Episode 19

3383 Words
Bago pa ako makapagsalita ay biglang pumasok si Leean. Pinapalabas na kami. Para naman akong nakahinga nang maluwag do'n. Laking pasasalamat ko't nag-iwas na ng paningin sa akin si Joshua. Para akong nag-lo-loading sa harapan niya't wala akong makalap na salitang isasagot sa mga sinasabi niya. May gusto siya sa 'kin. Matagal na. Sa totoo lang ay hindi ako nasasayahan sa nalaman ko. May kung ano sa sarili ko na hindi sang-ayon sa mga sinasabi niya sa 'kin kanina. Kung ang iba ay natutuwang dadalawa o marami ang nagkakagusto sa kanila—ako hindi. Nababagabag ako. Parang hindi ako mapakali na ewan. Basta, hindi ako komportable sa aking mga nalaman. Wala sa sarili akong sumunod sa kanila palabas ng backstage. Dapat na isantabi ko na muna ang isipin na 'yun dahil baka makaapekto sa performance namin. Kahit na gusto kong umiwas kay Joshua ay malabo 'yong mangyari dahil kasali kami sa iisang banda. Dumikit ako kay Kyler nang akmang magkakatabi kami ni Joshua sa paglalakad. Narinig ko ang mahina nitong tawa pero nasa harapan ang paningin ko. "Problema mo?" natatawang tanong nito. "Wala," Nanlaki ang mga mata ko nang pagsiklupin niya ang mga daliri namin. 'Di ko namalayang nahawakan niya na pala ang kamay ko. Agad akong napalingon sa paligid dahil baka may makakita—nakakahiya. "'Yung kamay ko Kyler, baka may makakita!" mahina kong sigaw. "So?" hindi ito lumilingon sa gawi ko. Naramdaman ko ang paghigpit ng hawak niya sa kamay ko nang akma ko itong babawiin. Abnormal talaga. Mabuti nalang at medyo nahuhuli kami at hindi makikita nila Joshua —pero ano naman? Ano naman kung makita niya? Hinayaan ko nalang ang kamay ko't hindi na nagpumiglas pa. Malakas sa 'kin si Kyler at malaki ang kamay niya kesa sa 'kin kaya malabong mabawi ko ito. "Babawi bawi pa magpapahawak lang din naman." dinig kong bulong nito. Nang makarating sa stage ay binitawan niya na ang kamay ko. Ito na naman ang kaartehan ko't nakaramdam ng panghihinayang. Nang ilibot ko ang paningin ay halos manlaki ang mga malalaki kong mata dahil sa dami ng tao. Iba iba ang uniforms ng mga estudyanteng nakikita ko. Sa paahan ng malaking stage na tinatapakan ko ay nando'n ang ilang members ng club namin. 'Yung iba naman ang nag-seset-up ng mga instrument sa stage. Natanaw ko ang mga school mates ko na nagkalat sa buong paligid. Tanging uniform lang palatandaan ko sa kanila. Nakakabingi rin ang ingay na pinangungunahan ng mga school mates ko. Bigla'y binaha ako ng kaba at agad na napayuko. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ayaw kong sumali sa banda ng school namin kahit maraming nagrerekomenda na sumali ako. Hindi kasi ako sanay sa maraming mga matang nakatingin sa 'kin. Wala pa akong lakas loob na humarap sa mga ganito. "Ayos ka lang?" naramdaman ko ang presensya ni Kyler sa harapan ko. Nag-angat lang ako ng tingin nang hawakan niya ang baba ko't itingala sa mukha niya. Nakaramdam ako ng matinding hiya dahil sa daming taong nakatingin at sumisigaw sa amin. "Salve, tinatanong kita.. " inip nitong tanong. Napalunok ako bago salubungin ang mga mata niya. "Maraming tao, Kyler. N-Nakakahiya." Madiin pa akong napalunok nang banayad itong ngumiti sa akin. God, wala na talaga. "Nandito lang ako, 'wag kang kabahan." nakangiti nitong sabi. Napakurap kurap ako. Bahagyang