Nang makaalis si Chloe ay pabagsak na umupo si James sa ibabaw ng katre niya. Pakiramdam niya magkakasakit siya dahil sa mga nangyayari sa kaniya ngayon. Nagsinungaling siya rito nang sinabi niya na nakipaghiwalay na siya kay Jessa. Ang totoo kasi niyan ay hindi niya pa nakakausap ang kasintahan niya. Hindi niya kasi alam kung ano ang sasabihin niya rito. "Hello, Honey!" Nagulat siya nang biglang sumulpot ang kasintahan niya. "K-kanina ka pa ba riyan?" kinakabahan niyang tanong. Nakita kaya siya nito habang kasama niya si Chloe? Umiling ito. "Kararating ko lang. Nagluto kasi ako ng ginataang manok na may kasamang papaya kaya naisip ko na hatiran ka. Kumain ka na ba?" Palihim niyang itinago ang cellphone na ibinigay sa kaniya ni Chloe. Mabuti na lang at hindi nito napansin iyon.

