Nagulantang na lang si Danica ng makarinig siya ng malakas na kalabag nang pagbukas ng pintuan. Napatigil siya sa pag-aayos ng mga gamit niya at mabilis na lumingon sa may pintuan ng bahay niya at nanlaki ang mga mata niya sa gulat ng makita niya si Edward na papasok nan g bahay. Kaagad siyang napatayo sa inuupuang sofa saka nilapitan ang binata.
“Anong ginagawa mo rito sa bahay ko?!!!” malakas na singhal na tanong ni Danica kay Edward. Napansin niyang namumula ang buong mukha nito at pasuray-suray na naglalakad palapit sa kanya. “At ang lakas pa ng loob mong pumunta rito ng lasing!!!” sigaw pa niya nang huminto siya sa paglalakad.
Parang walang narinig si Edward sa mga sinabi ni Danica. Patuloy pa rin ito sa paglapit sa kanya habang nakatingin ang mga mata nitong namumungay at namumula dahil sa kalasingan. Mas lalong nagulat pa si Danica ng bigla siyang hawakan ni Edward sa magkabilang balikat niya nang tuluyan itong lumapit sa kanya.
“Ano ba?!!! Bitawan mo nga ako!!!” malakas na hiyaw ni Danica sabay marahas na pagpiglas pero hindi siya nakawala sa mga hawak ni Edward dahil sa higpit ng hawak nito sa kanya.
“Mahal na mahal kita Danica! Please! Huwag mo namang sanang gawin ito sa’kin! Huwag mo akong iwan! Nagmamakaawa ako sa’yo!” nagmamakaawang sambit ni Edward.
Lumukot ang mukha ni Danica. “Ano bang mahirap initindihin sa sinabi ko, Edward? Tapos na tayo! Hindi na kita mahal kaya dapat lang na tapusin ko na ang kung anumang meron sa ating-”
“Hindi!!!” malakas na sigaw ni Edward na halos nagpatalon naman kay Danica. “Hindi pwede! Mahal kita at hindi ganun kadali na pakawalan ka! Pitong taon… halos pitong taon kitang minahal at hanggang ngayon ay patuloy na minamahal kaya hindi kita pakakawalan!” mariing sabi pa niya habang titig na titig sa mga mata ni Danica.
Tinaliman ni Danica ang tingin niya kay Edward. “Pwes, ako, hindi na kita mahal. Ilang beses ko pa bang dapat iyong sabihin sayo, huh? Lumiit na ba lalo ang kakarampot mong utak para hindi mo na maintindihan ang mga sinabi ko? Hindi na kita mahal kaya dapat na hiwalayan-”
Hindi na naipagpatuloy ni Danica ang sasabihin nang mabilis siyang sunggaban ng halik ni Edward sa kanyang labi. Nagpupumilit ito na iparamdam kay Danica ang matindi niyang pagmamahal. Kuntodo naman ang iwas ng mukha ni Danica para hindi siya mahalikan ni Edward.
“Ano ba?!!! Tigilan mo na ako!!!” hiyaw na utos ni Danica kay Edward habang tinutulak-tulak niya ito sa dibdib para lumayo sa kanya.
“Hindi kita titigilan! Mahal kita at hinding-hindi kita titigilan hangga’t hindi ka bumabalik sa piling ko. Please! Bumalik ka na sa akin. Sige, kahit na may relasyon na kayo ng bago mo, sige lang ituloy mo lang basta huwag mo lang akong iwanan!” tuloy-tuloy at nagmamakaawang sabi ni Edward. Kahit lasing ay nakikita pa rin dito ang sobrang sakit na nararamdaman dahil sa ginagawang ito sa kanya ni Danica.
“F*ck! Pwede ba! Bakit ko naman gagawin iyon gayong ayoko na sa’yo?! Mas masaya na ako sa kanya at hindi ko na kailangan pa ang isang kagaya mo kaya please lang-”
Mas lalong nagpumilit si Edward na mahalikan ang labi ni Danica. Nasa espiritu siya ng alak at kahit na alam niyang mali ang ginagawa niya ngayon, wala na siyang pakiealam. Ayaw niyang iwan siya ni Danica. Hindi niya kakayanin na iwan siya ng pinakamamahal niyang babae.
“Ano ba, Edward?! Tumigil ka na!!!” malakas na sumigaw si Danica na pilit nagpupumiglas pa rin mula kay Edward.
Patuloy pa rin sa paghawak at pagpipilit si Edward na mahalikan si Danica. Hindi na nakapagpigil pa si Danica, buong lakas niyang itinulak si Edward para tigilan na nito ang ginagawang pamimilit na paghalik sa kanya. Ngunit sa malakas niyang pagtulak na iyon ay hindi sinasadya na bumagsak si Edward ng sobrang lakas at tumama pa ang ulo sa edge ng mesa na nasa gitna ng living room.
