sa kanya. Kahit man lang sa ganitong paraan, mapagaan niya ang nararamdaman ng kuya niya.
---
Magkaharap na nakaupo sina Angelo at Edward sa hapag-kainan. Nasa loob na sila ngayon ng bahay ng huli.
Nakatingin si Angelo sa tulalang kuya niya. Hindi na ito umiiyak pero halatang umiyak ito nang umiyak dahil sa mugto ang mga mata nito.
“Kuya,” pagtawag ni Angelo sa kuya niya.
Bumalik naman sa sarili si Edward. Tiningnan niya si Angelo.
“Okay ka na ba?” pagtatanong ni Angelo.
Tipid na napangiti si Edward. “Magsisinungaling ako kung sasabihin kong oo. Ayaw mo nang nagsisinungaling, ‘di ba, Brother Angelo?” aniya.
Nag-aalinlangang napangiti na lamang si Angelo sa sinabi ng kuya niya. Hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin siya ng awa para sa kapatid.
“Tumakas ka na naman ba sa monasteryo?” tanong ni Edward sa kapatid.
Tumingin sa kanan si Angelo. Kahit kailan ay hindi siya nagsinungaling. Oo, makulit siya pero hindi siya nagsisinungaling at kapag may tinanong sa kanya na kailangang sagutin ng totoo pero ayaw niyang sagutin, sa halip na magsinungaling ay titingin na lamang siya sa kanan.
“Sinabi ko naman sayo na huwag kang tatakas doon, ‘di ba? Paano kung ng dahil sa pagtakas-takas mo ay maudlot pa ang pangarap mong maging pari?” magkasunod na tanong ni Edward.
“Gusto lang kasi kitang kamustahin. Halos isang buwan rin tayong hindi nagkita. Isa pa, nami-miss na kita, Kuya,” dahilan ni Angelo na ngayon ay nakatingin na sa kuya niya.
Tipid na napangiti si Edward. “Miss rin naman kita. Miss na miss pero ayoko naman na ng dahil sa akin ay maudlot ang pangarap mo. Saka isa pa, okay lang naman ako palagi,” aniya.
“Talaga ba, Kuya? Okay ka lang talaga?” pagtatanong muli ni Angelo na diniretso ang tingin kay Edward.
Tumingin sa kaliwa si Edward. Napabuntong-hininga naman si Angelo.
“Gaano na katagal? Gaano na katagal kayong ganyan ni Ate Danica?” magkasunod na tanong ni Angelo na muling ikinatingin ni Edward sa kanya.
“Ha?” nagtatakang tanong ni Edward sa bunso niyang kapatid.
“Gaano na katagal ang pag-aaway niyo ni Ate Danica?” pagtatanong muli ni Angelo kay Edward.
Umiwas muli nang tingin si Edward. “Angelo-”
“Please, sabihin mo sa akin ang totoo. Gaano na katagal? Gaano na katagal kayong nagkakalabuan?” pagpupumilit pa na tanong ni Angelo.
Tumingin muli si Edward kay Angelo. Huminga siya ng malalim saka pilit na ngumiti. “Matagal na. Noong una, napapanatili ko pa siya sa tabi ko sa tuwing magmamakaawa akong huwag niya akong iwan. Pero ngayon, itong huli, wala na. Tunay ngang hindi na niya ako mahal pero hindi ko matanggap ‘yon,” naiiyak na naman na sabi ng kuya niya.
“Bakit raw? Bakit naman hindi ka na niya mahal? May iba na ba siya? O baka naman nagkulang ka kaya nawala na rin ang pagmamahal niya?”
“Kilala mo ako, Angelo. Kilala mo ako kung paano ko mahalin ang Ate Danica mo. Hindi ako nagkulang, sobra-sobra pa nga. Pero sabi nga nila, masama ang kulang at mas lalong masama ang sobra,” tumawa nang pagak si Edward. “Kaya siguro siya nawalan ng pagmamahal sa akin at nagmahal siya ng iba,” wika pa niya sa mapait na tono. “Sayang lang, ikaw sana ang gusto kong magkasal sa aming dalawa,” nanghihinayang na sabi pa niya.
“Ibig sabihin... may mahal na nga siyang iba?” tanong ni Angelo.
Tumango-tango si Edward. “Oo, Angelo, may mahal na siyang iba. Ang totoo, kami pa pero may relasyon na rin sila ng bagong mahal niya. Masakit man pero tinanggap ko iyon para hindi lamang niya ako iwan. Ngunit ngayon, wala na. Tuluyan na niya akong iniwan at ipinagpalit sa isang lalaking mas gwapo at mayaman kaysa sa’kin,” nanlulumong sambit niya. Nagbaba siya ng tingin saka kinagat ang kanyang ibabang labi.
Labis ang pagkaawa ni Angelo sa kuya niya. Sa totoo lang, gwapo naman talaga ang kuya niya pero ngayon, nakikita niya rito na parang napapabayaan na nito ang sarili. Medyo namayat ang pangangatawan at hindi na nakakapag-ahit ng bogote at balbas at ang buhok, gulo-gulo na parang hindi sinuklay.
