"Bakit napaka-manhid mo?"
Natigilan ako sa tanong niya at napatitig sa mukha niya. Ano bang sinasabi niya? Ako? Manhid?
"A-Ako? Manhid?" kunot noo kong tanong sabay turo pa sa sarili ko.
Walang buhay itong ngumiti. "Bakit? Hindi ba? Nasa iisang tao lang kasi nakatutok ang pandama mo, kaya hindi mo na mapakiramdaman ang ibang tao sa paligid mo.."
Naguguluhan ako sa sinabi niya pero may kung ano sa 'king nakakaintindi sa sinasabi niya. Ang gulo naman. Napatitig ako nang husto sa kaniya at gano'n din naman siya, tila ayaw magpatalo. Pinipilit kong basahin ang emosyon sa mga mata niya pero wala talaga akong makita.
Huminga ako nang malalim bago nag-iwas ng tingin. Sinasabi niya bang... naka-focus lang sa iisang tao ang mga mata ko at hindi ko nakikita ang kung sinuman sa paligid ko? At dahil sa iisang tao lang ako nakatingin ay ito lang ang nararamdaman ko samantalang balewala lang ang sinuman na 'yun sa paligid ko?
Hindi kaya...
Napatingin ulit ako kay Joshua. 'Yung mga pang-aasar niya sa 'kin at sa panglilibre niya palagi sa 'kin ng pagkain. Sa palagi niyang pagbuntot sa kung saan man ako magpunta. Sa mga araw na kailangan ko nang kausap at isang tawag lang ay nand'yan kaagad siya sa tabi ko. Sa pagiging malapit niya sa 'kin..
"May gusto ka ba sa 'kin?" tanong ko. Kusa nalang 'yung lumabas sa bibig ko na maging ako ay hindi din makapaniwala.
May gusto nga ba siya sa 'kin??
Nakita kong bahagya itong natigilan sa tanong ko ngunit agad ding nakabawi. Umiling iling ito bago nag-iwas ng tingin.
"Joshua...m-may gusto ka ba sa 'kin?"
Kung magkataong tama nga ang hinala ko ay hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko. Hindi ko minsan inisip na magkakagusto sa 'kin ang kaibigan ko. Aaminin kong minsan akong humanga sa kaniya ngunit hindi 'yun nagtagal dahil naging mas komportable akong ituring siya bilang kapatid. Hindi naman ako nagpapakita ng motibo sa kaniya para magustuhan niya.
"Maghanda kana. Baka magsimula na ang opening, mag-pe-perform pa tayo. Good luck."
Hindi ako nakapagsalita nang bigla nalang niyang tapikin ang likod ko bago ito naglakad palayo.
Nagpakawala ako nang malalim na hininga.
Bakit 'di niya sinagot ang tanong ko? Gano'n ba 'yun kahirap sa kaniya?
Sinundan ko ng tingin ang papalayong likod ni Joshua. Kung may gusto nga siya sa 'kin...bakit 'di siya nagsasabi? Pero siguro kung sasabihin man niya sa 'kin noon na may gusto siya sa 'kin, ay baka posibleng magbago ang turingan namin sa isa't isa. Maaaring magkailangan kaming dalawa.
Lutang akong nakarating sa building namin. Agad akong dumiretso sa locker para kunin ang damit kong sabi ni Kyler ay nilagay niya na daw do'n.
Nakangiti kong kinuha ang paper bag sa loob ng locker ko. Iniisip ko palang na palagi kaming sabay na kakain, sabay na uuwi at magtatawanan ay para akong kinikiliti. Bigla'y nakalimutan ko ang isipin tungkol sa sitwasyon ni Joshua.
Boyfriend ko na si Kyler. Akalain mong nakatitigan ko lang noon, akin na ngayon? Ang corny Salve! Pero nakakakilig naman haha.
"Hala, nasiraan na yata 'to oh! Nginingitian na ang locker!"
Nagulat ako sa biglang pagsulpot ni Camille sa gilid ko. Agad naman akong ngumiwi para itago ang mga ngiti ko.