“Oh my gosh!!!” gulat na gulat na hiyaw ni Danica at napatakip pa ng mga kamay sa bibig. Nanlalaki ang mga mata niyang nakatingin ngayon kay Edward na nakahandusay na sa sahig at duguan ang ulo. “M-Mukhang napalakas ang tama sa ulo niya kaya nagdugo,” nanginginig na bulong pa niya.
Nanginginig sa takot si Danica. Masama man siya pero hindi niya kailanman inisip na pwede siyang makapatay ng tao. Mabilis siyang lumuhod saka dinaiti ang mga daliri niya sa gilid ng leeg ni Edward at tiningnan kung buhay pa ang binata. Sinalat-salat pa niya ang leeg at pulso nito sa kamay.
“Edward! Edward gumising ka!” natatarantang hiyaw ni Danica na sinampal-sampal pa ang magkabilang-pisngi ng mukha nito para magising. “Hoy! Gumising ka! Hindi ako pwedeng makapatay ng dahil lang sa’yo!” sigaw pa niya.
Hindi dumilat si Edward. Nanatiling nakapikit ang mga mata nitong tila wala ng buhay.
“Hoy! Edward! Edward!” mangiyak-ngiyak na paulit-ulit na pagtawag ni Danica pa sa pangalan ni Edward. Inilapat pa niya ang kanang tenga niya sa dibdib nito para marinig niya kung tumitibok pa ang puso nito at humihinga. At mas lalo siyang nakaramdam ng takot ng wala siyang marinig.
“Edward! Edward! Hindi ka pwedeng mamatay! Hindi kita pwedeng mapatay!” panay ang sigaw ni Danica. Naging masama man siya kay Edward pero hindi niya ninais na patayin ito. Kahit sa hinagap ay naisip niya iyong gawin sa dating karelasyon.
Pamaya-maya ay mabilis na tumayo si Danica. Tinakpan niya ang kanyang bibig gamit ang kanan niyang kamay.
“Ano’ng gagawin ko ngayon? Ano’ng gagawin ko? Masisira ang buhay ko nito oras na malaman nila na ako ang nakapatay sa kanya,” natatarantang bulong ni Danica habang nanghihilakbot siyang nakatingin kay Edward na nakahandusay pa rin sa sahig.
Napapikit ng mga mata si Danica. Pilit niyang pinapakalma ang kanyang sarili. Nag-iisip siya kung ano ng gagawin niya. “Kailangan kong makapag-isip ng maayos sa mga susunod kong gagawin. Walang pwedeng makaalam sa nagawa ko,” bulong pa niya. “Hindi ko naman ‘to sinasadya kaya… kaya…” huminga na lang ulit siya ng malalim.
Pamaya-maya ay nakaisip na si Danica. Marahas na pinunasan niya ang kumawalang luha mula sa kanyang mga mata saka idinilat din ang mga ito. Dali-dali siyang pumunta sa kusina at naghanap siya ng gloves na pwede niyang suotin. Nakakita siya nito sa itaas na cabinet. Isinuot niya sa kanyang mga nanginginig na kamay ang pares ng itim na gloves. Kumuha na rin siya ng basang bimpo at palangganang may tubig. Pagkakuha ay kaagad siyang bumalik sa living room. Madiin na pinunasan niya ang lahat ng nagkalat na dugo sa sahig at ang lamesa na may bakas ng dugo ni Edward. Pinunasan niyang mabuti ang lahat ng gamit na naroon sa loob ng sala at sinigurong wala ng dugo ni Edward ang nandoon.
“Wala akong ititirang bakas para walang ebidensya,” ani Danica na patuloy sa madiin na pagpupunas gamit ang basahang hawak niya. “Walang pwedeng makaalam na ako ang may gawa ng nangyaring ito sa kanya,” bulong pa niya.
Pinunasan din ni Danica ang buong katawan ni Edward at tinanggal ang dugo na nagkalat rito. Kinuskos niya iyon ng mabuti at puno ng diin habang naluluha ang kanyang mga mata. Matapos niyang punasan ang katawan ni Edward ay hinubaran niya ito at pinalitan ng suot na damit. Matapos niyang punasan si Edward ay bumalik siya sa kusina. Inilagay niya sa isang malaking lata ng pintura ang bimpo at mga damit ni Edward. Kumuha siya ng pospro at sinindihan ito.
Pinanuod ni Danica ang pagkasunog ng lahat ng bagay na inilagay niya sa may lata. Hinintay niyang maubos ito ng apoy at maging abo ang mga ito.
