“SAAN kayo nagpunta ni Paolo?” tanong ni Trisha nang tanggapin ni Jane ang tawag nito pagbalik niya sa opisina.
“Nag-lunch kami sa Amelia’s,” tugon niya. Dumiretso na sa airport si Paolo para bumalik sa Bicol pagkatapos nilang mag-lunch. Ayon kay Paolo ay ilang araw na lang itong manantili roon at kaagad ding babalik sa Maynila dahil papalitan na ito ng naka-recover nang tunay na overseer ng proyekto.
“Gaga, noong wedding ni Gabe noong isang araw ang tinutukoy ko. Bigla na lang kayong nawala pagkatapos ng wedding ceremony at pareho pang nakapatay ang mga cell phone n’yo.”
Napangiti si Jane nang maalala ang araw na nagpaalam siya sa kanyang virginity. “Namasyal kami,” parang kinikiliting pagsisinungaling niya.
“Namasyal? Ang dami namang araw para gawin ‘yon, ah. Bakit sa mismong araw pa ng kasal ni Gabe?”
“Na-miss kasi namin ni Paolo nang husto ang isa’t-isa, eh. Alam mo namang ang tagal naming hindi nagkita. Sinadya talaga namin na hindi na pumunta sa reception dahil alam naman namin uulanin lang kami ng tanong kung kailan ang wedding day namin.”
Natawa si Trisha. “Tama ka d’yan. Anyway, other than you and Paolo, I think alam ko na kung sino-sino ang susunod na ikakasal.”
Napakunot siya ng noo. “Sino?”
“‘Iyong nakasalo ng bouquet at garter sa reception. Hulaan mo kung sino.”
“Sino nga?”
“Ito naman, pag-isipan mo naman kung sino.”
Pinagbigyan ni Jane ang kaibigan. “Si Francine? Mukha namang in love na in love sila sa isa’t-isa ng boyfriend niya.”
“Wrong, pero malapit na.”
“Si Justin at Frances?” hindi siguradong paghuhula pa niya. Batid niya kung gaano kapursigidong maging ganap na doktor muna ang kapatid niya bago magkapamilya.
“Wrong.”
“Ang kapatid mong si Ethan?”
“Asa ka pa. Ni wala ngang girlfriend ‘yon, eh,” dismayadong sabi ni Trisha.
Napangiti si Jane nang maalalang pinag-iisipan ni Trisha na isang closet queen ang celebrity brother nito dahil sa hindi nito pagkakaroon ng girlfriend o nililigawan man lang. “Sino ba talaga? Wala na akong maisip, eh.”
“Wala ka talagang kuwentang pahulaan. Okay, sasabihin ko na nga. It was Anthony and Janine. Sila ang nakasalo ng garter at bouquet nina Gabe at Bel.”
“Sila?” nasorpresang bulalas ni Jane. Nawala sa isip niya na magkarelasyon na nga pala ang mga kapatid nila ni Paolo.
“Oo. Grabe, bagay na bahay sila. Tuwang-tuwa nga kaming lahat, eh. Paano ba ‘yan, Jane, mukhang mauunahan pa kayo ng mga kapatid n’yo ni Paolo na magpakasal?”
“Hindi totoo ‘yong pamahiin na ‘yon, ‘no,” kontra niya. “Bata pa ang kapatid ko at huwag mo ring kalimutan na pareho sila ni Anthony na gustong maging doktor. Siguro naman iniisip nilang magtapos muna ng pag-aaral bago mag-asawa.”
“Sabagay, pero sana naman kayo na talaga ni Paolo ang susunod na ikakasal.”
“No comment.”
Narinig ni Jane ang biglang pag-iyak ni Kent sa background nito.
“Jane, I need to go, nagising na si Kent. Gutom na siguro.”
“Okay, bye, Trish.”
“Bye!”
HINDI tumutol si Jane nang tulad ng mga nakaraang gabi ay dalhin siya ni Paolo sa condo unit nito pagkatapos nilang mag-dinner. Mahigit isang buwan na ang nakararaan nang magbalik sa Maynila ang nobyo niya at muling mag-opisina sa head office ng Builders. Pero bago iyon ay isinama muna siya nito sa construction site sa Bicol at nalaman niyang nagsasabi ito nang totoo na mahirap maghanap ng signal sa lugar.