gumaan ang loob ko sa sinabi niya. Inalis na niya ang pagkakahawak niya sa baba ko nang umayos ako ng tayo. "Chin up, Kwago ko. Don't be nervous, I'm still here by your side even if the crowd doesn't want your voice. I will be your number one supporter." Tumango tango ako at huminga nang malalim. Nakakagaan ng loob ang mga sinasabi ni Kyler at... nakakatuwa. Parang nag-didiwang ang sistema ko dahil sa mga naririnig kong mga salita galing sa kaniya. Bahagya na siyang lumayo sa 'kin upang pumunta sa pwesto niya. Hindi niya pa rin inaalis ang mga paningin sa 'kin na parang tinitignan kung ayos lang ba ako. Ako nalang ang nag-iwas ng paningin dahil ramdam ko ang maraming matang nakatingin sa gawi namin. Sigurado akong 'di lilipas ang araw na 'to nang walang kumakalat na chismis tungkol sa 'kin—sa 'ming dalawa ni Kyler. Balita ko pa naman ay maraming nagkaka-crush sa lalaki kahit wala pa itong dalawang buwan dito. Hays, kailangan kong bumakod. Si Kio, ang drummer namin ay nagsimula nang mag-strum na siyang nagbigay ingay sa crowd. Halos mabingi ako sa sigawan nila lalo na 'yung mga kababaihan. Sinundan 'yun ng pagkablit ni Joshua at ni Kyler sa kani-kanilang mga hawak na gitara. Hindi ko maiwasang hindi humanga. Umayos na ako ng tayo at bahagyang humigpit ang pagkakahawak ko sa mikropono. Kahit naiilang akong ngumiti ay ngumiti pa din ako. 'Di kalayuan ay nakita ko ang mga kaibigan ko. Hindi sila sumisigaw pero nakangiti sila habang nakatingin sa 'kin. Sa magkabilang side nila ay nakita ko ang kasintahan ni Leean na si Jade na nakasuot ng varsity uniform. Isa kasi siya sa mga player namin ng Volleyball. Nameke ako ng ubo upang pakalmahin ang loob ko. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan sa mga ganito. Marahil ay hindi lang talaga ako sanay na maraming tao ang nakatingin sa 'kin. Parang biglang tumigil ang lahat sa paningin ko nang marinig ko ang boses ni Kyler. Laking gulat ko nang liningon ko ito ay nakatingin ito sa 'kin. Bigla'y nanakbo na naman ang puso ko patungo sa 'di malamang direksyon. "Oh kay gandang pagmasdan ang iyong mga mata, kumikinang-kinang, 'di ko maintindihan... Ang iyong mga tingin, labis lang mga ningning... Langit ay bumaba, bumababa pala ang tala..." Kahit maingay ang buong paligid ay wala akong marinig kundi ang boses lang ni Kyler. Ano bang nangyayari? Ang lakas lakas ng t***k ng puso ko sa ginagawa niya. Pakiramdam ko hindi niya kinakanta ang mga katagang 'yon—dahil parang sinasabi niya mismo sa mga mata ko. "Tumingin ka sa 'king mga mata at hindi mo na kailangan pang magtanong ng paulit-ulit... ikaw lang ang iniibig... At kung 'di kumbinsido'y magtiwala ka... hawakan ang puso't maniwala na... ikaw lang ang siyang inibig... ikaw lang ang iibigin..." Pilit ko mang iiwas ang mga paningin ko sa kaniya ay sa huli ay kusa rin itong bumabalik. Kailangan ba talaga na sa 'kin pa tumingin? Alam kong lahat ng tao ay may napapansin na kay Kyler dahil sa mga mata nitong tutok na tutok sa 'kin. Nang nag-iwas ito ng paningin sa 'kin ay doon lang parang naging normal sa paningin ko ang lahat. Naririnig ko na rin ang mga katyaw ng mga estudyanteng nanonood sa amin. Wala sa sariling napalingon ako sa gawi ni Joshua. Napapagitnaan namin siyang dalawa ni Kyler pero 'di ko manlang ito natapunan ng tingin kanina. Nang