Tulala si Angelo habang nakatayo sa gilid. Nababalot ng sobrang nakakabinging katahimikan ang morgue kung saan nasa loob siya nito. Sa hindi kalayuan, naroon ang isang kamang gawa sa stainless steel kung saan ay may isang katawang nakahiga roon at natatakpan lamang ng isang puting kumot na hanggang ngayon ay hindi niya pa tinitingnan kung sino ang nakahiga roon kaya hindi pa niya nakukumpirma kung ang kuya niya nga iyon.
Nakatitig lamang si Angelo kama. Walang ekspresyong makikita sa kanyang mukha pero tuloy-tuloy lamang ang pagtulo ng kanyang luha. Napakabigat ng pakiramdam niya at tila ayaw niyang tingnan kung sino ang nakahiga roon. Tila hindi niya gustong kumpirmahin kung kuya niya ba ‘yon dahil hanggang ngayon ay hindi niya gustong maniwala na maaaring wala na ang kuya niya, na patay na ang pinakamamahal niyang kuya na walang ibang ginawa kundi ang magmahal. Magmahal sa kanya bilang kapatid at magmahal ng isang babae na ayaw man niyang sabihin pero ito ang gusto niyang sabihin, walang kwenta.
Huminga ng malalim si Angelo. Lumipas ang mga minuto ay dahan-dahan siyang lumapit sa kama. Bawat hakbang niya ay kasing bigat ng bato. Pamaya-maya ay nakalapit na siya sa kama at tumayo sa gilid nito. Nanginginig ang mga kamay niya na hinawakan ang dulo ng puting kumot, sa parte kung saan natatakpan ang ulo, at hindi man niya gustong tingnan ang nakahiga ngunit kailangan niyang makita ito. Dahan-dahan niyang inangat ang kumot at inalis sa pagkakatakip sa mukha ng katawang naroon.
Nagtuloy-tuloy sa pagluha ang mga mata ni Angelo nang makita niya ang kalunos-lunos na sinapit ng katawang nakahiga roon. Namumutla na ang mukha nito at nangingitim ang labi. Nakita rin niyang may putok sa ulo nito, at nakumpirma niya na kuya niya nga iyon.
Tumingala si Angelo para kahit papaano’y mapigilan ang lalong pagluha niya. Gusto niyang magmura ngunit bawal. Gusto niyang magwala ngunit hindi pwede. Gusto niyang ilabas ang hinagpis at galit niya ngunit hindi niya alam kung sa paanong paraan kaya sa madiin na pagkuyom na lamang ng kanyang mga kamao inilabas ang nararamdamang sakit, hinagpis at galit.
“Ku-Kuya,” pagsambit ni Angelo sa garalgal na boses. Hindi siya makapaniwalang wala na ang kuya niya. Hindi niya gustong paniwalaan ang sobrang sakit na katotohanang ito.
Naramdaman na lamang ni Angelo na may humawak sa kanang balikat niya.
“Brother Angelo, magpakatatag ka, anak. Nandyan lamang ang Diyos, maaaring hingan mo siya ng tulong ngayon,” narinig ni Angelo na sambit ni Father Ryan. Ramdam rin sa boses nito ang sobrang kalungkutan sa nangyari kay Edward. Siya lamang ang kasama ngayon ni Angelo sa loob at naghihintay naman sa labas ang iba pa.
“F-Father, paano pa ako magpapakatatag kung ang dahilan ng pagpapakatatag ko ay wala na?” garalgal na sambit ni Angelo. “Nandyan ang Diyos? Maaari kong hingan ng tulong? Paano kung hingin ko sa kanya na buhayin ang kapatid ko? Pagbibigyan niya ba? Tutulungan niya ba ako?” madiin na tugon pa ni Angelo.
“Brother Angelo,” ang nasabi lamang ni Father Ryan.