“Hayaan mo, hindi rin naman magtatagal at makakalimutan mo rin siya-”
“Pero hindi ‘yun ganun kadali. Sana nga, kung gaano kadaling sabihin na kalimutan siya ay ganun rin sana kadaling gawin. Pero alam ko… alam kong mahirap… sobrang hirap dahil sobrang mahal ko siya,” malungkot na sambit ni Edward na tumulo na ang luha. “Kahit ipagpadasal mo pa ko sa lahat ng santo para makalimot, duda ko na mangyayari ang gusto mo,” sabi pa niya.
Tumayo si Angelo sa inuupuan niya at lumapit sa kuya niya para yakapin si Edward ng mahigpit.
“Kuya, hayaan mo at makakaya mo rin ito. Pagsubok lamang ito sayo na dapat mong lagpasan at siyempre, nandito lang ako para tulungan ka. Mananalangin ako araw-araw para sa agarang pagkawala ng sakit diyan sa puso mo.”
Tipid na napangiti na lamang si Edward habang lumuluha. Mapalad siya na nagkaroon siya ng kapatid na gaya ni Angelo.
“Sa-Salamat,” garalgal na sambit ni Edward.
Habang yakap ni Angelo ang kuya niya. May naisip siya. ‘Kailangan kong kausapin si Ate Danica,’ aniya sa kanyang isipan.
Lumipas ang mga minuto ay bumitaw sa yakap si Angelo sa kuya niya. Tumayo ito ng tuwid at nilibot ang paningin sa buong bahay na may kaliitan lang naman na minana pa nila mula sa mga namayapa nilang magulang. Isang maliit na bahay na gawa sa kahoy na may mga iilang gamit at maliit na lupain ang tanging namana nilang magkapatid.
“Mukhang hindi mo na nalilinis ang bahay, Kuya,” sabi ni Angelo nang tumingin ito sa kapatid. Napansin kasi nito na maraming kalat lalo na ang mga damit ng kuya niya na kung saan-saan na lamang nakasabit.
Napakamot naman sa likod ng kanyang ulo si Edward. “Pasensya ka na bunso. Naging busy rin kasi ako sa trabaho sa construction saka sa pagsuyo kay Danica kaya napabayaan ko ang bahay,” paliwanag pa niya.
Tipid na napangiti si Angelo. “Hayaan mo, bago ako umalis ay lilinisin ko itong bahay, Kuya.” Tiningnan niya si Edward.
“Huwag na at ako ng bahala maglinis rito. Kailangan mo na ring bumalik sa monasteryo ngayon para hindi ka nila mahuli. Mamaya malaman nila na tumakas ka na naman roon,” wika ni Edward. Nag-aalala siya para sa kapatid.
“Hindi, Kuya. Bukas ako ng tanghali babalik roon. Huwag kang mag-alala, akong bahala kay Father Ryan,” sabi ni Angelo sabay kindat.
Natawa naman ng mahina si Edward sa ginawa ng kapatid. Kilala rin nito si Father Ryan at tatay na rin ang turing niya rito dahil marami rin itong naitulong hindi lamang kay Angelo kundi pati na rin sa kanya.
“Okay at ikaw ang bahala,” pagpayag na lamang ni Edward. Pero kakausapin niya rin si Father Ryan baka kasi sa ginawang pagtakas na naman na ito ni Angelo sa monastery ay matuluyan na ito at hindi na matuloy ang pagiging pari ng kapatid.
“Nga pala, malapit na ang ordination mo, ‘di ba?” tanong ni Edward kay Angelo.
Ngumiti si Angelo saka tumango-tango. “Dapat nando’n ka, Kuya,” aniya.
Ningitian ni Edward si Angelo. “Oo naman,” sabi niya. “Hindi pwedeng mawala ako. Gusto ko ring maging isa sa mga panauhin ng unang misa mo,” aniya pa.
Naging abot-tenga ang ngiting nakasilay sa labi ni Angelo. “Maraming salamat, Kuya,” pasasalamat niya kay Edward.
Kumunot ang noo ni Edward. “Bakit ka nagpapasalamat sa’kin?” tanong niya sa nagtatakang tono.
“Dahil malaking bahagi ka ng kung ano ako ngayon... napakalaki ng naitulong mo sa’kin,” madamdaming sambit ni Angelo.
Ngumiti si Edward. “Kuya mo ko, kaya lahat ay iintindihin at gagawin ko para sa’yo,” aniya.
Nilapitan ni Angelo si Edward saka ito niyakap sa leeg at ipinatong pa ang baba sa kanang balikat niya. Mahina naman siyang tinawanan ni Edward at hinawakan ang mga kamay niyang nasa bandang dibdib niya.
“Patuloy kang maging mabuti sa iba, okay?” tanong ni Edward kay Angelo.
“Opo,” sagot ni Angelo na ikinangiti muli ni Edward.