"Gagi, hindi locker ang nginingitian ko ah! Hindi pa naman ako takas mental 'no!" pagdipensa ko.
"Ah talaga ba, Salve?"
Inirapan ko nalang ang bruha bago magpatuloy sa pagkuha ng gamit sa locker.
"Ibalik mo 'yung sukli ko Camille!"
Boses ni Leean. Nakita ko itong nakasimangot habang papalapit sa gawi namin. Napatingin tuloy ang ibang mga estudyante dahil sa lakas ng boses niya.
"Wala nang sukli! Balato mo nalang sa 'kin 'yun!" wika naman ni Camille na ngingiti-ngiti, tila nag-eenjoy sa ginagawa.
"Bruha ka, 500 pesos lang ang pustahan natin! One thousand ang binigay ko sa 'yo, may sukli pa akong 500!" tuluyan na itong nakalapit sa gawi namin.
"Alam ko naman, Leean! Hindi naman na ako kinder para maging clueless sa subtraction!"
Mahina akong natawa sa sagutan nila. Malamang na ito 'yung pustahan na napanalunan ni Camille kanina.
"Akina kasi ang sukli ko!"
"Ayaw ko nga! 'Di ka naman gold!"
Matapos kong isara ang locker ko ay hinarap ko silang dalawa. "Ano ba 'yang pinagpustahan niyo?" usisa ko.
Agad na ngumiti nang malapad si Camille. Syempre, wagi ang bruha eh.
"Pinagpustahan kasi namin kung sino ang makakatuluyan mo sa kanilang dalawa.."
Nangunot ang noo ko. "Dalawa?"
"Mm, si Kyler at Joshua." para naman akong natigilan sa sinabi niya. "Boto ako kay Kyler, syempre. Tapos kay Joshua naman pumusta 'tong si Leean bruha."
Napatingin ako kay Leean. Ang kaninang nakasimangot na mukha ay napakaseryoso na ngayon. Hindi rin ito makatingin nang diretso sa mga mata ko. Bigla akong nanghinala.
"Una na 'ko. Baka nando'n na ang mga kasama ko sa back stage." paalam ko.
Agad na akong tumalikod at umalis ng building namin.
May alam ba siya? Hindi ko alam kung ano ba talagang mararamdaman ko. Parang hindi ako nasisiyahan kapag talaga ngang may gusto sa 'kin si Joshua, I mean karamihan kasi, nagagalak kapag may taong nagtatapat ng nararamdaman para sa kanila. Pero ako...ewan. Parang para sa 'kin ay hindi dapat. Hindi dapat magkagusto sa 'kin si Joshua. Hindi naman sa pinipigilan ko ang nararamdaman niya pero...bakit ako pa? Sa dinami dami ng babaeng pwede niyang magustuhan...bakit ako pa? Eh, puro pagpapalibre lang naman ang ginagawa ko sa kaniya.
"Hey, are you okay?"
Napatigil ako sa paglalakad nang marinig ang pamilyar na boses ni Kyler sa gilid ko. Nang lingunin ko ang lalaki ay bakas sa mukha nito ang pag-aalala.
Nagpilit ako ng ngiti.
"Oo naman."
Hindi ito nagsalita at tumitig lang sa 'kin kaya napaiwas ako ng tingin. 'Di ko namalayang nasa harap na pala ako ng pinto ng backstage.
Liningon ko uli ang lalaki. "Naka-set up na ba ang banda?"
"Yeah, naghihintay nalang sa go signal." napatango nalang ako.
Dahil sa hindi naman malayo ang distansya namin sa isa't isa ay madali niya lang akong naikulong sa malalaki niyang braso.
Bigla akong napalingon sa paligid. Mabuti nalang at walang masyadong taong nagagawi sa lugar kung saan kami nakatayo.
"May problema ka ba? Mukhang lutang ka."
Mahina akong natawa bago gumanti ng yakap sa kaniya.
"May problema daw tapos lutang? Patawa ka,"
Naramdaman ko ang pagpatong niya ng baba niya sa ulo ko. Agad namang sumikdo ang puso ko nang dahil do'n.