Hindi nagtagal ay nasunog na ang lahat ng damit at ginamit niya sa pagpupunas at abo na lamang ang natira. Humugot ng sobrang lalim na hininga si Danica. Itinapon niya sa lababo ang abo na nasa lata saka hinugasang mabuti ito. Tinanggal niya ang abo sa lababo at hinugasan niya ito ng mabuti at siniguro niyang walang maiiwan na bakas na kahit ano. Inilagay niya ang malaking lata sa ilalim ng sink saka pagkatapos ay bumalik siya sa sala.
Sandaling tinitigan pa ni Danica si Edward saka niya buong-lakas na hinila ito na ngayon ay wala ng buhay. Hawak-hawak niya ang dalawang kamay nito habang pilit niya itong hinihila palabas ng bahay.
Pagkalabas ng bahay ay bumungad sa paningin ni Danica ang kadiliman ng paligid. May mga mangilan-ngilang ilaw na nagbibigay liwanag sa daan at liwanag ng buwan. Buong-lakas siyang naglakad habang hila-hila pa rin si Edward. Pinipilit niyang hindi makagawa ng sobrang ingay para hindi rin siya makakuha ng atensyon.
Hinila ni Danica ang walang buhay na katawan ni Edward palayo sa bahay niya. Sampung minuto ang ginugol niya sa paglalakad at sa wakas ay nakarating na siya sa lugar na balak niyang pag-iwanan ng katawan ni Edward. Nakaramdam siya ng pagod pero hindi na niya iyon ininda pa.
Nakatingin si Danica sa ibaba habang hinahabol ang kanyang paghinga dahil sa paghingal. Hindi nagtagal ay hinila niya ulit ang walang buhay na katawan saka ito itinulak at ibinagsak roon ang katawan ni Edward.
Tinitigan ni Danica ang walang buhay na katawan ni Edward na nakahandusay sa ibaba. “Hindi ko sinasadya. Wala akong kasalanan. Aksidente lang ang lahat,” nanginginig na sambit niya. Hindi niya isinisi sa sarili ang nangyari para hindi siya makonsensya. “Kasalanan mo ‘to Edward, kung hindi ka lang pumunta sa bahay ng lasing pa ay hindi ka sana mamamatay. Kung hindi mo lang ako pinipilit sa gusto mo, wala akong magagawang masama sa’yo. Kasalanan mo ang lahat, wala akong kasalanan. Ipinagtanggol ko lang ang sarili ko laban sa’yo,” madiin na wika niya. “Walang akong kasalanan. Wala akong kasalanan. Wala akong kasalanan,” paulit-ulit na bulong niya pa.
Tumingin-tingin sa paligid si Danica. Wala ng tao nu’ng mga oras na iyon dahil gabi na at ganoon ang buhay sa probinsya kapag pasado alas-otso o alas-nwebe na dahil nasa loob na ng bahay ang lahat at mahimbing na natutulog. Muli siyang naglakad nang mabilis palayo sa dinalhan niya kay Edward. Sinipa-sipa niya ang mga bato at buhangin sa nilalakaran niya para wala ring maging bakas nang paglalakad niya.
Nakauwi muli sa bahay si Danica. Naghanap siya ng bote ng alak na laging iniinom ni Edward. Nakahanap siya nito sa ilalim ng sink. Kinuha niya ito saka muling lumabas sa bahay. Tiningnan niya ang kanyang dinaanan. Mabuti na lang at walang tumulo na dugo ni Edward. Sinipa-sipa niya muli ang mga bato para magkahalo-halo ang mga ito saka muli siyang naglakad at bumalik sa kinaroroonan ni Edward.
Inihagis ni Danica ang bote ng beer, siniguro niyang malapit ito sa bangkay ni Edward. Nabasag ang bote sa tabi ng bangkay nito. Palalabasin niyang lasing na lasing si Edward kaya nahulog ito at nabasag ang ulo.
Huminga nang malalim si Danica habang nakatitig kay Edward. “Patawarin mo ako pero kailanman, hinding-hindi nila malalaman na napatay kita. Hinding-hindi mabibigyang katarungan ang pagkamatay mo. Kasalanan mo rin naman kung bakit ka nalagay sa ganyang kalagayan,” madiin na saad ni Danica. Hindi nagtagal ay umalis na siya sa lugar na ‘yon saka tuluyang iniwanan si Edward.
Bago umuwi ng bahay ay dumaan si Danica sa tabing ilog na hindi naman kalayuan. Doon ay inihagis niya ang itim na gloves na ginamit niya na ngayon ay inagos na ng tubig palayo. Napangisi siya. “Walang ebidensyang makikita,” aniya saka umalis na sa lugar na iyon.
Nagmamadaling inayos ni Danica ang mga natitira pa niyang gamit. “Kailangan ko nang makaalis rito at makapunta na ng Maynila para hindi ako paghinalaan na gumawa ng krimen. Palalabasin kong nasa Maynila na ako ng mga oras ito para matibay ang maging alibi ko,” aniya.