magtama ang mga mata namin ay para itong napaso na agad nag-iwas ng tingin sa 'kin. Napabuntong hininga nalang ako. Hindi ko maipagkakailang nagkaroon ng gap sa aming dalawa. Parang hindi na kami komportable sa isa't isa. Huminga ako ng malalim at pilit na winaksi ang mga isiping iyon. May performance ako. Dapat na mas mapagtuunan ko ito ng pansin sa ngayon. "Sa iyong paglalamabing...ako ay nahulog din 'di ko alam kung ano ang gagawin...'di ko alam kung saan titingin.." panimula ko. Dinig na dinig ko ang sigawan ng mga tao. Naririnig ko ang pagsigaw nila ng pangalan ko pero mas dinig na dinig ko ang pangalan nila Kyler at Joshua. Karamihan mga babae na animo'y kilig na kilig pa. Wala sa plano ko ang tumingin sa gawi ni Kyler ngunit nang maramdaman ko ang mga tingin niya ay kusa nalang pumihit ang ulo ko palingo sa kaniya... hanggang sa 'di ko na ito magawang alisin pa. "Halik sa labi...Tinginan natin—'di akalaing mahulog ka sa 'kin.." Sino nga bang mag-aakala na nagsimula lang kami sa ilang linggong tinginan? Akala ko ako lang ang mahuhulog sa aming dalawa ngunit laking gulat ko nang malamang nahulog rin pala ito sa 'king mga tingin. At ngayon palang sinasabi ko na... hindi na talaga ako makakaahon pa. Ang usapan namin ay ako na sa pangalawang chorus pero nagulat nalang ako nang sumabay siya. Hindi pa nakontento't naglakad pa nang mabagal patungo sa gawi ko. Patuloy lang kami sa pagkanta ng chorus ng kanta habang unti unti siyang nagiging malapit sa 'kin. Kita ko sa gilid ng mga mata ko ang pagyuko ni Joshua nang makalampas na sa gawi niya si Kyler. Ang sigawan ng mga estudyante ay mas lalong lumakas nang tuluyan nang makalapit si Kyler nang ilang metro sa 'kin. Gusto kong iiwas ang mga paningin ko sa kaniya pero hindi ko magawa. "...ikaw lang ang iibigin...sinta.." pagtapos namin sa pangalawang chorus. Pasimple ko itong pinanlakihan ng mga mata. "Ginagawa mo?" Inosente namang ngumiti ang lalaki. "Bakit?" "M-Maraming nanonood." "I know. Hinaharana lang naman kita—anong problema do'n?" tanong niya na nagpatigil sa 'kin. Hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataon na sumagot dahil natapos na ang instrumental. Bridge na. Sabay din naming kinanta ang part na 'yon. Hindi na bumalik pa sa pwesto niya ang lalaki kaya napilitang umusog si Joshua sa gilid upang mapagitna kaming dalawa. Tatlo ang naging number namin kaya umabot kami ng halos isang oras sa stage. At sa tatlong kantang 'yon ay sa 'kin lang nakatingin si Kyler. Kahit hindi love songs ang isa naming number ay nanatiling sa akin ang paningin niya. 'Di ko tuloy alam kung ano ang uunahin kong maramdaman—kung ang hiya ba o ang kilig. "Ang galing mo bruha!" nakangiting mukha ni Camille ang bumungad sa 'kin nang makababa ako sa stage. Nagkahiwalay kami ni Kyler dahil may pupuntahan daw muna ito saglit. "Salamat!" nakangiti kong sagot. Marami pang pumuri sa 'kin, maging ang mga 'di ko ka-school mate. Para naman akong nabuhayan at nadagdagan ng enerhiya. Chos. "How to be you ba bruha? Bakit ang ganda ng boses mo samantalang ako pasmado?" natawa ako sa tanong ni Leean. "Gandang mukha lang daw kasi sa 'yo—gandang boses naman ang sa 'kin." Natawa ito. "Ikaw may sabi niyan ah!" Sabay sabay kaming lumabas ng campus dahil sa kabilang school gaganapin ang unang laro. Nag-text naman sa 'kin