HINDI makatingin si Iarah sa mga magulang niya. Hiyang-hiya siya. Hawak ng mga ito ang card niya. Bumaba ang mga grades niya sa lahat ng mga subjects ngayong grading period. Hindi na siya ang nangunguna sa kanilang klase. Pangalawa na lang siya.
“Alam mong hindi ka namin binabawalang makipagnobyo,” mahinahong sabi ng kanyang ama sa kanya. “Pero sana naman, anak, `wag mong pabayaan ang pag-aaral mo.”
“Sorry po,” aniya sa mahinang tinig.
“Ayaw naming maging sobrang demanding, anak. Matataas pa rin ang mga grado mo, pero alam mo namang kailangan mong manguna sa klase,” anang nanay niya. “Huwag mo sanang isiping pinapahirapan ka namin, anak. Sadyang mataas ang expectations namin sa `yo. Sa susunod na taon, magkokolehiyo ka na. Kailangan mong manguna sa klase upang hindi ka mahirapang kumuha ng scholarship. Kung kaya lang sana namin, anak. Pasensiya ka na kung medyo nape-pressure ka.”
Naluluha na siya. Ang nanay pa niya ang humihingi ng pasensiya sa kanya. Pakiramdam niya ay ang sama-sama niyang anak.
“Nakakasira ba sa pag-aaral mo si Daniel?” tanong ng kanyang ama.
Nakagat niya ang kanyang ibabang labi. Aminado siyang nabawasan ang panahon niya sa pag-aaral dahil kay Daniel. Mahilig itong mamasyal at palagi siya nitong isinasama sa pamamasyal nito. Medyo tamad din itong mag-aral. Minsan ay siya pa ang gumagawa ng mga assignments nito.
“`Nay, `Tay, pag-iigihin ko po sa susunod na grading period. Makakabalik po ako sa top one. Huwag po kayong mag-alala.”
Bumuntong-hininga ang kanyang ama. “Anak, bata ka pa. Baka naman—”
“Kaya ko po,” aniya sa matatag na tinig. Ayaw niyang makipaghiwalay kay Daniel. Mahal na mahal niya ito. “Pangako po, number one na uli ako sa susunod. Hindi na po ako magpapabaya.”
Hinawakan ng nanay niya ang kamay niya. “Iya, malaki ang tiwala namin sa `yo. Huwag mo sana kaming bibiguin, anak. Hindi ka namin pagbabawalang makipagnobyo, pero sana ay huwag mo palaging paiiralin ang puso mo. Gamitin mo ang talino mo. Bata ka pa. Marami pang darating. Marami pang mangyayari sa `yo sa hinaharap.”
“Alam ko po ang mga priorities ko. Mag-aaral po akong mabuti. Magtatapos po ako ng pag-aaral. Magkakaroon tayo ng magandang buhay.”
Nginitian siya ng kanyang ama. “Bilang mga magulang, wala kaming ibang hangad kundi ang mapabuti kayo. Aasahan ko ang pangako mo, anak. Gawin mo para sa kinabukasan mo, kahit hindi na para sa `min.”
“Opo.”
“PUNTA tayo sa Pagudpud sa weekend.”
Pilit na sinupil ni Iarah ang inis na nadarama niya para sa kanyang nobyo. Pilit na inignora niya ang paghalik-halik nito sa kamay niya. Gumagawa siya ng assignment sa library. Kanina pa masama ang tingin sa kanila ng masungit na librarian.
“Come on, babe,” pamimilit nito.
“No,” aniya sa mariing tinig. “Hindi puwede. Kailangan kong mag-aral. Dan, alam mo namang kailangan kong bumawi. I need to be on the top again.”
“You are still great. Ang tataas pa rin ng mga grades mo. Let’s have fun at the beach, okay?”
Napabuntong-hininga siya. “Alam mo naman kung bakit kailangan kong mag-aral para makabawi, `di ba? Intindihin mo naman ako, Dan. Huwag mo na akong piliting mag-beach dahil ayoko.”
“You can’t always be on top, you know.”
“But I have to be always on top. Ayokong tumigil muna hanggang makatapos si Ate Janis. Mataas ang expectations ng pamilya ko sa `kin. Hindi mo ako maintindihan dahil ipinanganak kang may pilak na kutsara sa bibig.”
“All right. Hindi na kita pipilitin, huwag mo lang akong dramahan. Okay na. Mag-aral ka na lang.”
“Next time na lang, ha?”
“Ano pa nga ba?”
Ipinagpatuloy na niya ang kanyang ginagawa. Nanahimik na ito at nakontento na lang sa paghawak ng kanyang kamay.
Mula nang maging nobyo niya ito ay kinainggitan na siya ng lahat. Napakaraming nagsasabi na napaka-suwerte niya dahil siya ang minahal ni Daniel Runestone.
Malambing si Daniel. Mapagbigay pa rin ito ng kung anu-anong mga munting regalo sa kanya. Mabait din ito sa kapwa nito. Palakaibigan ito sa lahat. Napakaraming nagsasabing perpekto ito. Dalawang katangian lang nito ang inirereklamo niya: Tamad itong mag-aral at wala itong sense of responsibility.