“Hindi naman ako masamang tao... naging mabuti ako... inalay ko pa nga ang sarili ko para paglingkuran Siya pero ano itong nangyari? Bakit ganito?” nanginginig na sambit pa ni Angelo saka niya tiningnan ulit ang kapatid niya. “Bakit sa halip na ‘yung mga masasamang tao ang parusahan niya, bakit ako? Bakit ang kapatid ko?” sunod-sunod na tanong pa niya. Hindi niya mapigilang manisi, na sumbatan ang pinaglilingkuran niyang Diyos dahil sa masamang nangyari na ito sa kuya niya na sobrang nagpapabigat sa kanyang loob.
Hindi umimik si Father Ryan. Bumigat ang loob niya sa mga sinasabi ni Angelo.
“Ang sakit! Ang sakit-sakit nitong nangyari sa kapatid ko! Gusto kong magwala. Gusto kong magmura. Gusto kong ilabas ang galit pero hindi ko alam kung sa paanong paraan.”
Hinagod-hagod ni Father Ryan ang malapad na likod ni Angelo.
Namayani muli ang katahimikan sa loob ng morgue. Tulalang nakatitig muli si Angelo sa mukha ng kanyang kuya niyang wala ng buhay.
“S-Sana ako na lang... sana ako na lang ang kinuha kung gusto Niya ng mabuting tao sa kaharian niya... sana ako na lang at hindi ang kapatid ko,” garalgal na sambit ni Angelo saka siya napahagulgol sa pag-iyak.
---
“Maaari ba namin kayong makausap?” tanong ng isang pulis kay Angelo ng makalabas sila ni Father Ryan ng morgue. Napatingin si Angelo sa dalawang pulis na ngayon ay narito.
“Bakit po?” malamig ang boses na tanong ni Angelo sa pulis na lumapit sa kanila.
“Tungkol ito sa una naming naging imbestigasyon sa pagkamatay ng kuya mo,” wika ng pulis. “Base sa paunang imbestigasyon, pagkahulog sa bangin ang naging sanhi ng pagkamatay niya bunga ng kalasingan. Amoy-alak siya at nakita din namin ‘yung basag na basyo ng alak na ininom niya sa tabi ng kanyang bangkay kaya sa tingin namin, aksidente ang nangyari,” paliwanag pa ng pulis. “Aksidente siyang nahulog at dahil hawak niya ang bote, sa tingin namin ay nabitawan niya ito at nabasag sa katabi ng katawan niya,” sabi pa nito.
“Aksidente?” tanong ni Angelo na nakatitig sa pulis.
Tumango-tango ang pulis. “Tama, aksidente ang pagkahulog niya sa bangin. Wala kaming napansin na kahina-hinala sa crime scene na pwedeng magturo na sinadya ang pagkahulog niya,” wika nito. “Ayon rin sa napag-alamanan namin at sinabi ng mga kapitbahay ng kapatid ninyo, may dahilan ang kapatid ninyo sa kanyang pagpapakalasing at halos araw-araw daw ‘yon. Nalaman namin na bigo pala ito sa pag-ibig niya kay Danica Quiambao na hiniwalayan siya ilang araw na rin ang nakakaraan na masyado namang dinamdam ng biktima. Marahil ay uminom ito nang uminom at hindi namalayang sa paglalakad niya ay napunta sa gilid ng bangin at ‘yon, sa kasamaang palad ay nahulog siya doon at nabagok ang ulo na siya niyang ikinasawi,” mahabang paliwanag pa ng pulis.
Nagpanting ang tenga ni Angelo ng marinig ang pangalan ng babaeng iyon.
“Si Danica,” nagkaroon si Angelo ng malakas na kutob. Kutob na may kinalaman ito sa pagkamatay ng kanyang kapatid dahil hindi siya naniniwalang aksidente lamang ang nangyari. Kung aksidente man, may karapatan pa rin siyang magalit kay Danica dahil ito ang dahilan kung bakit ito nangyari sa kapatid niya.