si Kyler na sumama nalang daw ako sa mga kaibigan ko at magkita nalang kami do'n. Kasama daw niya ang SSC president at may inaasikaso lang daw sila saglit. "Joshua!" Kusa akong napatigil sa paglalakad nang tawagin ni Leean si Joshua 'di kalayuan sa amin. "Sabay kana sa 'min!" anyaya pa ng babae dito. Seryoso ang mukha ni Joshua nang lingunin niya kami o mas tamang sabihing ako. Nang lumingon ito ay saktong nagtagpo ang mga mata naming dalawa. Parang mga ewan naman kaming nag-unahan sa pag-iwas ng tingin. "Joshua, tara!" Pasimple ko itong tinignan at nakita ko ang pagpilit nito ng ngiti bago naglakad patungo sa gawi namin. Bahagya naman akong umusog sa gilid upang hindi kami magkadikit. Nakita ko ang paniningkit ng mga mata ni Camille habang nakatingin sa 'kin. Sa kaniya kasi ako dumikit. "Problema mo?" takang tanong nito. Nag-iwas ako ng tingin. "W-Wala." Tumaas ang isang kilay nito. "Wala daw tapos nauutal. Ulol ka." "Wala nga kasi! T-Tara na nga!" Bahagya akong nauna sa kanila pero agad din naman silang sumunod, kabilang na si Joshua. Pigil ko ang ulo na lumingon sa aking kaliwang bahagi dahil alam kong nagkapalit ng pwesto si Leean at Joshua. Mas lalo ko pang binilisan ang aking lakad pero bahagyang napapahinto dahil may mga bumabati sa 'kin. Kainis naman! Saktong nakarating ako sa gate ay nagpantay na ang lakad naming apat. "Problema mo nga? Bakit ang bilis bilis mong maglakad?" muling tanong ni Camille pero 'di ko ito nilingon at nagpatuloy lang sa paglalakad. Hindi ba siya makahalata na naiilang ako sa presensya ni Joshua? Kainis naman. Napahinto kami sa paglalakad nang biglang sumulpot sa harapan namin si Meisha. Kagaya ng ibang mga estudyante ay naka-uniform din ang babae. May liptint na nakalagay sa labi nito at nakalugay ang bahagyang kulot niyang buhok. Ang dalaga niyang tingnan kahit first year palang. "Hi, Ate Salve! Grabe ang galing mong kumanta—idol na talaga kita!" maligalig nitong ani. Kapagkuwana'y bigla nalang itong sumimangot. "Pero naiinis ako sa 'yo!" Nangunot ang noo ko. "Huh? Bakit naman?" "Eh kasi—bakit kailangan pa kayong magtitigan ni Kuya Kyler?! Crush ko kaya 'yun!" Nabigla naman ako. "Iniisip ko tuloy kung pumasa ba ako sa audition ng vocalist at ako ang nasa posisyon mo, tititigan niya rin kaya ako?" Mahina akong natawa. Maging ang mga kaibigan ko sa gilid ko ay natatawa rin. Tawa nalang ang naging tugon ko dahil 'di ko alam ang isasagot ko sa kaniya. Hindi ko naman kasi alam na may crush pala siya dito at nakita niya ang titigan namin ni Kyler kanina. "Kayo na ba Ate Salve?" biglang tanong niya. Bigla akong nag-iwas ng tingin. Hindi ko alam kung sasagutin ko ba ang tanong niya o hindi. Lahat naman kasi bago sa 'kin—hindi pa ako sanay. "Oo, Meisha! Sila na nga kaya move on ka nalang!" si Camille ang sumagot. Mas lalong sumimangot ang mukha ng babae. "Amp! So wala na talaga akong chance?" "Wala na." Nakita ko ang pag-irap ng babae. "Tsh, edi wala kung wala! Bwisit naman. Marami pa namang mga gwapo d'yan eh—mas gwapo pa sa Kyler mo!" sa akin ito nakatingin. Pinanlakihan ko ito ng mga mata. "Sa akin talaga?!" "Alangan namang akin 'di ba edi naglupasay ka!" "Gagi ka Meisha!" mahina kong singhal dito. "I know right!" Narinig ko ang pagtikhim ni Joshua sa gilid ko pero 'di ko ito nilingon. Nabaling sa kaniya ang