Siguro, ganoon ang mga ipinanganak na mayaman. Tila wala itong alalahanin sa buhay. Hindi nito naranasan kung paano maghirap kaya hindi ito pursigido sa pag-aaral. Gayunman, kahit ganoon ito ay mahal pa rin niya ito. Ganoon naman ang nagmamahal. Minamahal ng isang tao ang kabuuan ng pagkatao ng mahal nito, kasama na roon ang mga kapintasan niyon.
Kailangan niyang makabawi sa susunod na grading period. Kailangan niyang maging valedictorian. Uutusan siya ng mga magulang niyang makipaghiwalay kay Daniel kung patuloy na bababa ang mga grades niya, at ayaw niyang mangyari iyon. Ayaw rin niyang kailanganin pa niyang suwayin ang mga magulang niya.
Hindi pa rin nagbabago ang kagustuhan niyang makapag-aral ng kolehiyo sa Maynila. Si Daniel ay sa La Salle daw mag-aaral. Ayaw niyang mapalayo sa kanyang nobyo. Kailangan niyang magpursigi para makabalik siya sa top one.
LIHIM na pinakikinggan ni Vann Allen ang usapan ng mga magulang niya. Nakaupo ang mga ito sa isang bangko sa labas ng bahay nila. Nasa tabi siya ng bintana at palihim na nakikinig. Nasa silid na ang mga kapatid niya at naghahanda sa pagtulog.
“Kakayanin ba natin, Wilson?” tanong ng kanyang ina sa kanyang ama.
“Pipilitin nating kayanin, Sol. Kailangan nating kayanin para sa mga bata.”
“Apat na sila sa kolehiyo. Nakasangla na ang lahat, Wilson.” Puno ng pag-aalala ang tinig ng kanyang ina.
“Hindi tayo pababayaan ng nasa Itaas, mahal,” sabi ng kanyang ama.
Hindi na niya ipinagpatuloy ang pakikinig sa mga ito. Nagtungo na siya sa kanyang silid. Dahil nag-iisa siyang lalaki, siya lamang ang may sariling silid. Maliit nga lang iyon kompara sa silid ng mga kapatid niya.
Kinuha niya ang kanyang gitarang nakasabit sa dingding. Hinimas niya ang katawan niyon bago tumugtog. Iyon na ang huling tugtog niya. Bukas ay ibebenta na niya ang gitara sa isang kakilala.
Pumasok ang kanyang Ate Jhoy sa kuwarto niya. Nginitian niya ito. Inilagay nito sa maliit na cabinet niya ang mga damit niyang nilabhan nito.
“Tumigil muna kaya ako, `Te?” sabi niya rito. “Si Frecy muna ang mag-aaral, tutal, nakaisang taon naman na ako. Patatapusin muna kita. Nasa huling taon ka naman na, `di ba?”
Tinabihan siya nito at masuyong ginulo ang buhok niya. “Alam mong hindi papayag ang tatay. Kung kinakailangan ay beinte-kuwatro oras siyang mamamasada para lang walang tumigil sa `tin.”
“Sandali lang naman ako titigil, eh. Pansamantala, tutulong muna ako sa pamamasada o sa paglalabada ni Nanay. Puwede rin akong magtrabaho. Matatanggap naman siguro ako. Ang pogi-pogi ko kaya.”
“Kaunting tiis na lang, Vann. Matatapos din ako. Makakaraos din tayo. May awa ang Diyos.”
“Mag-artista na lang kaya ako?” bigla niyang nasambit. Marami ang nagsasabing artistahin ang hitsura niya. Madali raw siyang makakapasok sa show business.
“May stage fright ka, kapatid.”
Oo nga pala.
Hindi niya kayang magtagal sa stage at humarap sa maraming tao. Noong kinder siya ay nanigas siya nang pakantahin siya sa harap ng mga kaklase niya. Ang sabi ng pamilya niya, may maganda siyang tinig. Hindi nga lang alam ng lahat iyon dahil nga may stage fright siya.
“Maging call boy na lang kaya ako? May magiging customer kaya ako?”
Binatukan siya nito. “Iyan ang huwag na huwag mong gagawin. Hindi bale nang magdildil tayo ng asin, huwag mo lang babahiran ng putik ang sarili mo.” May bahid na ng galit sa tinig nito.
“Joke lang, `eto naman,” aniya habang hinihimas ang kanyang nasaktang batok.
Pero ang totoo, gagawin niya ang lahat para sa pamilya niya. Kung wala na talagang paraan, kahit ang pagiging call boy ay papasukin niya. Ganoon niya kamahal ang pamilya niya.
“Halika doon sa kuwarto namin. Doon ka tumugtog at kumanta para gumaan ang pakiramdam nating lahat. Kalimutan muna natin ang mga alalahanin natin,” anito habang palabas na ng kanyang silid.
Sumunod siya rito. Nagkantahan silang magkaka-patid na tila wala silang mga problema.
Lilipas din ito, Vann. Magiging maginhawa rin ang pamilya mo. Darating ang araw, hindi na nila aalalahanin kung may panggastos pa sila bukas. Magiging maayos din ang lahat. Don’t lose hope.