HINDI alam ni Iarah kung paano pakikiharapan ang mga magulang niya. Kadarating lang ng mga ito nang umagang iyon kasama ang Ate Janis niya. Blangko ang mukha ng mga ito. “`Nay, `Tay, sorry po,” aniya sa gumagaralgal na tinig. Alam niyang hindi iyon sapat, ngunit iyon lamang ang kaya niyang sabihin. Habang-buhay niyang dadalhin sa konsiyensiya niya na binigo niya nang husto ang mga magulang niya. Sinira niya ang pangarap ng mga ito para sa kanya. Bumigay ang kanyang ina. Niyakap siya nito nang mahigpit. Napaiyak na sila pareho. “Bakit mo ito nagawa sa `min, Iya? Ano ang nangyari sa `yo?” anito sa pagitan ng pag-iyak. “Nanay...” “Saan kami nagkulang? Paano ka na ngayon? Ang bata-bata mo pa para maging isang ina. Ang laki kaagad ng responsibilidad mo. Ano ba itong ginawa mo sa buhay mo,