They made love again that night. Tuluyan nang nawala ang inhibition ni Jane at naging tunay na modernang babae na talaga siya.
“Ano’ng iniisip mo?” untag niya rito habang nakaunan siya dibdib ni Paolo pagkatapos ng mainit na tagpo sa pagitan nila. Nakasandal ito sa headboard ng kama na tila may malalim na iniisip.
“It’s about time to set our wedding date, Jane.”
Humarap siya rito. “Paolo, konting panahon pa please…” awtomatikong tugon niya.
Bumakas ang disappointment sa mukha nito. “Again?”
“Paolo, please understand me. Konting -”
“Magbihis ka na, ihahatid na kita,” inis na putol nito sa sinasabi niya. Bumaba ng kama ang binata at nagdadabog na pumasok sa banyo.
Napabuntong-hininga si Jane. Batid niyang masama na naman ang loob ni Paolo sa kanya pero wala siyang magagawa sa bagay na iyon. Tumayo na siya at sumunod sa sinabi ng nobyo.
MULA sa loob ng kanyang kotse ay humahangang inililibot ni Jane ang tingin sa façade ng isang bahay. Iyon ang bahay na ipinapagawa ni Paolo para sa kanilang magiging pamilya. Wala siyang ideya na patapos na pala iyon. Tatlong palapag ang bahay na may makabagong disenyo at istruktura pero wala pa nga lang pintura. Malaki ang garahe at malawak ang bakuran na natatamnan na ng ilang maliliit na puno at mga halaman.
Nagpasya siyang bumaba na ng kotse at naglakad papasok sa nakabukas na malaking gate na gawa sa bakal.
“Good morning, Ma’am,” magalang na salubong ng isang matangkad at maskuladong lalaki kay Jane.
Kaagad niyang namukhaan ang lalaki. Ito si Mang Nato, ang foreman na ipinakilala sa kanya ni Paolo noong una siyang dalhin doon. Ayon pa sa nobyo niya ay matagal na nitong kakilala ang lalaki at subok na mapagkakatiwalaan.
“Good morning, Mang Nato,” nakangiting bati rin niya. “Puwede ko ho bang makita ang bahay?”
“Oho naman, Ma’am.”
Habang naglalakad sila ni Mang Nato sa pathway patungo sa front door, napahinto si Jane nang mapansin ang decorated fountain na nakadikit sa pader sa isang panig ng bakuran. Iyon ang ni-request niya kay Paolo. “Gumagana na ho ba ang fountain?”
“Oho, Ma’am. Ipapabuhay ko para makita n’yo. Ang fountain lang ho at ang gazebo sa likod ang wala sa plano, Ma’am,” pagbibigay-alam ng foreman.
Tumango-tango si Jane. “Sige ho, lilibutin ko na muna ang buong bahay,” aniya at muling humakbang patungo sa front door.
“Sasamahan ko na ho kayo.”
“Huwag na ho, maaabala ko pa kayo. Tatawagin ko na lang ho kayo kapag may kailangan ako,” magala ng na tanggi niya.
“Sige ho.”
Nakabukas ang front door nang pumasok doon si Jane. Kaagad bumungad sa kanya ang maluwang na espasyo na halata namang magiging sala. Semi furnished na ang loob ng bahay, mataas ang ceiling at malalaki ang bintana. Sa ilalim ng maluwang na hagdanan paakyat sa second floor ay may dalawang katamtamang laki na mga silid. Walang nabanggit si Paolo kung para saan ang dalawang silid na iyon. Pero gusto niyang gawing library ang isa o home office nila ni Paolo dahil pareho naman silang nag-uuwi ng trabaho. Wala pa siyang maisip kung para saan ang isang silid pero madali na iyon sa oras na makapag-usap sila ni Paolo. Salat din sa gamit ang mga silid at wala pang pintura.