"Seryoso...may problema ba? Anong iniisip mo?" napalunok ako sa masuyo niyang boses.
Nang dahil sa tanong niya ay bigla kong naalala ang pinag-usapan namin kanina ni Joshua. Nagsimula na namang maglayag ang isipan ko tungkol sa mga bagay bagay.
"Salve..."
Napalunok ako. Sasabihin ko ba kay Kyler ang laman ng isipan ko? Pero base sa mga nababasa kong mga sikat na nobela, dapat daw may tiwala ka sa boyfriend mo. Hindi ka daw dapat na maglihim sa kaniya dahil 'yun daw ang posibleng magiging dahilan ng pagliit ng tiwala nito sa isa't isa.
"Kyler may tanong ako.." biglang usal ko.
Humiwalay ito nang bahagya sa 'kin upang mapagmasdan ang mukha ko.
"'Wag lang tungkol sa takbo ng ekonomiya ng bansa.."
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Ilang minuto ko pa itong inisip bago ko ito unti unting maintindihan.
Mahina nalang akong natawa. Hindi ko talaga alam kung kailan bumabanat ng patawa 'tong si Kyler.
Muli akong sumeryoso nang tingin sa kaniya. "Paano kung...may ibang magkagusto sa 'kin? A-Anong gagawin mo Kyler?"
Ilang sandali pa itong tumitig sa mga mata ko. Hindi ko alam kung paano kong nakayanan ang mga titig niyang 'yon. Kalauna'y mahina itong natawa na para bang isang patawa para sa kaniya ang sinabi ko.
"Damn, paano mo naman nasabi 'yan?" natatawang aniya.
Bwisit.
Nag-iwas ako ng tingin dahil pakiramdam ko kahiya hiya ang tanong ko. Pero nagtatanong lang naman ako ah? Paano kung totoo ngang...may gusto sa 'kin si Joshua? Gusto ko lang namang makita ang magiging reaksyon niya eh. Kingina naman.
"Wala nang iba pang may magkakagusto pa sa 'yo, Kwago ko..."
Bakit ba kahit korni na korni ako sa palayaw niya sa 'kin ay nagagawa ko pa ring kiligin sa loob loob ko? Malala na talaga ako, shems.
"P-Paano mo naman nasabi?" tumingin ako sa kaniya.
Mula sa kaninang natatawa ay bigla nalang sumeryoso ang mukha niya. Sabi ko nga, siya na ang madaling magpalit ng mood.
"Simple lang..." napasinghap ako nang bigla nitong inilapit ang mukha niya sa mukha—tenga ko pala. Akala ko sa mukha, sa tenga ko naman pala ang diretso. Teka, bakit may panghihinayang Salve?
"I will give them death threats..." Nanlaki ang mga malalaki kong mata sa ibinulong niya.
Seryoso ba siya?!
"U-Ulol ka!" mahina kong sigaw dito. Bahagya ko pang tinampal ang braso niya.
Umayos na ito nang tayo at pinakatitigan akong mabuti. Ako naman ay tumingala.
"You know, I can be a criminal for you." balewalang aniya.
"S-Siraulo ka ba ha?" nauutal kong tanong.
Paano nalang kung totoo ngang may gusto sa 'kin si Joshua? Bibigyan niya talaga ng death threats gano'n? Nakakaloka.
"Siraulo nang dahil sa 'yo? Maybe." Nagkibit balikat pa ang luko.
"Seryoso ako Kyler..."
"Seryoso din ako, Salve. Kahit sino pa ang magkagusto sa 'yo...bibigyan ko ng death threats layuan ka lang."
Napatingin ako nang diretso sa kaniya. Bakit ganito? Bakit kinikilig ang puso ko?! Shuta naman! Wala na bang kaubusan ang kilig ko sa katawan?
"Kahit palakihin ko pa lalo ang mga mata mo para lang walang magkagusto sa 'yo eh gagawin ko eh."
"Abnormal!"
Seryoso ba talaga siya sa mga sinasabi niya? Hindi ko akalaing maririnig ko ang mga bagay na 'yan sa kaniya. At mas lalong hindi ako makapaniwala na kaya niyang gawin ang mga bagay na 'yun nang dahil sa 'kin? Gano'n na ba kalala ang nararamdaman niya para sa 'kin na willing siyang gawin lahat?