“Napag-alaman naming itong si Danica Quiambao pala ay naging kasintahan ng inyong kapatid ng mahigit anim na taon at nakipaghiwalay sa kanya. Sa ngayon ay hindi namin nakausap si Danica para hingan sana ng statement dahil napag-alaman naming wala na ito dito sa lugar natin at ilang araw nang umalis papunta raw Maynila,” saad pa ng pulis na ikinagulat ni Angelo.
“Umalis? Pumunta ng Maynila? Kailan?” sunod-sunod na tanong ni Angelo.
“Bago pa nangyari ang aksidente, wala na siya rito at nasa Maynila na ilang araw ang nakakaraan,” sagot ng pulis.
Kumuyom nang madiin at pabilog ang mga kamay ni Angelo. ‘Ibig sabihin ay maaaring wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni kuya? Hindi. Hindi ako naniniwala. Malakas ang kutob ko na may kinalaman siya at malakas ang kutob ko na hindi aksidente ang nangyari kay kuya. Naniniwala akong hindi siya naaksidente kundi pinatay siya... maaaring pinatay siya ng babaeng ‘yon,’ wika niya sa kanyang isipan. ‘At iyon ang dapat kong alamin. Aalamin ko ang buong katotohanan. Kung ‘yon ang resulta ng pag-iimbestiga ng mga pulis, hindi ako naniniwala. Ako ang mag-iimbestiga at hahanap ng buong katotohanan at hindi ko kailangan ng mga pulis para tumulong sa’kin. Papatunayan kong tama ang kutob ko... na tama ang mga hinala ko at hindi ako titigil hangga’t hindi ko napapatunayan ‘yon,’ diin niya pa sa kanyang isipan.
“Sige at mauna na kami at kailangan na naming bumalik sa station namin ng partner ko. Hayaan niyo at iimbestigahan pa namin ng mas mabuti ang kaso niya para makasiguro na aksidente ang nangyari at walang foul play.”
Hindi sinagot ni Angelo ang pulis. Huminga lang siya ng sobrang lalim.
Umalis na ang mga pulis. Kaagad namang lumapit si Father Ryan kay Angelo na lumayo kanina nang kinakausap ito ng mga pulis.
“Halika na muna Brother Angelo. Bumalik na muna tayo sa monasteryo. Kailangan pa natin paghandaan ang burol at libing ng kapatid mo,” ani Father Ryan kay Angelo.
Tiningnan ni Angelo si Father Ryan. Pamaya-maya ay tinango na lamang niya ng dalawang beses ang kanyang ulo.
---
“Mabuti na lang at nagustuhan ka ng pamilya ko,” natutuwang wika ni Rex sa nobyang si Danica na ngayon ay kayakap niya habang nasa likod siya nito. Nasa loob sila ng opisina ng una at nasa tapat ng isang malaking bintana na gawa sa salamin.
Napangiti naman ng matamis si Danica. Hinawakan niya ang mga kamay ni Rex na nakapatong sa bandang tiyan niya. “Oo nga. Akala ko hindi na nila ako magugustuhan. Na-late pa naman ako kagabi,” aniya. “Sorry sa pagiging late ko,” pahabol pa niya.
Na-late si Danica kagabi dahil gabi na siya lumuwas papuntang Maynila para sa dinner. Mabuti na lamang ay naging maganda ang takbo ng dinner na iyon at nagustuhan siya ng pamilya ng nobyo. Pwera na lang ng kapatid ni Rex na si Dennise. Iba kasi ang tingin nito sa kanya. ‘Hay, ewan ko ba sa kanya kung bakit parang ang init ng dugo niya sa’kin,’ isip-isip niya pa.
“Pero alam mo, ‘yong kapatid mo, parang hindi niya ako gusto,” sabi pa ni Danica.
Kumunot naman ang noo at nagsalubong ang may kakapalan at itim na mga kilay ni Rex. “Paano mo naman nasabi na hindi ka niya gusto?” nagtatakang tanong niya sa nobya.
“Wala lang. Feel ko lang,” sagot ni Danica saka ngumuso.