Sunod ininspeksyon ni Jane ang dining area, kitchen at ang banyo. Napangiti siya sa laki ng space ng kusina. Tamang-tama iyon dahil ang kitchen ang bonding area nilang magkakaibigan. Hindi siya mahilig magluto pero kahit papaano ay marunong siya, hindi nga lang kasing galing at kasing sarap magluto ni Trisha. Na-visualized kaagad niya sa isip ang modernong kitchen na gusto niya.
Nang buksan niya ang faucet sa sink sa loob ng banyo ay natuklasan niyang gumagana na iyon at malakas ang tubig. Ganoon din ang toilet bowl at shower.
Bakanteng espasyo lang ang dining area at sa gilid noon ay may sliding door patungo sa back door kung saan naroon ang hardin, gazebo, swimming pool at maid’s quarter. Minabuti muna niyang hindi magtungo roon nang matanaw ang ilang kalalakihan na abalang-abala sa pagsasa-ayos ng area na iyon.
Ang second floor ang sunod niyang pinuntahan. Nakabukas ang mga bintana sa hallway kaya maliwanag ang buong paligid. Lima ang silid na naroon kasama na ang master bedroom. Gusto ni Paolo ng malaking pamilya kaya apat na kuwarto kaagad ang nakalaan para sa kanilang magiging mga anak. Bawat silid ay naka-vinyl tiles na, may sariling built-in closet at banyo pero ang master bedroom lang ang may verandah. Binuksan niya ang French door patungo sa verandah at bumungad sa kanya ang magandang view. Kita sa kinatatayuan niya ang mga bundok na hindi niya alam kung saang bahagi ng Rizal.
Tumingin si Jane sa ibaba at natanaw niya ang number eight-shape swimming pool na nasa gawing likod-bahay. Napangiti siya nang maalalang number eight ang jersey ng nobyo niya noong college basketball player pa ito noon sa UST. Tapos na rin ang swimming pool pero wala pang tubig.
Nang umakyat siya sa third floor ay natuklasan bukod sa maluwang na verandah ay open space lang iyon. Walang partisyon o kung ano pa man. Ang alam niya ay doon ang magiging mga guest room. Diyata’t nagbago ang plano ni Paolo at tila gusto nitong gawing recreational area na lang ang palapag na iyon.
Habang pababa ng hagdanan, hindi niya maiwasang magtanong sa sarili kung bakit hindi pa siya muling dinadala roon ni Paolo gayong matatapos na pala ang construction ng magiging bahay nila. Muli siyang napangiti nang maisip na marahil ay gusto siyang sorpresahin ng nobyo.
“Ma’am, kumusta ho?” tanong ng foreman na kaagad sumalubong kay Jane paglabas niya ng front door.
“Everything is okay,” tugon niya. “Hanggang kailan pa ho ang kontrata n’yo rito, Mang Nato?”
“Hanggang sa isang araw na lang ho. Pagkatapos ay si Mang Gustin na ho ang pansamantalang magiging caretaker nitong bahay. Tinawag ni Mang Nato ang isang payat at matangkad na lalaki na marahil ay nasa early fifties ang edad at ipinakilala kay Jane.
Nalaman ni Jane na tulad ni Mang Nato ay mismong si Paolo ang nag-hire sa lalaki.
Nakipag-usap pa siya sa foreman at kay Mang Gustin habang nililibot nila ang buong paligid ng bahay. Na-realized niya na malaki pala ang solar ng magiging bahay nila ni Paolo. Higit pa iyon sa kalahati ng mansiyon nila sa Dasmariñas Village.
Ilang sandali pa ay nagpaalam na si Jane. Bago sumakay sa kotse ay muli niyang nilingon ang bahay. Balak niyang kausapin ang nobyo niya na siya na ang magha-hire at magbabayad sa interior designer at bibili ng mga furnitures at appliances doon para maging share niya. Tutal, si Paolo naman ang bumili ng lote at nagpagawa ng bahay. Sigurado siyang papayag ito dahil hindi naman ito ma-pride at binibigyan talaga siya nito ng chance na mag-share sa mga date nila.
Konting panahon na lang, Paolo. Hindi magtatagal ay magkakasama na rin tayo sa bahay na ‘yan para bumuo ng sarili nating pamilya, nangingiting sabi niya sa sarili at tuluyang sumakay sa kanyang kotse at nag-drive.