"Tell me..." muli akong napatingin nang diretso sa kaniya.
"Bakit mo naitanong 'yan? May iba pa bang nagkakagusto sa 'yo maliban sa 'kin?"
Napalunok ako nang mariin sa tanong niya. Bigla'y hindi na ako makatingin pa nang diretso sa mga mata niya. Sana pala hindi nalang ako nagtanong.
"W-Wala ah! Naitanong ko lang talaga!"
"Bakit hindi ka makatingin nang diretso sa 'kin? Tell me you're lying, Salve."
"H-Hindi ako nagsisinungaling, Kyler."
Narinig ko ang pagbuntong hininga nito kaya wala sa sariling napatingin ako sa kaniya. Hindi na ito nakatingin sa 'kin ngayon. Ang mukha niya ay napakaseryoso na, na parang hindi man lang tumawa kanina.
Galit ba siya?
Ngayon lang ako pumasok sa isang relasyon kaya hindi ko alam ang mga ganitong bagay. Hindi ko alam kung kailan nagagalit ang isang lalaki at kung ano ang dapat kong gawin para mawala ang galit nito.
"G-Galit ka ba...Kyler?" mahina kong tanong.
Hindi ito nagsalita at hindi rin tumingin sa gawi ko. Tikom na tikom ang bibig niya na tila wala yatang balak na ibuka.
"Kyler..." nang hawakan ko ang damit niya ay saka lang ito tumingin sa 'kin.
"'Wag ka nang magalit...k-kasi...kahit na marami pa ang magkagusto sa 'kin...ikaw pa rin naman ang pipiliin ko." nakagat ko ang pang ibang labi ko.
Hindi ko alam kung tama ba itong ginagawa ko. Pero may kung ano sa dibdib ko na nagsasabi na ipagpatuloy ko lang ang aking ginagawa. Nag-iwas ako ng tingin. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng lungkot nang makitang wala man lang akong makitang emosyon sa kulay tsokolate niyang mga mata. Nawala ang kislap na kanina'y kitang kita ko.
Hindi ko naman kasi alam na ganito pala siya magalit.
"Pangako 'yan, Kyler."
Napatingin ako bigla sa kaniya nang bigla niyang hawakan ang baba ko upang iharap sa kaniya. Napalunok ako bigla.
"Hindi ako galit, Salve."
Nangunot ang noo ko.
"H-Ha?"
Huminga ito nang malalim. "Nag-iisip lang ako kung paanong death threat ang gagawin ko kapag nalaman ko kung sino pa ang may gusto sa 'yo—aray!"
Sinabunutan ko ang buhok niya. "Sira ulo ka! Akala ko pa naman ay nagalit ka!"
Mahina itong natawa. Ang bilis niya talagang magbago ng mood. Kainis.
"Pero infairness, ang galing mong sumuyo..."
Pakiramdam ko namula ako sa sinabi niya.
"Tse! D'yan kana nga!"
Nauna na akong pumasok sa back stage sa kaniya. Narinig ko pa itong tumatawa. Napailing nalang ako. Magaling daw akong sumuyo...baka naman nang dahil do'n ay palagi nalang siyang magtampo para palagi ko siyang suyuin? Ang swerte naman niya. Samantalang siya ay isang beses palang akong sinuyo. Pakiramdam ko nga sinuhulan niya lang ako kagabi eh para mawala ang kapiranggot na inis ko sa kaniya. Amp, kung 'di lang ako nasiyahan sa merchandise ni JK!
Pero inaamin ko sa sarili ko na...hindi na talaga ako makakaahon pa mula sa pagkakahulog ko sa kaniya.
Nang makapasok sa backstage ay nadatnan ko doon ang dalawa pa naming kabanda na sina Kio at Bryan. Mahinang nagja-jamming ang dalawa.
"Mabuti naman nandito kana—kayo hehe." agad na napalingon si Kio sa likuran ko.
Ako naman ay nanatili sa set ng drum ang paningin.
"Pumunta dito si Leean. Pinapaghanda na daw tayo.." wika ni Bryan. Tumango nalang ako bilang sagot.
Naupo ako sa isa sa mga upuan na nakita ko. Medyo nagulat pa ako nang biglang tumabi sa 'kin ng upo si Kyler.
"Patabi," aniya.
"Ge lang." sagot ko naman.
Mula dito sa backstage ay dinig na dinig namin ang ingay ng mga tao sa labas. Sigurado akong mas marami na ang mga tao ngayon kumpara kaninang dumating ako.
Pansin ko din ang mga tingin ng dalawa sa aming dalawa ni Kyler. Panay ang sulyap nito sa gawi namin tapos magtitinginan at maghahagikhikan. Problema ng mga 'to?
'Di ko nalang ito pinansin at pinakiramdaman nalang ang katabi ko.
Wala kaming kibuang dalawa at tahimik lang na nakaupo. Hanggang sa maramdaman ko ang mahina nitong kalabit sa balikat ko.
"Bakit?" taka kong tanong nang lingunin ko ito.
"Naiinip na ako,"
Nangunot ang noo ko. "Oh tapos?"
"Libangin mo 'ko gano'n." aniya.
Mahina naman akong natawa. "Anong klaseng libang ba?"
"Kwentuhan mo 'ko tungkol sa 'yo—gusto kong marinig."
Napatitig ako nang husto sa kaniya. Parang may kung anong init ang lumukob sa puso ko nang sabihin niya 'yun kaya naman 'di ko na napigilan pa ang ngiting kumawala sa labi ko.
Umayos ako ng upo at tumingala kunyare. Ano namang i-ku-kuwento ko sa kaniya? Eh para sa 'kin, wala namang interesenteng nagaganap sa buhay ko maliban sa nagkajowa ako. Wew.
"Alam mo bang...hindi kami tunay na magkapatid ni Aldrin?" panimula ko.
Naramdaman kong lumingon ito sa akin ngunit hindi ko magawang salubungin ang mga tingin niya.
"What?"
Watwatin kita d'yan eh. Ror.
"Magkapatid lang kami ni Aldrin kay Papa tapos magkaiba ang Nanay namin." dagdag ko pa.
Napabuntong hininga ako. Kunti lang din ang nakakaalam ng tungkol sa sitwasyon ng pamilya namin. Wala naman kasing may nagtatanong at isa pa, hindi naman ako palakaibigan sa iba at pili lang din ang mga pinagkakatiwalaan ko.
Nang hindi ako nakatanggap ng respond sa kaniya ay nagsalita ako ulit. "Second family lang kami ni Papa, biological family naman niya sina Aldrin."
"How come?"
"Ang kwento ni Papa ay high school palang daw sila nang magkakilala sila ng tunay kong Ina. Hindi daw sila close no'n kasi hindi naman mahilig makipag-socialize si Mama sa mga tao —parang kagaya ko lang. Pero inaamin niya na unang tingin palang daw niya ay talagang... something na impact na sa kaniya noong magkatagpo ang mga mata nila." mahina akong natawa.
Nang wala ulit akong marinig na salita mula sa kaniya ay nagsalita ako ulit. "Pero hanggang third year nalang daw no'n si Mama ko sabi ni Papa dahil hindi niya na ito nakita pa hanggang sa matapos nalang si Papa at nag-college. At doon na nga sila na-arrrange ng Mama ni Aldrin. Wala nang nagawa pa si Paa no'n." huminto ako at huminga nang malalim.
"Hanggang sa muling nagkita sina Papa at Mama...hindi na pinakawalan pa ni Papa si Mama ko no'n—pero nalaman ni Mama na ikakasal na si Papa. Ang katwiran naman ni Papa ay arranged marriage lang daw 'yun ng mga magulang nila at hindi daw niya mahal ang Mama ni Aldrin kaya tinuloy nila ang relasyon nila.."
Kung iisipin ay parang ang komplikado ng love life ng Papa ko no'n. Gwapo yata noong mga panahon nila kaya pinag-aagawan. Parang kagaya ko lang—wew.