paningin ni Meisha. "Oh, nand'yan ka pala kuya!" mahina itong natawa. "Akala ko kasi nagluluksa kana sa patay mong puso!" Dahil 'di maka-relate ay 'di ko nalang pinansin ang sinabi ni Meisha. "Meisha..." may pagbabanta sa mga boses ni Joshua nang banggitin niya ang pangalan ng pinsan. "Ang kupad mo Kuya!" singhal nito. Dahil wala namang importanteng sinasabi pa ang babae ay nagsimula na akong maglakad ulit. Baka kasi mauna na sa 'kin si Kyler doon sa kabilang school. "Tara na, baka nagsisimula na." volleyball kasi ang unang laro at ang school namin ang unang sasabak kalaban ang isa pang school. "Nag-text si Jade. Magsisimula na daw." dinig kong sabi ni Leean. "Nauna na pala 'yun? 'Di ka manlang hinintay." puna ni Camille. "Baka varsity 'yun bruha! Malamang mauuna talaga!" "Kailangan talagang sumigaw?!" "Tara na," si Joshua na ang nag-aya. "Ayy teka lang!" pigil ni Meisha nang akma na kaming lalakad. "Meisha—isa. 'Wag kang makulit, baka nagsisimula na ang laro." inis na wika ng lalaki sa pinsan. Napabuntong hininga nalang ako. Kunti nalang ang natitirang estudyante sa buong campus dahil karamihan ay lumipat na sa kabila. "Teka lang naman. Kaya nga pala ako nandito para sabihing pinapatawag kayo ng SSC president. Sabi niya pa may task daw kayo na kailangang gawin. Nando'n siya sa office ngayon." Dinig ko ang mahihinang mura ng dalawa. "Eh bakit ngayon mo lang sinabi?" inis na tanong ni Leean. Nag-iwas ng tingin si Meisha at nagtama ang mga mata namin. "Si Ate Salve kasi ang una kong nakita eh at naintriga ako sa kung anong mero'n sa kanila ni Kuya Kyler!" "Neknek mo! Tara na nga Camille!" nauna nang maglakad palayo si Leean. "Una na muna kami ah? Kita kita nalang tayo do'n!" bilin pa ni Camille bago sumunod kay Leean. "Sige." tinanaw ko pa ang dalawa papalayo. Palihim kong nakurot ang sarili nang mapansing kaming dalawa nalang ni Joshua ang naiwang nakatayo. Bigla nalang nawala si Meisha sa kinatatayuan niya kanina at nakita ko nalang ang babae na naglalakad papalayo kasama ang mga kaibigan niya. Wala sa sariling napalingon ako sa gawi ni Joshua na sakto namang nakatingin din sa 'kin. Agad naman akong nag-iwas ng tingin. "Pwede ka namang mauna kung 'di ka komportable na kasama ako." wika niya. Liningon ko ito. "Ayos lang ba sa 'yo?" Nag-iwas ito ng tingin at itinuon sa harap. Napakaseryoso ng mukha niya. "Lahat ng sasabihin at gagawin mo Salve, magiging ayos lang sa 'kin." Madiin akong napalunok habang nakatingin sa kaniya. Bakit ba siya ganito? "Mauna kana, sa likod mo lang ako." tumango nalang ako kahit 'di siya nakatingin sa 'kin. Nauna na akong maglakad sa kaniya bitbit ang bag ko na inabot ni Camille sa 'kin kanina. Tinupad niya nga ang sinabi niyang sa likod ko lang siya. Kahit papa'no ay nakahinga ako nang maluwag. Hindi kasi ako komportable sa presensya niya sa totoo lang. Pakiramdam ko maraming nagbago sa pagitan namin—parang ang layo na namin sa isa't isa. Hindi naman malayo ang school kung saan gaganapin ang unang laro kaya madali lang akong nakarating. Liningon ko si Joshua na nakasunod lang 'di kalayuan sa 'kin. Kalmado lang itong naglalakad habang nakapasok sa mga bulsa niya ang dalawang kamay niya. Nakatingin ito sa 'kin kaya mabilis kong binalik ang paningin ko sa unahan. "Ang tagal mo," Kasabay ng pagkadinig ko ng boses niya