Pagka-ayos ng mga gamit sa bag ay mabilis na naligo at nag-ayos ng sarili si Danica. Mabuti na lamang at walang dugo ang mga damit niyang suot dahil talagang iniwasan niya na mabahiran ito ng dugo ni Edward. Nilagay niya rin sa bag ang mga marurumi na suot kanina para hindi rin ito maimbestigahan ng mga pulis. Pagkatapos ng lahat ng ginawa niya ay handa na siya para umalis. Pinasadahan niya nang tingin ang buong bahay niya na hindi naman ganoon kalaki at gawa sa bato. Naipundar niya ito buhat sa pagtatrabaho niya sa pabrika at sa tulong na rin ni Edward.
“Paalam. Iiwan ko na dito ang lahat ng alaalang nag-uugnay sa akin at sa lugar na ito. Sa pag-alis ko, isang bagong Danica na ang makikilala niyo,” mariing sambit ni Danica bago niya i-off ang ilaw at isara na ang pintuan ng bahay.
Dali-dali nang umalis si Danica sa lugar na ‘yon.
---
Nagulat si Angelo ng bigla niyang maibagsak ang hawak na baso ng tubig na sana ay iinumin niya. Hindi niya maipaliwanag pero nakaramdam siya ng nakakatakot na kaba.
“May problema ba, Brother Angelo?” nagtatakang tanong ni Father Ryan na kasabay nila ngayong kumain sa hapag-kainan. Magkakasabay na kumakain ang lahat ng seminarista. “Nabagsak mo ang baso mo at nabasag. Mukhang nanghihina ka,” wika pa ng pari na nag-aalala sa kanya.
“Oo nga, Brother Angelo,” wika naman ni Christian na kapwa seminarista niya.
Salitang tiningnan ni Angelo si Christian at Father Ryan. Ningitian niya ang mga ito ng maliit. “Wala naman,” sagot niya. “Nagtataka nga ako kung bakit nabagsak ko ang baso. Saka nakaramdam ako ng kaba ng dahil dun,” aniya pa.
Tipid na napangiti si Father Ryan. “Huwag mo na lang pansinin. Kumain ka na lang muna diyan at mamaya mo na linisin ang nabasag na baso,” wika niya.
Napatango na lang si Angelo at nagpatuloy na lamang kumain pero hindi naaalis ang kabang nararamdaman niya.
Habang tahimik na kumakain ay nagulantang na lamang silang lahat nang biglang dumating ang isa sa mga tauhan ng simbahan na humahangos pa palapit sa kanila. Napatigil silang lahat sa pagkain.
“Patrick, bakit humahangos ka?” nagtatakang tanong ni Father Ryan sa kararating na si Patrick.
Pinakalma muna ni Patrick ang sarili at pinigilan ang paghingal dahil sa matinding pagtakbo. Pamaya-maya ay tumingin ito kay Angelo na kinabahan naman lalo dahil sa pagtingin ng binata sa kanya.
“Brother Angelo, ang Kuya mo,” ani Patrick.
“Anong nangyari kay Kuya?” tanong ni Angelo na mabilis napatayo sa inuupuan. Pati ang iba ay na-curious sa kung anong sasabihin ni Patrick tungkol sa kuya ni Angelo.
“A-Ang Kuya niyo, natagpuang patay sa bangin,” nanlulumong sagot ni Patrick na ikinagulat pati na rin ng mga kapwa kasama sa hapagkainan at ikinapanlumo ni Angelo. Literal na nag-unahan ang mga luha niya sa pagpatak.
“A-Ano’ng sinabi mo? Natagpuang patay? Patay na ang kuya ko?” mga tanong ni Angelo sa garalgal na boses. Hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig na tila isang bangungot.
“Totoo ba ang sinasabi mo, Patrick?” pagtatanong naman ni Father Ryan na hindi rin makapaniwala sa ibinalita sa kanila ng binata. Lahat sila ay hindi makapaniwala sa biglaang nangyari.
Hindi nagsalita si Patrick sa halip ay tumango lang ito bilang sagot sa tanong nila.
Napaupong muli si Angelo sa upuan dahil sa panghihina ng tuhod niya sa narinig. “Hindi maaari. Hindi pwede. Hindi pwedeng mamatay ang kuya ko. Pupunta pa siya sa ordination ko at magiging bisita ko sa unang misa ko. Hindi siya pwedeng mawala. Hindi… hindi… hindi,” mababakas ang labis na panlulumo sa kanyang boses.
“Brother Angelo-”
Mabilis na tumayo si Angelo sa inuupuan at walang sabi-sabing tumakbo palayo… palabas ng monasteryo.
“Brother Angelo!!!” sigaw na pagtawag ni Father Ryan kay Angelo. Napatingin ito sa mga kasama. “Halina kayo at sundan natin si Brother Angelo,” utos niya na sinunod naman ng mga kapwa seminarista ni Angelo.