"Tago ang relasyon ng Mama at Papa ko no'n, nalaman lang ng lahat noong...nabuntis si Mama at isinilang ako.."
At doon na umeksena ang kyot na si ako.
"Nasa'n na ang biological mother mo?" seryosong tanong nito.
Dahan dahan ko siyang tinignan sa mga mata. Nagdadalawang isip pa ako kung sasabihin ko ba sa kaniya ang totoo o hindi—pero sa huli sa sinabi ko pa rin.
"Wala na..."
Nakita ko ang gulat sa kaniyang mga brown na mata. "Sorry.."
Mahina naman akong natawa at bahagyang tinampal ang pisngi niya. "Ano ka ba—ayos lang! Hindi ko rin naman nakita ang tunay kong Mama eh. Namatay kasi siya noong pinanganak ako. Nalaman ni Papa na matagal na palang may sakit sa puso si Mama na siyang ikinamatay niya...na namana ko rin." mahinang dugtong ko.
Nag-iwas ako ng tingin kay Kyler.
"W-What? May sakit ka sa puso?" gulat nitong tanong.
Nagulat ako nang bigla nitong hawakan ang magkabila kong pisngi gamit ang dalawa niyang malaking kamay upang iharap sa kaniya. Napalunok ako sa lapit ng mukha naming dalawa. Nakita ko pa sa peripheral vision ko ang mahinang tawanan ng dalawa, 'di kalayuan sa gawi namin.
"Salve..."
"M-May sakit ako sa puso, Kyler.." inilihis ko ang paningin ko sa kaniya. "Nawawalan ako ng malay kapag malakas na malakas ang kalabog ng puso ko...k-kagaya noong nahihimatay ako sa harapan mo."
Dahan dahang lumuwag ang pagkakahawak niya sa mukha ko hanggang sa tuluyan niya na ngang bitawan. Nag-iwas ito ng paningin sa 'kin.
"Hindi ko alam na may ganiyan ka palang iniinda, Salve.."
"Hindi ko naman kasi sinabi sa 'yo.."
Tumingin ito nang diretso sa 'kin. "Sabihin mo sa 'kin kung kailan ko napapalakas ang t***k ng puso mo, Salve...Hindi ko yata kakayanin kapag may mangyaring masama sa 'yo.." alalang aniya.
Hindi ako makapagsalita dahil sa sinabi niya. Sa loob loob ko... nakakaramdam ako ng saya. Matinding saya. Bakit ba ganito ang lalaking 'to? Heto't ang puso ko ay nagsisimula na namang tumakbo..
"Kyler..."
Bago pa ito makapagsalita ay biglang bumukas ang pinto. Pumasok si Leean.
"Mag-ready na daw kayo, malapit nang magsimula!"
Unti-unting bumalik sa tamang t***k ang puso ko. Nakatingin pa rin sa 'kin si Kyler kaya nag-iwas ako ng tingin dito.
"Kainis naman! Pangalawang balik mo na 'yan ah! Kanina, sabi mo magsisimula na tapos wala pa! Ang scam mo naman!" dinig kong sabi ni Kio.
Tumaas ang kanang kilay ni Leean sa sinabi ng binata. "Tumigil ka't baka masapak kita d'yan!"
"Whoa! Ang hyper kong kaibigan!" agaw pansin ko dito.
Ibinaling nito ang tingin nito sa 'kin. "Hoy ikaw bruha ka! Mag-uusap tayo mamaya!"
Tinuro ko ang sarili ko. "Ako?"
"Oo ikaw!" pasigaw niyang sagot. Mukhang wala sa mood ang bruha.
Napanguso nalang ako. Ano namang pag-uusapan namin? Tungkol sa sukli niyang five hundred na hindi binibigay ni Camille? Tsh.
Bago tuluyang umalis si Leean ay nakita ko pa ang makahulugang tingin nila ni Kyler. Seryosong nakatingin lang sa kaniya si Kyler.
Anong mero'n?
Bago pa ako makapagkomento sa tinginan nila ay tuluyan nang lumabas si Leean. Nang akma ko namang tatanungin si Kyler ay bigla nalang itong tumayo.