ang pagsagi ng pamilyar na pabango niya sa ilong ko. Mabilis kong itinuon ang paningin ko sa kaniya. "Kyler," Nakapamulsa itong nakatingin sa 'kin. Halatang kanina pa ito naghihintay dito sa gate dahil sa mga butil ng pawis na nakikita ko sa noo niya. "Nagugutom ka ba?" tanong nito. "Hindi naman pero parang gusto kong kumain." "Ice cream?" Nakangiti akong tumango. "Mm, 'yung ube." Hindi na ako nabigla nang hawakan nito ang kamay ko at masuyong hinila papasok sa campus. Bahagya kong nilingon si Joshua sa likuran ko. Nakatayo ito 'di kalayuan sa gawi namin habang seryosong nakatingin sa amin. Mabilis kong iniwas ang paningin ko at tinuon 'yun sa harap. Ang mga estudyanteng nadadaanan namin ay napapatingin sa aming dalawa—lalo na sa magkahawak naming kamay ni Kyler. Bahagya akong napayuko. Narinig ko ang mahina niyang tawa. "First time.." Bahagya akong tumingala sa kaniya. "First time?" "Yeah, everything I've done with you was a first time... for me.." Napalunok ako bago nag-iwas ng tingin. Heto't ang puso ko'y nagsisimula na namang manakbo sa 'di malamang direksyon. "Ako rin...lahat first time." naisantinig ko. Hindi naman masyadong malaki ang school pero hindi namin kabisado ang mga pasikot sikot kaya nagtanong tanong pa muna kami sa mga estudyanteng nakakasalubong namin bago tuluyang marating ang cafeteria nila. "Ako na ang bibili," tumango nalang ako sa sinabi ni Kyler at tinanaw itong maglakad papunta sa counter. Umupo ako sa isa sa mga bakanteng upuan doon. Malaya kong napapagmasdan ang kapaligiran dahil walang gaanong tao, marahil ay nanonood na ng unang laro ang karamihan. Napatingin ako sa b****a ng cafeteria nang pumasok ang mga babaeng cheer dancers. Lima silang lahat na kapwa pare-parehong naka ponytail ang buhok. Gayumpaman, isang babae lang ang nakaagaw ng atensyon ko. Ang nauunang babae marahil ang leader nila dahil ito lang ang nakikita kong kakaiba ng suot sa kanila. May varsity jacket itong kulay maroon na 'di pamilyar sa 'kin kung saang school ito nabibilang. Halata sa mga kilos nila na may sinasabi sila sa buhay—patunay na do'n ang mga nagkikinangan nilang mga hita dahil sa suot nilang maiksing skirt. Maiingay ang mga ito kaya agad na napansin ng iba pang mga kumakain. "Omg—Kyler Jin is that you?!" Mabilis pa sa hangin ang ginawa kong paglingon sa gawi ni Kyler nang lumapit ang leader ng mga cheer dancers sa kaniya. Magkakilala ba sila? Titig na titig ako sa kilos ng babae at sa reaksyon ni Kyler. Bagaman ay hindi naman kakikitaan ng interes ang mukha niya nang lumingon ito sa gawi ng babae. "Sinasabi ko na nga bang makikita kita dito eh! How are you?" "I'm fine, Keana." may halong inis nitong sabi. "Is that so? I'm happy to know that you're doing fine, Jin." "Okay." malamig na tugon naman ng lalaki. Bahagya naman akong nakaramdam ng tuwa nang makita sa mukha niya na wala talaga siyang interes sa babae. Loyal ang lolo niyo. Nang humarap ito sa gawi ko ay nagtama ang mga mata namin. Magaan ko itong nginitian na sinuklian naman niya ng isang pilit na ngiti. Akma na sana siyang lalakad palapit sa 'kin nang magsalita ang babae sa likod niya. "Hindi ko alam na hindi ka pala marunong makuntento sa isa, Kyler Jin. Are you fooling around?" Sukat ay nawala ang mga ngiti sa labi ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD