PIGIL-PIGIL ni Iarah ang mapahalakhak habang nakatingin siya kay Vann Allen. “Sigurado kang gusto mong sumama sa OB?” tanong niya. “Of course!” Tuluyan nang humulagpos ang halakhak niya. Sapu-sapo niya ang malaking tiyan niya habang humahalakhak. Ngingiti-ngiti lang ito sa kanya. Humalukipkip ito at tila hinihintay ang pagtigil niya sa pagtawa. Napatingin siya sa ayos nito. Lalo siyang natawa. Hindi yata mapapatid ang pagtawa siya sa araw na iyon. “Loka, tumigil ka na sa kakatawa. Kanina ka pa. Baka mapaanak ka nang wala sa oras niyan. Napaka-extreme mong babae ka. Dati, iyak ka nang iyak. Ngayon naman, tawa ka nang tawa.” Hindi siya makasagot dahil iniihit pa rin siya ng tawa. Maluha-luha na siya at halos hirap na siya sa paghinga. “Stop, Iya,” utos nito habang tinatakpan ang bibig