"Magbihis kana. May Cr naman d'yan." seryosong utos niya sa 'kin kaya wala na akong nagawa kundi ang sumunod.
Anong mero'n sa tinginan nila? Bakit parang...ang lalim?
Bago pa ako mag-overthink ay binilisan ko na ang pagbihis ko. Simple lang naman ang damit namin. Plain na black t-shirt lang. 'Yung sa kanila ay pantalon pero uniform samantalang 'yung sa akin naman ay skirt na hanggang tuhod.
Nang lumabas ako ng Cr ay sakto namang bukas ng pinto ng backstage. Nag-iwas ako ng tingin ng akmang magkakatinginan kami ni Joshua.
Inilagay ko nalang ang bag ko sa upuan na inupuan namin ni Kyler kanina. Naramdaman ko ang presensya niya sa likod ko.
Paano ko nga ba nakalimutang kasali pala sa banda ang tukmol na ito? At bakit ngayon lang ito dumating?
"Salve..."
"Bakit?" seryoso kong sagot, nakatalikod sa kaniya.
"Tungkol sa sinabi ko kanina..." napakaseryoso ng boses niya.
"Anong mero'n do'n?"
"Kalimutan mo nalang.."
Dahan dahan ang ginawa kong pagharap sa kaniya. Hindi ito nakatingin sa akin ngunit gayumpaman ay kita ko kung paano bumalatay ang lungkot sa mga mata niya.
May nagawa ba akong masama sa 'yo na hindi ko alam para malungkot ka nang ganiyan?
"Anong ibig mong sabihin?" pinanatili kong seryoso ang boses ko.
Napalunok ako nang humarap ito sa 'kin. "Hindi ba halata Salve? May gusto ako sa 'yo—gusto kita. Kaya sabi ko... kalimutan mo nalang ang mga sinabi ko sa'yo kanina.."
Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. Hindi ako makapaniwala. Lumingon ako sa paligid dahil baka sakaling makahanap ako ng maisasagot sa kaniya. Mabuti nalang at may kalayuan sa amin sina Kyler at hindi nila maririnig ang pinag-uusapan namin ni Joshua.
Ang sinabi niya...bakit...bakit ang gulo niya?! At bakit hindi ko alam ang mararamdaman ko?! Nalilito ako.
"Hindi kita maintindihan, Joshua.."
Huminga ito nang malalim at inis akong tinignan. "Nananadya ka ba?" medyo tumaas ang boses niya.
"A-Ano?"
Anong nananadya ba ang sinasabi niya?! Feeling ko anytime, mapa-praning na ako sa sinasabi niya.
"'Wag mo na akong pahirapan pa nang ganito..." marahas itong nagpakawala ng hininga.
Pinapahirapan? Bakit parang pakiramdam ko ay ang laki laki ng kasalanan ko sa kaniya? Nasasaktan ko ba siya nang...'di ko namamalayan?
"Matagal na kitang gusto, Salve.."
"Joshua..." wala akong ibang masabi kundi ang pangalan niya lang.
Ngunit bakit gano'n? Umaamin siya sa 'kin pero bakit hindi kagaya noong kay Kyler ang naging reaksyon ko? Bakit hindi bumibilis ang t***k ng puso ko habang nagtatapat siya?
"Pero kalimutan mo nalang..." walang buhay niya akong nginitian.
"Ang gulo mo. May gusto ka sa 'kin tapos sasabihin mong kalimutan ko nalang?"
Sa tingin niya ba basta basta ko nalang makakalimutan ang mga sinabi niya? Partida—ano 'to? Password sa w*****d account na madaling makalimutan?
"Eh ano pa namang kaso no'n sa 'yo 'di ba?"
Napatigil ako.
"Ano pa namang halaga kung aalalahanin mo pa kung 'di mo naman magagawang suklian 'di ba?" ramdam na ramdam ko sa boses niya ang hinanakit. Bigla'y nawalan ako ng lakas na salubungin ang mga mata niya.
"Iba ang gusto mo eh, ano pa bang magagawa ko?"