Napangiti naman si Rex sa sinabi ni Danica. Mas lalo itong gumwapo sa ngiting iyon dahil halos maningkit ang mga chinito nitong mga mata at lumabas ang magkabilang dimples nito at ang puti at pantay-pantay nitong mga ngipin. Mukha itong may lahing Koreano. Makinis at metiso ang balat pero Pilipinong-Pilipino naman ang lahi niya. Sadyang Korean-looking lamang siya.
“Feel mo lang pala. Alam mo, gusto ka nun ni Dennise. Kilala ko ang kapatid ko, hindi siya showy na tao pero ramdam ko na gusto ka niya kasi gusto kita. Gustong-gusto. Mahal na mahal pa nga,” nangingiting sabi ni Rex.
Kinilig naman si Danica sa mga sinabi ni Rex. Nilingon at tiningnan niya ang mukha ng kanyang nobyo saka bahagyang kinurot ang matangos na ilong nito.
“Ikaw talaga, lagi mo akong binobola,” natatawang sabi ni Danica.
“Sakit ng kurot mo sa ilong ko,” natatawang reklamo ni Rex na hinihimas ang kinurot na ilong. “Saka hindi kita binobola. Kailan ba kita binola? Halos lahat nang sinasabi ko totoo,” sabi pa niya.
“Oo na,” nangingiting pagsang-ayon na lamang ni Danica kay Rex.
Tumingin ang mag-nobyo sa labas ng bintana kung saan nakikita nila ang maaliwalas na kalangitan. Mas lalong isiniksik ni Danica ang sarili kay Rex kaya ramdam na ramdam nito kahit na nakasuot pa ng business suit kung gaano katipuno at kaganda ang hubog ng katawan ng nobyo. Ang tangkad pa, sa tingin nga niya, nasa anim ang taas nito kasi hanggang balikat lamang siya nito. Sabi nga niya sa sarili, maswerte siya at nakakita siya ng isang real-life prince charming. Gwapo, matangkad, maganda ang katawan, mahal na mahal siya at higit sa lahat, mayaman. Perfect na perfect para sa kanya.
Halos dalawang taon ng magkarelasyon sina Danica at Rex. Unang nagtagpo ang kanilang mga landas sa probinsya ng minsang mapapadpad roon si Rex, bente-sais anyos, dahil may pupuntahan itong isang kaibigan at charity work na rin. Sa panahong ‘yon, boyfriend niya pa si Edward pero noong magtama sila ng mga mata, nakalimutan niyang may boyfriend siya dahil talaga namang tinamaan siya kay Rex. Kung love at first sight man ang tawag sa ganoon, ‘yon nga ang nangyari kay Danica.
Mahal ni Danica si Rex at ramdam rin naman niya na mahal na mahal siya ng nobyo. Pero bukod sa mahal niya ito, mas mahal niya ang perang meron ito sa bulsa. Wais lang siya mag-isip, siyempre, kung magmamahal lang naman siya, dapat doon sa lalaking may kwarta.
Hindi kagaya ng dati niyang nobyo na puro pagmamahal lang ang kayang ibigay sa kanya. ‘Habambuhay ba kong mapapakain ng pagmamahal niya? Kaloka!’ isip-isip ni Danica.
Hindi gaya ni Edward na may alam sa relasyon nila ni Rex, si Rex ay walang alam na nu’ng naging girlfriend siya nito, may relasyon pa rin sila ng ex niya. Talagang itinago niya ito para hindi makasira sa imahe niya at makaapekto sa relasyon nila ni Rex. Saka hindi naman na niya kailangang ipaalam pa iyon. Hindi naman mahalaga para sa kanya.
Speaking of Edward, bahagyang napailing-iling na lamang si Danica. ‘Hindi ko na dapat iniisip pa ang lalaking iyon. Hindi ko na dapat iniisip ang pagkamatay niya. Wala akong kasalanan sa nangyari dahil aksidente lang ang nangyari at kung may dapat mang sisihin sa nangyari sa kanya, siya lang ‘yon at wala ng iba pa,’ sambit ni Danica sa kanyang isipan.
“Oo nga pala, we need to plan for our wedding,” sabi ni Rex na bahagyang ikinagulat ni Danica.
“W-Wedding?” tanong ni Danica na biglang kinabahan sa sinabi ni Rex.
“Oo.” sagot ni Rex saka ngumiti.
Ngumiti si Danica. “Hindi ka pa nga nagpro-propose, wedding na kaagad ang iniisip mo,” aniya.
“Kailangan pa ba iyon?” nakangiting tanong ni Rex.
“Of course!” sagot ni Danica. “Pangarap ko rin naman na hingiin ang kamay ko ng lalaking mahal ko, ‘no,” sabi pa niya nang nangingiti ang labi.
“Hindi na kailangan ‘yon, dahil matagal ko naman ng nakuha ang kamay mo,” nakangiting wika ni Rex. “Saka isa pa, ramdam mo naman na mahal na mahal kita at ikaw lang ang kaisa-isang babaeng gusto kong makasama habang buhay. Bahagi lang naman iyong pag-propose sa pagpapakasal. Basta, mahal kita. Hindi pa ba sapat ‘yon sa’yo?” tanong niya pa.
Napanguso si Danica. “Sapat na… pero-”
“Iyon naman pala. Basta ang mahalaga pakakasalan kita kahit sa lahat ng simbahan pa,” nangingiting sabi kaagad ni Rex.
Napangiti na lamang si Danica at hindi na itinuloy ang sasabihin niya. ‘Okay na rin siguro na hindi siya mag-propose, at least magiging buhay reyna naman ako kapag naging misis na niya ko. Hihihi!’ aniya sa kanyang isipan.
“Sige na nga. Siguro kaya ayaw mong mag-propose sa akin ay dahil sa nahihiya ka,” sabi ni Danica saka ngumuso. Natawa naman si Rex at mas hinigpitan ang yakap kay Danica. Mahal na mahal niya talaga ang kanyang nobya.
---
Nakatayo nang tuwid si Angelo. Nakatitig siya sa lapida ng kuya niya. Hindi na ito lumuluha pero bakas sa mukha niya ang labis na lungkot at paghihinagpis sa pagkawala nito sa buhay niya.
Nakalipas na ang ilang araw. Natapos na ang burol at libing at ngayon nga ay tuluyan nang naibaon sa lupa ang katawan ng pinakamamahal niyang kuya.
Ngumiti nang mapait si Angelo. “Patawarin mo ako kung hindi man lamang kita naipagtanggol at nailigtas, Kuya,” malungkot na wika niya. Kasing-lamig ng yelo ang boses niya. “Pero pangako, aalamin ko ang buong katotohanan tungkol sa pagkamatay mo dahil hindi ako naniniwala na aksidente lamang ang lahat. Malakas ang kutob ko na may kinalaman siya sa nangyari sa’yo,” mariing bulong niya pa. Naisip niya si Danica, may namumuong matinding galit sa kanyang dibdib.
Tumingala si Angelo. Tinitigan niya ang langit. “Patawad pero mapapako ko ang pangako kong habang buhay kitang paglilingkuran,” nalulungkot na sabi niya. “Hindi ako pwedeng patuloy na maglingkod sa’yo ng may matinding galit sa dibdib ko,” aniya pa.
Dahan-dahang bumaba ang tingin ni Angelo at iniwas ang tingin sa kalangitan. Huminga siya ng malalim. Ilang sandali pa ay tiningnan niya ulit ang libingan ni Edward. Pinilit niya itong ningitian.
“Ikaw na ang bahala na magpaliwanag sa Kanya,” bulong ni Angelo. “Sana maintindihan niyo ko sa desisyon kong ito,” hiling niya pa.
Muli na lamang huminga nang malalim si Angelo. Nabalot siya ng katahimikan at ang paligid niya.